Deuteronomio
1 Ito ang sinabi ni Moises sa buong Israel sa rehiyon ng Jordan sa ilang, sa mga tigang na kapatagan sa tapat ng Sup at malapit sa* Paran, Topel, Laban, Hazerot, at Dizahab. 2 (Ang layo ng Horeb sa Kades-barnea+ ay 11-araw na paglalakbay kung dadaan sa daang papunta sa Bundok Seir.) 3 Nang ika-40 taon,+ noong unang araw ng ika-11 buwan, sinabi ni Moises sa mga Israelita ang lahat ng iniutos ni Jehova na sabihin niya. 4 Nangyari ito pagkatapos niyang talunin si Sihon+ na hari ng mga Amorita, na nakatira sa Hesbon, at si Og+ na hari ng Basan, na nakatira sa Astarot, sa Edrei.+ 5 Sa rehiyon ng Jordan sa Moab, ipinaliwanag ni Moises ang Kautusang ito.+ Sinabi niya:
6 “Sinabi sa atin ng Diyos nating si Jehova sa Horeb, ‘Matagal na kayong nakatira sa mabundok na rehiyong ito.+ 7 Pumunta kayo sa mabundok na rehiyon ng mga Amorita+ at sa lahat ng kalapít na bayan nila: sa Araba,+ sa mabundok na rehiyon, sa Sepela, sa Negeb, at sa baybaying dagat,+ na lupain ng mga Canaanita, at sa Lebanon,*+ hanggang sa malaking ilog, ang Eufrates.+ 8 Ibinibigay ko sa inyo ang lupaing iyon. Pumunta kayo sa lupaing ipinangako* ni Jehova sa inyong mga ama, kina Abraham, Isaac,+ at Jacob,+ at kunin ninyo iyon. Ang lupaing iyon ay para sa kanila at sa lahat ng supling* nila.’+
9 “At sinabi ko sa inyo noon, ‘Hindi ko kayo kayang pasaning mag-isa.+ 10 Pinarami kayo ng Diyos ninyong si Jehova, at kasindami na kayo ngayon ng mga bituin sa langit.+ 11 Paramihin+ nawa kayo ni Jehova, na Diyos ng inyong mga ninuno, nang isang libong ulit pa, at pagpalain niya nawa kayo gaya ng ipinangako niya.+ 12 Paano ko kayo papasaning mag-isa, pati na ang mga problema ninyo at pag-aaway?+ 13 Pumili kayo mula sa mga tribo ninyo ng mga lalaking matalino, may kakayahan, at makaranasan, at aatasan ko sila bilang mga pinuno ninyo.’+ 14 At sumagot kayo, ‘Maganda ang sinabi mo.’ 15 Kaya ang mga pinuno ng mga tribo ninyo, mga lalaking matalino at makaranasan, ay inatasan kong manguna sa inyo bilang mga pinuno ng libo-libo, ng daan-daan, ng lima-limampu, at ng sampu-sampu, at bilang mga opisyal ng mga tribo ninyo.+
16 “Inutusan ko noon ang mga hukom ninyo, ‘Kapag dinirinig ninyo ang kaso ng mga kapatid ninyo, maging makatarungan kayo sa paghatol,+ sa pagitan man ito ng dalawang Israelita o sa pagitan ng isang Israelita at ng dayuhang naninirahang kasama ninyo.+ 17 Maging patas kayo sa paghatol.+ Pareho ninyong pakinggan ang karaniwang tao at ang maimpluwensiya.+ Huwag kayong matakot sa tao,+ dahil humahatol kayo para sa Diyos;+ at kung napakahirap ng kaso, iharap ninyo iyon sa akin, at pakikinggan ko iyon.’+ 18 Itinuro ko noon sa inyo ang lahat ng dapat ninyong gawin.
19 “At gaya ng iniutos sa atin ng Diyos nating si Jehova, umalis tayo sa Horeb at naglakbay sa malawak at nakakatakot na ilang+ na nakita ninyo sa daang papunta sa mabundok na rehiyon ng mga Amorita,+ at nakarating tayo sa Kades-barnea.+ 20 At sinabi ko sa inyo, ‘Narating ninyo ang mabundok na rehiyon ng mga Amorita, na ibinibigay sa atin ng Diyos nating si Jehova. 21 Tingnan ninyo, ibinigay na sa inyo ng Diyos ninyong si Jehova ang lupain. Kunin ninyo ito gaya ng sinabi sa inyo ni Jehova, ang Diyos ng inyong mga ninuno.+ Huwag kayong matakot o masindak.’
22 “Pero lumapit kayong lahat sa akin, at sinabi ninyo, ‘Magsugo tayo ng mga lalaki para tingnan ang lupain, at sasabihin nila sa atin kung ano ang dapat na maging ruta natin at kung anong uri ng mga lunsod ang pupuntahan natin.’+ 23 Maganda ang mungkahi ninyo kaya kumuha ako ng 12 lalaki, isa mula sa bawat tribo ninyo.+ 24 Umalis sila papunta sa mabundok na rehiyon+ at nakarating sa Lambak* ng Escol at nag-espiya roon. 25 Kumuha sila ng mga bunga ng lupain at dinala sa atin, at sinabi nila, ‘Maganda ang lupaing ibinibigay sa atin ng Diyos nating si Jehova.’+ 26 Pero ayaw ninyong pumunta roon, at sinuway ninyo ang utos ng Diyos ninyong si Jehova.+ 27 Patuloy kayong nagbulong-bulungan sa mga tolda ninyo, ‘Napopoot sa atin si Jehova kaya inilabas niya tayo sa Ehipto para ibigay sa mga Amorita at malipol. 28 Ano bang lugar ang pupuntahan natin? Pinahina ng ating mga kapatid ang loob natin*+ dahil sinabi nila: “Mas malalakas at matatangkad kaysa sa atin ang mga tao roon, at malalaki ang mga lunsod nila at abot-langit ang pader;+ nakita rin namin doon ang mga Anakim.”’+
29 “Kaya sinabi ko, ‘Huwag kayong masindak o matakot sa kanila.+ 30 Ang Diyos ninyong si Jehova ay nasa unahan ninyo at ipaglalaban niya kayo,+ gaya ng nakita ninyong ginawa niya sa Ehipto.+ 31 At nakita ninyo sa ilang kung paano kayo binuhat ng Diyos ninyong si Jehova, gaya ng pagkarga ng ama sa anak, saanman kayo pumunta hanggang sa makarating kayo sa lugar na ito.’ 32 Pero hindi pa rin kayo nanampalataya sa Diyos ninyong si Jehova,+ 33 na nauuna sa inyo sa daan para maghanap ng lugar na mapagkakampuhan ninyo. Nagpakita siya sa pamamagitan ng apoy sa gabi at ng ulap sa araw para ituro sa inyo ang dadaanan ninyo.+
34 “Sa buong panahong iyon, narinig ni Jehova ang mga sinabi ninyo, kaya nagalit siya at sumumpa,+ 35 ‘Walang isa man sa masamang henerasyong ito ang makakakita sa magandang lupaing ipinangako ko sa inyong mga ama,+ 36 maliban kay Caleb na anak ni Jepune. Makikita niya iyon, at ibibigay ko sa kaniya at sa mga anak niya ang lupaing nilakaran niya, dahil buong puso* siyang sumunod kay Jehova.+ 37 (Nagalit din sa akin si Jehova dahil sa inyo, at sinabi niya, “Hindi ka rin papasok doon.+ 38 Ang lingkod mong* si Josue na anak ni Nun+ ang papasok sa lupain.+ Palakasin mo siya,*+ dahil siya ang mangunguna sa Israel sa pagkuha ng lupain.”) 39 At ang mga anak ninyo na hindi pa nakaaalam ng mabuti o masama at sinabi ninyong magiging samsam,+ sila ang papasok doon, at sa kanila ko ibibigay iyon.+ 40 Pero kayo, umalis kayo at maglakbay papunta sa ilang sa Daan ng Dagat na Pula.’+
41 “Sinabi ninyo sa akin, ‘Nagkasala kami kay Jehova. Aakyat na kami at makikipaglaban, gaya ng iniutos sa amin ng Diyos naming si Jehova!’ Kaya inihanda ng bawat isa sa inyo ang mga sandata niya, at inakala ninyong madaling umakyat sa bundok at manakop.+ 42 Pero sinabi ni Jehova sa akin, ‘Sabihin mo sa kanila: “Huwag kayong umakyat para lumaban, dahil hindi ako sasainyo.+ Kapag ginawa ninyo iyon, matatalo kayo ng mga kaaway ninyo.”’ 43 Kaya kinausap ko kayo, pero hindi kayo nakinig. Sumuway kayo sa utos ni Jehova at nangahas na umakyat sa bundok. 44 At sinalubong kayo ng mga Amorita na nakatira sa bundok na iyon at para silang mga bubuyog na humabol sa inyo, at pinangalat nila kayo sa Seir hanggang sa Horma. 45 Pagkatapos, bumalik kayo at umiyak sa harap ni Jehova, pero hindi kayo pinakinggan o binigyang-pansin ni Jehova. 46 Kaya matagal kayong nanirahan sa Kades.