MOISES
[Hinango [samakatuwid nga, iniligtas mula sa tubig]].
“Lalaki ng tunay na Diyos,” lider ng bansang Israel, tagapamagitan ng tipang Kautusan, propeta, hukom, kumandante, istoryador, at manunulat. (Ezr 3:2) Si Moises ay ipinanganak noong 1593 B.C.E., sa Ehipto, anak ni Amram, apo ni Kohat, at apo sa tuhod ni Levi. Ang kaniyang inang si Jokebed ay kapatid ni Kohat. (Ngunit tingnan ang JOKEBED.) Si Moises ay mas bata nang tatlong taon sa kaniyang kapatid na si Aaron. Si Miriam na kanilang kapatid na babae ay mas matanda nang ilang taon.—Exo 6:16, 18, 20; 2:7.
Maagang Bahagi ng Buhay sa Ehipto. Si Moises, isang batang “may maladiyos na kagandahan,” ay nakaligtas sa batas ni Paraon na nag-uutos na patayin ang bawat bagong-silang na lalaking Hebreo. Itinago siya ng kaniyang ina nang tatlong buwan, pagkatapos ay inilagay siya sa isang arkang papiro sa gitna ng mga tambo sa pampang ng Ilog Nilo, kung saan siya nasumpungan ng anak na babae ni Paraon. Dahil sa matalinong pagkilos ng kaniyang ina at kapatid na babae, si Moises ay inalagaan at sinanay ng kaniyang ina na nagtrabaho para sa anak na babae ni Paraon, na nang maglaon ay umampon kay Moises bilang kaniyang anak. Bilang miyembro ng sambahayan ni Paraon, siya ay ‘tinuruan sa lahat ng karunungan ng mga Ehipsiyo,’ anupat naging “makapangyarihan sa kaniyang mga salita at mga gawa,” walang alinlangang makapangyarihan kapuwa sa mental at pisikal na mga kakayahan.—Exo 2:1-10; Gaw 7:20-22.
Sa kabila ng kaniyang magandang posisyon at mga oportunidad sa Ehipto, ang puso ni Moises ay nasa inaaliping bayan ng Diyos. Sa katunayan, umasa siyang gagamitin siya ng Diyos upang magligtas sa kanila. Noong ika-40 taon ng kaniyang buhay, habang pinagmamasdan ang mga pasanin ng kaniyang mga kapatid na Hebreo, nakita niyang sinasaktan ng isang Ehipsiyo ang isang Hebreo. Sa pagtatanggol sa kaniyang kapuwa Israelita, pinatay niya ang Ehipsiyo at ibinaon ito sa buhanginan. Noon ginawa ni Moises ang pinakamahalagang pasiya sa kaniyang buhay: “Sa pananampalataya si Moises, nang malaki na, ay tumanggi na tawaging anak ng anak na babae ni Paraon, na pinili pang mapagmalupitan kasama ng bayan ng Diyos kaysa sa magtamo ng pansamantalang kasiyahan sa kasalanan.” Sa gayon ay iniwan ni Moises ang karangalan at materyalismo na maaari sana niyang tamasahin bilang isang miyembro ng sambahayan ng makapangyarihang si Paraon.—Heb 11:24, 25.
Ang totoo, nadama ni Moises na dumating na ang panahon upang mailigtas niya ang mga Hebreo. Ngunit hindi nila pinahalagahan ang kaniyang mga pagsisikap, at napilitan si Moises na tumakas mula sa Ehipto nang mabalitaan ni Paraon ang pagpatay sa Ehipsiyo.—Exo 2:11-15; Gaw 7:23-29.
Apatnapung Taon sa Midian. Isang mahabang paglalakbay sa ilang ang isinagawa ni Moises patungo sa Midian, kung saan siya nanganlong. Doon, sa tabi ng isang balon, muling nanaig ang lakas ng loob at kapusukan ni Moises upang tulungan yaong mga dumaranas ng kawalang-katarungan. Nang itaboy ng mga pastol ang pitong anak na babae ni Jetro at ang kawan ng mga ito, iniligtas ni Moises ang mga babae at pinainom ang kanilang mga kawan. Dahil dito ay inanyayahan siya sa bahay ni Jetro, kung saan nagtrabaho siya para kay Jetro bilang pastol ng kawan nito at nang maglaon ay napangasawa niya ang isa sa mga anak na babae ni Jetro, si Zipora, na nagsilang sa kaniya ng dalawang lalaki, sina Gersom at Eliezer.—Exo 2:16-22; 18:2-4.
Sinanay para sa paglilingkod sa hinaharap. Bagaman layunin ng Diyos na iligtas ang mga Hebreo sa pamamagitan ni Moises, hindi pa dumarating noon ang takdang panahon ng Diyos; at hindi pa rin kuwalipikado si Moises upang mangasiwa sa bayan ng Diyos. Kailangan pa niyang sumailalim sa 40-taóng pagsasanay. Ang mga katangian ng pagkamatiisin, kaamuan, kapakumbabaan, mahabang pagtitiis, kahinahunan ng kalooban, pagpipigil sa sarili, at pagkatutong maghintay kay Jehova ay kailangan niyang linangin nang higit pa upang maging karapat-dapat siyang manguna sa bayan ng Diyos. Kailangan siyang maturuan at maihanda upang mabata ang mga panghihina ng loob, mga kabiguan, at mga kahirapan na mapapaharap sa kaniya, at upang maasikaso niya nang may maibiging-kabaitan, kahinahunan, at katatagan ang maraming problema na maaaring idulot ng isang dakilang bansa. Marami siyang kaalaman, at ang pagsasanay sa kaniya bilang isang miyembro ng sambahayan ni Paraon ay walang alinlangang nagbigay sa kaniya ng dangal, pagtitiwala, at tibay ng loob at nagpasulong ng kaniyang kakayahang mag-organisa at mamuno. Ngunit ang mababang hanapbuhay ng pagpapastol sa Midian ay nagsilbing pagsasanay upang malinang niya ang maiinam na katangian na mas kailangan niya para sa atas na ibibigay sa kaniya. Sa katulad na paraan, si David ay sumailalim sa mahigpit na pagsasanay, kahit noong matapos na siyang pahiran ni Samuel, at si Jesu-Kristo ay sinubok, sinuri, at dinalisay, upang mapasakdal bilang Hari at Mataas na Saserdote magpakailanman. “Natuto siya [si Kristo] ng pagkamasunurin mula sa mga bagay na kaniyang pinagdusahan; at pagkatapos na siya ay mapasakdal, siya ay nagkaroon ng pananagutan sa walang-hanggang kaligtasan ng lahat ng sumusunod sa kaniya.”—Heb 5:8, 9.
Inatasan Bilang Tagapagligtas. Sa pagtatapos ng kaniyang 40-taóng paninirahan sa Midian, pinapastulan ni Moises ang kawan ni Jetro malapit sa Bundok Horeb nang makita niya ang isang tinikang-palumpong na nagliliyab sa apoy ngunit hindi natutupok. Habang papalapit siya upang siyasatin ang kababalaghang ito, nagsalita ang anghel ni Jehova mula sa apoy, anupat isiniwalat na panahon na upang iligtas ng Diyos ang Israel mula sa pagkaalipin at inatasan si Moises na humayo salig sa Kaniyang pinakaalaalang pangalan na Jehova. (Exo 3:1-15) Sa gayon ay inatasan ng Diyos si Moises bilang Kaniyang propeta at kinatawan, at si Moises ay maaari nang tawaging isang pinahiran, o mesiyas, o “Kristo” gaya ng nasa Hebreo 11:26. Sa pamamagitan ng anghel, naglaan si Jehova ng mga kredensiyal na maihaharap ni Moises sa matatandang lalaki ng Israel. Ang mga ito ay ang tatlong himala na nagsilbing mga tanda. Dito, sa kauna-unahang pagkakataon sa Kasulatan, mababasa natin ang tungkol sa isang tao na binigyan ng kapangyarihang magsagawa ng mga himala.—Exo 4:1-9.
Naging kuwalipikado pa rin kahit kimi. Ngunit si Moises ay kimi, anupat nangatuwirang hindi siya matatas magsalita. Dito ay makikitang nagbago na si Moises kung ikukumpara noong magprisinta siyang maging tagapagligtas ng Israel 40 taon na ang nakararaan. Patuloy siyang nangatuwiran kay Jehova, anupat nang dakong huli ay hiniling niya kay Jehova na huwag sa kaniya ibigay ang atas na iyon. Bagaman ikinagalit ito ng Diyos, hindi niya itinakwil si Moises kundi inatasan ang kapatid ni Moises na si Aaron bilang tagapagsalita. Kaya kung paanong si Moises ang kinatawan ng Diyos, si Moises naman ang magiging gaya ng “Diyos” kay Aaron, na magsasalita bilang kinatawan niya. Sa sumunod na pakikipagkita sa matatandang lalaki ng Israel at mga pakikipagharap kay Paraon, lumilitaw na ibinigay ng Diyos kay Moises ang mga tagubilin at mga utos at itinawid naman ni Moises ang mga ito kay Aaron, anupat si Aaron ang aktuwal na nagsalita sa harap ni Paraon (isang kahalili ng Paraon na tinakasan ni Moises 40 taon na ang nakararaan). (Exo 2:23; 4:10-17) Nang maglaon, tinukoy ni Jehova si Aaron bilang “propeta” ni Moises, nangangahulugan na kung paanong si Moises ay propeta ng Diyos, na tinatagubilinan niya, si Aaron naman ay dapat tagubilinan ni Moises. Gayundin, sinabihan si Moises na siya ay ginawang “Diyos kay Paraon,” samakatuwid nga, binigyan ng Diyos ng kapangyarihan at awtoridad kay Paraon, kung kaya hindi na niya dapat katakutan ang hari ng Ehipto.—Exo 7:1, 2.
Bagaman sinaway siya, hindi kinansela ng Diyos ang atas ni Moises dahil sa pag-aatubili nitong tanggapin ang napakabigat na pananagutan bilang tagapagligtas ng Israel. Hindi tumutol si Moises dahil sa katandaan, bagaman 80 taóng gulang na siya noon. Pagkaraan ng 40 taon, sa edad na 120 taon, taglay pa rin ni Moises ang kaniyang kasiglahan at malinaw na pag-iisip. (Deu 34:7) Sa kaniyang 40-taóng pamamalagi sa Midian, nagkaroon si Moises ng maraming panahon upang magbulay-bulay, at nakita niya ang pagkakamaling nagawa niya sa pagsisikap na iligtas ang mga Hebreo sa sarili niyang pagkukusa. Nakilala niya ngayon ang mga kakulangan niya noon. At pagkaraan ng mahabang panahon na doo’y wala siyang anumang pakikipag-ugnayan sa publiko, tiyak na nagulat siya nang biglang ialok sa kaniya ang gayong atas.
Nang maglaon ay sinasabi sa atin ng Bibliya: “Ang lalaking si Moises ay totoong pinakamaamo sa lahat ng taong nasa ibabaw ng lupa.” (Bil 12:3) Bilang isang taong maamo, kinilala niya na siya ay isang tao lamang, anupat di-sakdal at may mga kahinaan. Hindi niya ipinagpilitan ang kaniyang sarili bilang di-malulupig na lider ng Israel. Nagpakita siya, hindi ng pagkatakot kay Paraon, kundi ng lubos na kabatiran sa kaniya mismong mga limitasyon.
Sa Harap ni Paraon ng Ehipto. Sina Moises at Aaron ay naging mga pangunahing tauhan noon sa isang ‘labanan ng mga diyos.’ Sa pamamagitan ng mga mahikong saserdote, lumilitaw na pinangungunahan nina Janes at Jambres (2Ti 3:8), nanawagan si Paraon sa kapangyarihan ng lahat ng diyos ng Ehipto laban sa kapangyarihan ni Jehova. Pinatunayan ng unang himalang isinagawa ni Aaron sa harap ni Paraon ayon sa utos ni Moises na mas makapangyarihan si Jehova kaysa sa mga diyos ng Ehipto, bagaman lalo pang nagmatigas si Paraon. (Exo 7:8-13) Nang maganap ang ikatlong salot, maging ang mga saserdote ay napilitang umamin, “Ito ay daliri ng Diyos!” At napakatindi ng salot ng mga bukol na pinasapit sa kanila anupat hindi man lamang sila nakaparoon sa harap ni Paraon upang salansangin si Moises noong panahon ng salot na iyon.—Exo 8:16-19; 9:10-12.
Ang mga salot ay nagpalambot at nagpatigas ng puso. Sina Moises at Aaron ang nagpatalastas ng pagsapit ng bawat isa sa Sampung Salot. Dumating ang mga salot gaya ng ipinatalastas, na nagpapatunay na inatasan si Moises bilang kinatawan ni Jehova. Ang pangalan ni Jehova ay nahayag at naging usap-usapan sa Ehipto, anupat kapuwa nagpalambot at nagpatigas ng puso may kaugnayan sa pangalang iyon—nagpalambot ng puso ng mga Israelita at ng ilan sa mga Ehipsiyo; nagpatigas ng puso ni Paraon at ng kaniyang mga tagapayo at mga tagasuporta. (Exo 9:16; 11:10; 12:29-39) Sa halip na maniwalang napagalit nila ang kanilang mga diyos, nalaman ng mga Ehipsiyo na si Jehova ang humahatol sa kanilang mga diyos. Pagkatapos na mailapat ang siyam na salot, si Moises ay naging “lubhang dakila rin sa lupain ng Ehipto, sa paningin ng mga lingkod ni Paraon at sa paningin ng bayan.”—Exo 11:3.
Nagkaroon din ng malaking pagbabago sa mga lalaki ng Israel. Noong una ay tinanggap nila ang mga kredensiyal ni Moises, ngunit nang dumanas sila ng mas matinding pahirap dahil sa utos ni Paraon, nagreklamo sila laban sa kaniya anupat umabot sa punto na namanhik si Moises kay Jehova dahil sa panghihina ng loob. (Exo 4:29-31; 5:19-23) Sa gayon ay pinalakas siya ng Kataas-taasan sa pamamagitan ng pagsisiwalat na tutuparin na Niya ngayon yaong hinintay nina Abraham, Isaac, at Jacob, samakatuwid nga, ang lubusang pagsisiwalat sa kahulugan ng kaniyang pangalang Jehova kapag iniligtas na niya ang Israel at itinatag ito sa lupang pangako bilang isang dakilang bansa. (Exo 6:1-8) Subalit hindi pa rin nakinig kay Moises ang mga lalaki ng Israel. Ngunit pagkatapos ng ikasiyam na salot, sila ay handa nang sumuporta at makipagtulungan sa kaniya, anupat pagkatapos ng ikasampung salot, maaari niya silang organisahin at akayin sa isang maayos na paraan, na “nasa hanay ng pakikipagbaka.”—Exo 13:18.
Nangailangan ng lakas ng loob at pananampalataya upang makaharap kay Paraon. Dahil lamang sa lakas ni Jehova at sa pagkilos ng kaniyang espiritu sa kanila kung kaya nagampanan nina Moises at Aaron ang atas na ibinigay sa kanila. Ilarawan sa isip ang korte ni Paraon, ang hari ng kinikilalang kapangyarihang pandaigdig nang panahong iyon. Sa gitna ng napakaringal na kapaligiran, ang palalong si Paraon, ipinapalagay na isang diyos mismo, ay napalilibutan ng kaniyang mga tagapayo, mga kumandante ng militar, mga bantay, at mga alipin. Naroon din ang mga lider ng relihiyon, ang mga mahikong saserdote, na nangunguna sa pagsalansang kay Moises. Bukod kay Paraon, ang mga lalaking ito ang pinakamakapangyarihang mga tao sa kaharian. Ang kahanga-hangang hanay na ito ay handang sumuporta kay Paraon at sa mga diyos ng Ehipto. At maraming beses na humarap sina Moises at Aaron kay Paraon, anupat sa bawat pagkakataon ay lalo pang tumitigas ang puso ni Paraon, sapagkat determinado siyang panatilihin sa kaniyang kontrol ang pinakikinabangan niyang mga aliping Hebreo. Sa katunayan, matapos ipatalastas ang ikawalong salot, ipinagtabuyan sina Moises at Aaron mula sa harap ni Paraon, at pagkatapos ng ikasiyam na salot ay binantaan silang huwag nang tangkaing makita pang muli ang mukha ni Paraon kung ayaw nilang mamatay.—Exo 10:11, 28.
Kung iisipin natin ang mga bagay na ito, mauunawaan natin kung bakit paulit-ulit na humiling si Moises kay Jehova ng katiyakan at lakas. Ngunit dapat pansinin na palagi niyang ginagawa kung ano ang mismong iniutos ni Jehova. Hindi niya binawasan ng isa mang salita ang iniutos ni Jehova sa kaniya na sabihin kay Paraon, at napakahusay ng pangunguna ni Moises anupat, noong panahon ng ikasampung salot, “ginawa ng lahat ng mga anak ni Israel ang gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises at kay Aaron. Gayung-gayon ang ginawa nila.” (Exo 12:50) Inihaharap si Moises sa mga Kristiyano bilang isang halimbawa ng namumukod-tanging pananampalataya. Sinabi ng apostol na si Pablo: “Sa pananampalataya ay iniwan niya ang Ehipto, ngunit hindi natakot sa galit ng hari, sapagkat nagpatuloy siyang matatag na parang nakikita ang Isa na di-nakikita.”—Heb 11:27.
Bago ang ikasampung salot, si Moises ay nagkapribilehiyong pasinayaan ang Paskuwa. (Exo 12:1-16) Sa Dagat na Pula, kinailangang harapin ni Moises ang iba pang mga reklamo ng bayan, na waring nasukol na at malapit nang pagpapatayin. Ngunit nagpakita siya ng pananampalataya ng isang tunay na lider sa ilalim ng makapangyarihang kamay ni Jehova, anupat tiniyak sa Israel na pupuksain ni Jehova ang tumutugis na hukbong Ehipsiyo. Lumilitaw na sa krisis na ito ay tumawag siya kay Jehova, sapagkat sinabi sa kaniya ng Diyos: “Bakit patuloy kang dumaraing sa akin?” Pagkatapos ay inutusan ng Diyos si Moises na itaas ang tungkod nito at iunat ang kamay nito sa dagat at hawiin iyon. (Exo 14:10-18) Pagkaraan ng maraming siglo ay sinabi ng apostol na si Pablo, tungkol sa pagtawid ng Israel sa Dagat na Pula: “Ang ating mga ninuno ay napasailalim na lahat sa ulap at lahat ay tumawid sa dagat at lahat ay nabautismuhan kay Moises sa pamamagitan ng ulap at ng dagat.” (1Co 10:1, 2) Si Jehova ang nagbautismo sa kanila. Upang maligtas mula sa kanilang mapamaslang na mga manunugis, ang mga ninunong Judio ay kinailangang magkaisa sa ilalim ni Moises bilang ulo at sumunod sa kaniyang pangunguna habang inaakay niya sila patawid ng dagat. Kaya ang buong kongregasyon ng Israel, sa diwa, ay inilubog sa tagapagpalaya at lider na si Moises.
Tagapamagitan ng Tipang Kautusan. Noong ikatlong buwan pagkatapos ng Pag-alis sa Ehipto, ipinakita ni Jehova sa buong Israel ang napakalaking awtoridad at pananagutan na iniatang niya sa kaniyang lingkod na si Moises at gayundin ang matalik na kaugnayan ni Moises sa Diyos. Sa harap ng buong Israel, na natipon sa paanan ng Bundok Horeb, tinawag ni Jehova si Moises sa bundok at nakipag-usap dito sa pamamagitan ng isang anghel. Sa isang pagkakataon ay nagkapribilehiyo si Moises na tamasahin ang marahil ay ang pinakakasindak-sindak na karanasan ng sinumang tao bago dumating si Jesu-Kristo. Habang siya’y nag-iisa sa itaas ng bundok, binigyan siya ni Jehova ng isang pangitain ng kaniyang kaluwalhatian, anupat itinakip kay Moises ang kaniyang “palad” bilang pantabing at pinahintulutan si Moises na makita ang kaniyang “likod,” maliwanag na ang nalabing sinag ng kaluwalhatiang ipinakita ng Diyos. Pagkatapos ay nakipag-usap siya kay Moises nang personal, wika nga.—Exo 19:1-3; 33:18-23; 34:4-6.
Sinabi ni Jehova kay Moises: “Hindi mo maaaring makita ang aking mukha, sapagkat walang tao ang makakakita sa akin at mabubuhay pa.” (Exo 33:20) At pagkaraan ng maraming siglo, sumulat ang apostol na si Juan: “Walang taong nakakita sa Diyos kailanman.” (Ju 1:18) Sinabi ng Kristiyanong martir na si Esteban sa mga Judio: “Siya ito [si Moises] na napasagitna ng kongregasyon sa ilang kasama ng anghel na nagsalita sa kaniya sa Bundok Sinai.” (Gaw 7:38) Kaya isang anghel ang kumatawan kay Jehova sa bundok. Gayunpaman, napakatindi ng kaluwalhatian ni Jehova na ipinakita ng Kaniyang anghel na kinatawan anupat ang balat ng mukha ni Moises ay nagliwanag kung kaya hindi makatingin sa kaniya ang mga anak ni Israel.—Exo 34:29-35; 2Co 3:7, 13.
Inatasan ng Diyos si Moises na maging tagapamagitan ng tipang Kautusan sa Israel, isang natatanging posisyon na hindi pa kailanman hinawakan ng sinumang tao sa harap ng Diyos maliban kay Jesu-Kristo, ang Tagapamagitan ng bagong tipan. Winisikan ni Moises ng dugo ng mga haing hayop ang aklat ng tipan, na kumakatawan kay Jehova bilang isang “partido,” at ang bayan (walang alinlangang kinakatawanan ng matatandang lalaki) bilang ang kabilang “partido.” Binasa niya ang aklat ng tipan sa bayan, na tumugon naman, “Ang lahat ng sinalita ni Jehova ay handa naming gawin at maging masunurin.” (Exo 24:3-8; Heb 9:19) Bilang tagapamagitan, nagkapribilehiyo si Moises na pangasiwaan ang pagtatayo ng tabernakulo at ang paggawa ng mga kagamitan nito, na ang parisan ay ibinigay ng Diyos sa kaniya, at italaga ang pagkasaserdote sa katungkulan nito, anupat pinahiran ng langis na may pantanging halo ang tabernakulo at si Aaron na mataas na saserdote. Pagkatapos ay pinangasiwaan niya ang unang opisyal na mga paglilingkod ng bagong-itinalagang pagkasaserdote.—Exo kab 25-29; Lev kab 8, 9.
Isang karapat-dapat na tagapamagitan. Maraming beses na umahon si Moises sa Bundok Horeb, anupat sa dalawang pagkakataon ay nanatili siya roon nang 40 araw at gabi. (Exo 24:18; 34:28) Pagkatapos ng una sa mga pagkakataong iyon ay bumalik siya na may dalang dalawang tapyas na bato na “sinulatan ng daliri ng Diyos,” na naglalaman ng “Sampung Salita” o Sampung Utos, ang mga saligang kautusan ng tipang Kautusan. (Exo 31:18; Deu 4:13) Sa unang pagkakataong iyon ay ipinakita ni Moises na siya ay talagang kuwalipikado bilang tagapamagitan ni Jehova at ng Israel at lider ng dakilang bansang ito na marahil ay may tatlong milyon katao o higit pa. Noong nasa bundok si Moises, ipinaalam ni Jehova sa kaniya na ang bayan ay nagsagawa ng idolatriya at sinabi ni Jehova: “Ngayon ay pabayaan mo ako, upang lumagablab ang aking galit laban sa kanila at malipol ko sila, at gagawin kitang isang dakilang bansa.” Isiniwalat ng kaagad na tugon ni Moises na ang pagpapabanal sa pangalan ni Jehova ang pinakamahalaga sa kaniya—na siya ay walang anumang pag-iimbot at hindi naghahangad ng katanyagan para sa kaniyang sarili. Hindi siya humiling ng anuman para sa kaniyang sarili kundi sa halip ay nagpakita siya ng pagkabahala sa pangalan ni Jehova na kamakailan ay dinakila Niya sa pamamagitan ng himala sa Dagat na Pula, at ng pagpapahalaga sa pangako ng Diyos kina Abraham, Isaac, at Jacob. Bilang pagsang-ayon sa pakiusap ni Moises, hindi nilipol ni Jehova ang bayan. Dito ay makikita natin na itinuring ni Jehova na lubusang nagagampanan ni Moises ang papel nito bilang tagapamagitan at na iginalang Niya ang kaayusan na doo’y inatasan niya si Moises sa katungkulang iyon. Sa gayon, si Jehova ay “nagbago ng isip tungkol sa kasamaan na sinalita niyang gagawin sa kaniyang bayan”—samakatuwid nga, dahil sa nagbagong mga kalagayan, binago niya ang kaniyang saloobin may kinalaman sa pagpapasapit ng kasamaan sa kanila.—Exo 32:7-14.
Ang sigasig ni Moises sa tunay na pagsamba habang naglilingkod siya bilang kinatawan ng Diyos ay natanghal nang bumaba siya mula sa bundok. Nang makita niya ang mga idolatrosong walang-taros sa pagsasaya, inihagis niya ang mga tapyas, anupat nabasag ang mga ito, at nanawagan siya kung sino ang papanig kay Jehova. Nakiisa kay Moises ang tribo ni Levi, at inutusan niya silang patayin ang mga nagsasagawa ng huwad na pagsamba. Dahil dito ay mga 3,000 lalaki ang napatay. Pagkatapos ay bumalik siya kay Jehova, kinilala ang malaking pagkakasala ng bayan, at nakiusap: “Ngunit ngayon kung pagpapaumanhinan mo ang kanilang kasalanan,—at kung hindi, pawiin mo ako, pakisuyo, mula sa iyong aklat na isinulat mo.” Hindi minasama ng Diyos ang pakiusap ni Moises para sa kanila, kundi sumagot siya: “Ang sinumang nagkasala laban sa akin, papawiin ko siya mula sa aking aklat.”—Exo 32:19-33.
Sa maraming pagkakataon ay kinatawanan ni Moises ang panig ni Jehova sa tipan, anupat iniutos ang pagsasagawa ng tunay at malinis na pagsamba at inilapat ang kahatulan sa mga masuwayin. Maraming beses din siyang namagitan para sa bansa, o sa mga indibiduwal, upang hindi sila lipulin ni Jehova.—Bil 12; 14:11-21; 16:20-22, 43-50; 21:7; Deu 9:18-20.
Hindi Mapag-imbot; Mapagpakumbaba; Maamo. Pangunahin nang interesado si Moises sa pangalan ni Jehova at sa Kaniyang bayan. Dahil dito, hindi siya naghangad ng kaluwalhatian o posisyon. Nang ang espiritu ni Jehova ay mapasa ilang lalaki sa kampo at nagsimula silang gumanap bilang mga propeta, gusto silang pigilan ng katulong ni Moises na si Josue, maliwanag na dahil inaakala niyang nakababawas ito sa kaluwalhatian at awtoridad ni Moises. Ngunit tumugon si Moises: “Naninibugho ka ba para sa akin? Huwag, nais ko nga na ang buong bayan ni Jehova ay maging mga propeta, sapagkat kung gayon ay ilalagay ni Jehova sa kanila ang kaniyang espiritu!”—Bil 11:24-29.
Bagaman siya ang inatasan ni Jehova bilang lider ng dakilang bansa ng Israel, si Moises ay handang tumanggap ng payo mula sa iba, lalo na kung ito ay kapaki-pakinabang sa bansa. Di-nagtagal pagkaalis ng mga Israelita sa Ehipto, dinalaw ni Jetro si Moises, at kasama nito ang asawa at mga anak ni Moises. Nakita ni Jetro kung gaano kahirap ang trabaho ni Moises, anupat pagod na pagod ito sa pag-aasikaso sa mga suliranin ng lahat ng pumaparoon sa kaniya. Iminungkahi nito ang isang sistematikong kaayusan na doo’y iaatas ni Moises sa iba ang ilang pananagutan, upang pagaanin ang kaniyang pasan. Pinakinggan ni Moises ang payo ni Jetro, tinanggap ito, at inorganisa ang bayan sa libu-libo, daan-daan, lima-limampu, at sampu-sampu, na may isang pinuno sa bawat pangkat bilang hukom. Tanging ang mahihirap na usapin ang dadalhin kay Moises. Kapansin-pansin din na nang ipaliwanag ni Moises kay Jetro ang kaniyang ginagawa, sinabi niya: “Kapag may bumangong usapin sa [bayan], iyon ay ilalapit sa akin at ako ay hahatol sa pagitan ng isang partido at ng kabila, at ipakikilala ko ang mga pasiya ng tunay na Diyos at ang kaniyang mga kautusan.” Dito ay ipinahiwatig ni Moises na may tungkulin siyang humatol, hindi ayon sa kaniyang sariling mga ideya, kundi ayon sa mga pasiya ni Jehova at na may pananagutan din siyang tulungan ang bayan na malaman at makilala ang mga kautusan ng Diyos.—Exo 18:5-7, 13-27.
Paulit-ulit na tinukoy ni Moises si Jehova, at hindi ang kaniyang sarili, bilang ang tunay na Lider. Nang magreklamo ang bayan tungkol sa pagkain, sinabi ni Moises sa kanila: “Ang inyong mga bulung-bulungan ay hindi laban sa amin [kina Moises at Aaron], kundi laban kay Jehova.” (Exo 16:3, 6-8) Posibleng dahil nadama ni Miriam na baka maging mas prominente kaysa sa kaniya ang asawa ni Moises, siya at si Aaron ay nagsimulang magsalita nang may paninibugho at kawalang-galang laban kay Moises at sa awtoridad nito. Ipinakikita ng ulat na ang kanilang pananalita ay talagang kasuklam-suklam sapagkat sa puntong iyon ay sinasabi nito: “Ang lalaking si Moises ay totoong pinakamaamo sa lahat ng taong nasa ibabaw ng lupa.” Lumilitaw na atubili si Moises na kontrahin sila, anupat may-kaamuang tiniis ang pang-aabuso. Ngunit ikinagalit ni Jehova ang pagkuwestiyon nilang ito, na sa katunayan ay isang lantarang pang-iinsulto kay Jehova mismo. Inasikaso niya ang usapin at nilapatan si Miriam ng matinding parusa. Dahil sa pag-ibig ni Moises sa kaniyang kapatid, namagitan siya para rito at bumulalas: “O Diyos, pakisuyo! Pagalingin mo siya, pakisuyo!”—Bil 12:1-15.
Masunurin, Mapaghintay kay Jehova. Naging mapaghintay si Moises kay Jehova. Bagaman tinatawag siyang tagapagbigay-kautusan sa Israel, kinilala niya na ang mga kautusan ay hindi nagmula sa kaniya. Hindi niya basta ipinilit ang anumang maibigan niya, anupat nagpapasiya sa mga bagay-bagay ayon sa kaniyang sariling kaalaman. Sa legal na mga usapin na wala pang saligan o doo’y hindi niya lubusang maunawaan kung paano ikakapit ang kautusan, isinasangguni niya ang bagay na iyon kay Jehova upang makapagtatag ng isang hudisyal na pasiya. (Lev 24:10-16, 23; Bil 15:32-36; 27:1-11) Maingat niyang isinasagawa ang mga tagubilin. Ang masalimuot na gawain ng pagtatayo ng tabernakulo at paggawa ng mga kagamitan nito at ng mga kasuutan ng saserdote ay masusing pinangasiwaan ni Moises. Ang ulat ay nagsasabi: “At ginawa ni Moises ang ayon sa lahat ng iniutos ni Jehova sa kaniya. Gayung-gayon ang ginawa niya.” (Exo 40:16; ihambing ang Bil 17:11.) Madalas din nating mababasa na ang iba pang mga bagay ay isinagawa “gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises.” (Exo 39:1, 5, 21, 29, 31, 42; 40:19, 21, 23, 25, 27, 29) Naging kapaki-pakinabang sa mga Kristiyano na gayon ang ginawa niya, sapagkat sinabi ng apostol na si Pablo na ang mga bagay na ito ay “isang anino” at isang ilustrasyon ng makalangit na mga bagay.—Heb 8:5.
Nagkasala si Moises. Noong nagkakampo ang Israel sa Kades, malamang na sa ika-40 taon ng kanilang pagpapagala-gala, si Moises ay nakagawa ng isang malubhang pagkakamali. Idiniriin sa atin ng pangyayaring iyon na si Moises ay may lubhang natatanging posisyon at, bukod diyan, na mayroon siyang napakabigat na pananagutan kay Jehova bilang lider at tagapamagitan para sa bansa. Dahil sa kakapusan ng tubig, ang bayan ay buong-tinding nakipagtalo kay Moises, anupat sinisi siya sa pag-aahon sa kanila mula sa Ehipto patungo sa ilang. Nakapagbata na si Moises ng maraming bagay, anupat tiniis ang kasutilan at pagkamasuwayin ng mga Israelita, nakiramay sa kanilang mga paghihirap, at namagitan para sa kanila kapag nagkakasala sila, ngunit dito ay pansamantala niyang naiwala ang kaniyang kaamuan at kahinahunan ng kalooban. Samantalang dismayado at naiinis, sina Moises at Aaron ay tumayo sa harap ng bayan gaya ng iniutos ni Jehova. Ngunit sa halip na itawag-pansin na si Jehova ang Tagapaglaan, pinagsalitaan nila nang may kabagsikan ang bayan at ibinaling ang pansin sa kanilang sarili, anupat sinabi ni Moises: “Makinig kayo ngayon, kayong mga mapaghimagsik! Maglalabas ba kami ng tubig para sa inyo mula sa malaking batong ito?” Sa gayon ay hinampas ni Moises ang bato at pinadaloy ni Jehova ang tubig, na sapat para sa pulutong at sa kanilang mga kawan. Ngunit hindi kinalugdan ng Diyos ang iginawi nina Moises at Aaron. Nabigo silang isagawa ang kanilang pangunahing pananagutan, samakatuwid nga, ang pagdakila sa pangalan ni Jehova. Sila ay “naging masuwayin” kay Jehova, at si Moises ay ‘nagsalita nang padalus-dalos sa pamamagitan ng kaniyang mga labi.’ Nang maglaon ay itinalaga ni Jehova: “Sapagkat hindi kayo nagpakita ng pananampalataya sa akin upang pabanalin ako sa paningin ng mga anak ni Israel, kaya hindi ninyo dadalhin ang kongregasyong ito sa lupain na tiyak na ibibigay ko sa kanila.”—Bil 20:1-13; Deu 32:50-52; Aw 106:32, 33.
Isang Manunulat. Si Moises ang manunulat ng Pentateuch, ang unang limang aklat ng Bibliya, samakatuwid ay Genesis, Exodo, Levitico, Mga Bilang, at Deuteronomio. Sa buong kasaysayan ng mga Judio, kinikilala nila na siya ang sumulat ng seksiyong ito, na tinatawag nilang Torah, o Kautusan. Malimit banggitin ni Jesus at ng mga manunulat na Kristiyano na si Moises ang nagbigay ng Kautusan. Karaniwan nang kinikilala na siya ang sumulat ng aklat ng Job, gayundin ng Awit 90 at posibleng pati ng Awit 91.—Mat 8:4; Luc 16:29; 24:27; Ro 10:5; 1Co 9:9; 2Co 3:15; Heb 10:28.
Ang Kaniyang Kamatayan at Libing. Ang kapatid ni Moises na si Aaron ay namatay sa edad na 123 taon habang nagkakampo ang Israel sa Bundok Hor, sa hanggahan ng Edom, noong ikalimang buwan ng ika-40 taon ng kanilang paglalakbay. Dinala ni Moises si Aaron sa bundok, hinubaran ng makasaserdoteng mga kasuutan, at isinuot ang mga iyon sa pinakamatandang nabubuhay na anak at kahalili ni Aaron, si Eleazar. (Bil 20:22-29; 33:37-39) Pagkaraan ng mga anim na buwan, nakarating ang Israel sa Kapatagan ng Moab. Dito, sa sunud-sunod na mga pahayag, ipinaliwanag ni Moises ang Kautusan sa nagkakatipong bansa, anupat iniangkop ito sa situwasyon ng Israel kapag nagbago na ang kanilang kalagayan mula sa pagala-galang buhay sa kampo tungo sa isang buhay na nakapirme sa kanilang sariling lupain. Noong ika-12 buwan ng ika-40 taon (tagsibol ng 1473 B.C.E.), ipinatalastas niya sa bayan na si Josue ang hinirang ni Jehova upang humalili sa kaniya bilang lider. Pagkatapos ay inatasan si Josue at pinayuhan na magpakalakas-loob. (Deu 31:1-3, 23) Nang dakong huli, matapos bigkasin ang isang awit at pagpalain ang bayan, umahon si Moises sa Bundok Nebo ayon sa utos ni Jehova upang tanawin ang Lupang Pangako mula sa puwestong ito sa bundok at upang doon mamatay.—Deu 32:48-51; 34:1-6.
Si Moises ay 120 taóng gulang nang mamatay siya. Bilang patotoo na siya’y may likas na kalakasan, nagkomento ang Bibliya: “Ang kaniyang mata ay hindi lumabo, at ang kaniyang lakas ay hindi nawala.” Inilibing siya ni Jehova sa isang lugar na hindi kailanman natuklasan. (Deu 34:5-7) Malamang na ito’y upang hindi makagawa roon ng dambana ang mga Israelita at masilo sa huwad na pagsamba. Maliwanag na hinangad ng Diyablo na gamitin ang katawan ni Moises sa gayong layunin, sapagkat si Judas, ang Kristiyanong alagad at kapatid sa ina ni Jesu-Kristo, ay sumulat: “Nang si Miguel na arkanghel ay magkaroon ng pakikipaghidwaan sa Diyablo at makipagtalo tungkol sa katawan ni Moises, hindi siya nangahas na magpataw ng hatol laban sa kaniya sa mapang-abusong mga salita, kundi nagsabi: ‘Sawayin ka nawa ni Jehova.’” (Jud 9) Bago tumawid patungo sa Canaan sa ilalim ng pangunguna ni Josue, nagdaos ang Israel ng 30-araw na yugto ng pagdadalamhati para kay Moises.—Deu 34:8.
Isang Propeta na Kilala ni Jehova Nang “Mukhaan.” Nang kuwestiyunin nina Miriam at Aaron ang awtoridad ni Moises, sinabi ni Jehova sa kanila: “Kung may propeta sa inyo para kay Jehova, sa pangitain ako magpapakilala sa kaniya. Sa panaginip ako magsasalita sa kaniya. Hindi gayon sa aking lingkod na si Moises! Sa kaniya ipinagkakatiwala ang aking buong sambahayan. Bibig sa bibig akong nagsasalita sa kaniya, sa gayon ay ipinakikita sa kaniya, at hindi sa pamamagitan ng mga bugtong; at ang kaanyuan ni Jehova ang kaniyang namamasdan. Bakit nga hindi kayo natakot na magsalita laban sa aking lingkod, laban kay Moises?” (Bil 12:6-8) Inilalarawan ng konklusyon ng aklat ng Deuteronomio ang natatanging katayuan ni Moises sa harap ni Jehova: “Ngunit wala pang bumabangong propeta sa Israel na gaya ni Moises, na nakilala ni Jehova nang mukhaan, kung tungkol sa lahat ng mga tanda at mga himala na pinagsuguan sa kaniya ni Jehova na gawin sa lupain ng Ehipto kay Paraon at sa lahat ng kaniyang mga lingkod at sa kaniyang buong lupain, at may kinalaman sa buong malakas na kamay at sa lahat ng dakilang bagay na kasindak-sindak na ipinakita ni Moises sa paningin ng buong Israel.”—Deu 34:10-12.
Ayon sa mga salita ni Jehova, si Moises, bagaman hindi niya literal na nakita ang mismong persona ni Jehova, gaya ng nabanggit na, ay nagkaroon ng mas tuwiran, palagian, at matalik na kaugnayan kay Jehova kaysa kaninumang propeta na nauna kay Jesu-Kristo. Ang pananalita ni Jehova na: “Bibig sa bibig akong nagsasalita sa kaniya,” ay nagsiwalat na personal na nakipag-usap kay Moises ang Diyos (sa pamamagitan ng mga anghel, na nakalalapit sa mismong presensiya ng Diyos; Mat 18:10). (Bil 12:8) Bilang tagapamagitan ng Israel, tinamasa niya ang isang halos patuluyan at tuwirang pakikipagtalastasan. Anumang oras ay maaari niyang iharap ang mga suliraning nagsasangkot sa buong bansa at tanggapin ang sagot ng Diyos. Ipinagkatiwala ni Jehova kay Moises ‘ang Kaniyang buong sambahayan,’ anupat ginamit si Moises bilang kaniyang matalik na kinatawan sa pag-oorganisa sa bansa. (Bil 12:7; Heb 3:2, 5) Ipinagpatuloy lamang ng sumunod na mga propeta ang pagtatayo sa ibabaw ng pundasyon na inilatag sa pamamagitan ni Moises.
Ang paraan ng pakikitungo ni Jehova kay Moises ay talagang kahanga-hanga anupat para bang aktuwal na nakita ni Moises ang Diyos, sa halip na basta nagkaroon lamang ng isang pangitain sa isip o isang panaginip na doo’y narinig niyang magsalita ang Diyos, na siyang karaniwang paraan ng pakikipagtalastasan ng Diyos sa kaniyang mga propeta. Ang mga pakikipag-ugnayan ni Jehova kay Moises ay totoong-totoo anupat tumugon si Moises na para bang nakita niya “ang Isa na di-nakikita.” (Heb 11:27) Maliwanag na ang naging impresyon kay Moises ay katulad ng epekto kay Pedro ng pangitain ng pagbabagong-anyo pagkaraan ng maraming siglo. Ang pangitain ay totoong-totoo kay Pedro kung kaya nagsimula siyang makibahagi roon, anupat nagsalita siya nang hindi natatanto ang kaniyang sinasabi. (Luc 9:28-36) At ang apostol na si Pablo ay nagkaroon din ng isang pangitain na totoong-totoo anupat nang maglaon ay sinabi niya tungkol sa kaniyang sarili: “Kung sa katawan man ay hindi ko alam, o kung sa labas ng katawan ay hindi ko alam; alam ng Diyos.”—2Co 12:1-4.
Sa isang antas, ang pambihirang tagumpay ni Josue sa pagtatatag sa Israel sa Lupang Pangako ay walang alinlangang dahil sa maiinam na katangiang naikintal sa kaniya ng pagsasanay at halimbawa ni Moises. Si Josue ay lingkod ni Moises “mula sa kaniyang pagkabinata.” (Bil 11:28) Maliwanag na siya ay naging kumandante ng hukbo sa ilalim ni Moises (Exo 17:9, 10) at malapít kay Moises bilang tagapaglingkod nito sa maraming pangyayari.—Exo 24:13; 33:11; Deu 3:21.
Lumarawan kay Jesu-Kristo. Binanggit ni Jesu-Kristo na sumulat si Moises tungkol sa kaniya, sapagkat sa isang pagkakataon ay sinabi niya sa kaniyang mga kalaban: “Kung pinaniwalaan ninyo si Moises ay paniniwalaan ninyo ako, sapagkat ang isang iyon ay sumulat tungkol sa akin.” (Ju 5:46) Noong minsang kasama niya ang kaniyang mga alagad, “pasimula kay Moises at sa lahat ng mga Propeta ay binigyang-kahulugan niya sa kanila ang mga bagay na may kinalaman sa kaniyang sarili sa lahat ng Kasulatan.”—Luc 24:27, 44; tingnan din ang Ju 1:45.
Kabilang sa mga isinulat ni Moises tungkol kay Kristo Jesus ang mga salitang ito ni Jehova: “Isang propeta ang ibabangon ko para sa kanila mula sa gitna ng kanilang mga kapatid, na tulad mo; at ilalagay ko nga sa kaniyang bibig ang aking mga salita, at tiyak na sasalitain niya sa kanila ang lahat ng iuutos ko sa kaniya.” (Deu 18:18, 19) Nang sipiin ng apostol na si Pedro ang hulang ito, tiniyak niya na tumutukoy ito kay Jesu-Kristo.—Gaw 3:19-23.
Sa maraming paraan ay may pagkakatulad ang dalawang dakilang propetang ito, sina Moises at Jesu-Kristo. Noong sila’y mga sanggol pa, kapuwa sila nakatakas sa lansakang pagpatay na iniutos ng mga pinuno noong kani-kanilang panahon. (Exo 1:22; 2:1-10; Mat 2:13-18) Si Moises ay tinawag mula sa Ehipto kasama ang “panganay” ni Jehova, ang bansang Israel, na si Moises ang lider. Si Jesus ay tinawag mula sa Ehipto bilang ang panganay na Anak ng Diyos. (Exo 4:22, 23; Os 11:1; Mat 2:15, 19-21) Kapuwa sila nag-ayuno nang 40 araw sa ilang. (Exo 34:28; Mat 4:1, 2) Kapuwa sila dumating sa pangalan ni Jehova, anupat ang pangalan mismo ni Jesus ay nangangahulugang “Si Jehova ay Kaligtasan.” (Exo 3:13-16; Mat 1:21; Ju 5:43) Tulad ni Moises, ‘ipinahayag ni Jesus ang pangalan ni Jehova.’ (Deu 32:3; Ju 17:6, 26) Kapuwa sila natatangi sa kaamuan at kapakumbabaan. (Bil 12:3; Mat 11:28-30) Kapuwa sila may lubhang nakakukumbinsing mga kredensiyal na nagpapakitang isinugo sila ng Diyos—iba’t ibang uri ng kagila-gilalas na mga himala, anupat nahigitan ni Jesu-Kristo si Moises sa pamamagitan ng pagbuhay-muli sa mga patay.—Exo 14:21-31; Aw 78:12-54; Mat 11:5; Mar 5:38-43; Luc 7:11-15, 18-23.
Si Moises ang tagapamagitan ng tipang Kautusan sa pagitan ng Diyos at ng bansang Israel. Si Jesus naman ang Tagapamagitan ng bagong tipan sa pagitan ng Diyos at ng “banal na bansa,” ang espirituwal na “Israel ng Diyos.” (1Pe 2:9; Gal 6:16; Exo 19:3-9; Luc 22:20; Heb 8:6; 9:15) Kapuwa sila naglingkod bilang hukom, tagapagbigay-kautusan, at lider. (Exo 18:13; 32:34; Dan 9:25; Mal 4:4; Mat 23:10; Ju 5:22, 23; 13:34; 15:10) Si Moises ay inatasan bilang katiwala at napatunayang tapat sa kaniyang pagiging katiwala sa ‘sambahayan ng Diyos,’ samakatuwid ay ang bansa, o kongregasyon, ng Israel. Si Jesus naman ay nagpakita ng katapatan sa sambahayan ng Diyos na itinayo niya bilang Anak ng Diyos, samakatuwid ay ang bansa, o kongregasyon, ng espirituwal na Israel. (Bil 12:7; Heb 3:2-6) At maging sa kamatayan ay may pagkakatulad sila: Kapuwa pinaglaho ng Diyos ang mga katawan nina Moises at Jesus.—Deu 34:5, 6; Gaw 2:31; Jud 9.
Sa pagtatapos ng 40-taóng paninirahan ni Moises sa ilang, habang pinapastulan niya ang kawan ng kaniyang biyenan, ang anghel ng Diyos ay makahimalang nagpakita sa kaniya sa apoy ng isang tinikang-palumpong sa paanan ng Bundok Horeb. Doon siya inatasan ni Jehova na iligtas ang Kaniyang bayan mula sa Ehipto. (Exo 3:1-15) Sa gayon ay hinirang ng Diyos si Moises bilang Kaniyang propeta at kinatawan, at si Moises ay matatawag nang isang pinahiran, o “Kristo.” Upang matamo ang natatanging posisyong iyon, kinailangang iwan ni Moises ang “mga kayamanan ng Ehipto” at hayaang siya’y “mapagmalupitan kasama ng bayan ng Diyos” at sa gayon ay dumanas ng kadustaan. Ngunit para kay Moises, ang gayong ‘kadustaan ng Kristo’ ay kayamanan na nakahihigit kaysa sa lahat ng yaman ng Ehipto.—Heb 11:24-26.
Katulad din nito ang nangyari kay Jesu-Kristo. Noong ipanganak siya sa Betlehem, ipinatalastas ng anghel na siya ay magiging “isang Tagapagligtas, na siyang Kristo na Panginoon.” Siya ay naging Kristo, o Pinahiran, matapos siyang bautismuhan ng propetang si Juan sa Ilog Jordan. (Luc 2:10, 11; 3:21-23; 4:16-21) Pagkatapos nito ay kinilala niya na siya “ang Kristo,” o Mesiyas. (Mat 16:16, 17; Mar 14:61, 62; Ju 4:25, 26) Itinuon din ni Jesu-Kristo ang kaniyang mata sa gantimpala at hinamak ang kahihiyang ibinunton sa kaniya ng mga tao, gaya ng ginawa ni Moises. (Fil 2:8, 9; Heb 12:2) Ang kongregasyong Kristiyano ay binabautismuhan sa Lalong Dakilang Moises na ito—kay Jesu-Kristo, ang inihulang Propeta, Tagapagpalaya, at Lider.—1Co 10:1, 2.