PANGANGASO AT PANGINGISDA
Noon lamang pagkaraan ng Baha pinahintulutan ang tao na mangaso at mangisda ng kaniyang makakain. (Gen 9:3, 4) Ngunit kahit noong panahon bago ang Baha, maaaring nangangaso na ang mga tao upang makakuha ng mga balat ng hayop para gawing damit at iba pang mga kagamitan.—Ihambing ang Gen 3:21.
Pagkatapos ng Delubyo, si Nimrod ang unang tao na napabantog bilang isang “makapangyarihang mangangaso na salansang kay Jehova” (Gen 10:8, 9), anupat tiyak na nangaso siya para lamang sa paglilibang, gaya ng ginawa noong maglaon ng mga hari ng Asirya, Ehipto, at ng iba pang mga lupain. Walang pahiwatig na nangaso ang mga Israelita para lamang sa paglilibang, bagaman nangaso sila noon ng mga hayop gaya ng mga gasela at mga lalaking usa upang kanilang kainin (1Ha 4:22, 23) at pumatay sila ng mababangis na hayop bilang pagtatanggol sa kanilang sarili (Huk 14:5, 6) o sa kanilang mga alagang hayop o mga pananim.—1Sa 17:34-36; Sol 2:15.
May kaugnayan sa pangangaso, inulit ng Kautusang Mosaiko ang pagbabawal na ibinigay pagkaraan ng Baha hinggil sa pagkain ng dugo. (Gen 9:4; Lev 17:12-14; tingnan ang DUGO.) Karagdagan dito, may ilang maiilap na hayop na itinalaga bilang marumi anupat hindi dapat kainin. (Lev 11:2-20; Deu 14:3-20) Ayon sa isa pa ring kautusan, hindi dapat kunin ng mga Israelita ang inahing ibon kasama ng kaniyang supling o mga itlog. Karaniwan na, nagiging madaling hulihin ang inahing ibon dahil sa pagmamahal niya sa kaniyang inakáy; gayunman, dapat siyang pakawalan, malamang na upang makapagluwal pa siya ng iba pang supling.—Deu 22:6, 7.
Iba’t ibang kagamitan at instrumento ang ginamit noon sa pangangaso, kabilang na rito ang mga busog at mga palaso (Gen 21:20; 27:3), mga panghilagpos (1Sa 17:34, 40; Job 41:1, 28), mga bitag, mga lambat, mga hukay, at mga pangawit (Aw 140:5; Eze 17:20; 19:4, 9). Tiyak na ginamit din ang mga tabak, mga sibat, mga tunod, mga pamalo, at mga diyabelin.—Job 41:1, 26-29.
Noon, upang makahuli ng mga hayop, kadalasang nag-uumang muna ng mga lambat. Pagkatapos, bubulabugin ng isang pangkat ng mga mangangaso ang mga hayop, karaniwa’y sa pamamagitan ng pag-iingay, upang tumakbo ang mga ito patungo sa mga lambat, na sumasaklob naman sa mga hayop. Gayundin, gumagawa ng mga hukay at upang hindi mahalata ang mga ito, naglalagay sa ibabaw ng mga ito ng manipis na takip na gawa sa mga patpat at lupa. Nabibitag ang mga hayop kapag itinaboy sila patungo sa takip ng hukay. Bukod diyan, gumagamit din ng mga silo na pansalabid sa mga paa ng mga hayop, at maaari ring gumamit sila noon ng kombinasyon ng mga hukay at mga lambat.—Ihambing ang Job 18:8-11; Jer 18:22; 48:42-44; tingnan ang BITAG; MANGHUHULI NG IBON.
Pangingisda. Para sa mga Hebreo, ang pangingisda ay isang hanapbuhay; hindi binabanggit na ginagawa ito noon para lamang sa paglilibang. Ang mga mangingisda ay gumamit ng mga lambat, mga salapang, at mga sibat, gayundin ng kawil at pising pamingwit. (Job 41:1, 7; Eze 26:5, 14; Hab 1:15, 17; Mat 17:27) Kalimitan, sa gabi ginagawa ang pangingisda. Ang mga lambat na pangubkob ay inihuhulog mula sa mga bangka; sa kalaunan, alinman sa hinahatak ang mga ito patungo sa baybayin o ibinubuhos sa bangka ang nahuling isda. Pagkatapos, pinagbubukud-bukod ang mga isda. Yaong mga angkop kainin alinsunod sa mga kundisyon ng Kautusan ay itinatabi; yaon namang mga di-karapat-dapat ay itinatapon. (Mat 13:47, 48; Luc 5:5-7; Ju 21:6, 8, 11) Kapag ang mga mangingisda ay nakalusong lamang sa tubig o nakatayo sa baybayin, maaaring mga lambat na mas maliliit kaysa sa lambat na pangubkob ang inihahagis nila.—Tingnan ang LAMBAT, PANGUBKOB NA.
Mahirap na gawain ang pangingisda. Kailangan dito ang pisikal na pagpapagal, lalo na kapag punô ng isda ang mga lambat na hinihila ng mga lalaki (Ju 21:6, 11) o kapag nagsasagwan sila ng mga bangka nang pasalungat sa hangin. (Mar 6:47, 48) Kung minsan, walang nahuhuli ang mga mangingisda kahit buong magdamag silang magpagal. (Luc 5:5; Ju 21:3) Pagkatapos ay kailangan pa nilang patuyuin at kumpunihin ang mga lambat.—Eze 47:10; Mat 4:21.
Magkakasosyo noon ang mga mangingisdang sina Pedro, Andres, Santiago, at Juan. (Mat 4:18, 21; Luc 5:3, 7, 10) Noong isang pagkakataon, pito sa mga alagad ni Jesus, kabilang na sina Natanael at Tomas, ang nangisdang magkakasama. (Ju 21:2, 3) Sa Juan 21:2, maaaring ang kapatid ni Pedro na si Andres ang isa sa dalawang mangingisda na binanggit ngunit hindi ipinakilala; marahil ang isa pa ay si Felipe, yamang ipinahihiwatig ito ng bagay na ang tahanan niya ay nasa Betsaida (nangangahulugang “Bahay ng Mangangaso (o, Mangingisda)”).—Ju 1:43, 44.
Makasagisag. Ang pangingisda ay maaaring lumarawan sa panlulupig sa digmaan. (Am 4:2; Hab 1:14, 15) Sa kabilang dako naman, inihalintulad ni Jesus ang gawaing paggawa ng mga alagad sa pangingisda ng mga tao. (Mat 4:19) Ang Jeremias 16:16, na bumabanggit na ‘magpapatawag si Jehova ng maraming mangingisda at mangangaso,’ ay maaaring unawain alinman sa kaayaaya o di-kaayaayang diwa. Kung ang tekstong ito ay tuwirang kaugnay ng talata 15, na tumutukoy sa pagsasauli sa mga Israelita sa kanilang lupain, ipinahihiwatig nito ang paghahanap sa nagsisising mga Judiong nalabi. Kung hindi naman, ang mga mangingisda at mga mangangaso ay mga hukbo ng kaaway na isinugo upang hanapin ang di-tapat na mga Israelita, anupat walang sinuman sa kanila ang makatatakas sa kahatulan ni Jehova.—Ihambing ang Eze 9:2-7.