Ang Salita ni Jehova ay Buháy
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng mga Bilang
KASUNOD ng kanilang Pag-alis mula sa Ehipto, inorganisa ang mga Israelita upang maging isang bansa. Di-nagtagal pagkatapos nito, makapapasok na sana sila sa Lupang Pangako, pero hindi nagkagayon. Sa halip, kinailangan silang magpalabuy-laboy sa isang “malaki at kakila-kilabot na ilang” sa loob ng mga apat na dekada. (Deuteronomio 8:15) Bakit? Inilalahad sa atin ng makasaysayang salaysay sa aklat ng Bibliya na Mga Bilang ang nangyari. Dapat nitong ikintal sa atin ang pangangailangang sumunod sa Diyos na Jehova at igalang ang kaniyang mga kinatawan.
Ang aklat ng Mga Bilang ay isinulat ni Moises sa ilang at sa Kapatagan ng Moab, at ito ay sumasaklaw ng 38 taon at 9 na buwan—mula 1512 B.C.E. hanggang 1473 B.C.E. (Bilang 1:1; Deuteronomio 1:3) Kinuha ang pangalan nito mula sa dalawang sensus o pagbilang sa mga Israelita, na isinagawa mga 38 taon ang pagitan. (Kabanata 1-4, 26) Ang salaysay ay nahahati sa tatlong seksiyon. Inilalahad ng unang bahagi ang mga pangyayaring naganap sa Bundok Sinai. Ang ikalawa naman ay sumasaklaw sa naganap noong magpalabuy-laboy sa ilang ang Israel. At tinatalakay ng huling seksiyon ang mga pangyayari sa Kapatagan ng Moab. Habang binabasa mo ang ulat na ito, marahil ay nais mong itanong sa iyong sarili: ‘Ano ang itinuturo ng mga pangyayaring ito sa akin? May mga simulain ba sa aklat na ito na mapapakinabangan ko sa ngayon?’
SA BUNDOK SINAI
Ang unang dalawang sensus o pagbilang ay naganap noong nasa paanan pa ng Bundok Sinai ang mga Israelita. Ang mga lalaking may edad na 20 taóng gulang pataas, maliban sa mga Levita, ay may kabuuang bilang na 603,550. Maliwanag na ginawa ang sensus na ito para sa mga layuning pang-militar. Ang buong kampo, kasama na ang mga babae, bata, at mga Levita, ay maaaring umabot noon sa mahigit tatlong milyon katao.
Pagkatapos ng sensus na ito, tumanggap ang mga Israelita ng mga tagubilin hinggil sa kaayusan ng pagmamartsa, mga detalye may kaugnayan sa mga tungkulin ng mga Levita at sa paglilingkod sa tabernakulo, mga utos tungkol sa pagkukuwarentenas, at mga kautusang may kinalaman sa paninibugho at mga panata ng mga Nazareo. Ang kabanata 7 ay naglalaman ng impormasyon hinggil sa paghahandog ng mga pinuno ng mga tribo may kaugnayan sa pagpapasinaya ng altar, at tinatalakay naman ng kabanata 9 ang pangingilin ng Paskuwa. Ang kapulungan ay binigyan din ng mga tagubilin hinggil sa pag-aayos at paglilipat ng kampamento.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
2:1, 2—Ano ang “mga tanda” kung saan nakapalibot at nagkakampo ang tatlong-tribong pangkat sa ilang? Walang ibinibigay na paglalarawan ang Bibliya hinggil sa kung ano ang mga tanda na ito. Gayunman, ang mga ito ay hindi itinuring na sagradong mga sagisag o binigyan ng relihiyosong kahulugan. Ang mga tanda ay ginamit para sa isang praktikal na layunin—upang tulungan ang isang tao na masumpungan ang kaniyang tamang dako sa kampo.
5:27—Ano ang ibig sabihin ng ‘pagkahulog ng hita’ ng asawang babae na nagkasala ng pangangalunya? Ang terminong “hita” ay ginamit dito upang tumukoy sa mga sangkap sa pag-aanak. (Genesis 46:26) Ang ‘pagkahulog’ nito ay nagpapahiwatig ng pagkapinsala sa mga sangkap na ito, anupat magiging imposible ang pagdadalang-tao.
Mga Aral Para sa Atin:
6:1-7. Ang mga Nazareo ay dapat umiwas sa produkto ng punong ubas at sa lahat ng nakalalangong mga inumin, anupat humihiling ng pagkakait sa sarili. Dapat nilang pahabain ang kanilang buhok—isang palatandaan ng pagpapasakop kay Jehova, kung paanong ang mga babae ay nagpapasakop sa kanilang mga asawa o ama. Dapat manatiling malinis ang mga Nazareo sa pamamagitan ng pag-iwas sa anumang bangkay, maging yaong sa isang malapít na kamag-anak. Ang buong-panahong mga lingkod sa ngayon ay nagpapakita ng espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili pagdating sa pagkakait sa sarili at pagpapasakop kay Jehova at sa kaniyang kaayusan. Maaaring nasasangkot sa ilang atas ang pagpunta sa isang malayong lupain, kung saan maaari pa ngang mahirap o imposibleng umuwi kapag namatay ang isang malapít na miyembro ng pamilya.
8:25, 26. Upang matiyak na ang mga gaganap sa mga tungkulin ng mga Levita ay may-kakayahang mga lalaki, at bilang konsiderasyon sa kanilang edad, inutusan ang matatanda nang lalaki na magretiro sa kanilang sapilitang paglilingkod. Gayunman, maaari silang magboluntaryong tumulong sa ibang mga Levita. Bagaman walang pagreretiro sa pagiging isang tagapaghayag ng Kaharian sa ngayon, ang simulain ng kautusang ito ay nagtuturo ng mahalagang aral. Kung dahil sa katandaan ay hindi na kayang tuparin ng isang Kristiyano ang ilang obligasyon, maaari siyang makibahagi sa isang uri ng paglilingkod na kaya niyang gawin.
SA PAGPAPALABUY-LABOY SA ILANG
Nang sa wakas ay umangat ang ulap mula sa ibabaw ng tabernakulo, sinimulan ng mga Israelita ang isang martsa na magdadala sa kanila sa mga disyertong kapatagan ng Moab sa loob ng 38 taon at isa o dalawang buwan. Masusumpungan mong kapaki-pakinabang na sundan ang kanilang ruta sa mapa sa pahina 9 ng brosyur na ‘Tingnan Mo ang Mabuting Lupain,’ na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
Patungo sa Kades, sa Ilang ng Paran, mayroong di-kukulangin sa tatlong ulat ng pagrereklamo. Ang una ay nasugpo nang magpadala si Jehova ng apoy upang tupukin ang ilang tao. Pagkatapos, dumaing ang mga Israelita para sa karne, at tinustusan naman sila ni Jehova ng pugo. Dahil sa pagrereklamo nina Miriam at Aaron laban kay Moises, pansamantalang kinapitan si Miriam ng ketong.
Habang nagkakampo sa Kades, nagpadala si Moises ng 12 lalaki upang tiktikan ang Lupang Pangako. Bumalik sila pagkalipas ng 40 araw. Palibhasa’y pinaniwalaan ang masamang ulat ng sampu sa mga tiktik, gustong batuhin ng bayan sina Moises, Aaron, at ang tapat na mga tiktik na sina Josue at Caleb. Iminungkahi ni Jehova na pasapitan ng salot ang bayan, ngunit namagitan si Moises, at ipinahayag ng Diyos na sila’y magiging mga palaboy sa ilang sa loob ng 40 taon—hanggang sa mamatay ang mga kabilang sa sensus.
Nagbigay si Jehova ng karagdagang mga tuntunin. Naghimagsik si Kora at ang iba pa laban kina Moises at Aaron, ngunit nilipol ang mga rebelde sa pamamagitan ng apoy o nilamon sila ng lupa. Kinabukasan, nagbulung-bulungan ang buong kapulungan laban kina Moises at Aaron. Bunga nito, 14,700 ang namatay sa isang salot mula kay Jehova. Upang ipakilala kung sino ang pinili niyang mataas na saserdote, pinausbong ng Diyos ang tungkod ni Aaron. Pagkatapos ay nagbigay pa si Jehova ng mga kautusan may kaugnayan sa mga obligasyon ng mga Levita at sa paglilinis ng bayan. Ang paggamit sa mga abo ng pulang baka ay sumasagisag sa paglilinis sa pamamagitan ng hain ni Jesus.—Hebreo 9:13, 14.
Ang mga anak ni Israel ay bumalik sa Kades, kung saan namatay si Miriam. Muling nagreklamo ang kapulungan laban kina Moises at Aaron. Ang kanilang dahilan? Kawalan ng tubig. Dahil nabigo sina Moises at Aaron na pabanalin ang pangalan ni Jehova nang makahimala silang maglaan ng tubig, naiwala nila ang pribilehiyong makapasok sa Lupang Pangako. Nilisan ng Israel ang Kades, at namatay si Aaron sa Bundok Hor. Habang naglalakbay sa palibot ng Edom, nanghimagod ang mga Israelita at nagsalita laban sa Diyos at kay Moises. Nagpadala si Jehova ng makamandag na mga serpiyente upang parusahan sila. Muling namagitan si Moises, at tinagubilinan siya ng Diyos na gumawa ng tansong serpiyente at ilagay ito sa isang tulos upang yaong mga nakagat ay gumaling sa pamamagitan ng pagtingin dito. Lumalarawan ang serpiyente sa pagbabayubay kay Jesu-Kristo para sa ating walang-hanggang kapakinabangan. (Juan 3:14, 15) Tinalo ng Israel ang mga haring Amorita na sina Sihon at Og at inari ang kanilang mga lupain.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
12:1—Bakit nagreklamo sina Miriam at Aaron laban kay Moises? Lumilitaw na ang tunay na dahilan ng kanilang pagrereklamo ay ang paghahangad ni Miriam ng higit na kapangyarihan. Nang muling makasama ni Moises sa ilang ang kaniyang asawang si Zipora, maaaring natakot si Miriam na hindi na siya ituturing na pinakaimportanteng babae sa kampo.—Exodo 18:1-5.
12:9-11—Bakit si Miriam lamang ang kinapitan ng ketong? Malamang na siya ang nagpasimuno ng pagrereklamo at nanghikayat kay Aaron na sumama sa kaniya. Nagpakita si Aaron ng tamang saloobin sa pamamagitan ng pagtatapat ng kaniyang pagkakamali.
21:14, 15—Ano ang aklat na binanggit dito? Tumutukoy ang Kasulatan ng iba’t ibang aklat na ginagamit ng mga manunulat ng Bibliya bilang reperensiya. (Josue 10:12, 13; 1 Hari 11:41; 14:19, 29) Ang “aklat ng Mga Digmaan ni Jehova” ay isa sa gayong akda. Naglalaman ito ng makasaysayang ulat ng mga digmaan ng bayan ni Jehova.
Mga Aral Para sa Atin:
11:27-29. Si Moises ay naglalaan ng isang mahusay na halimbawa kung paano tayo dapat tumugon kapag tumanggap ang iba ng mga pribilehiyo sa paglilingkod kay Jehova. Sa halip na may-paninibughong maghangad ng kaluwalhatian para sa kaniyang sarili, natuwa si Moises nang magsimulang gumanap bilang mga propeta sina Eldad at Medad.
12:2, 9, 10; 16:1-3, 12-14, 31-35, 41, 46-50. Inaasahan ni Jehova ang kaniyang mga mananamba na magpakita ng paggalang sa bigay-Diyos na awtoridad.
14:24. Ang isang susi upang mapaglabanan ang mga panggigipit ng sanlibutan na gumawa ng masama ay linangin ang isang ‘naiibang espiritu,’ o pangkaisipang saloobin. Ito ay isang saloobin na hindi dapat katulad niyaong sa sanlibutan.
15:37-41. Ang kakaibang palawit sa pananamit ng mga Israelita ay nilayon upang paalalahanan sila na sila’y isang bayang ibinukod upang sambahin ang Diyos at sundin ang kaniyang mga utos. Hindi ba dapat din tayong mamuhay ayon sa mga pamantayan ng Diyos at lubhang naiiba sa sanlibutan?
SA KAPATAGAN NG MOAB
Habang nagkakampo ang mga anak ni Israel sa mga disyertong kapatagan ng Moab, ang mga Moabita ay nakadama ng nakapanlulumong takot sa mga Israelita. Kaya inupahan ni Haring Balak ng Moab si Balaam upang sumpain ang mga Israelita. Subalit pinilit ni Jehova si Balaam na pagpalain ang Israel. Pagkatapos ay ginamit ang mga babaing Moabita at Midianita upang tuksuhin ang mga lalaking Israelita na gumawa ng imoralidad at idolatriya. Bilang resulta, nilipol ni Jehova ang 24,000 manggagawa ng kamalian. Sa wakas ay natapos ang salot nang ipakita ni Pinehas na hindi niya pahihintulutang magkaroon ng kaagaw si Jehova.
Isiniwalat ng ikalawang sensus na wala nang nabubuhay pa sa mga naging kabilang sa unang sensus, maliban kina Josue at Caleb. Inatasan si Josue na maging kahalili ni Moises. Tumanggap ang mga Israelita ng mga tagubilin hinggil sa iba’t ibang handog at mga instruksiyon sa paggawa ng mga panata. Naghiganti rin ang bayan ng Israel laban sa mga Midianita. Nanirahan sa silangang bahagi ng Ilog Jordan ang tribo nina Ruben, Gad, at ang kalahating tribo ni Manases. Binigyan ang Israel ng mga tagubilin hinggil sa pagtawid sa Jordan at sa pagmamay-ari ng lupain. Itinakda ang detalyadong mga hangganan ng lupain. Ang pagbabaha-bahagi ng mana ay pinagpapasiyahan sa pamamagitan ng palabunutan. Itinalaga sa mga Levita ang 48 lunsod, at 6 sa mga ito ay nagsilbing mga kanlungang lunsod.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
22:20-22—Bakit lumagablab ang galit ni Jehova laban kay Balaam? Sinabi ni Jehova sa propetang si Balaam na hindi niya dapat sumpain ang mga Israelita. (Bilang 22:12) Gayunman, humayo ang propeta kasama ang mga tauhan ni Balak taglay ang intensiyon na sumpain ang Israel. Nais paluguran ni Balaam ang haring Moabita at tumanggap ng gantimpala mula rito. (2 Pedro 2:15, 16; Judas 11) Kahit noong mapilitan si Balaam na pagpalain ang Israel sa halip na sumpain ito, hinangad niya ang lingap ng hari sa pamamagitan ng pagmumungkahi na gamitin ang mga babaing mananamba ni Baal upang hikayatin ang mga lalaking Israelita. (Bilang 31:15, 16) Kaya ang dahilan ng galit ng Diyos laban kay Balaam ay ang walang-prinsipyong kasakiman ng propeta.
30:6-8—Maaari bang ipawalang-bisa ng lalaking Kristiyano ang mga panata ng kaniyang asawa? May kinalaman sa mga panata, nakikitungo na ngayon si Jehova sa kaniyang mga mananamba sa indibiduwal na paraan. Halimbawa, ang pag-aalay kay Jehova ay isang personal na panata. (Galacia 6:5) Walang awtoridad ang isang asawang lalaki na ipawalang-bisa o kanselahin ang gayong panata. Gayunman, ang isang asawang babae ay hindi dapat gumawa ng isang panata na sumasalungat sa Salita ng Diyos o sa kaniyang mga tungkulin sa kaniyang asawa.
Mga Aral Para sa Atin:
25:11. Kay-inam na halimbawa ng kasigasigan para sa pagsamba kay Jehova ang ipinakita sa atin ni Pinehas! Hindi ba’t ang paghahangad na mapanatiling malinis ang kongregasyon ang dapat magpakilos sa atin na iulat sa Kristiyanong matatanda ang anumang nalalaman nating insidente ng malubhang imoralidad?
35:9-29. Ang katotohanan na dapat umalis sa kaniyang tahanan at tumakas tungo sa isang kanlungang lunsod sa loob ng isang yugto ng panahon ang isang taong nakapatay nang di-sinasadya ay nagtuturo sa atin na ang buhay ay sagrado at na dapat natin itong igalang.
35:33. Ang lupang narumhan ng ibinubong dugo ng inosente ay maipagbabayad-sala tangi lamang sa pamamagitan ng dugo ng nagbubo niyaon. Angkop na angkop nga na lilipulin ni Jehova ang mga balakyot bago baguhin ang lupa tungo sa isang paraiso!—Kawikaan 2:21, 22; Daniel 2:44.
Ang Salita ng Diyos ay May Lakas
Dapat tayong magpakita ng paggalang kay Jehova at sa mga hinirang sa mga posisyon ng pananagutan sa gitna ng kaniyang bayan. Idiniriin ng aklat ng Mga Bilang ang katotohanang ito. Tunay na isang napakahalagang aral para mapanatili ang kapayapaan at pagkakaisa sa loob ng kongregasyon sa ngayon!
Ipinakikita ng mga pangyayaring inilahad sa Mga Bilang kung gaano kadali para sa mga nagpapabaya sa kanilang espirituwalidad na mahulog sa paggawa ng masama, gaya ng pagbubulung-bulungan, imoralidad, at idolatriya. Ang ilan sa mga halimbawa at aral mula sa aklat na ito ng Bibliya ay maaaring magsilbing saligan para sa mga bahagi ng lokal na mga pangangailangan sa Pulong sa Paglilingkod sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Tunay nga, “ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas” sa ating buhay.—Hebreo 4:12.
[Larawan sa pahina 24, 25]
Sa pamamagitan ng makahimalang ulap sa ibabaw ng tabernakulo, ginagabayan ni Jehova ang pag-aayos at paglikas ng kampo ng mga Israelita
[Mga larawan sa pahina 26]
Nararapat lamang na maging masunurin tayo kay Jehova at inaasahan niyang igagalang natin ang kaniyang mga kinatawan