PAKIKIAPID
Bawal na seksuwal na pagsisiping ng mga hindi mag-asawa ayon sa Kasulatan. Ang pandiwang Hebreo na za·nahʹ at ang kaugnay na mga anyo nito ay nagtatawid ng ideya ng pagpapatutot, imoral na pakikipagtalik, pakikiapid, o prostitusyon. (Gen 38:24; Exo 34:16; Os 1:2; Lev 19:29) Ang salitang Griego na isinalin bilang “pakikiapid” ay por·neiʹa. May kinalaman sa mga katuturan ng por·neiʹa, sinasabi ni B. F. Westcott sa kaniyang aklat na Saint Paul’s Epistle to the Ephesians (1906, p. 76): “Ito ang pangkalahatang termino para sa lahat ng bawal na pakikipagtalik, (I) pangangalunya: Os. ii. 2, 4 (LXX.); Mat. v. 32; xix. 9; (2) bawal na pag-aasawa, I Cor. v. I; (3) pakikiapid, ang karaniwang diwa gaya rito [Efe 5:3].” Binibigyang-katuturan ng Greek-English Lexicon of the New Testament ni Bauer (nirebisa nina F. W. Gingrich at F. Danker, 1979, p. 693) ang por·neiʹa bilang “prostitusyon, karumihang-asal, pakikiapid, ng bawat uri ng bawal na seksuwal na pakikipagtalik.” Ang porneia ay nagsasangkot sa napakaimoral na paggamit ng (mga) ari ng kahit isa man lamang tao; gayundin, maaaring may dalawa o higit pang partido (kabilang ang isa pang taong sumasang-ayon o isang hayop), kasekso man o hindi. (Jud 7) Ang panggagahasa ay pakikiapid, ngunit sabihin pa, ang isa na sapilitang ginahasa ay hindi nagkasala ng pakikiapid.
Nang isagawa ng Diyos ang unang kasalan ng mga tao, sinabi niya: “Iyan ang dahilan kung bakit iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan siya sa kaniyang asawa at sila ay magiging isang laman.” (Gen 2:24) Dito, ang pamantayang itinakda para sa lalaki at babae ay monogamya, at hindi ipinahintulot ang seksuwal na pakikipagtalik sa iba’t ibang kapareha. Gayundin, hindi inaasahan na magkakaroon ng diborsiyo at muling pag-aasawa sa iba.—Tingnan ang DIBORSIYO.
Sa patriyarkal na lipunan, kinapootan ng tapat na mga lingkod ng Diyos ang pakikiapid, ito man ay sa pagitan ng mga taong walang-asawa, ipinakipagtipan, o may-asawa, at itinuring itong isang kasalanan laban sa Diyos.—Gen 34:1, 2, 6, 7, 31; 38:24-26; 39:7-9.
Sa Ilalim ng Kautusan. Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, ang isang lalaking nakiapid sa isang babaing hindi pa naipakikipagtipan ay kailangang magpakasal sa babae at magbayad sa ama nito ng halagang pambili para sa mga kasintahang babae (50 siklong pilak; $110), at hindi niya siya maaaring diborsiyuhin sa lahat ng kaniyang mga araw. Kahit tumanggi ang ama ng babae na ibigay ito upang mapangasawa niya, kailangang bayaran ng lalaki sa ama ang halagang pambili. (Exo 22:16, 17; Deu 22:28, 29) Gayunman, kung ang babae ay naipakipagtipan na, ang lalaki ay babatuhin hanggang sa mamatay. Kung sumigaw ang babae noong siya’y dinahas, hindi siya parurusahan, ngunit kung ang babaing ipinakipagtipan ay hindi sumigaw (anupat nagpapahiwatig ng pagsang-ayon), papatayin din siya.—Deu 22:23-27.
Ang kabanalan ng pag-aasawa ay idiniin ng batas na nagpaparusa ng kamatayan sa isang babaing nagpakasal habang nagkukunwaring isang birhen, anupat lihim palang nakiapid. Kung ang isang lalaki ay may-kabulaanang magparatang sa kaniyang asawa ng gayong krimen, iyon ay itinuturing na pagdadala ng malaking kadustaan sa sambahayan ng ama ng babae. Para sa mapanirang-puring pagkilos ng lalaki, siya ay “didisiplinahin” ng mga hukom, marahil sa pamamagitan ng pamamalo, at pagmumultahin ng 100 siklong pilak ($220), anupat ang salapi ay ibibigay naman sa ama ng babae. (Deu 22:13-21) Ang pagpapatutot ng anak na babae ng isang saserdote ay nagdadala ng kadustaan sa sagradong katungkulan nito. Ang babaing iyon ay papatayin, pagkatapos ay susunugin siya bilang isa na karima-rimarim. (Lev 21:9; tingnan din ang Lev 19:29.) Ang pakikiapid sa pagitan ng mga taong may-asawa (pangangalunya) ay isang paglabag sa ikapitong utos at karapat-dapat sa parusang kamatayan para sa dalawang kasangkot.—Exo 20:14; Deu 5:18; 22:22.
Kung ang isang lalaki ay nakiapid sa isang alilang babae na nakatalaga sa ibang lalaki, ngunit hindi pa siya natutubos o napalalaya, ilalapat ang kaparusahan, ngunit hindi sila papatayin. (Lev 19:20-22) Maliwanag na ito’y dahil hindi pa malaya ang babae at wala pa siyang ganap na kontrol sa kaniyang mga pagkilos, di-tulad ng isang malayang babaing ipinakipagtipan. Ang halagang pantubos ay hindi pa nababayaran, o sa paanuman ay hindi pa lubusang nababayaran, at siya’y isang alila na talî pa sa kaniyang panginoon.
Nang ang bayarang propeta na si Balaam ay hindi makapagdala ng sumpa sa Israel sa pamamagitan ng panghuhula, nakasumpong siya ng paraan upang magalit sa kanila ang Diyos: sa pamamagitan ng pag-akit sa kanila sa maling pagnanasa sa pakikipagtalik. Sa pamamagitan ng mga babae ng Moab, inakit niya ang mga Israelita na magsagawa ng maruming pagsamba sa Baal ng Peor na nagsasangkot ng pagsamba sa ari ng lalaki, anupat dahil dito ay 24,000 sa mga anak ni Israel ang namatay.—Bil 25:1-9; 1Co 10:8 (malamang, 1,000 ulo ng bayan ang pinatay at ibinitin sa mga tulos [Bil 25:4] at ang iba pa ay pinuksa sa pamamagitan ng tabak o ng salot).
Ipinagbabawal sa mga Kristiyano. Ibinalik ni Jesu-Kristo ang orihinal na pamantayan ng Diyos hinggil sa monogamya (Mat 5:32; 19:9) at ipinakita niya ang kabalakyutan ng pakikiapid sa pamamagitan ng paghahanay nito kasama ng pagpaslang, pagnanakaw, balakyot na pangangatuwiran, bulaang patotoo, at pamumusong. Itinawag-pansin niya na ang mga ito ay nagmumula sa loob ng isang tao, mula sa kaniyang puso, at nagpaparungis sa kaniya. (Mat 15:19, 20; Mar 7:21-23) Nang maglaon, ang lupong tagapamahala ng kongregasyong Kristiyano, na binubuo ng mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem, ay sumulat sa mga Kristiyano noong mga 49 C.E., anupat binabalaan sila laban sa pakikiapid, at inihanay itong kasama ng idolatriya at ng pagkain ng dugo.—Gaw 15:20, 29; 21:25.
Itinawag-pansin ng apostol na si Pablo na ang pakikiapid ay isa sa mga gawa ng laman, kabaligtaran ng mga bunga ng espiritu ng Diyos, at nagbabala siya na ang nagsasagawa ng mga gawa ng laman ay hindi magmamana ng Kaharian. (Gal 5:19-21) Nagpayo siya na dapat patayin ng isang Kristiyano ang kaniyang katawan “may kinalaman sa pakikiapid.” (Col 3:5) Sa katunayan, nagbabala siya na hindi man lamang ito dapat maging paksa ng usapan ng mga Kristiyano na dapat maging banal. Sa katulad na paraan, hindi dapat bigkasin ng mga Israelita ang mga pangalan ng mga paganong diyos. Hindi ito nangangahulugan na hindi nila bababalaan ang kanilang mga anak tungkol sa mga diyos na ito, kundi, hindi nila dapat banggitin ang mga ito nang may anumang pagpapakundangan.—Efe 5:3; Exo 23:13.
Ang pakikiapid ay isang paglabag na maaaring ikatiwalag ng isang indibiduwal mula sa kongregasyong Kristiyano. (1Co 5:9-13; Heb 12:15, 16) Ipinaliwanag ng apostol na ang Kristiyanong nakikiapid ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling katawan, anupat ginagamit sa imoral na layunin ang kaniyang mga sangkap sa pag-aanak. Nagkakaroon ito ng malubha at masamang epekto sa kaniya sa espirituwal na paraan, nagdudulot ng karungisan sa kongregasyon ng Diyos, at naghahantad sa kaniya sa panganib ng nakamamatay na mga sakit na naililipat sa pamamagitan ng pagtatalik. (1Co 6:18, 19) Pinanghihimasukan niya ang mga karapatan ng kaniyang mga kapatid na Kristiyano (1Te 4:3-7) sa pamamagitan ng (1) pagpapasok ng karumihan at kadusta-dustang kahibangan sa loob ng kongregasyon (Heb 12:15, 16), (2) pagkakait sa isa na pinakiapiran niya ng isang malinis na katayuang moral at, kung ang isang iyon ay walang-asawa, pagkakait sa isang iyon ng malinis na katayuan kapag pumasok iyon sa pag-aasawa, (3) pagkakait sa kaniyang sariling pamilya ng isang malinis na rekord sa moral, gayundin (4) pagkakasala sa mga magulang, asawang lalaki, o katipan ng isa na kaniyang pinakiapiran. Ipinagwawalang-halaga niya, hindi ang tao, na ang mga batas ay maaaring kumukunsinti o humahatol sa pakikiapid, kundi ang Diyos, na maglalapat ng kaparusahan para sa kaniyang kasalanan.—1Te 4:8.
Makasagisag na Paggamit. Ang bansang Israel, na nasa pakikipagtipan sa kaniya, ay tinukoy ng Diyos na Jehova bilang isang “asawang babae.” (Isa 54:5, 6) Nang ang bansa ay maging di-tapat sa kaniya, anupat ipinagwalang-bahala siya at humingi ng tulong sa ibang mga bansa na gaya ng Ehipto at Asirya at nakipag-alyansa sa mga ito, ang Israel ay naging gaya ng isang di-tapat na asawang babae, isang mapangalunya, isang patutot, isa na nakikiapid sa iba’t ibang lalaki. (Eze 16:15, 25-29) Gayundin, kung ang mga Kristiyanong nakaalay sa Diyos, o nag-aangking may gayong kaugnayan sa kaniya, ay maging di-tapat sa pamamagitan ng pagsasagawa ng huwad na pagsamba o sa pamamagitan ng pakikipagkaibigan sa sanlibutan, sila ay tinatawag na mga mangangalunya.—San 4:4.
May kinalaman sa makasagisag na kahulugan ng por·neiʹa sa ilang teksto, ganito ang sabi ni F. Zorell (Lexicon Graecum Novi Testamenti, Paris, 1961, tud. 1106): “Pag-aapostata mula sa tunay na pananampalataya, lubusan man o bahagya, pagtalikod mula sa iisang tunay na Diyos na si Jahve at pagbaling sa mga banyagang diyos [4Ha 9:22; Jer 3:2, 9; Os 6:10 atbp.; sapagkat ang buklod ng Diyos sa kaniyang bayan ay itinuring na gaya ng isang uri ng espirituwal na pag-aasawa]: Apo 14:8; 17:2, 4; 18:3; 19:2.”—Kaniya ang mga braket; ang 4Ha sa Griegong Septuagint ay katumbas ng 2Ha sa tekstong Masoretiko.
Ang Babilonyang Dakila, na inilarawan sa aklat ng Bibliya na Apocalipsis bilang isang patutot, ay sumasagisag sa isang bagay na may kinalaman sa relihiyon. Ang kaniyang iba’t ibang mga sekta, ang “Kristiyano” at ang pagano, ay nag-aangking mga organisasyon ng tunay na pagsamba. Ngunit nakisama siya sa mga tagapamahala ng sanlibutang ito para sa kapangyarihan at materyal na pakinabang, at “pinakiapiran [siya] ng mga hari sa lupa.” Ang kaniyang maruming landasin ng pakikiapid ay naging karima-rimarim sa paningin ng Diyos at nagdulot ng lansakang pagbububo ng dugo at matinding kabagabagan sa lupa. (Apo 17:1-6; 18:3) Dahil sa kaniyang landasin, daranas siya ng kahatulan ng Diyos para sa mga nagsasagawa ng pakikiapid, samakatuwid nga, pagkapuksa.—Apo 17:16; 18:8, 9.