DUNGIS
Pisikal o moral na kapintasan, di-kasakdalan; pagiging di-malusog; “anumang masama.”—Deu 17:1.
Ang salitang Hebreo para sa pisikal o moral na “kapintasan” ay mum. (Lev 21:17; Job 31:7) Ang Griegong moʹmos naman ay nangangahulugang “dungis,” samantalang ang kaugnay nito na aʹmo·mos ay nangangahulugang “walang dungis.” (2Pe 2:13; Efe 1:4) Kapuwa nauugnay ang mga ito sa salitang-ugat na mo·maʹo·mai, nangangahulugang ‘makakita ng pagkakamali.’—2Co 6:3; 8:20.
Ibang-iba kay Jehova, na ‘sakdal sa kaniyang gawa’ [“walang dungis (walang batik) ang kaniyang mga gawa,” Sy],’ sinabi ng Diyos tungkol sa Israel: “Sila ay gumawi nang kapaha-pahamak sa ganang kanila; sila ay hindi niya mga anak, ang kapintasan ay kanila.”—Deu 32:4, 5.
Dahil dito, ang isang Levitikong saserdote na naglilingkod sa harap ng Diyos ng kasakdalan ay dapat na walang pisikal na mga dungis gaya ng pagiging bulag, pilay, o may hiwa ang ilong, gayundin ng mga abnormalidad gaya ng kamay na napakahaba, likod na kuba, kamay na may bali, kapayatan na dulot ng sakit, mga karamdaman sa mata o balat, kamay o paang pilay, at mga bayag na durog. (Lev 21:18-20) Palibhasa’y hindi nagtataglay ng gayong mga kapintasan, ang mataas na saserdote ng Israel ay angkop na lumarawan sa Dakilang Mataas na Saserdote na si Jesu-Kristo, na “walang katusuhan, walang dungis.”—Heb 7:26.
Ang pagiging malusog, o walang dungis, ay kahilingan para sa mga hayop na inihahain sa ilalim ng Kautusang Mosaiko. (Exo 12:5; Lev 4:3, 28; Deu 15:21) Totoo rin ito sa mga haing may kaugnayan sa makasagisag na templo na nakita ni Ezekiel sa pangitain. (Eze 43:22, 23) Sa katulad na paraan, si Kristo, isang “walang-dungis at walang-batik na kordero,” ay “naghandog ng kaniyang sarili nang walang dungis sa Diyos.”—1Pe 1:19; Heb 9:14.
Ang ilan sa mga taong inilalarawan bilang “walang kapintasan” sa pisikal na kaanyuan ay si Absalom, ang babaing Shulamita, at ang ilang anak ni Israel sa Babilonya. (2Sa 14:25; Sol 4:7; Dan 1:4) Ang lahat ng nasa ilalim ng Kautusan ay pinasiglang ingatan at proteksiyunan ang isa’t isa, upang huwag silang magkadungis sa anumang paraan. “Kung ang isang tao ay magpangyari ng isang kapintasan sa kaniyang kasamahan, kung ano ang ginawa niya, gayon ang gagawin sa kaniya. Bali para sa bali, mata para sa mata, ngipin para sa ngipin; ang katulad na uri ng kapintasan na pinangyari niya sa taong iyon, gayundin ang pangyayarihin sa kaniya.” (Lev 24:19, 20) Nagpahayag ng pagkabahala ang apostol hinggil sa pangangailangan na panatilihing walang dungis sa espirituwal ang kongregasyong Kristiyano.—Efe 1:4; 5:27; Col 1:22; tingnan din ang Jud 24.