Ayon kay Juan
21 Pagkatapos nito, muling nagpakita si Jesus sa mga alagad, sa Lawa ng Tiberias. Nagpakita siya sa ganitong paraan. 2 Magkakasama si Simon Pedro, si Tomas (ang tinatawag na Kambal),+ si Natanael+ na mula sa Cana ng Galilea, ang mga anak ni Zebedeo,+ at ang dalawa pa sa mga alagad. 3 Sinabi ni Simon Pedro sa kanila: “Mangingisda ako.” Sinabi nila: “Sasama kami.” Umalis sila at sumakay sa bangka, pero wala silang nahuli nang gabing iyon.+
4 Nang mag-uumaga na, tumayo si Jesus sa dalampasigan, pero hindi nakilala ng mga alagad na si Jesus iyon.+ 5 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Mga anak, may makakain ba kayo?” Sumagot sila: “Wala!” 6 Sinabi niya: “Ihagis ninyo ang lambat sa gawing kanan ng bangka at may mahuhuli kayo.” Kaya inihagis nila iyon pero hindi na nila maiahon dahil sa dami ng isda.+ 7 Pagkatapos, sinabi kay Pedro ng alagad na minamahal ni Jesus:+ “Ang Panginoon iyon!” Nang marinig ni Simon Pedro na iyon ang Panginoon, isinuot* niya ang damit niya dahil nakahubad siya, at tumalon siya sa lawa. 8 Pero sinundan siya ng ibang alagad habang nakasakay sa maliit na bangka at hinahatak ang lambat na punô ng isda, dahil mga 90 metro lang ang layo nila sa dalampasigan.
9 Pagdating nila sa dalampasigan, may nakita silang nagbabagang uling na may isda sa ibabaw, at mayroon ding tinapay. 10 Sinabi ni Jesus: “Dalhin ninyo ang ilan sa isdang kahuhuli lang ninyo.” 11 Kaya sumakay si Simon Pedro sa bangka, at hinatak niya sa dalampasigan ang lambat na punô ng malalaking isda, 153 ang mga iyon. Pero kahit napakarami ng isda, hindi nasira ang lambat. 12 Sinabi ni Jesus: “Halikayo, mag-almusal muna kayo.”+ Walang isa man sa mga alagad ang nagkaroon ng lakas ng loob na magtanong kay Jesus kung sino siya, dahil alam nilang siya ang Panginoon. 13 Kinuha ni Jesus ang tinapay at ibinigay iyon sa kanila, pati ang isda. 14 Ito ang ikatlong pagkakataon+ na nagpakita si Jesus sa mga alagad matapos siyang buhaying muli.*
15 Pagkatapos nilang mag-almusal, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro: “Simon na anak ni Juan, mas mahal mo ba ako kaysa sa mga ito?” Sumagot siya: “Oo, Panginoon, alam mong mahal kita.” Sinabi ni Jesus: “Pakainin mo ang aking mga kordero.”*+ 16 Sa ikalawang pagkakataon, sinabi niya: “Simon na anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Sumagot siya: “Oo, Panginoon, alam mong mahal kita.” Sinabi ni Jesus: “Pastulan mo ang aking maliliit na tupa.”+ 17 Sa ikatlong pagkakataon, sinabi niya: “Simon na anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Lungkot na lungkot si Pedro dahil ikatlong beses nang itinanong ni Jesus sa kaniya: “Mahal mo ba ako?” Kaya sumagot siya: “Panginoon, alam mo ang lahat ng bagay; alam mong mahal kita.” Sinabi ni Jesus: “Pakainin mo ang aking maliliit na tupa.+ 18 Sinasabi ko sa iyo, noong bata ka pa, ikaw ang nagbibihis sa sarili mo at nagpupunta ka kahit saan mo gusto. Pero pagtanda mo, iuunat mo ang mga kamay mo at ibang tao ang magbibihis sa iyo at dadalhin ka sa lugar na hindi mo gusto.”+ 19 Sinabi niya ito para ipahiwatig kung sa anong uri ng kamatayan luluwalhatiin ni Pedro ang Diyos. Pagkatapos, sinabi ni Jesus: “Patuloy kang sumunod sa akin.”+
20 Paglingon ni Pedro, nakita niyang papalapit ang alagad na minamahal ni Jesus.+ Siya ang sumandig sa dibdib ni Jesus noong hapunan at nagsabi: “Panginoon, sino ang magtatraidor sa iyo?” 21 Kaya pagkakita sa kaniya, sinabi ni Pedro kay Jesus: “Panginoon, ano naman ang mangyayari sa kaniya?” 22 Sumagot si Jesus: “Kung kalooban kong manatili siya hanggang sa dumating ako, ano ang ikinababahala mo? Patuloy kang sumunod sa akin.” 23 Kaya kumalat ang pananalitang ito sa gitna ng mga tagasunod* na hindi mamamatay ang alagad na iyon. Pero hindi sinabi ni Jesus na hindi siya mamamatay. Ang sinabi niya: “Kung kalooban kong manatili siya hanggang sa dumating ako, ano ang ikinababahala mo?”
24 Ito ang alagad+ na nagpapatotoo tungkol sa mga ito at sumulat ng mga ito, at alam natin na ang patotoo niya ay totoo.+
25 Sa katunayan, marami pang ibang ginawa si Jesus, na kung sakaling naisulat nang detalyado, sa palagay ko, hindi magkakasya sa mundo ang mga isinulat na balumbon.+