OLIBO
[sa Heb., zaʹyith; sa Gr., e·laiʹa].
Walang alinlangan na ang punong olibo ay isa sa pinakamahahalagang halaman noong panahon ng Bibliya, anupat kasinghalaga ng punong ubas at ng puno ng igos. (Huk 9:8-13; 2Ha 5:26; Hab 3:17; San 3:12) Maaga itong binanggit sa rekord ng Bibliya; pagkaraan ng Baha, isang dahon ng olibo na iniuwi ng isang kalapati ang nagpahiwatig kay Noe na ang tubig ay kumati na.—Gen 8:11.
Ang punong olibo (Olea europaea) ay hiyang sa mga dalisdis ng bundok ng Galilea at Samaria at sa gitnang matataas na lupain, gayundin sa buong lugar ng Mediteraneo. (Deu 28:40; Huk 15:5) Nabubuhay ito sa mabato at mayesong lupa, na tuyung-tuyo naman para sa maraming iba pang halaman, at nakatatagal ito sa malimit na tagtuyot. Noong panahon ng Pag-alis mula sa Ehipto, pinangakuan ang mga Israelita na ang lupaing papasukin nila ay isang lupain ng “malalangis na olibo at pulot-pukyutan,” na may “mga ubasan at mga punong olibo na hindi [nila] itinanim.” (Deu 6:11; 8:8; Jos 24:13) Yamang mabagal lumaki ang puno ng olibo at maaaring umabot nang sampung taon o mahigit pa bago ito mapag-anihan nang sagana, isang malaking bentaha para sa mga Israelita na ang mga punong ito ay tumutubo na roon. Pagkahaba-haba ng buhay ng punong ito, anupat namumunga ito sa loob ng daan-daang taon, at iminumungkahi na ang ilan sa mga punong olibo sa Palestina ay mahigit na sa 1,000 taon.
Ang mga punong olibo ay isang nakarerepreskong tanawin sa buong Palestina, kadalasa’y nakatanim sa mabatong mga hagdan-hagdang lupain sa gilid ng burol o nakalatag sa pinakasahig ng mga libis. Ang punong ito ay maaaring tumaas nang mahigit sa 6 na m (20 piye). Ang mabukong katawan nito na may talob na kulay-abo ay may napakaraming sanga na hitik sa mga dahong pahaba at kulay berdeng abuhin. Bagaman hindi karaniwang itinuturing ng marami bilang isang evergreen, ang punong ito ay gayong uri ng punungkahoy. Karaniwan itong namumulaklak sa bandang Mayo kung kailan ito nababalutan ng libu-libong bulaklak na mapusyaw na dilaw. Binabanggit sa Bibliya na napakadaling malaglag ng mga bulaklak na ito. (Job 15:33) Ang bunga, o berry, ng olibo ay berde kapag hilaw pa ngunit kapag nahinog ay nagkukulay-matingkad na purpura hanggang itim. Ang pag-aani ay ginagawa sa panahon ng taglagas (Oktubre-Nobyembre), at malimit pa ring gamitin ang sinaunang pamamaraan ng pagpaspas sa puno sa pamamagitan ng mga pamalo. (Deu 24:20; Isa 24:13) Noong panahon ng Bibliya, kinukuha ng mga naghihimalay ang mga bungang naiwan. (Isa 17:6) Likas na salit-salitan ang pamumunga ng punong ito, samakatuwid nga, ang masaganang ani ay sinusundan ng mahinang ani sa sumunod na taon. Ang sariwang bunga nito ay may mapait na substansiya na naaalis kapag ibinabad sa tubig na may asin, pagkatapos, ang mga olibo ay kinakain nang hilaw o inatsara. Gayunman ang pangunahing pakinabang sa mga ito ay ang kanilang langis, na bumubuo ng hanggang 30 porsiyento o mahigit pa (ayon sa timbang) ng sariwang bunga. Ang isang mabungang puno ay mapagkukunan ng mula 38 hanggang 57 L (10 hanggang 15 gal) bawat taon. Napakatigas ng kahoy ng punong ito at dapat patuyuin nang maraming taon upang mapakinabangan sa paggawa ng mga kayariang kahoy.
Ang punong olibo ay hindi lamang nabubuhay nang maraming siglo kundi, kapag pinutol, magsisibol ito ng hanggang anim na bagong supang mula sa mga ugat nito na nagiging mga bagong puno, at kadalasan ay sa ganito ring paraan pinalalawig ng mga punong matatanda na ang kanilang buhay. Kalimitang itinatanim ang mga bagong puno sa pamamagitan ng paggamit ng mga sibol na pinutol mula sa isang punong magulang na. Kaya naman angkop na angkop ang ilustrasyon ng salmista nang ihalintulad niya ang mga anak ng taong pinagpala sa “mga sibol ng mga punong olibo sa buong palibot ng iyong mesa.”—Aw 128:3.
Paghuhugpong. Ang mga ligáw na punong olibo na tumutubo sa mga gilid ng burol ay kadalasang hinuhugpungan ng mga pasanga mula sa mga alagang mabungang puno upang magluwal ang mga ito ng mabuting bunga. Parang hindi karaniwan, at hindi pa nga natural, na ihugpong ang ligáw na sanga sa isang alagang puno; pero ginagawa ito ng ilang magsasaka noong unang siglo. Tinukoy ni Pablo ang di-pangkaraniwang pamamaraang ito sa kaniyang ilustrasyon sa Roma 11:17-24, kung saan inihalintulad niya ang mga Kristiyanong Gentil na naging bahagi ng “binhi ni Abraham” sa mga sanga ng isang ligáw na punong olibo na inihugpong sa isang alagang puno upang halinhan ang di-mabungang mga sanga na pinutol at kumakatawan sa likas na mga miyembrong Judio na itinakwil at inalis mula sa makasagisag na puno dahil sa kanilang kawalan ng pananampalataya. (Gal 3:28, 29) Pinatitingkad ng pagkilos na ito, na “salungat sa kalikasan,” ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos sa gayong mga mananampalatayang Gentil at idiniriin nito ang mga pakinabang na natatamo nila bilang mga sanga ng “isang ligáw na olibo” nang tanggapin nila ang “katabaan” ng mga ugat ng alagang olibo, sa gayon ay inaalis nito ang anumang saligan upang maghambog ang mga Kristiyanong Gentil na ito.—Ihambing ang Mat 3:10; Ju 15:1-10; tingnan ang PAGHUHUGPONG.
Mga Taniman at mga Pisaan. Kapag ipinahihintulot ng mga kalagayan, halos bawat nayon sa Palestina ay may sarili nitong taniman ng olibo. Ang pagmimintis nito sa pamumunga, halimbawa, kapag napinsala ito ng pangunahin nitong kaaway, ang higad, ay isang malubhang kasakunaan para sa bayan. (Am 4:9) Si Haring David ay nagkaroon ng mahahalagang taniman ng olibo sa rehiyon ng Sepela. (1Cr 27:28) Ang tagaytay ng bundok sa dakong S ng Jerusalem, mga “isang araw ng sabbath na paglalakbay” ang layo, ay kilalá sa mga olibo nito noong mga araw ni Haring David, at pagsapit ng panahon ni Zacarias ay tinatawag na itong “bundok ng mga punong olibo.” (2Sa 15:30; Zac 14:4; Luc 19:29; 22:39; Gaw 1:12) Pinatototohanan ng maraming sinaunang batong pisaan ng olibo na natagpuan sa buong Palestina na ang punong ito ay malawakang itinanim. Kalimitan na, ang “mga hardin” noong panahong iyon ay mga taniman ng punungkahoy na ito at kadalasa’y may isang pisaan ng olibo. Kaya naman ang pangalan ng hardin na tinawag na Getsemani, kung saan tumigil si Jesus pagkatapos ng huling hapunan niya kasama ng kaniyang mga alagad, ay hinalaw sa terminong Aramaiko na gath shema·neh,ʹ nangangahulugang “isang pisaan ng langis.” Kung minsan ay pinipisa rin ang mga olibo sa pamamagitan ng mga paa.—Mik 6:15.
Makasagisag na Paggamit. Ang punong olibo ay ginagamit sa Bibliya sa makasagisag na paraan bilang simbolo ng pagiging mabunga, kagandahan, at dangal. (Aw 52:8; Jer 11:16; Os 14:6) Ang mga sanga nito ay isa sa mga ginagamit kapag Kapistahan ng mga Kubol. (Ne 8:15; Lev 23:40) Sa Zacarias 4:3, 11-14 at Apocalipsis 11:3, 4, ginagamit ang mga punong olibo bilang sagisag ng mga pinahiran at mga saksi ng Diyos.
[Larawan sa pahina 493]
Ang mga punong olibo ay hiyang sa mabatong lupa, na tuyung-tuyo naman para sa maraming iba pang halaman