PAGHIHIGANTI
Paglalapat ng kaparusahan sa isa dahil sa pinsala o pagkakasalang ginawa nito; pagganti. Ang salitang Griego na ek·di·keʹo, isinasalin bilang “ipaghiganti,” ay literal na nangangahulugang “mula sa katarungan,” anupat nagpapahiwatig na ang isinagawang pagkilos ay kumakatawan sa natamong katarungan. Ayon sa pagkakagamit ng Bibliya, ang “paghihiganti” ay kadalasang kumakapit sa kagantihang ipinapataw ng Diyos alang-alang sa katarungan, ngunit maaari rin itong tumukoy sa pagsasagawa ng isang tao ng bagay na minamalas niya na makatarungan o magpapangyaring maging pantay ang mga bagay-bagay ayon sa kaniyang ikasisiya.
Si Jehova ang Maghihiganti. Malibang ang isa ay kuwalipikado bilang tagapaghiganti dahil inatasan siya ni Jehova, o dahil itinalaga siya ng Kaniyang Salita sa gayong tungkulin, magkakamali siya kung tatangkain niyang ipaghiganti ang kaniyang sarili o ang iba. “Akin ang paghihiganti, at ang kagantihan,” sabi ni Jehova. (Deu 32:35) Tinawag ng salmista ang Diyos: “O Diyos ng mga paghihiganti, Jehova.” (Aw 94:1) Kaya naman hahatulan ng Diyos ang isang indibiduwal kung nagkikimkim siya ng sama ng loob o hinahangad niyang personal na gumanti dahil sa mga kamalian, tunay man o guniguni lamang, na ginawa sa kaniya o sa iba.—Lev 19:18; Ro 12:19; Heb 10:30.
Itinatawag-pansin ng Kasulatan na ang galit ng Diyos ay nasa lahat ng makasalanan at mananalansang, at na dahil lamang sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos sa paglalaan niya ng haing pantubos ni Jesu-Kristo kung kaya nagkaroon ng saligan upang mapagaan o mapigilan ang hustong ganting katarungan laban sa nagkasala. (Ro 5:19-21; 2Co 5:19; Heb 2:2, 3; tingnan ang PANTUBOS.) Sa gayong pagpapatawad ng Diyos sa kasalanan, kumikilos siya nang lubusang kasuwato ng kaniyang katuwiran, at matuwid din siya sa pagpapataw ng hatol sa mga makasalanan na tumatanggi sa kaniyang paglalaan; hindi nila matatakasan ang paghihiganti ng Diyos.—Ro 3:3-6, 25, 26; ihambing ang Aw 99:8.
May layunin ang paghihiganti ni Jehova. Nagdudulot ng ginhawa at pakinabang ang paghihiganti ni Jehova kapag kumikilos siya alang-alang sa mga nagtitiwala sa kaniya; karagdagan pa, naglalaan ito ng papuri sa kaniya bilang ang makatarungang Hukom. Sinabi ng salmista: “Ang matuwid ay magsasaya sapagkat nakita niya ang paghihiganti. . . . At sasabihin ng mga tao: ‘Talagang may bunga para sa matuwid. Talagang may Diyos na humahatol sa lupa.’” (Aw 58:10, 11) Samakatuwid, ang pangunahing layunin ng paghihiganti ng Diyos ay upang itaguyod ang kaniyang soberanya at luwalhatiin ang sarili niyang pangalan. (Exo 14:18; Aw 83:13-18; Isa 25:1-5; Eze 25:14, 17; 38:23) Ipinagbabangong-puri rin ng kaniyang pagkilos ang mga lingkod niya bilang ang kaniyang tunay na mga kinatawan at inililigtas sila nito mula sa di-kanais-nais na mga kalagayan.—Exo 14:31; 15:11-16; Eze 37:16, 21-23; Aw 135:14; 148:14; Kaw 21:18.
Isang panahong itinakda para sa paghihiganti ng Diyos. Ipinakikita ng Kasulatan na ang Diyos ay may takdang panahon para sa malawakang pagpapahayag ng kaniyang paghihiganti sa mga kaaway niya. Inatasan ang propetang si Isaias na ihayag “ang araw ng paghihiganti ng ating Diyos.” Ipinahayag ang paghihiganti ng Diyos laban sa sinaunang Babilonya, ang maniniil ng kaniyang bayan, nang gamitin Niya ang mga hukbo ng Medo-Persia upang igupo ang kapangyarihan nito noong 539 B.C.E. (Isa 61:1, 2; 13:1, 6, 9, 17) Noong nasa lupa si Jesu-Kristo, sinipi niya ang isang bahagi ng hula ni Isaias (61:1, 2) at ikinapit niya ito sa kaniyang sarili. (Luc 4:16-21) Bagaman hindi sinasabi ng ulat na sinipi niya ang bahaging may kinalaman sa “araw ng paghihiganti,” ang totoo ay ipinahayag niya ang “araw” na iyon, na sumapit sa Jerusalem noong 70 C.E. Inihula ni Jesus ang pagkakampo ng mga hukbo (ng mga Romano) sa palibot ng lunsod, anupat sinabihan niya ang kaniyang mga tagasunod na tumakas sila mula sa Jerusalem kapag nakita nila iyon, “sapagkat ito ay mga araw para sa paglalapat ng katarungan [“mga araw ng paghihiganti”], upang matupad ang lahat ng mga bagay na nakasulat.”—Luc 21:20-22, Int; ihambing ang AT, KJ, Ro, RS.
Sinabi pa ni Jesu-Kristo, bago ang kaniyang kamatayan at pagkabuhay-muli: “May kinalaman sa araw at oras na iyon [ng paglalapat ng hatol sa makabagong-panahong sistema ng mga bagay] ay walang sinuman ang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa mga langit kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang.” (Mat 24:36) Sa gayon ay isiniwalat niya na tiyak na ilalapat ang paghihiganti sa isang panahon na alam at itinakda ng Diyos. Upang ilarawan ang katiyakan ng pagkilos ng Diyos sa Kaniyang takdang panahon alang-alang sa Kaniyang pangalan at sa Kaniyang mga lingkod, inilahad ni Jesus ang tungkol sa isang hukom na dahil sa pamimilit ng isang balo na bigyan niya ito ng katarungan ay nagpasiya: “Titiyakin kong magkamit siya ng katarungan [“Ipaghihiganti ko siya”].” Ikinapit ni Jesus sa Diyos ang ilustrasyong ito, na sinasabi: “Kung gayon nga, hindi ba tiyak na pangyayarihin ng Diyos na mabigyan ng katarungan ang [“maipaghiganti ang”] kaniyang mga pinili na sumisigaw sa kaniya araw at gabi, bagaman mayroon siyang mahabang-pagtitiis sa kanila?”—Luc 18:2-8, Int.
Karagdagan pa, sa pangitain ng apostol na si Juan na nakaulat sa aklat ng Apocalipsis, nakita ni Juan ang mga kaluluwa niyaong mga pinatay dahil sa salita ng Diyos at dahil sa gawaing pagpapatotoo na taglay nila noon, anupat sumisigaw: “Hanggang kailan, Soberanong Panginoon na banal at totoo, na magpipigil ka sa paghatol at sa paghihiganti para sa aming dugo sa mga tumatahan sa ibabaw ng lupa?” Ipinakikita ng sagot na tinanggap nila na may tiyak na panahon para sa paghihiganti, samakatuwid nga, kapag ‘napuno na ang bilang ng kanila ring mga kapuwa alipin at ng kanilang mga kapatid na malapit nang patayin na gaya rin nila.’—Apo 6:9-11.
Isinisiwalat ng Kasulatan na ang paglalapat na ito ng paghihiganti ay magsisimula sa Babilonyang Dakila, pagkatapos ay sasapit ito sa ‘mabangis na hayop at sa mga hari sa lupa at sa kanilang mga hukbo.’—Apo 19:1, 2, 19-21.
Inatasang mga Tagapaghiganti. Ang Panginoong Jesu-Kristo ang Punong Tagapaghiganti ng Diyos. Inaliw ng apostol na si Pablo ang mga Kristiyano sa ganitong mga salita: “Matuwid para sa Diyos na gantihan ng kapighatian yaong mga pumipighati sa inyo, ngunit, sa inyo na dumaranas ng kapighatian ay ginhawa na kasama namin sa pagkakasiwalat sa Panginoong Jesus mula sa langit kasama ang kaniyang makapangyarihang mga anghel sa isang nagliliyab na apoy, samantalang nagpapasapit siya ng paghihiganti doon sa mga hindi nakakakilala sa Diyos at doon sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus. Ang mga ito mismo ay daranas ng parusang hatol na walang-hanggang pagkapuksa mula sa harap ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang lakas.”—2Te 1:6-9.
Sa kongregasyong Kristiyano. Inatasan ang mga apostol sa ilalim ni Jesu-Kristo na pangalagaan ang kongregasyong Kristiyano, ipagsanggalang ito mula sa karumihan, at ingatang hindi nito maiwala ang pabor ni Jehova. Kasuwato ng kaniyang bigay-Diyos na awtoridad, sumulat ang apostol na si Pablo sa kongregasyon sa Corinto, na dumaranas noon ng mga pagkakabaha-bahagi at mga suliranin dahil sa “mga bulaang apostol”: “Inihahanda namin ang aming sarili na maglapat ng kaparusahan para sa [“ipaghiganti ang”] bawat pagsuway.”—2Co 10:6, Int; 11:13; 13:10.
Ang matatandang lalaki na inatasang mangalaga sa kongregasyon ay binigyan ng awtorisasyon na maglapat ng “paghihiganti” anupat makagagawa sila ng mga hakbang upang pairalin ang katarungan at muling itatag ang kongregasyon sa katuwiran sa harap ng Diyos, sa pamamagitan ng pagtutuwid sa kamaliang nagawa. Ganito ang ginawa ng namamahalang mga miyembro ng kongregasyon sa Corinto, matapos silang ituwid ni Pablo, kaya naman isinulat ni Pablo sa kaniyang ikalawang liham sa kanila: “Kay laki ngang kasigasigan ang ibinunga nito sa inyo, . . . oo, pagtatama ng mali [“paghihiganti”]!” Nagpakita ng makadiyos na pagsisisi ang mga lalaking ito matapos na mabasa ang unang liham ni Pablo at inalis nila ang taong balakyot na tinutukoy roon, anupat ginawa ang lahat ng magagawa nila upang ituwid ang mga bagay-bagay sa harap ni Jehova. (2Co 7:8-12, Int) Gayunman, hindi awtorisado ang mga lalaking iyon na maglapat sa nagkasala ng buong parusa na hinihiling ng katarungan—ang buong paghihiganti sa pamamagitan ng pagpatay sa kaniya, gaya ng ipinahintulot noon na gawin ng mga hukom sa ilalim ng Kautusang Mosaiko. (Lev 20:10; Heb 10:28) Itinitiwalag lamang nila mula sa kongregasyon ang gayong masasamang tao na di-nagsisisi. (1Co 5:13) Kung hindi magsisisi ang mga iyon, sa bandang huli ay tatanggapin nila ang buong katarungan para sa kanilang mga pagkakasala sa pamamagitan ng walang-hanggang kamatayan. (Heb 10:29, 30) Kaya naman ang Kristiyanong nagsasagawa ng kalikuan, gaya halimbawa ng pakikiapid, ay nanganganib, “sapagkat si Jehova ay naglalapat ng kaparusahan [sa literal, ay “tagapaghiganti”] dahil sa lahat ng bagay na ito.”—1Te 4:3-6, Int.
Mga tagapamahala. Ang mga pinuno sa pamahalaan, na may tungkuling tiyakin na nailalapat ang katarungan, ang maaaring magpataw ng paghihiganti sa mga manggagawa ng kasamaan, pati na sa mga Kristiyano na lumalabag sa mga batas ng lupain na kaayon ng kung ano ang tama at kasuwato ng awtoridad na ipinahihintulot ng Diyos sa mga tagapamahalang ito. Sa gayong kalagayan, di-tuwirang inilalapat ng Diyos ang paghihiganti sa pamamagitan ng mga tagapamahalang ito, gaya ng isinulat ng apostol na si Pablo: “Sapagkat yaong mga namamahala ay kinatatakutan, hindi dahil sa mabuting gawa, kundi dahil sa masama . . . ito ay lingkod ng Diyos, isang tagapaghiganti upang magpamalas ng poot sa nagsasagawa ng masama.”—Ro 13:3, 4; 1Pe 2:13, 14; ihambing ang Gen 9:6.
Ang Hilig ng Di-sakdal na Tao na Maghiganti. Hilig ng makasalanan at di-sakdal na mga tao na maghiganti sa mga gumagawa sa kanila ng kawalang-katarungan o sa mga taong kinapopootan nila. Ang lalaking nangalunya sa asawa ng ibang lalaki ay nanganganib na paghigantihan ng asawang lalaki, gaya ng sinasabi ng Kawikaan: “Sapagkat ang pagngangalit ng isang matipunong lalaki ay paninibugho, at hindi siya mahahabag sa araw ng paghihiganti. Hindi niya pakukundanganan ang anumang uri ng pantubos, ni magpapakita man siya ng pagsang-ayon, gaano man kalaki ang iyong regalo.” (Kaw 6:32-35) Gayunpaman, ang paghihiganti ng isang tao sa sarili niyang pagkukusa ay kadalasang inilalapat kasabay ng walang-kontrol na galit at wala namang ibinubungang mabuti, kundi nagpapasapit lamang ng galit ng Diyos laban sa indibiduwal na naghihiganti.—San 1:19, 20.
Mga kaaway ng Diyos at ng kaniyang mga lingkod. Yaong mga napopoot sa Diyos ay nagpapakita ng pagkagalit sa mga lingkod ng Diyos, anupat naghahangad na maglapat ng paghihiganti sa kanila. Hindi ito isang tunay na pagpapairal ng katarungan, kundi isa itong pagnanais o pagkilos na resulta ng pagkagalit ng mga tao sa kung ano ang tama at matuwid, at isa itong pagtatangka na alisin yaong mga matuwid na ang mga salita at landasin ng pagkilos ay humahatol sa kanila bilang balakyot. (Aw 8:2; 44:15, 16) Sa ilang pagkakataon, pinatay ang mga lingkod ng Diyos dahil sa baluktot na kaisipan, na iyon ay paglalapat ng katarungan. (Ju 16:2) Gayunman, sa paglalapat nila ng kanilang inaangkin o ipinapalagay na “mapaghiganting katarungan,” hindi nila napalugdan ang Diyos, kundi sa halip ay nakagawa sila ng dahilan upang sila ang paghigantihan. Totoo na may mga pagkakataon na ginamit ni Jehova ang mga bansa, gaya ng Babilonya, upang pasapitin ang paghihiganti niya sa kaniyang bayang Israel nang sirain nila ang kanilang tipan sa kaniya. (Lev 26:25) Ngunit ang mga bansang iyon, sa ganang kanila, ay kumilos dahil sa pagkapoot at masamang hangarin, anupat ipinakitang sila mismo ay mapaghiganti, at dahil dito, sila naman ang pinaghigantihan ni Jehova.—Pan 3:60; Eze 25:12-17.
Tingnan din ang KANLUNGANG LUNSOD, MGA; TAGAPAGHIGANTI NG DUGO.