“Ang mga Bagay na Ito ay Ipagkatiwala Mo sa mga Taong Tapat”
“Ang mga bagay na ito ay ipagkatiwala mo sa mga taong tapat, na magiging lubusang kuwalipikado na magturo naman sa iba.”—2 TIM. 2:2.
1, 2. Ano ang pananaw ng maraming tao sa kanilang trabaho?
SINUSUKAT ng marami ang kanilang halaga batay sa kanilang trabaho o posisyon. Sa ilang kultura, kapag nakikipagkilala, ang isa sa mga unang itinatanong ay, “Ano ang trabaho mo?”
2 Minsan, ipinakikilala ng Bibliya ang mga tao ayon sa kanilang trabaho. Halimbawa, binabanggit si “Mateo na maniningil ng buwis”; si “Simon, isang mangungulti”; at si “Lucas ang minamahal na manggagamot.” (Mat. 10:3; Gawa 10:6; Col. 4:14) Ipinakikilala rin ang mga tao ayon sa kanilang bigay-Diyos na atas o pribilehiyo. Halimbawa, nariyan si Haring David, si propeta Elias, at si apostol Pablo. Pinahalagahan ng mga lalaking ito ang kanilang bigay-Diyos na atas. Kung mayroon tayong mga pribilehiyo, dapat din nating pahalagahan ang mga ito.
3. Bakit kailangang sanayin ng mga nakatatanda ang mga nakababata? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
3 Mahal natin ang ating mga atas at gusto natin itong patuloy na gampanan habambuhay. Pero mula pa noong panahon ni Adan, tumatanda ang bawat henerasyon at napapalitan ng bago. (Ecles. 1:4) Nagiging hamon ito para sa mga tunay na Kristiyano sa ngayon. Naging mas malawak at komplikado ang gawain ng bayan ni Jehova. Kapag pinasisimulan ang mga bagong proyekto, gumagamit tayo ng bagong pamamaraan—kadalasan, sa tulong ng modernong teknolohiya. Nahihirapan ang ilang nakatatandang kapatid na makialinsabay dito. (Luc. 5:39) At kung nakaaalinsabay man sila, mas malakas at masigla pa rin ang mga nakababata. (Kaw. 20:29) Kaya maibigin at praktikal kung sasanayin ng mga nakatatanda ang mga nakababata na bumalikat ng higit pang pananagutan.—Basahin ang Awit 71:18.
4. Bakit nahihirapan ang ilan na ipagkatiwala sa iba ang kanilang mga atas? (Tingnan ang kahong “Kung Bakit Hindi Ipinagkakatiwala ng Ilan ang Kanilang mga Atas.”)
4 Baka nahihirapan ang mga may pribilehiyo na ipagkatiwala ang kanilang mga atas sa mga nakababata. Natatakot ang ilan na mawala sa kanila ang atas na minamahal nila. Takót naman ang iba na mawalan ng kontrol, dahil kung ipauubaya nila sa mga nakababata ang gawain, iniisip nilang hindi ito magagawa nang mahusay. Ikinakatuwiran naman ng ilan na wala silang panahon para magsanay ng iba. Samantala, dapat mag-ingat ang mga nakababata na huwag mainip kung hindi sila nabibigyan ng karagdagang pananagutan.
5. Anong mga tanong ang tatalakayin sa artikulong ito?
5 Talakayin natin ang pagbibigay ng atas mula sa dalawang anggulo. Una, paano matutulungan ng mga nakatatanda ang mga nakababata na bumalikat ng karagdagang pananagutan, at bakit ito mahalaga? (2 Tim. 2:2) Ikalawa, bakit mahalagang magkaroon ng tamang saloobin ang mga nakababata habang tinutulungan nila ang mas makaranasang mga brother at natututo mula sa kanila? Tingnan muna natin kung paano tinulungan ni Haring David ang kaniyang anak na balikatin ang isang importanteng pananagutan.
INIHANDA NI DAVID SI SOLOMON AT SINUPORTAHAN
6. Ano sana ang gustong gawin ni David, pero ano ang sinabi ni Jehova?
6 Matapos mamuhay bilang takas nang maraming taon, naging hari si David at tumira sa isang komportableng bahay. Pero nalungkot siya na walang “bahay,” o templo, para kay Jehova, kaya gusto niyang magtayo nito. Sinabi niya kay propeta Natan: “Narito, ako ay tumatahan sa isang bahay na yari sa mga sedro, ngunit ang kaban ng tipan ni Jehova ay nasa ilalim ng mga telang pantolda.” Sumagot si Natan: “Ang lahat ng nasa iyong puso ay gawin mo, sapagkat ang tunay na Diyos ay sumasaiyo.” Pero hindi ito ang kalooban ni Jehova. Inutusan niya si Natan na sabihin kay David: “Hindi ikaw ang magtatayo para sa akin ng bahay na tatahanan ko.” Bagaman tiniyak ni Jehova kay David na patuloy Niya siyang pagpapalain, sinabi ng Diyos na ang anak nitong si Solomon ang magtatayo ng templo. Paano tumugon si David?—1 Cro. 17:1-4, 8, 11, 12; 29:1.
7. Paano tumugon si David sa tagubilin ni Jehova?
7 Hindi nagmukmok si David kahit hindi sa kaniya mapupunta ang kapurihan sa pagtatayo ng templo. Totoo, tinawag nga itong templo ni Solomon, hindi templo ni David. Malamang na nalungkot si David dahil hindi natupad ang naisin ng kaniyang puso, pero lubos niyang sinuportahan ang proyekto. Nag-organisa siya ng mga grupo ng manggagawa at nagtipon ng bakal, tanso, pilak, at ginto, at ng mga tablang sedro. Pinasigla rin niya si Solomon at sinabi: “Ngayon, anak ko, sumaiyo nawa si Jehova, at maging matagumpay ka at itayo mo ang bahay ni Jehova na iyong Diyos, gaya ng sinalita niya may kinalaman sa iyo.”—1 Cro. 22:11, 14-16.
8. Bakit puwede sanang isipin ni David na hindi kuwalipikado si Solomon, pero ano ang ginawa niya?
8 Basahin ang 1 Cronica 22:5. Puwede sanang isipin ni David na hindi kuwalipikado si Solomon na pangasiwaan ang importanteng proyektong iyon. Ang itatayong templo kasi ay “magiging lubhang maringal,” at si Solomon ay “bata pa” noon at walang karanasan. Pero alam ni David na tutulungan ni Jehova si Solomon na magampanan ang atas na ibinigay sa kaniya. Kaya nagpokus si David sa magagawa niya, at inihanda ang maraming materyales na gagamitin.
MASIYAHAN SA PAGSASANAY SA IBA
9. Bakit dapat masiyahan ang mga nakatatanda kapag ibinibigay na nila ang kanilang mga atas? Ilarawan.
9 Hindi dapat masiraan ng loob ang mga nakatatandang brother kung kailangan na nilang ibigay ang mga atas sa mga nakababata. Ang pagsasanay sa mga nakababata ay para sa ikasusulong ng gawain. Dapat na maging masaya ang mga hinirang na lalaki kapag ang mga sinasanay nila ay naging kuwalipikadong gumanap ng mga atas. Para ilarawan, isipin ang isang ama na tinuturuan ang kaniyang anak na magmaneho. Noong bata pa ito, inoobserbahan lang niya ang tatay niya. Nang mas malaki na ito, ipinaliliwanag na ng ama kung ano ang mga ginagawa niya. At nang nasa tamang edad na ang anak, pinahahawak na siya ng manibela habang tinuturuan siya ng kaniyang ama. Paminsan-minsan, nagpapalitan sila sa pagmamaneho, pero sa kalaunan, ang anak na halos ang nagmamaneho para sa nagkakaedad niyang ama. Natutuwa ang ama na ipinagmamaneho siya ng kaniyang anak at hindi niya iniisip na siya ang dapat na may kontrol sa manibela. Sa katulad na paraan, maligaya ang mga nakatatandang brother kapag nasanay nila ang mga nakababata na bumalikat ng teokratikong mga pananagutan.
10. Ano ang pananaw ni Moises sa kaluwalhatian at awtoridad?
10 Dapat iwasan ng mga nakatatanda na mainggit. Pansinin ang reaksiyon ni Moises nang magsimulang gumanap bilang propeta ang ilang lalaki sa kampo ng Israel. (Basahin ang Bilang 11:24-29.) Gusto silang pigilan ni Josue na tagapaglingkod ni Moises. Baka inaakala niyang aagawan nila si Moises ng katanyagan at awtoridad. Pero sinabi ni Moises: “Naninibugho ka ba para sa akin? Huwag, nais ko nga na ang buong bayan ni Jehova ay maging mga propeta, sapagkat kung gayon ay ilalagay ni Jehova sa kanila ang kaniyang espiritu!” Alam ni Moises na kalooban ito ni Jehova. Hindi siya naghangad ng karangalan para sa sarili. Gusto ni Moises na tumanggap din ng mga espirituwal na kaloob ang iba pang lingkod ni Jehova. Tulad ni Moises, masaya rin ba tayo kapag sa iba napupunta ang mga pribilehiyo?
11. Ano ang sinabi ng isang brother tungkol sa pagpapasa ng kaniyang atas sa iba?
11 Sa ngayon, maraming brother ang nagpagal nang maraming dekada sa gawain at nagsanay rin ng iba para sa karagdagang pananagutan. Halimbawa, si Peter ay mahigit 74 na taóng naglingkod nang buong panahon, 35 taon dito ay sa tanggapang pansangay sa Europe. Matagal siyang naging tagapangasiwa sa Service Department. Ngayon, si Paul, isang nakababatang brother na nakasama niya sa gawain nang maraming taon, ang bagong tagapangasiwa. Nang tanungin si Peter kung ano ang nadarama niya sa naging pagbabago, sinabi niya, “Talagang natutuwa ako na may mga brother na nasanay para sa higit pang pananagutan at mahusay sa pagganap ng kanilang gawain.”
PAHALAGAHAN ANG MGA MAY-EDAD
12. Anong aral ang dapat nating matutuhan sa ulat ng Bibliya tungkol kay Rehoboam?
12 Pagkamatay ni Solomon, ang anak niyang si Rehoboam ang naging hari. Nang mangailangan siya ng payo kung paano gagampanan ang kaniyang mga pananagutan, sumangguni muna si Rehoboam sa matatandang lalaki. Pero hindi niya sinunod ang kanilang payo! Sa halip, sinunod niya ang payo ng mga kabataang lalaki na lumaking kasama niya at naglilingkod ngayon sa kaniya. Masaklap ang resulta nito. (2 Cro. 10:6-11, 19) Ang aral? Isang katalinuhan na humingi ng payo sa mga nakatatanda at makaranasan, at maingat na pag-isipan ito. Hindi naman kailangang matali ang mga nakababata sa dating pamamaraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, pero hindi rin nila dapat isaisantabi agad ang payo ng mga nakatatanda.
13. Paano makikipagtulungan ang mga nakababata sa mga nakatatanda?
13 Sa ngayon, maaaring pinangangasiwaan na ng ilang nakababatang brother ang gawain ng mga nakatatandang brother. Pero kapag gumagawa ng desisyon, makatutulong sa kanila ang karunungan at karanasan ng mga nakatatandang brother. Si Paul, binanggit kanina, na pumalit kay Peter bilang tagapangasiwa ng isang departamento sa Bethel, ay nagsabi, “Humihingi ako ng payo kay Kuya Peter, at pinasigla ko ang iba sa departamento namin na gawin din iyon.”
14. Ano ang matututuhan natin sa pagtutulungan nina Timoteo at apostol Pablo?
14 Maraming taóng nakasama ni Timoteo, isang nakababatang lalaki, si apostol Pablo. (Basahin ang Filipos 2:20-22.) Isinulat ni Pablo sa mga taga-Corinto: “Isinusugo [ko] sa inyo si Timoteo, yamang siya ang aking minamahal at tapat na anak sa Panginoon; at ipaaalaala niya sa inyo ang aking mga pamamaraan may kaugnayan kay Kristo Jesus, gaya ng itinuturo ko sa lahat ng dako sa bawat kongregasyon.” (1 Cor. 4:17) Ipinakikita nito na mahusay ang pagtutulungan nina Pablo at Timoteo. Gumugol si Pablo ng panahon para ituro kay Timoteo ang kaniyang “mga pamamaraan may kaugnayan kay Kristo.” Natuto nang husto si Timoteo at napamahal kay Pablo, at may tiwala si Pablo na kayang asikasuhin ni Timoteo ang espirituwal na pangangailangan ng mga kapatid sa Corinto. Napakaganda ngang halimbawa si Pablo sa mga elder na nagsasanay ng mga brother para manguna sa kongregasyon!
MAY MAHALAGANG PAPEL ANG BAWAT ISA SA ATIN
15. Kung apektado tayo ng mga pagbabago, paano makatutulong sa atin ang payo ni Pablo sa mga Kristiyano sa Roma?
15 Nabubuhay tayo sa kapana-panabik na panahon. Patuloy na sumusulong ang makalupang bahagi ng organisasyon ni Jehova, kaya kailangan ng mga pagbabago. Kung apektado tayo ng mga pagbabagong ito, maging mapagpakumbaba sana tayo, at magpokus sa kapakanan ng Kaharian at hindi sa ating sarili. Magdudulot ito ng pagkakaisa. Isinulat ni Pablo sa mga Kristiyano sa Roma: “Sinasabi ko sa bawat isa sa inyo riyan na huwag mag-isip nang higit tungkol sa kaniyang sarili kaysa sa nararapat isipin; kundi mag-isip upang magkaroon ng matinong kaisipan, ang bawat isa ayon sa sukat ng pananampalataya na ipinamahagi sa kaniya ng Diyos. Sapagkat kung paanong sa isang katawan ay marami tayong sangkap, ngunit ang lahat ng mga sangkap ay hindi magkakatulad ng gawain, gayundin tayo, bagaman marami, ay isang katawan kaisa ni Kristo.”—Roma 12:3-5.
16. Paano makatutulong ang mga nakatatanda at nakababatang kapatid, at mga asawang babae, para mapanatili ang kapayapaan at pagkakaisa ng organisasyon ni Jehova?
16 Kaya anuman ang ating kalagayan, makipagtulungan tayo para sa kapakanan ng Kaharian ni Jehova. Mga nakatatandang brother, sanayin ang mga nakababata. Mga nakababatang brother, tanggapin ang mga pananagutan, maging mapagpakumbaba, at igalang ang mga nakatatanda. At mga asawang babae, tularan si Priscila, na sumama at sumuporta sa asawa niyang si Aquila sa kabila ng mga pagbabago sa mga kalagayan nila.—Gawa 18:2.
17. Anong pagtitiwala mayroon si Jesus sa mga alagad niya, at sa anong gawain niya sila sinanay?
17 Si Jesus ang pinakamahusay na halimbawa pagdating sa pagsasanay sa iba na bumalikat ng karagdagang pananagutan. Alam niya na matatapos ang kaniyang ministeryo sa lupa at na ipagpapatuloy ito ng iba. Kahit hindi sakdal ang mga alagad niya, may tiwala siya sa kanila at sinabi niyang gagawa sila ng mga gawa na mas dakila kaysa sa ginawa niya. (Juan 14:12) Mahusay ang pagkakasanay niya sa kanila, kaya naipalaganap nila ang mabuting balita sa buong mundo.—Col. 1:23.
18. Ano ang inaasahan natin sa hinaharap, at ano ang gawain natin sa ngayon?
18 Pagkatapos ng kamatayan ni Jesus, binuhay siyang muli ni Jehova tungo sa langit at binigyan ng karagdagang mga atas at awtoridad “na lubhang mataas pa sa bawat pamahalaan at awtoridad at kapangyarihan at pagkapanginoon.” (Efe. 1:19-21) Kung mamatay tayong tapat bago ang Armagedon, bubuhayin tayong muli sa isang matuwid na bagong sanlibutan. Doon, tatanggap tayo ng maraming kasiya-siyang atas. Pero sa ngayon, lahat tayo ay may napakahalagang gawain—ang pangangaral ng mabuting balita at paggawa ng mga alagad. Lahat sana tayo, bata man o matanda, ay “laging maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon.”—1 Cor. 15:58.