Exodo
1 Ito ang mga anak ni Israel na dumating sa Ehipto kasama niya, bawat anak na lalaki ni Jacob kasama ang kani-kaniyang sambahayan:+ 2 sina Ruben, Simeon, Levi, at Juda;+ 3 Isacar, Zebulon, at Benjamin; 4 Dan at Neptali; at Gad at Aser.+ 5 Ang lahat ng nagmula kay Jacob* ay 70, pero si Jose ay nasa Ehipto na noon.+ 6 Nang maglaon ay namatay si Jose,+ pati na ang lahat ng kapatid niya at ang buong henerasyong iyon. 7 At ang mga Israelita ay naging palaanakin at dumami nang husto, at tuloy-tuloy ang napakabilis na pagdami nila at paglakas, kaya napuno nila ang lupain.+
8 Nang maglaon, nagkaroon sa Ehipto ng isang bagong hari na hindi nakakakilala kay Jose. 9 Kaya sinabi niya sa bayan niya: “Tingnan ninyo! Mas marami at mas malakas kaysa sa atin ang bayang Israel.+ 10 Kailangan nating kumilos. Kung hindi, lalo silang darami, at kapag nagkaroon ng digmaan, kakampi sila sa mga kaaway natin, lalaban sa atin, at aalis sa lupain.”
11 Kaya nag-atas sila ng mga pinuno sa puwersahang pagtatrabaho* para pahirapan ang mga ito,+ at itinayo ng mga ito para sa Paraon ang Pitom at Raamses,+ na mga imbakang lunsod. 12 Pero habang lalo nilang pinahihirapan ang mga ito, lalo pang dumarami at nangangalat ang mga ito, kaya natakot sila nang husto dahil sa mga Israelita.+ 13 Dahil dito, walang awang inalipin ng mga Ehipsiyo ang mga Israelita.+ 14 At patuloy nilang pinahirapan ang mga ito; pinagagawa nila ang mga ito ng luwad na argamasa* at mga laryo* at ng iba’t ibang mabibigat na trabaho sa bukid. Oo, pinagmalupitan nila ang mga ito at ipinagawa sa mga ito ang lahat ng trabaho ng isang alipin.+
15 Nang maglaon, kinausap ng hari ng Ehipto ang mga komadronang Hebreo na sina Sipra at Pua, 16 at sinabi niya: “Kapag tinulungan ninyong manganak+ ang mga babaeng Hebreo at nakita ninyong nakapuwesto na sila para manganak,* patayin ninyo ang sanggol kung ito ay lalaki; pero panatilihin ninyo itong buháy kung ito ay babae.” 17 Pero may takot sa tunay na Diyos ang mga komadrona, at hindi nila ginawa ang sinabi sa kanila ng hari ng Ehipto. Sa halip, pinanatili nilang buháy ang mga sanggol na lalaki.+ 18 Nang maglaon, ipinatawag ng hari ng Ehipto ang mga komadrona at sinabi: “Bakit ninyo pinanatiling buháy ang mga sanggol na lalaki?” 19 Sinabi ng mga komadrona sa Paraon: “Iba ang mga babaeng Hebreo sa mga babaeng Ehipsiyo. Malalakas sila at nakapanganak na bago pa dumating ang komadrona.”
20 Kaya pinagpala ng Diyos ang mga komadrona, at ang bayan ay patuloy pang dumami at lumakas nang husto. 21 At dahil natakot sa tunay na Diyos ang mga komadrona, nang maglaon ay binigyan niya sila ng sariling pamilya. 22 Nang bandang huli, iniutos ng Paraon sa buong bayan niya: “Itapon ninyo sa Ilog Nilo ang bawat sanggol na lalaking isisilang ng mga Hebreo, pero panatilihin ninyong buháy ang mga babae.”+