Matatanda, Humatol Kayo na may Katuwiran
“Pagka inyong dinirinig ang kaso ng inyong mga kapatid, humatol kayo na may katuwiran.”—DEUTERONOMIO 1:16.
1. Kung tungkol sa paghatol, anong pagkakaloob ng kapangyarihan ang naganap, at ano ang kahulugan nito para sa mga taong hinirang na mga hukom?
BILANG Kataas-taasang Hukom, ipinagkaloob ni Jehova sa kaniyang anak ang kapangyarihang humatol bilang kinatawan niya. (Juan 5:27) Bilang Ulo naman ng kongregasyong Kristiyano, ginagamit ni Kristo ang uring tapat at maingat na alipin at ang Lupong Tagapamahala niyaon upang humirang ng matatanda, na kung minsan ay kailangang magsilbing mga hukom. (Mateo 24:45-47; 1 Corinto 5:12, 13; Tito 1:5, 9) Bilang kumakatawang mga hukom, ang mga ito ay may obligasyon na sumunod nang maingat sa halimbawa ng makalangit na mga Hukom, si Jehova at si Kristo Jesus.
Si Kristo—Ang Ulirang Hukom
2, 3. (a) Anong Mesiyanikong hula ang nagsisiwalat sa mga katangian ni Kristo bilang Hukom? (b) Anong mga punto ang lalong higit na dapat pansinin?
2 Tungkol kay Kristo na Hukom, ganito ang inihula: “Ang espiritu ni Jehova ay sasakaniya, ang espiritu ng karunungan at ng kaunawaan, ang espiritu ng payo at ng kalakasan, ang espiritu ng kaalaman at ng pagkatakot kay Jehova; at ang kaniyang kaluguran ay magiging ang pagkatakot kay Jehova. At hindi siya hahatol ayon sa basta nakikita ng kaniyang mga mata, ni sasaway man ayon sa narinig lamang ng kaniyang mga tainga. At hahatol siya na may katuwiran sa mga dukha, at sasaway na may katuwiran sa kapakanan ng maaamo sa lupa.”—Isaias 11:2-4.
3 Pansinin sa hulang iyan ang mga katangian na nagpapangyari kay Kristo na “hatulan ang tinatahanang lupa sa katuwiran.” (Gawa 17:31) Siya’y humahatol ayon sa espiritu ni Jehova, sa makalangit na karunungan, kaunawaan, payo, at kaalaman. Pansinin din naman, na siya’y humahatol nang may takot kay Jehova. Samakatuwid, bilang kumakatawan, “ang luklukan ng paghatol ng Kristo,” ay “ang luklukan ng paghatol ng Diyos.” (2 Corinto 5:10; Roma 14:10) Siya’y maingat sa paghatol ng mga bagay-bagay ayon sa paraan ng paghatol dito ng Diyos. (Juan 8:16) Siya’y hindi humahatol ayon sa basta nakikita o basta naririnig. Siya’y humahatol na may katuwiran sa maaamo at sa mga dukha. Isang hukom na kamangha-mangha nga! At isang kamangha-manghang halimbawa para sa di-sakdal na mga tao na tinawag upang magsilbing mga hukom sa ngayon!
Makalupang mga Hukom
4. (a) Ano ang isa sa magiging tungkulin ng 144,000 sa panahon ng Milenyong Paghahari ni Kristo? (b) Anong hula ang nagpapakita na ang ibang pinahirang mga Kristiyano ay hihirangin na maging mga hukom samantalang narito pa sa lupa?
4 Ipinakikita ng Kasulatan na ang kaunting bilang lamang ng pinahirang mga Kristiyano, pasimula sa 12 apostol, ay magiging kasamang mga hukom ni Kristo Jesus sa panahon ng Milenyo. (Lucas 22:28-30; 1 Corinto 6:2; Apocalipsis 20:4) Isang nalabi ng pinahirang mga miyembro ng espirituwal na Israel sa lupa ang hinatulan na at isinauli sa dating kalagayan noong 1918-19. (Malakias 3:2-4) Tungkol sa pagsasauling ito sa espirituwal na Israel, ganito ang inihula: “Aking isasauli ang iyong mga hukom na gaya noong una, at ang iyong mga tagapayo na gaya ng pasimula.” (Isaias 1:26) Sa gayon, tulad sa kaniyang ginawa “gaya ng pasimula” ng likas na Israel, si Jehova ay nagbigay sa isinauling nalabi ng matuwid na mga hukom at mga tagapayo.
5. (a) Sino ang “inilagay bilang mga hukom” pagkatapos na maisauli ang espirituwal na Israel, at papaano sila inilalarawan sa aklat ng Apocalipsis? (b) Sino ang tumutulong ngayon sa pinahirang mga tagapangasiwa sa gawaing paghatol, at papaanong ang mga ito ay sinasanay na maging lalong mabubuting mga hukom?
5 Unang-una, ang ‘mga lalaking pantas’ na “inilagay bilang mga hukom” ay pawang pinahirang nakatatandang mga lalaki, o matatanda. (1 Corinto 6:4, 5) Ang tapat, iginagalang na pinahirang mga tagapangasiwa ay inilalarawan sa aklat ng Apocalipsis bilang hawak ni Jesus sa kanang kamay, samakatuwid, nasa ilalim ng kaniyang kapangyarihan at pamamatnubay. (Apocalipsis 1:16, 20; 2:1) Buhat noong 1935 ang pinahiran ay tumanggap ng tapat na pagsuporta ng isang patuloy na dumaraming “malaking pulutong,” na ang pag-asa ay makatawid sa “malaking kapighatian” at mabuhay magpakailanman sa isang lupang paraiso. (Apocalipsis 7:9, 10, 14-17) Habang palapit “ang kasal ng Kordero,” parami nang parami sa mga ito ang hinihirang ng pinahirang Lupong Tagapamahala upang magsilbing matatanda at mga hukom sa mahigit na 66,000 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong lupa.a (Apocalipsis 19:7-9) Sa pamamagitan ng natatanging mga paaralan, sila ay sinasanay na humawak ng pananagutan sa lipunan ng “bagong lupa.” (2 Pedro 3:13) Ang Kingdom Ministry School, na pinasimulan sa may dulo ng 1991 sa maraming bansa, ay nagdiin sa tamang pakikitungo sa mga kasong nililitis. Ang matatanda na nagsisilbing mga hukom ay obligado na tumulad kay Jehova at kay Kristo Jesus, na ang mga kahatulan ay tapat at matuwid.—Juan 5:30; 8:16; Apocalipsis 19:1, 2.
Mga Hukom na ‘Gumagawi na May Pagkatakot’
6. Bakit ang matatandang nagsisilbi sa mga komite sa paghatol ay dapat ‘gumawi nang may pagkatakot’?
6 Kung si Kristo ay humahatol na may pagkatakot kay Jehova at may tulong ng Kaniyang espiritu, gaano pa nga kaya na ang di-sakdal na matatanda ay dapat na maging gayon! Pagka inatasan na maglingkod sa isang komite sa paghatol, sila’y kailangan na ‘gumawi na may pagkatakot,’ na tumatawag “sa Ama na humahatol nang walang pagtatangi” upang tulungan sila na humatol sa katuwiran. (1 Pedro 1:17) Dapat nilang alalahanin na sila ay nakikitungo sa mga buhay ng tao, ang kanilang “mga kaluluwa,” na gaya niyaong mga “magsusulit.” (Hebreo 13:17) Sa liwanag nito, tiyak na sila ay mananagot din kay Jehova sa anumang maiiwasang pagkakamali nila sa paghatol. Sa kaniyang komentaryo sa Hebreo 13:17, si J. H. A. Ebrard ay sumulat: “Tungkulin ng pastol na bantayan ang mga kaluluwang ipinagkatiwala sa kaniyang pangangalaga, at . . . siya’y kailangang magsulit tungkol sa kanilang lahat, at tungkol din sa mga nangawala dahilan sa kaniyang pagkukulang. Ito ay isang mahalagang salita. Hayaang isaalang-alang ng bawat ministro ng salita, na kaniyang kusang ginagampanan ang kakila-kilabot [nakatatakot] na responsableng tungkuling ito.”—Ihambing ang Juan 17:12; Santiago 3:1.
7. (a) Ano ang dapat alalahanin ng mga hukom sa modernong panahon, at ano ang dapat na maging layunin nila? (b) Anong mga aralin ang dapat na matutuhan ng matatanda buhat sa Mateo 18:18-20?
7 Dapat alalahanin ng matatandang nagsisilbing mga hukom na ang tunay na mga Hukom sa bawat kaso ay si Jehova at si Kristo Jesus. Alalahanin na pinagsabihan ang mga hukom sa Israel: “Kayo’y hindi ukol sa tao nagsisihatol kundi ukol kay Jehova; at siya’y sumasainyo sa paghatol. Ngayon nga’y sumainyo ang takot kay Jehova. . . . Ganito ang inyong gagawin upang kayo ay huwag magkasala.” (2 Cronica 19:6-10) Taglay ang mapagpakundangang pagkatakot, ang matatanda na humahatol sa isang kaso ay gagawa ng lahat ng kanilang magagawa upang matiyak na si Jehova ay talagang ‘sumasakanila kung tungkol sa paghatol.’ Sa kanilang pasiya ay dapat wastong masalamin ang paraan ni Jehova at ni Kristo sa pakikitungo sa bagay na iyon. Ang kanilang simbolikong ‘tinatalian’ (nasumpungang nagkasala) o ‘kinakalagan’ (nasumpungang walang sala) sa lupa ay dapat na yaong natalian na o nakalagan na sa langit—ayon sa isinisiwalat ng nasusulat sa kinasihang Salita ng Diyos. Kung sila’y nananalangin kay Jehova sa pangalan ni Jesus, si Jesus ay “sasagitna nila” upang tumulong sa kanila. (Mateo 18:18-20, talababa; Ang Bantayan, Pebrero 15, 1988, pahina 9) Ang kapaligiran sa isang paglilitis ng kaso ay dapat magpakitang si Kristo ay tunay na nasa gitna nila.
Buong-Panahong mga Pastol
8. Ano ang pangunahing pananagutan ng matatanda sa kawan, gaya ng halimbawang ipinakita ni Jehova at ni Jesu-Kristo? (Isaias 40:10, 11; Juan 10:11, 27-29)
8 Ang matatanda ay hindi humahatol nang buong-panahon. Sila ay buong-panahong mga pastol. Sila ay mga tagapagpagaling, hindi mga tagapagparusa. (Santiago 5:13-16) Ang saligang idea sa likod ng salitang Griego para sa tagapangasiwa (e·piʹsko·pos) ay yaong nagsasanggalang na pangangalaga. Ang Theological Dictionary of the New Testament ay nagsasabi: “Bilang karagdagan sa pastol [sa 1 Pedro 2:25], ang termino na [e·piʹsko·pos] ay nagpapahiwatig ng gawaing pagpapastol na pagbabantay o pagguguwardiya.” Oo, ang kanilang pangunahing pananagutan ay ang pagbabantay sa mga tupa at pagguguwardiya sa kanila, ang pagpapanatiling sila’y nasa loob ng kawan.
9, 10. (a) Papaano idiniin ni Pablo ang unang tungkulin ng matatanda, kaya ano ang mabuting itanong? (b) Ano ang ipinakikita ng mga salita ni Pablo sa Gawa 20:29, kaya papaano mapagsisikapan ng matatanda na mabawasan ang bilang ng mga kasong nililitis?
9 Sa pagpapahayag sa matatanda ng kongregasyon sa Efeso, idiniin ni apostol Pablo kung saan nararapat iyon: “Asikasuhin ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, na sa kanila’y hinirang kayo na mga tagapangasiwa, upang magpastol sa kongregasyon ng Diyos, na binili niya ng dugo ng kaniyang sariling Anak.” (Gawa 20:28) Ang itinatampok ni Pablo ay ang pagpapastol, hindi ang pagpaparusa. Ang ilang matatanda ay makabubuting magbulay-bulay sa sumusunod na katanungan: ‘Tayo kaya’y makapagtitipid ng malaking panahong kailangan sa pag-iimbestiga at paghawak sa mga kasong kailangang litisin kung sana’y gumamit tayo ng higit na panahon at pagpapagal sa pagpapastol?’
10 Totoo, si Pablo ay nagbabala tungkol sa “ganid na mga lobo.” Subalit hindi ba niya sinisi ang mga ito dahil sa ‘hindi pakikitungo sa kawan nang may kabaitan’? (Gawa 20:29) At bagaman kaniyang ipinahiwatig na dapat itiwalag ng tapat na mga tagapangasiwa ang ‘mga lobong’ ito, hindi ba ipinakikita ng kaniyang mga salita na ang ibang mga miyembro ng kawan ay dapat pakitunguhan ng matatanda “na may kabaitan”? Pagka ang isang tupa ay nanghina sa espirituwal at huminto ng paglilingkod sa Diyos, ano ba ang kailangan niya—gulpihin o pagalingin, parusahan o pastulan? (Santiago 5:14, 15) Samakatuwid, ang matatanda ay regular na mag-iiskedyul ng panahon para sa pagpapastol. Baka ang maligayang resulta ay kaunting panahon lamang ang magugol sa pang-ubos-panahong mga kaso ng mga Kristiyanong nagkasala. Tunay, ang unang tungkulin ng matatanda ay magsilbi ng pinagmumulan ng tulong at kaginhawahan, sa gayo’y nagpapairal ng kapayapaan, katahimikan, at katiwasayan sa bayan ni Jehova.—Isaias 32:1, 2.
Nagsisilbing Mapagbigay na mga Pastol at mga Hukom
11. Bakit ang matatanda na nagsisilbing mga hukom sa komite sa paghatol ay kailangang walang itinatangi at may “karunungan mula sa itaas”?
11 Ang higit pang lubusang pagpapastol bago mahulog ang isang Kristiyano sa isang maling gawain ay makatutulong upang mabawasan ang bilang ng kasong nililitis sa gitna ng bayan ni Jehova. (Ihambing ang Galacia 6:1.) Gayumpaman, dahilan sa kasalanan at di-kasakdalan ng tao, ang Kristiyanong mga tagapangasiwa ay mangangailangan manakanaka na makitungo sa mga kaso ng pagkakasala. Ano bang mga simulain ang dapat umugit sa kanila? Ang mga ito ay hindi naman nagbabago mula noong panahon ni Moises o ng sinaunang mga Kristiyano. Ang mga sinalita ni Moises sa mga hukom sa Israel ay kapit pa rin: “Pagka inyong dinirinig ang kaso ng inyong mga kapatid, humatol kayo na may katuwiran . . . Huwag kayong magtatangi kung humahatol.” (Deuteronomio 1:16, 17) Ang di-pagtatangi ay isang katangian ng “karunungan mula sa itaas,” ang karunungan na lubhang mahalaga para sa matatanda na naglilingkod sa mga komite sa paghatol. (Santiago 3:17; Kawikaan 24:23) Ang gayong karunungan ay tutulong sa kanila na makilala ang pagkakaiba ng kahinaan at ng kabalakyutan.
12. Sa anong diwa kailangan na ang mga hukom ay maging hindi lamang matuwid na mga lalaki kundi mabubuting lalaki?
12 Ang matatanda ay ‘kailangang humatol na may katuwiran,’ ayon sa mga pamantayan ni Jehova ng tama at mali. (Awit 19:9) Subalit, bagaman nagsisikap na maging mga lalaking matuwid, dapat din nilang sikapin na maging mabubuting lalaki, sa diwa ng pagkakaibang ibinigay ni Pablo sa Roma 5:7, 8. Sa pagkomento sa mga talatang ito sa artikulong ito sa “Katuwiran,” ang Insight on the Scriptures ay nagsasabi: “Ang paggamit sa terminong Griego ay nagpapakita na ang taong kilala, o naiiba, dahil sa kabutihan ay isa na magandang-loob (nakahilig sa paggawa ng mabuti o magdala ng kapakinabangan sa iba) at mabait (masigasig sa pagpapahayag ng gayong kabutihan). Siya’y hindi lamang nag-iisip ng paggawa ng hinihiling ng katarungan kundi nilalampasan pa niya ito, palibhasa’y pinakikilos ng kapaki-pakinabang na konsiderasyon para sa iba at ng hangaring siya’y pakinabangan nila at makatulong sa kanila.” (Tomo 2, pahina 809) Ang matatanda na hindi lamang matuwid kundi mabuti rin naman ay makikitungo sa mga nagkasala na may kabaitang konsiderasyon. (Roma 2:4) Nais nila na magpakita ng awa at habag. Gagawin nila ang lahat upang matulungan ang nagkasala na makitang siya’y kailangang magsisi, bagaman sa simula ay parang hindi ito tumutugon sa kanilang pagsisikap.
Ang Tamang Saloobin sa Paglilitis
13. (a) Pagka ang isang matanda ay nagsilbing isang hukom, sa anong tungkulin siya nagpapatuloy? (b) Anong payo ni Pablo ang kumakapit din sa mga paglilitis?
13 Pagka may isang kasong kailangang litisin, hindi dapat kalimutan ng mga tagapangasiwa na sila ay mga pastol pa rin, na nakikitungo sa tupa ni Jehova, sa ilalim ng “mabuting pastol.” (Juan 10:11) Ang payo na ibinigay ni Pablo bilang regular na tulong na ibinigay sa mga tupang may suliranin ay kumakapit na may gayunding tindi sa mga paglilitis. Siya’y sumulat: “Mga kapatid, kahit na nagkasala ang isang tao bago niya namalayan iyon, kayong may espirituwal na mga kuwalipikasyon, sikapin ninyong muling maituwid nang may kaamuan ang gayong tao, samantalang minamataan din naman ninyo ang inyong sarili, baka kayo man ay matukso rin. Patuloy na magdalahan kayo ng pasanin ng isa’t isa, at sa gayo’y tuparin ang kautusan ng Kristo.”—Galacia 6:1, 2.b
14. Papaano dapat malasin ng mga tagapangasiwa ang paglilitis, at ano ang dapat na maging saloobin nila para sa isang nagkasala?
14 Imbes na ituring na sila’y nakatataas na mga hukom na nagpupulong upang maglapat ng parusa, ang dapat maging pangmalas ng matatanda na nagsisilbing mga hukom sa isang komite sa paghatol ay na isang bahagi iyon ng kanilang gawaing pagpapastol. Isa sa mga tupa ni Jehova ang may suliranin. Ano ang magagawa nila upang iligtas siya? Huling-huli na ba na tulungan ang tupang ito na napahiwalay sa kawan? Tayo’y umaasang hindi pa. Ang matatanda ay dapat na may positibong pangmalas sa pagpapakita ng awa kung ito’y nararapat. Hindi sa bagay na dapat nilang pababain ang mga pamantayan ni Jehova kung isang malubhang pagkakasala ang nagawa. Subalit ang kanilang pagkakaroon ng kamalayan sa anumang mga kalagayan na magpapagaan ng suliranin ay tutulong sa kanila na magpakita ng awa kung posible iyon. (Awit 103:8-10; 130:3) Nakalulungkot sabihin, ang ibang mga nagkasala ay totoong matigas ang ulo anupat napipilitan ang matatanda na magpakita ng katatagan, bagaman hindi ng kabagsikan.—1 Corinto 5:13.
Ang Layunin ng Paglilitis
15. Pagka isang mabigat na suliranin ang bumangon sa pagitan ng mga indibiduwal, ano ang dapat na unang tiyakin?
15 Pagka ang isang mabigat na suliranin ang bumangon sa pagitan ng mga indibiduwal, ang unang titiyakin ng matalinong matatanda ay kung ang mga kasangkot ay nagsikap nang lutasin nang sarilinan ang suliranin, ayon sa diwa ng Mateo 5:23, 24 o Mateo 18:15. Kung ito ay nabigo, marahil ang payo ng isa o dalawang matanda ay sasapat. Ang paglilitis ay kailangan lamang kung isang malubhang kasalanan ang nagawa na maaaring humantong sa pagtitiwalag. (Mateo 18:17; 1 Corinto 5:11) Kailangan na may matatag na batayan sa Kasulatan sa pagbuo ng isang komite sa paghatol. (Tingnan Ang Bantayan, Setyembre 15, 1989, pahina 18.) Pagka bumuo nito, ang pinakamahusay na kuwalipikadong matatanda ang dapat na mahirang para roon.
16. Ano ang sinisikap na maisagawa ng matatanda sa pamamagitan ng paglilitis?
16 Ano ba ang sinisikap na magawa ng matatanda sa pamamagitan ng mga paglilitis? Una, imposible na humatol na may katuwiran maliban sa alam ang katotohanan. Tulad sa Israel, ang seryosong mga bagay ay kailangang ‘saliksikin nang lubusan.’ (Deuteronomio 13:14; 17:4) Kaya ang isang layunin ng isang paglilitis ay alamin ang tunay na mga pangyayari. Subalit ito ay maaaring gawin at dapat gawin na taglay ang pag-ibig. (1 Corinto 13:4, 6, 7) Minsang napatunayan ang mga pangyayari, gagawin ng matatanda ang anumang kinakailangan upang mabigyan ng proteksiyon ang kongregasyon at mapanatili roon ang matataas na pamantayan ni Jehova at ang malayang pag-agos ng kaniyang espiritu. (1 Corinto 5:7, 8) Gayunman, ang isa sa mga layunin ng isang paglilitis ay upang magligtas, kung posible iyon, sa isang nanganganib na nagkasala.—Ihambing ang Lucas 15:8-10.
17. (a) Papaano dapat pakitunguhan ang isang taong akusado, at sa anong layunin? (b) Ano ang kailangan dito sa bahagi ng mga miyembro ng komite sa paghatol?
17 Ang isang taong akusado ay hindi dapat pakitunguhan na naiiba kaysa trato sa isang tupa ng Diyos. Siya’y dapat pakitunguhan nang may kabaitan. Kung siya’y nakagawa ng kasalanan (o mga kasalanan), ang layunin ng matuwid na mga hukom ay tulungan ang nagkasala na magbago, unawain ang kaniyang pagkakamali, magsisi, at sa gayo’y maagaw sa “silo ng Diyablo.” Kakailanganin nito ang “sining ng pagtuturo,” “pagtuturo na may kaamuan.” (2 Timoteo 2:24-26; 4:2) Ano kung nakilala ng nagkasala na siya’y nagkamali nga, nagsisi sa kaniyang puso, at humingi ng kapatawaran kay Jehova? (Ihambing ang Gawa 2:37.) Kung ang komite ay kumbinsido na taimtim na naghahangad siya ng tulong, karaniwan ay hindi na kailangang siya’y itiwalag.—Tingnan Ang Bantayan, Hulyo 1, 1983, pahina 31, parapo 1.
18. (a) Kailan dapat magpakita ng katatagan ang isang komite sa pagtitiwalag sa isang nagkasala? (b) Dahilan sa anong makabagbag-damdaming kalagayan dapat magsikap ang matatanda alang-alang sa naliligaw na mga tupa?
18 Sa kabilang dako, pagka ang mga miyembro ng isang komite sa paghatol ay nakaharap sa isang malinaw na kaso ng di-nagsisising mga apostata, na kusang naghihimagsik laban sa mga batas ni Jehova, o sila’y talagang mga balakyot, ang kanilang tungkulin ay mabigyan ng proteksiyon ang ibang mga miyembro sa pamamagitan ng pagtitiwalag sa nagkasalang walang pagsisisi. Ang komite sa paghatol ay hindi obligado na paulit-ulit na makipagpulong sa nagkasala o ituro sa kaniya ang sasabihin niya, na pinipilit na magsisi siya, kung nahahalata na wala naman siyang maka-Diyos na kalumbayan.c Noong nakalipas na mga taon ang pagtitiwalag sa buong daigdig ay umabot sa halos 1 porsiyento ng mga mamamahayag. Iyan ay nangangahulugan na sa humigit-kumulang isandaang tupa na natira sa kulungan, isa ang nawala—kung bagaman ay pansamantala. Kung isasaalang-alang ang panahon at sikap na ginugugol upang ang isang tao ay mapasama sa kawan, hindi baga nakababagbag-damdamin na maalaman na libu-libo ang ‘bumabalik kay Satanas’ taun-taon?—1 Corinto 5:5.
19. Ano ang hindi dapat kalimutan ng matatanda na nagsisilbing mga hukom sa isang komite sa paghatol, kaya ano ang magiging layunin nila?
19 Dapat tandaan ng matatandang nagsisimula na humawak ng kaso na ang kalimitang kaso ng pagkakasala sa kongregasyon ay may kinalaman sa kahinaan, hindi sa kabalakyutan. Huwag nilang kalilimutan ang ilustrasyon ni Jesus ng naligaw na tupa, na tinapos niya sa mga salitang: “Sinasabi ko sa inyo na gayundin magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisi kaysa siyamnapu’t siyam na mga taong matuwid na hindi kinakailangang magsipagsisi.” (Lucas 15:7) Oo, “si Jehova . . . ay hindi nagnanais na sinuman ay mapuksa kundi nais niya na lahat ay magsisi.” (2 Pedro 3:9) Sa tulong ni Jehova, harinawang gawin ng mga komite sa paghatol sa buong daigdig ang kanilang magagawa upang maging dahilan ng pagkakagalakan sa langit sa pamamagitan ng pagtulong sa nagkasala na makita ang pangangailangan na magsisi at magsimulang bumalik sa makipot na daan patungo sa buhay na walang-hanggan.—Mateo 7:13, 14.
[Mga talababa]
a Para sa posisyon ng matatanda buhat sa mga ibang tupa kung tungkol sa pagiging nasa kanang kamay ni Kristo, tingnan ang aklat na Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., pahina 136, talababa.
c Tingnan Ang Bantayan, Marso 1, 1982, pahina 29, parapo 24.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Sa pagsunod sa halimbawa ng Dakilang Pastol at ng Mabuting Pastol, sa ano dapat magkaroon ng interes ang matatanda?
◻ Sa papaano makapagsisikap ang matatanda na mabawasan ang bilang ng mga kaso?
◻ Sa anong diwa kailangan na ang mga hukom ay hindi lamang maging matuwid kundi maging mabuti rin naman?
◻ Papaano dapat pakitunguhan ang isang nagkasala sa panahon ng paglilitis, at sa anong layunin?
◻ Bakit ang pagtitiwalag ay dapat gawin lamang pagka lahat ng iba pang paraan ay nabigo?
[Larawan sa pahina 16]
Pagka ang pagpapastol ay ginagawa nang patiuna, maraming mga kaso ang maiiwasan
[Larawan sa pahina 18]
Kahit na sa panahon ng paglilitis, dapat na sikapin ng matatanda na tulungang magbago ang isang nagkasala taglay ang espiritu ng kaamuan