Patuloy na Bulay-bulayin ang Espirituwal na mga Bagay
“Magmuni-muni ka sa mga bagay na ito; magbuhos ka ng pansin sa mga iyon, upang ang iyong pagsulong ay mahayag sa lahat ng mga tao.”—1 TIM. 4:15.
1, 2. Bakit natatangi ang utak ng tao?
KAMANGHA-MANGHA ang utak ng tao dahil may kakayahan itong matuto ng wika. Dahil sa wika, nagagawa nating magbasa, magsulat, magsalita, maintindihan ang mga naririnig natin, manalangin, at umawit ng mga papuri kay Jehova. Sangkot sa mga kakayahang ito ang mga bahagi ng utak at koneksiyon ng mga nerbiyo na hindi pa rin lubusang maunawaan ng mga siyentipiko hanggang ngayon. “Ang kakayahan ng bata na matuto ng wika ay isang kahanga-hangang katangian ng [tao],” ang sabi ng isang propesor sa wika.
2 Ang kakayahan ng tao na matuto ng wika ay isang pambihirang regalo mula sa Diyos. (Awit 139:14; Apoc. 4:11) May isa pang dahilan kung bakit natatangi ang ating utak. Di-gaya ng hayop, ang mga tao ay nilalang “ayon sa larawan ng Diyos.” Mayroon tayong kalayaang magpasiya at maaari nating gamitin ang kakayahang matuto ng wika upang purihin ang Diyos.—Gen. 1:27.
3. Anong pambihirang regalo ang ibinigay ni Jehova para maging marunong tayo?
3 Ang Diyos, na Maylalang ng wika, ay nagbigay sa lahat ng nagnanais na parangalan siya ng isang pambihirang regalo, ang Bibliya. Makukuha ang buong Bibliya o mga bahagi nito sa mahigit 2,800 wika. Kapag pinag-aaralan mo ito, pinupuno mo ang iyong isip ng mga kaisipan ng Diyos. (Awit 40:5; 92:5; 139:17) Masisiyahan ka sa pagbubulay-bulay ng mga bagay na “makapagpaparunong sa iyo ukol sa kaligtasan.”—Basahin ang 2 Timoteo 3:14-17.
4. Ano ang ibig sabihin ng pagbubulay-bulay? Anong mga tanong ang tatalakayin natin?
4 Ang pagbubulay-bulay ay nangangahulugan ng pagtutuon ng pansin sa isang bagay, mabuti man o masama. (Awit 77:12; Kaw. 24:1, 2) Ang Diyos na Jehova at ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ang dalawang pinakamagandang paksa para sa pagbubulay-bulay. (Juan 17:3) Pero maitatanong natin: Ano ang kaugnayan ng pagbabasa sa pagbubulay-bulay? Ano-ano ang puwede nating bulay-bulayin? At paano natin magagawang kasiya-siya ang pagbubulay-bulay?
TIYAKING KAPAKI-PAKINABANG ANG IYONG PAG-AARAL
5, 6. Ano ang makatutulong sa iyo na mas matandaan at mas maintindihan ang iyong binabasa?
5 Kamangha-mangha ang mga nagagawa ng iyong utak, kung minsan nang hindi mo namamalayan. Halimbawa, ang paghinga, paglalakad, pagbibisikleta, o pagta-type ay maaaring ginagawa mo nang hindi mo na pinag-iisipan. Kung minsan, totoo rin ito sa pagbabasa. Kaya naman napakahalagang magtuon ng pansin, o magpokus, sa kahulugan ng binabasa mo. Pagdating sa dulo ng isang parapo o bago mag-umpisa sa bagong subtitulo sa isang publikasyon, maaaring huminto ka sandali at pag-isipan ang nabasa mo para matiyak na tama ang pagkaunawa mo rito. Pero dahil sa mga pang-abala o hindi pagtutuon ng pansin, maaaring gumala-gala ang isip mo, kaya ang iyong pagbabasa ay hindi magiging kapaki-pakinabang. Paano ito maiiwasan?
6 Ipinakikita ng mga pananaliksik sa siyensiya na mas madaling matandaan ang iyong binabasa kung babasahin mo ito nang malakas. Alam ito ng Maylalang ng ating utak. Kaya inutusan niya si Josue na basahin ang Kaniyang aklat ng Kautusan “nang pabulong.” (Basahin ang Josue 1:8.) Malamang na mas matatandaan mo ang binabasa mo kung babasahin mo ang Bibliya nang pabulong. Tutulong din ito sa iyo na mas makapagtuon ng pansin.
7. Kailan ang pinakamagandang panahon para magbulay-bulay sa Salita ng Diyos? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
7 Bagaman maaaring madali ang pagbabasa, kailangan naman ang pagsisikap para makapagbulay-bulay. Likas sa di-sakdal na utak ng tao na piliin ang mga bagay na mas madaling gawin. Kaya ang pinakamagandang panahon para magbulay-bulay ay kapag relaks ka at walang gaanong pang-abala. Para sa salmista, magandang magbulay-bulay sa gabi habang gising at nakahiga. (Awit 63:6) Maging si Jesus, na may sakdal na isip, ay nakaaalam na magandang magbulay-bulay at manalangin sa tahimik na lugar.—Luc. 6:12.
MABUBUTING BAGAY NA PUWEDENG BULAY-BULAYIN
8. (a) Bukod sa Salita ng Diyos, ano pa ang puwede nating bulay-bulayin? (b) Ano ang nadarama ni Jehova kapag ipinakikipag-usap natin siya sa iba?
8 Bukod sa mga nababasa natin sa Bibliya, may iba pang mga bagay na puwede nating bulay-bulayin. Halimbawa, habang minamasdan mo ang kamangha-manghang mga lalang ng Diyos, huminto sandali at mag-isip. Tiyak na mauudyukan ka nito na purihin si Jehova dahil sa kaniyang kabutihan at, kung may kasama ka, ipakipag-usap ito sa kaniya. (Awit 104:24; Gawa 14:17) Natutuwa ba si Jehova kapag nagbubulay-bulay tayo, nananalangin, at pinupuri siya sa harap ng iba? Sa mapanganib na mga huling araw na ito, ganito ang pangako ng Bibliya: “Nang panahong iyon ay nagsalita sa isa’t isa yaong mga natatakot kay Jehova, bawat isa ay sa kaniyang kasamahan, at si Jehova ay patuloy na nagbigay-pansin at nakinig. At isang aklat ng alaala ang pinasimulang isulat sa harap niya para sa mga natatakot kay Jehova at para sa mga palaisip sa kaniyang pangalan.”—Mal. 3:16.
9. (a) Ano ang sinabi ni Pablo kay Timoteo na bulay-bulayin niya? (b) Paano natin maikakapit ang payo ni Pablo kapag naghahanda tayo sa ministeryo?
9 Sinabi ni apostol Pablo kay Timoteo na ‘muni-munihin,’ o bulay-bulayin, ang epekto sa iba ng kaniyang sinasabi, iginagawi, at itinuturo. (Basahin ang 1 Timoteo 4:12-16.) Tulad ni Timoteo, marami tayong espirituwal na gawaing dapat pag-isipan. Halimbawa, kailangan natin ng panahon na magbulay-bulay kapag naghahanda para sa isang pag-aaral sa Bibliya. Maaari nating pag-isipan ang isang punto-de-vistang tanong o ilustrasyong gagamitin natin sa ating estudyante para tulungan siyang sumulong. Nakarerepresko ang paggawa nito, dahil ang pagmumuni-muni sa mga bagay na ito ay nagpapatibay ng atin mismong pananampalataya at tumutulong sa atin na maging mas mabisa at masigla sa pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya. Totoo rin iyan kapag inihahanda natin ang ating puso bago lumabas sa larangan. (Basahin ang Ezra 7:10.) Ang pagbabasa ng isang kabanata sa aklat ng Mga Gawa ay tutulong para “paningasing tulad ng apoy” ang ating sigla sa ministeryo. Ang pagbubulay-bulay sa mga teksto sa Bibliya na gagamitin natin sa araw na iyon at mga publikasyong iaalok natin ay tutulong sa atin na maisagawa ang ating pribilehiyong mangaral. (2 Tim. 1:6) Isipin ang mga tao sa teritoryo at kung saan sila magiging interesado. Ang lahat ng paghahandang iyan ay tutulong sa atin na mabisang magpatotoo taglay ang “pagtatanghal ng espiritu at kapangyarihan” ng Salita ng Diyos.—1 Cor. 2:4.
10. Ano pang mabubuting bagay ang puwede nating bulay-bulayin?
10 Kumukuha ka ba ng nota sa panahon ng mga pahayag pangmadla, asamblea, at mga kombensiyon? Ang mga notang iyon ay napakagandang gamitin para sa pagbubulay-bulay. Pag-isipan ang mga natutuhan mo mula sa Salita ng Diyos at sa kaniyang organisasyon. Puwede mo ring bulay-bulayin ang mga impormasyong nababasa mo sa buwanang isyu ng Bantayan at Gumising! at sa mga bagong-labas na publikasyon sa kombensiyon. Kapag nagbabasa ka ng Taunang Aklat, makabubuting huminto sandali bago lumipat sa susunod na karanasan. Tutulong ito sa iyo na mapag-isipan ang nabasa mo at maantig ang iyong puso. Maaari mo ring guhitan ang mga pangunahing punto o gumawa ng maiikling nota sa gilid na makatutulong sa iyo kapag naghahanda ka para sa pagdalaw-muli, pagpapastol, o pahayag. Higit sa lahat, kapag humihinto ka sandali at binubulay-bulay ang binabasa mong mga publikasyong salig sa Bibliya, hinahayaan mong makatagos ito sa iyong puso at nagkakaroon ka ng pagkakataong pasalamatan si Jehova sa panalangin dahil sa mabubuting bagay na natutuhan mo.
BULAY-BULAYIN ANG SALITA NG DIYOS ARAW-ARAW
11. Ano ang dapat na maging pangunahing pokus ng ating pagbubulay-bulay, at bakit? (Tingnan din ang talababa.)
11 Siyempre pa, ang kinasihang Salita ng Diyos ang dapat na maging pangunahing pokus ng ating pagbubulay-bulay. Pero paano kung ipagbawal ang Bibliya?a Walang makapagbabawal sa iyo na bulay-bulayin ang mga nasa memorya mo, gaya ng paborito mong mga teksto at awiting pang-Kaharian. (Gawa 16:25) At maaaring ipaalaala sa iyo ng espiritu ng Diyos ang mabubuting bagay na natutuhan mo.—Juan 14:26.
12. Anong rutin ang puwedeng gawin ng isa para maging kapaki-pakinabang ang pagbabasa niya ng Bibliya?
12 Maaaring gamitin ang ilang araw ng sanlinggo upang basahin at bulay-bulayin ang lingguhang pagbabasa ng Bibliya para sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Maaari namang ilaan ang ibang araw sa pagbubulay-bulay sa mga sinabi at ginawa ni Jesus. Tiyak na sasang-ayon ka na kabilang sa mga mas kilalang aklat ng Bibliya ang mga ulat ng Ebanghelyo tungkol sa buhay at ministeryo ni Jesus. (Roma 10:17; Heb. 12:2; 1 Ped. 2:21) Pinaglaanan pa nga tayo ng isang publikasyon na naglalaman ng mga karanasan ni Jesus sa lupa ayon sa pagkakasunod-sunod nito. Isa itong napakagandang pantulong, lalo na kung maingat nating babasahin at bubulay-bulayin ang katulad na mga ulat ng Ebanghelyo na binanggit sa bawat kabanata.—Juan 14:6.
BAKIT NAPAKAHALAGA NG PAGBUBULAY-BULAY?
13, 14. Bakit napakahalagang patuloy na bulay-bulayin ang espirituwal na mga bagay? Pakikilusin tayo nito na gawin ang ano?
13 Kapag binubulay-bulay ng isa ang espirituwal na mga bagay, susulong siya tungo sa Kristiyanong pagkamaygulang. (Heb. 5:14; 6:1) Kapag hindi siya gaanong gumugugol ng panahon para bulay-bulayin ang tungkol kay Jehova at kay Jesus, hihina ang pananampalataya niya. Nanganganib siyang maanod palayo o lumayo sa katotohanan. (Heb. 2:1; 3:12) Nagbabala si Jesus na kung hindi natin diringgin, o tatanggapin, ang Salita ng Diyos “taglay ang mainam at mabuting puso,” maiwawala natin ito. Kapag nangyari iyon, madali tayong madadala ng “mga kabalisahan at mga kayamanan at mga kaluguran sa buhay na ito” at hindi tayo susulong sa pagkamaygulang.—Luc. 8:14, 15.
14 Kaya patuloy nating bulay-bulayin ang Salita ng Diyos. Pakikilusin tayo nito na lubusang tularan ang mga katangian at personalidad ni Jehova na isinisiwalat sa Bibliya. (2 Cor. 3:18) Ano pa ba ang mahihiling natin? Napakaganda ngang pribilehiyo na patuloy na matuto tungkol sa ating maibiging Ama sa langit at maipakita ang kaniyang kaluwalhatian sa pamamagitan ng pagtulad sa kaniya!—Ecles. 3:11.
15, 16. (a) Paano tayo personal na nakikinabang sa pagbubulay-bulay sa espirituwal na mga bagay? (b) Bakit mahirap kung minsan na magbulay-bulay? Bakit natin ito dapat pagsikapang gawin?
15 Kung patuloy nating bubulay-bulayin ang espirituwal na mga bagay, lagi tayong mananabik sa katotohanan. Sa gayo’y magiging pampatibay tayo sa ating mga kapatid at sa mga interesado na natatagpuan natin sa ministeryo. Ang taimtim na pagbubulay-bulay sa pinakadakilang regalo ng Diyos—ang haing pantubos ni Jesus—ay tutulong sa atin na mahalin ang pribilehiyong magkaroon ng malapít na kaugnayan sa ating Amang Banal, si Jehova. (Roma 3:24; Sant. 4:8) Si Mark na taga-South Africa ay nakulong nang tatlong taon dahil sa Kristiyanong neutralidad. Sinabi niya: “Ang pagbubulay-bulay ay parang isang kapana-panabik na paglalakbay. Habang binubulay-bulay natin ang espirituwal na mga bagay, mas marami tayong bagong bagay na natutuklasan tungkol sa ating Diyos, si Jehova. Kapag nasisiraan ako ng loob o nababalisa tungkol sa hinaharap, kinukuha ko ang Bibliya at binubulay-bulay ang isang teksto. Napapakalma ako nito.”
16 Totoo, napakaraming pang-abala ngayon sa daigdig na ito kaya nagiging hamon kung minsan ang pagbubulay-bulay sa espirituwal na mga bagay. Inamin ni Patrick, isa pang tapat na brother na taga-Africa: “Parang mailbox ang isip ko. Punô ito ng iba’t ibang impormasyon, importante at hindi, at kailangan itong linisin araw-araw. Kapag sinusuri ko ang laman ng isip ko, madalas na may ‘nakababalisang kaisipan’ ako, kaya kailangan ko muna itong ipanalangin kay Jehova bago ako makapagbulay-bulay nang may malinaw na isip. Bagaman kumukuha ito ng kaunting oras, nagiging mas malapít naman ako kay Jehova. At mas nauunawaan ko ang katotohanan.” (Awit 94:19) Oo, talagang nakikinabang tayo kapag ‘sinusuri natin ang Kasulatan araw-araw’ at binubulay-bulay ang mga natututuhan natin.—Gawa 17:11.
KAILAN KA NAGBUBULAY-BULAY?
17. Kailan ka nagbubulay-bulay?
17 May mga gumigising nang maaga para magbasa, magbulay-bulay, at manalangin. Ginagawa naman ito ng iba tuwing lunch break. Baka puwede mo itong gawin sa gabi o bago ka matulog. Gusto ng ilan na magbasa ng Bibliya sa umaga at bago matulog sa gabi. Kaya nagagawa nila itong basahin “araw at gabi,” o nang regular. (Jos. 1:8) Ang mahalaga, “binibili [natin] ang naaangkop na panahon,” ibig sabihin, kinukuha natin ang panahon mula sa di-gaanong mahalagang bagay para bulay-bulayin ang Salita ng Diyos araw-araw.—Efe. 5:15, 16.
18. Ano ang pangako ng Bibliya sa lahat ng nagbubulay-bulay ng Salita ng Diyos araw-araw at nagsisikap magkapit ng kanilang natututuhan?
18 Nangangako ang Salita ng Diyos na pagpapalain ang lahat ng nagbubulay-bulay at nagsisikap na ikapit ang kanilang mga natututuhan. (Basahin ang Awit 1:1-3.) “Maligaya yaong mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito,” ang sabi ni Jesus. (Luc. 11:28) Pero higit sa lahat, ang pagbubulay-bulay sa espirituwal na mga bagay araw-araw ay tutulong sa atin na parangalan ang Dakilang Maylalang ng ating kahanga-hangang utak, at gagantimpalaan niya tayo ng kaligayahan ngayon at buhay na walang hanggan sa kaniyang matuwid na bagong sanlibutan.—Sant. 1:25; Apoc. 1:3.
a Tingnan ang artikulong “Ang Aming Pakikipaglaban Upang Makapanatiling Malakas sa Espirituwal” sa Ang Bantayan, Disyembre 1, 2006.