Kabanata 29
Ginagawang Matagumpay ang Buhay-Pamilya
1. (a) Papaano nagpasimula ang pamilya? (b) Ano ang layunin ng Diyos hinggil sa pamilya?
NANG lalangin ng Diyos na Jehova ang unang lalaki at babae, pinagsama niya sila upang bumuo ng isang pamilya. (Genesis 2:21-24; Mateo 19:4-6) Layunin ng Diyos na magpakarami ang mag-asawang ito, sa pamamagitan ng pagluluwal ng supling. At, paglaki ng kanilang mga anak, ang mga ito nama’y magsisipag-asawa din upang bumuo ng kanilang sariling mga pamilya. Layunin ng Diyos na, sa paglipas ng panahon, may maliligayang pamilya na naninirahan sa bawa’t sulok ng lupa. Gagawin nila ang lupa na isang magandang paraiso saanman sila naroon.—Genesis 1:28.
2, 3. (a) Bakit hindi masisisi ang Diyos sa mga kabiguan ng pamilya? (b) Ano ang kailangan upang makapagtamasa ng matagumpay na buhay-pamilya?
2 Subali’t sa ngayon, ang mga pamilya ay nagkakawatak-watak, at marami na nagsasama pa ay hindi naman maligaya. Kaya maaaring itanong ng isa: ‘Kung ang pamilya ay talagang nilikha ng Diyos, hindi ba mas mabuting resulta ang dapat nating asahan?’ Gayumpaman, ang Diyos ay hindi masisisi sa kabiguan ng mga pamilya. Ang isang may-ari ng pabrika ay maaaring maglabas ng isang produkto na may kasamang mga tagubilin hinggil sa paggamit nito. Kasalanan ba ng may-ari ng pabrika kung masira ang produkto dahil sa hindi sinunod ng mamimili ang tagubilin? Talagang hindi. Ang produkto, bagaman mataas ang uri, ay masisira sapagka’t hindi ito ginagamit sa wastong paraan. Ganoon din sa pamilya.
3 Naglaan ang Diyos na Jehova ng mga tagubilin sa Bibliya hinggil sa buhay-pamilya. Kung wawaling-bahala ang mga tagubiling ito, ano ang mangyayari? Bagaman sakdal ang kaayusang pampamilya, maaari itong mawasak. At ang mga membro ng pamilya ay hindi magiging maligaya. Sa kabilang dako, kung susundin ang mga patnubay sa Bibliya, magbubunga ito ng isang matagumpay, maligayang pamilya. Mahalaga, kung gayon, na unawain natin kung papaano nilikha ng Diyos ang iba’t-ibang membro ng pamilya, at kung anu-anong papel ang nilayon niyang gampanan nila.
KUNG PAPAANO NILIKHA NG DIYOS ANG LALAKI’T BABAE
4. (a) Ano ang mga pagkakaiba ng lalaki at babae? (b) Bakit nilikha ng Diyos ang mga pagkakaibang ito?
4 Kahit sino ay makakakita na hindi nilikha ni Jehova ang lalaki at babae na magkatulad. Totoo, magkamukha sila sa maraming paraan. Subali’t may malinaw na pagkakaiba sa kanilang pangangatawan at kasarian. Isa pa, magkaiba ang kanilang damdamin. Bakit may pagkakaiba? Nilalang sila ng Diyos nang gayon upang matulungan ang bawa’t isa na gumanap ng naiibang papel. Pagkatapos lalangin ang lalaki, sinabi ng Diyos: “Hindi mabuti sa lalaki na mag-isa. Ilalalang ko siya ng katulong, isang kapupunan sa kaniya.”—Genesis 2:18.
5. (a) Papaano nilalang ang babae bilang “kapupunan” ng lalaki? (b) Saan naganap ang unang kasalan? (c) Bakit ang pag-aasawa ay maaaring maging isang maligayang kaayusan?
5 Ang isang kapupunan ay isang bagay na ipinapareha o ibinabagay sa iba, upang ito ay maging kompleto. Nilikha ng Diyos ang babae bilang isang kasiyasiyang kapareha ng lalaki upang tumulong sa kaniya sa pagtupad ng bigay-Diyos na mga tagubilin na punuin at alagaan ang lupa. Kaya pagkaraang lalangin ang babae mula sa isang bahagi ng lalaki, isinagawa ng Diyos ang unang kasal doon sa hardin ng Eden sa pamamagitan ng ‘pagdadala sa kaniya sa lalaki.’ (Genesis 2:22; 1 Corinto 11:8, 9) Ang pag-aasawa ay isang maligayang kaayusan sapagka’t ang lalaki at babae ay kapuwa nilikha taglay ang isang pangangailangan na maaaring masapatan ng bawa’t isa. Ang kanilang magkaibang katangian ay katimbang-na-katimbang ng isa’t-isa. Kapag nagkakaunawaan at nagpapahalaga ang mag-asawa sa isa’t-isa at nagtutulungan ayon sa kanilang iniatas na tungkulin, kapuwa sila gumaganap ng kanilang bahagi sa pagtatayo ng maligayang tahanan.
ANG PAPEL NG ASAWANG-LALAKI
6. (a) Sino ang ginawang ulo ng pamilya? (b) Bakit ito wasto at praktikal?
6 Ang pag-aasawa o ang sambahayan ay nangangailangan ng pangunguna. Ang lalaki ay nilikha taglay ang nakahihigit na katangian at lakas upang ilaan ang gayong pangunguna. Dahil dito kung kaya’t sinasabi ng Bibliya: “Ang lalaki ay ulo ng kaniyang asawa gaya din naman ni Kristo na ulo ng kongregasyon.” (Efeso 5:23) Ito ay praktikal, sapagka’t kung saan walang nangunguna naroon ang kaguluhan at kalituhan. Ang isang pamilya na walang ulo ay gaya ng pagmamaneho ng isang kotse na walang manibela. O, kung sisikapin ng babae na agawin ang pagka-ulong iyon, magiging katulad ng isang kotse na dalawa ang nagmamaneho, na parehong may hawak na manibela na kumokontrol sa tig-iisang gulong sa unahan.
7. (a) Bakit may mga babaeng tutol sa pagkapangulo ng lalaki? (b) Ang lahat ba ay may pangulo, at bakit matalino ang kaayusan ng Diyos sa pagkapangulo?
7 Gayumpaman, maraming babae ang tutol sa pagiging ulo ng lalaki sa pamilya. Ang isang pangunahing dahilan ay sapagka’t maraming lalaki ang hindi sumunod sa mga tagubilin ng Diyos hinggil sa wastong pagka-ulo. Sa kabila nito, totoo na upang ang isang organisasyon ay makakilos nang mahusay kailangang may isang maglalaan ng patnubay at gagawa ng pangwakas na mga pasiya. Kaya may katalinuhang nagsasabi ang Bibliya: “Ang ulo ng bawa’t lalaki ay ang Kristo; at ang ulo ng babae ay ang lalaki; at ang ulo ni Kristo ay ang Diyos.” (1 Corinto 11:3) Sa kaayusan ng Diyos, tanging Diyos lamang ang walang pangulo. Lahat ng iba pa, pati na si Jesu-Kristo, at maging mga asawang lalaki at babae, ay nangangailangang tumanggap ng patnubay at magpasakop sa pasiya ng iba.
8. (a) Kaninong halimbawa ang dapat tularan ng mga lalaki sa pangunguna? (b) Anong leksiyon ang dapat matutuhan ng mga lalaki mula sa halimbawang ito?
8 Nangangahulugan ito na upang matupad ang kanilang papel bilang mga asawa, dapat tanggapin ng mga lalaki ang pagiging ulo ni Kristo. Isa pa, dapat nilang sundin ang halimbawa niya sa pamamagitan ng pangunguna sa kanilang mga asawa gaya ng kaniyang pangunguna sa kaniyang kongregasyon. Papaano nakitungo si Kristo sa kaniyang makalupang mga tagasunod? Iyo’y laging sa paraang mabait at makonsiderasyon. Kailanma’y hindi siya naging mabagsik o mainitin-ang-ulo, kahit na kapag mabagal sila sa pagsunod sa kaniyang patnubay. (Marcos 9:33-37; 10:35-45; Lucas 22:24-27; Juan 13:4-15) Sa katunayan, kusa niyang inihandog ang kaniyang buhay alang-alang sa kanila. (1 Juan 3:16) Dapat pag-aralan ng Kristiyanong asawang-lalaki ang halimbawa ni Kristo, at gawin ang buo niyang makakaya sa pagsunod dito kapag nakikitungo sa kaniyang pamilya. Kung gagawin ito, hindi siya magiging makadiktador, mapag-imbot o walang pakundangang ulo ng pamilya.
9. (a) Ano ang reklamo ng maraming asawang-babae? (b) Ano ang may katalinuhang dapat isaisip ng mga lalaki samantalang sila ay nangunguna?
9 Sa kabilang dako naman, dapat isaalang-alang ito ng mga asawang-lalaki: Nagrereklamo ba ang inyong mga asawa na hindi talaga kayo kumikilos bilang ulo ng pamilya? Sinasabi ba niya na hindi kayo nangunguna sa tahanan, sa pagpaplano ng mga gawaing pampamilya at sa pagbalikat ng pananagutan na gumawa ng pangwakas na mga pasiya? Subali’t, ganito ang hinihiling ng Diyos sa inyo, bilang asawang-lalaki. Totoo, magiging matalino kayo kung makikinig kayo sa mga mungkahi o gusto ng mga ibang membro ng pamilya at isaalang-alang ang mga mungkahing ito habang ikinakapit ang inyong pagka-ulo. Bilang asawang-lalaki, mas mabigat ang pananagutan ninyo sa pamilya. Subali’t kung taimtim ninyong pagsisikapan na tuparin ito, mahihilig ang inyong asawa na tumulong at tumangkilik sa inyo.—Kawikaan 13:10; 15:22.
PAGTUPAD SA PAPEL NG ASAWANG-BABAE
10. (a) Anong paggawi ang iminumungkahi ng Bibliya para sa mga asawang-babae? (b) Ano ang nangyayari kapag hindi sinunod ng mga asawang-babae ang payo ng Bibliya?
10 Ayon sa Bibliya, ang babae ay ginawang katulong ng kaniyang asawa. (Genesis 2:18) Kaugnay ng pananagutang ito, ang Bibliya ay humihimok: “Pasakop nga ang mga babae sa kani-kanilang asawa.” (Efeso 5:22) Sa ngayon ay pangkaraniwan na ang pagiging-agresibo at pakikipagpaligsahan ng mga babae sa mga lalaki. Subali’t kapag ang mga babae ay naging pangahas, at nagsisikap na agawin ang pagka-ulo, ang kanilang paggawi ay tiyak na lilikha ng gulo. Maraming lalaki ang waring nagsasabi: ‘Kung gusto niyang mamahala sa sambahayan, eh di bahala siya.’
11. (a) Papaano matutulungan ng babae ang kaniyang asawa na makapanguna? (b) Kung ikakapit ng babae ang kaniyang bigay-Diyos na tungkulin, ano ang magiging epekto nito sa kaniyang asawa?
11 Sa kabilang dako, baka nadadama ninyo na napipilitan kayong manguna sapagka’t ayaw gampanan ito ng inyong asawa. Subali’t may magagawa pa ba kayo para tulungan siya na balikatin ang kaniyang mga pananagutan bilang ulo ng pamilya? Ipinakikita ba ninyong sa kaniya kayo umaasa ukol sa pangunguna? Humihingi ba kayo sa kaniya ng mungkahi at patnubay? Iniiwasan ba ninyong pintasan ang kaniyang ginagawa? Kung talagang sisikapin ninyong gampanan ang inyong bigay-Diyos na atas sa pamilya, malamang na ang inyong asawa ay magsisimulang pumasan ng sa kaniya.—Colosas 3:18, 19.
12. Ano ang nagpapakita na ang mga babae ay may kawastuang makapagpapahayag ng kanilang niloloob, kahit na ito’y di sinasang-ayunan ng kanilang mga asawa?
12 Hindi ito nangangahulugan na ang babae ay dapat na lamang manahimik kung ang kaniyang opinyon ay naiiba sa kaniyang asawa. Baka tama ang kaniyang pangmalas, at baka makinabang ang kaniyang pamilya kung makikinig sa kaniya ang kaniyang asawa. Ang asawa ni Abraham na si Sara ay ibinibigay na halimbawa para sa mga Kristiyanong asawang-babae dahil sa pagpapasakop niya sa asawa. (1 Pedro 3:1, 5, 6) Gayunma’y may iminungkahi siyang lunas sa isang problemang pampamilya, at nang si Abraham ay hindi sumang-ayon sa kaniya, sinabi ng Diyos kay Abraham: “Makinig ka sa kaniya.” (Genesis 21:9-12) Sabihin pa, kapag ang lalaki ay gumawa ng pangwakas na pasiya sa isang bagay, dapat tangkilikin ito ng babae kung ang paggawa niya nito ay hindi hahantong sa kaniyang paglabag sa utos ng Diyos.—Gawa 5:29.
13. Ano ang gagawin ng isang mabuting asawa, at ano ang magiging epekto nito sa kaniyang pamilya?
13 Sa wastong pagganap sa kaniyang tungkulin, malaki ang magagawa ng babae sa pangangalaga sa sambahayan. Halimbawa, siya ay makapagluluto ng masustansiyang pagkain, maiingatang malinis at maayos ang pamamahay at makatutulong sa pagtuturo sa mga bata. Hinihimok ng Bibliya ang mga babae na “ibigin ang kani-kanilang asawa, ibigin ang kanilang mga anak, maging matino sa pag-iisip, malinis, masisipag sa bahay, mabubuti, na nagpapasakop sa kani-kanilang asawa, upang huwag lapastanganin ang salita ng Diyos.” (Tito 2:4, 5) Ang asawa at ina na tumutupad sa mga pananagutang ito ay tiyak na aani ng walang-hanggang pagmamahal at paggalang ng kaniyang pamilya.—Kawikaan 31:10, 11, 26-28.
ANG DAKO NG MGA ANAK SA PAMILYA
14. (a) Ano ang wastong dako ng mga anak sa pamilya? (b) Ano ang matututuhan ng mga anak mula sa halimbawa ni Jesus?
14 Inutusan ni Jehova ang unang mag-asawa: “Magpalaanakin kayo at magpakarami.” (Genesis 1:28) Oo, sinabihan sila ng Diyos na magkaanak. Ang mga anak ay nilayong maging isang pagpapala sa pamilya. (Awit 127:3-5) Palibhasa’y napapailalim sila sa kautusan ng kanilang mga magulang, inihahalintulad ng Bibliya ang kalagayan ng isang anak sa isang alipin. (Kawikaan 1:8; 6:20-23; Galacia 4:1) Maging si Jesus ay patuloy na nagpasakop sa kaniyang mga magulang nang siya’y bata pa. (Lucas 2:51) Nangangahulugan ito na sinunod niya sila, at ginawa ang kanilang iniuutos. Kung lahat ng anak ay gagawa nito, tunay na ito’y magbubunga ng kaligayahan sa pamilya.
15. Bakit ang mga anak ay madalas ikasamâ-ng-loob ng magulang?
15 Subali’t, sa halip na maging pagpapala sa pamilya, ang mga anak ngayon ay malimit magdulot ng samâ-ng-loob sa magulang. Bakit? Dahil sa kabiguan ng mga anak, at gayon din ng mga magulang, na ikapit sa pamumuhay nila ang mga tagubilin ng Bibliya hinggil sa buhay-pamilya. Ano ang ilan sa mga batas at simulaing ito ng Diyos? Suriin natin ang ilan nito sa sumusunod na mga pahina. Samantalang ginagawa natin ito, tingnan kung hindi kayo sasang-ayon na, kung ikakapit ito, malaki ang maitutulong ninyo sa kaligayahan ng inyong pamilya.
Ibigin at Igalang ang Inyong Asawang-babae
16. Ano ang iniuutos gawin ng mga asawang-lalaki, at papaano may kawastuang maikakapit ang mga utos na ito?
16 Taglay ang makalangit na karunungan, sinasabi ng Bibliya: “Dapat ibigin ng mga lalaki ang kani-kanilang asawa na gaya ng kanilang sariling katawan.” (Efeso 5:28-30) Paulit-ulit na napatunayan ng karanasan na upang maging maligaya ang mga babae dapat nilang madama na sila ay minamahal. Nangangahulugan ito na dapat pag-ukulan ng lalaki ang kaniyang asawa ng pantanging pansin, na may kasamang paglalambing, pag-unawa at pagtitiwala. Dapat niya itong ‘pag-ukulan ng karangalan,’ gaya ng sabi ng Bibliya. Gagawin niya ito sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa kaniya sa lahat ng kaniyang gagawin. Sa paraang ito’y aanihin niya ang pagpipitagan ng babae.—1 Pedro 3:7.
Igalang ang Inyong Asawang-lalaki
17. Ano ang iniuutos gawin ng mga asawang-babae, at papaano nila tutuparin ito?
17 Kumusta naman ang mga babae? “Ang babae ay dapat magtaglay ng taimtim na paggalang sa kaniyang asawa,” sabi ng Bibliya. (Efeso 5:33) Ang hindi pagsunod sa payong ito ay pangunahing dahilan kung bakit sumasamâ ang loob ng ilang mga lalaki sa kani-kanilang asawa. Nagpapakita ang babae ng paggalang sa pagtangkilik sa pasiya ng kaniyang asawa, at sa pakikipagtulungan nang buong-kaluluwa sa kaniya sa pag-abot sa mga tunguhin ng pamilya. Sa pagtupad sa kaniyang bigay-Diyos na atas bilang ‘katulong at kapupunan’ ng kaniyang asawa, nagiging madali para sa kaniyang asawa na ibigin siya.—Genesis 2:18.
Maging Tapat sa Isa’t-isa
18. Bakit dapat magtapat ang mga mag-asawa sa isa’t-isa?
18 Sinasabi ng Bibliya: “Ang mga mag-asawa ay dapat maging tapat sa isa’t-isa.” Sa lalaki ay sinasabi nito: “Magalak ka sa iyong asawa at makasumpong ka nawa ng kaligayahan sa dalagang iyong pinakasalan . . . bakit mo ibibigay ang iyong pagmamahal sa ibang babae? Bakit ka pabibighani sa asawa ng ibang lalaki?” (Hebreo 13:4; Kawikaan 5:18-20, Today’s English Version) Oo, ang pangangalunya ay labag sa utos ng Diyos; aakay ito sa gulo ng mag-asawa. “Maraming tao ang nag-aakala na ang pangangalunya ay maaaring maging pampagana sa pag-aasawa,” sabi ng isang tanyag na mananaliksik sa pag-aasawa, subali’t idinagdag nito na ang pagtataksil ay laging humahantong sa “tunay na mga suliranin.”—Kawikaan 6:27-29, 32.
Hanapin ang Ikasisiya ng Inyong Kabiyak
19. Papaano makakamit ng mga mag-asawa ang sukdulang kaligayahan sa pagsisiping?
19 Ang kaligayahan ay hindi dumarating kapag ang isa ay naghahanap ng pansariling kasiyahan sa sekso. Sa halip, nakakamit ito sa paghahanap din naman ng ikasisiya ng kabiyak. Sinasabi ng Bibliya: “Ipagkaloob ng lalaki ang karapatan ng kaniyang asawa; subali’t dapat ding ibigay ng babae ang karapatan ng kaniyang asawa.” (1 Corinto 7:3) Ang pagdidiin dito ay nasa pagkakaloob, pagbibigay. At sa pagbibigay, ang nagbibigay ay tumatanggap din ng tunay na kaligayahan. Kasuwato ito ng sinabi ni Jesu-Kristo: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa pagtanggap.”—Gawa 20:35.
Maging Malapit sa Inyong mga Anak
20. Bakit mahalaga ang paggawa ng mga bagay-bagay kasama ng mga anak?
20 Isang bata na mga walong taon ang gulang ang nagsabi: “Si itay ay lagi na lamang nagtatrabaho. Lagi siyang wala sa bahay. Binibigyan niya ako ng pera at maraming laruan, pero bihira ko siyang makita. Mahal ko siya at sana’y huwag siyang masyadong magtrabaho para mas madalas ko siyang makita.” Mas mainam ang magiging kalagayan ng buhay-pantahanan kapag sinusunod ng mga magulang ang utos ng Bibliya na turuan ang kanilang mga anak ‘kapag sila ay nakaupo sa bahay at kapag sila ay naglalakad sa daan at kapag sila ay nahihiga at kapag sila ay bumabangon’! Ang pagiging malapit sa mga anak, at paggugol ng kasiyasiyang panahon kasama nila, ay tiyak na magbubunga ng kaligayahan sa pamilya.—Deuteronomio 11:19; Kawikaan 22:6.
Ilaan ang Kinakailangang Disiplina
21. Ano ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa pagdidisiplina sa mga anak?
21 Ang ating makalangit na Ama ay naglalaan sa mga magulang ng wastong halimbawa sa paglalaan sa kaniyang bayan ng pagtutuwid, o disiplina. Ang mga anak ay nangangailangan ng disiplina. (Hebreo 12:6; Kawikaan 29:15) Bilang pagkilala nito, humihimok ang Bibliya: “Kayong mga ama, . . . palakihin [ang inyong mga anak] sa disiplina at pagtutuwid-ng-isipan mula kay Jehova.” Ang paglalapat ng disiplina, mangailangan man ito ng pamamalo o pagkakait ng mga karapatan o pribilehiyo, ay katibayan ng pagmamahal ng mga magulang sa kanilang mga anak. Sinasabi ng Bibliya: “Ang umiibig sa [kaniyang anak] ay ang nakikitungo sa kaniya nang may-pagtutuwid.”—Efeso 6:4; Kawikaan 13:24; 23:13, 14.
Mga Kabataan—Labanan ang Lakad ng Sanlibutan
22. Ano ang tungkulin ng mga kabataan, at ano ang nasasangkot sa pagtupad nito?
22 Sinisikap ng sanlibutang ito na udyukan ang mga kabataan upang lumabag sa mga utos ng Diyos. At saka, sinasabi din ng Bibliya, “ang kapilyuhan ay nakatali sa puso ng isang bata.” (Kawikaan 22:15) Kaya kailangang makipagpunyagi sa paggawa ng tama. Gayunma’y sinasabi ng Bibliya: “Mga anak, tungkulin ninyo bilang Kristiyano na sundin ang inyong magulang, sapagka’t ito ang nararapat gawin.” Magdudulot ito ng mayamang gantimpala. Kaya, mga anak, magpakatalino kayo. Sundin ang payo: “Alalahanin ang inyong Maylikha samantalang bata pa kayo.” Labanan ang tukso na gumamit ng droga, maglasing, makiapid at gumawa ng iba pang bagay na labag sa utos ng Diyos.—Efeso 6:1-4; Eclesiastes 12:1; Kawikaan 1:10-19, Today’s English Version.
Pag-aralan ang Bibliya Nang Sama-sama
23. Anong mga pakinabang ang tatamasahin ng mga pamilya sa sama-samang pag-aaral ng Bibliya?
23 Kapag ang isang membro ng pamilya ay nag-aral at nagkapit ng turo ng Bibliya, magbubunga ito ng kaligayahan ng pamilya. Subali’t kapag ang lahat ay gagawa nito—ang ama, ina at mga anak—pinagpala ang magiging kalagayan ng pamilyang yaon! Magkakaroon ng mainit, matalik na ugnayan, ng malayang pakikipagtalastasan, habang sinisikap ng bawa’t membro ng pamilya na tulungan ang iba na maglingkod sa Diyos na Jehova. Kaya gawing kaugalian ang sama-samang pag-aaral ng Bibliya!—Deuteronomio 6:4-9; Juan 17:3.
PAGTATAGUMPAY SA MGA PROBLEMA NG PAMILYA
24. Bakit dapat pagpaumanhinan ng mga mag-asawa ang pagkakamali ng isa’t-isa?
24 Maging sa mga pamilya na karaniwan nang maligaya, nagkakaroon din ng mga problema sa panapanahon. Ang dahilan ay sapagka’t lahat tayo ay hindi sakdal at nakakagawa ng mali. “Lahat tayo ay madalas matisod,” sabi ng Bibliya. (Santiago 3:2) Kaya hindi dapat hanapin ng mga mag-asawa ang kasakdalan sa isa’t-isa. Sa halip, dapat nilang palampasin ang pagkakamali ng isa’t-isa. Kaya sinoman sa kanila ay hindi dapat umasa sa isang lubusang maligayang pag-aasawa, yamang hindi ito posible para sa di-sakdal na mga tao.
25. Papaano lulutasin ang mga suliranin ng pag-aasawa sa pag-ibig?
25 Totoo, ang lalaki at babae ay dapat magsumikap na iwasan kung ano ang nakakainis sa isa’t-isa. Subali’t anoman ang gawin nilang pagsisikap, madalas pa rin silang makagagawa ng mga bagay na makasasakit sa isa’t-isa. Papaano, kung gayon, haharapin ang mga di-pagkakaunawaan? Ang payo ng Bibliya ay: “Ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming mga kasalanan.” (1 Pedro 4:8) Nangangahulugan ito na ang mga mag-asawang nagpapakita ng pag-ibig ay hindi paulit-ulit na babanggit sa mga pagkakamaling nagagawa ng isa’t-isa. Ang pag-ibig ay waring nagsasabi: ‘Oo, nagkamali ka. Pero madalas din akong magkamali. Kaya pagpapasensiyahan kita, at ganoon din sana ang gawin mo sa akin.’—Kawikaan 10:12; 19:11.
26. Kapag may bumangong suliranin, ano ang tutulong upang malutas ito?
26 Kapag ang mga mag-asawa ay handang umamin sa kanilang mga pagkakamali at sinisikap ituwid ang mga ito, maraming pagtatalo at samaan ng loob ang maiiwasan. Ang dapat nilang maging tunguhin ay ang lutasin ang mga suliranin, hindi ang manalo sa pakikipagkatuwiranan. Kahit na nagkamali ang inyong kabiyak, padaliin ninyo ang paglutas sa suliranin sa pamamagitan ng pagiging mabait. Kung kayo ang may kasalanan, may kapakumbabaang humingi ng tawad. Huwag ninyong ipagpaliban ito; harapin ang suliranin nang walang pag-aatubili. “Huwag nawang lumubog ang araw sa iyong galit.”—Efeso 4:26.
27. Ang pagsunod sa anong payo ng Bibliya ang tutulong sa mga mag-asawa sa paglutas sa kanilang mga problema?
27 Bilang may asawa, lalung-lalo na ninyong kailangang sundin ang alituntunin na “bigyang-pansin, hindi ang sariling kapakanan, kundi ang kapakanan ng iba.” (Filipos 2:4) Dapat ninyong sundin ang utos ng Bibliya: “Mangagbihis kayo ng pusong mahabagin, ng kagandahang-loob, ng kababaan, kahinahunan at pagpapahinuhod. Magtiisan kayo sa isa’t-isa at magpatawaran kayo sa isa’t-isa kung ang sinoman ay may reklamo laban sa iba. Kung papaanong pinatawad kayo ni Jehova, ganoon din ang gawin ninyo. Subali’t, bukod sa lahat ng ito, ay mangagbihis kayo ng pag-ibig, sapagka’t ito ang sakdal na tali ng pagkakaisa.”—Colosas 3:12-14.
28. (a) Ang diborsiyo ba ang paraan ng paglutas sa mga suliraning pangmag-asawa? (b) Ano ang sinasabi ng Bibliya na tanging saligan ukol sa diborsiyo na nagbibigay-laya sa isa upang muling makapag-asawa?
28 Maraming mag-asawa ngayon ang hindi nagkakapit ng payo mula sa Salita ng Diyos upang malutas ang kanilang mga problema, kaya sila ay nagdidiborsiyo. Sinasang-ayunan ba ng Diyos ang diborsiyo bilang paraan ng paglutas sa mga problema? Hindi, ayaw niya. (Malakias 2:15, 16) Nilayon niya ang pag-aasawa upang maging isang habang-buhay na kaayusan. (Roma 7:2) Ang Bibliya ay nagpapahintulot ng iisa lamang saligan sa diborsiyo na nagbibigay-laya sa isa upang muling makapag-asawa, at ito ay ang pakikiapid (Griego, porneia, malubhang seksuwal na imoralidad). Kapag may pakikiapid, ang asawang pinagkasalahan ay makapagpapasiya kung siya’y makikipagdiborsiyo o hindi.—Mateo 5:32.
29. (a) Kung ayaw makisama ang inyong kabiyak sa Kristiyanong pagsamba, ano ang dapat ninyong gawin? (b) Ano ang maaaring ibunga nito?
29 Papaano kung ang inyong kabiyak ay tumatangging makipag-aral ng Salita ng Diyos kasama ninyo, o kaya’y sumasalansang sa inyong Kristiyanong paglilingkod? Pinalalakas pa rin ng Bibliya ang loob ninyo na makisama sa inyong asawa at huwag malasin ang paghihiwalay bilang pinakamadaling paraan ng paglutas sa problema. Gawin ang inyong buong makakaya sa pagpapaunlad ng kalagayan sa inyong tahanan sa pamamagitan ng pagkakapit ng sinasabi ng Bibliya hinggil sa inyong sariling paggawi. Sa kalaunan, dahil sa inyong Kristiyanong paggawi, baka mahikayat ninyo ang inyong kabiyak. (1 Corinto 7:10-16; 1 Pedro 3:1, 2) At anong laking pagpapala ang mapapasa-inyo kapag ang inyong maibiging pagtitiis ay ginantimpalaan sa paraang ito!
30. Bakit napakahalaga sa mga magulang na magbigay ng mabuting halimbawa sa kanilang mga anak?
30 Maraming pampamilyang problema ngayon ay nagsasangkot sa mga anak. Ano ang magagawa kapag ganito ang kalagayan sa inyong pamilya? Una sa lahat, bilang magulang, kailangan ninyong magbigay ng mabuting halimbawa. Kasi mas nahihilig sumunod ang mga anak sa inyong ginagawa kay sa inyong sinasabi. At kapag napaiba ang inyong kilos sa inyong sinasabi, madali itong makita ng mga bata. Kaya, kung gusto ninyong ang inyong mga anak ay makapagtamasa ng mahusay, Kristiyanong pamumuhay, dapat kayong magbigay ng halimbawa.—Roma 2:21, 22.
31. (a) Anong higit na mahalagang dahilan mayroon ang mga anak sa pagsunod sa payo ng kanilang magulang? (b) Papaano ninyo maipakikita sa inyong anak ang katalinuhan ng pagsunod sa batas ng Diyos na nagbabawal sa pakikiapid?
31 Isa pa, dapat kayong makipagkatuwiranan sa mga bata. Hindi sapat ang basta sabihin sa mga kabataan: ‘Hindi ko gustong ikaw ay nakikiapid, sapagka’t masama ito.’ Dapat ipakita sa kanila na ang kanilang Maylikha, ang Diyos na Jehova, ang siyang nagsasabi na ang mga bagay na gaya ng pakikiapid ay mali. (Efeso 5:3-5; 1 Tesalonica 4:3-7) Pero hindi pa rin sapat ito. Kailangan ding tulungan ang mga anak na makita kung bakit dapat nilang sundin ang mga utos ng Diyos, at kung papaano ito makakatulong sa kanila. Halimbawa, maaari ninyong akayin ang pansin ng inyong anak sa kamanghamanghang paraan ng pagbuo sa isang sanggol sa pamamagitan ng pagsasama ng semilya ng lalaki at ng binhi ng babae, at saka itanong: ‘Sa palagay mo, hindi kaya ang Isang nagpangyari ng ganitong himala ng pag-aanak ang siyang higit na nakakaalam kung papaano dapat gamitin ng mga tao ang kanilang bigay-Diyos na kapangyarihan sa pag-aanak?’ (Awit 139:13-17) O maaari ninyong itanong: ‘Sa palagay mo kaya ang ating Dakilang Maylikha ay gagawa ng isang batas na magkakait sa atin ng kaligayahan sa buhay? Sa halip, hindi ba dapat higit tayong lumigaya kapag sinusunod natin ang kaniyang mga utos?’
32. (a) Ano ang dapat maging saloobin ninyo kapag ang mga palagay ng inyong mga anak ay hindi kasuwato niyaong sa Diyos? (b) Papaano matutulungan ang inyong anak upang makita nito ang katalinuhan ng sinasabi ng Bibliya?
32 Ang ganitong mga tanong ay tutulong sa inyong anak na mangatuwiran sa batas ng Diyos hinggil sa paggamit ng mga sangkap sa pag-aanak. Makinig sa kaniyang mga palagay. Kung ang mga ito ay hindi kaayon ng gusto ninyo, huwag kayong magagalit. Unawain na ang henerasyon ng inyong anak ay nagpakalayu-layo na sa matuwid na mga turo ng Bibliya, at saka ipakita sa kaniya kung bakit hindi matalino ang mahahalay na gawi ng kaniyang henerasyon. Marahil ay matatawag ninyo ang pansin ng inyong anak sa ilang tiyak na halimbawa kung saan ang seksuwal na imoralidad ay umakay sa mga anak-sa-ligaw, sakit benereal o iba pang suliranin. Sa paraang ito, natutulungan siyang makita ang pagiging makatuwiran at wasto ng sinasabi ng Bibliya.
33. Bakit ang nasasalig-sa-Bibliya na pag-asa ng pamumuhay magpakailanman sa Paraiso ay tutulong upang maging matagumpay ang buhay-pamilya?
33 Ang nasasalig-sa-Bibliyang pag-asa ng pamumuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa ay lalung-lalo nang makakatulong sa atin upang maging matagumpay ang buhay-pamilya. Bakit? Sapagka’t kung talagang gusto nating mabuhay sa bagong kaayusan ng Diyos, sisikapin nating mamuhay ngayon kung papaanong tayo ay umaasa na mamuhay doon. Nangangahulugan ito na mahigpit nating susundin ang mga tagubilin at patnubay ng Diyos na Jehova. Bunga nito, puputungan ng Diyos ang kasalukuyan nating kaligayahan sa pamamagitan ng pagtatamasa ng walang-hanggang buhay at saganang kaligayahan sa walang-hanggang panahong nasa sa ating unahan.—Kawikaan 3:11-18.