HORMA
[Pagtatalaga sa Pagkapuksa].
Isang lunsod sa timugang bahagi ng teritoryo ng Juda. (1Cr 4:30) Gayunman, posibleng ang pangalang ito ay ginamit din upang tumukoy sa isang lugar o isang rehiyon.
Pagkabalik ng 12 Israelitang tiktik sa Kades (Bil 13:26), ang mga Israelita ay tumangging sumalakay sa Canaan. Pagkatapos, nang tuligsain ni Jehova ang kanilang mapaghimagsik na saloobin at kawalan ng pananampalataya, nagpasiya silang sumalakay nang salungat sa mga tagubilin niya. Sila’y “maagang bumangon sa kinaumagahan” upang pumaroon sa lugar na binanggit ni Jehova. Ayon sa ulat, sinikap nilang “umahon sa taluktok ng bundok.” (Bil 14:40) Gayunman, nang sabihin nila na sila’y aahon sa “dako na binanggit ni Jehova,” maaaring hindi isang partikular na bundok ang tinutukoy nila kundi ang “bulubunduking pook ng mga Amorita” na binanggit ni Moises nang muli niyang ilahad ang mga pangyayaring ito. (Deu 1:19-21, 41-43) Hindi ipinakikita ng ulat kung gaano kalayo ang nilakbay nila, ni espesipiko man nitong binabanggit kung ang mga pangyayaring ito ay naganap sa loob ng iisang araw o hindi. Ngunit, waring ipinakikita ng teksto na ang mga ito’y naganap sa loob lamang ng maikling yugto ng panahon.
Anuman ang naging kalagayan, ipinakikita ng ulat na ang mga Israelita ay sinalubong ng mga Amalekita at mga Canaanita (sa Deu 1:44, “mga Amorita,” isang terminong ginagamit upang tukuyin ang taong-bayan ng Canaan sa pangkalahatan; ihambing ang Gen 48:22; Jos 24:15), at tinalo sila ng mga ito, anupat pinangalat sila “hanggang sa Horma.” (Bil 14:45) Sa ulat ng Deuteronomio 1:44, sinasabi na sila’y pinangalat “sa Seir hanggang sa Horma.” Ang Seir ay teritoryo ng mga Edomita, at waring ang pamumuno nila noon ay umabot sa K ng Wadi Arabah hanggang sa rehiyon ng Negeb. (Ihambing ang Bil 20:14, 16; Jos 11:17.) Pagkatapos ng pagkatalong ito, ang mga Israelita ay bumalik sa Kades.—Deu 1:45, 46.
Palibhasa’y tapos na ang panahon ng kanilang pagpapagala-gala, muling humayo ang mga Israelita patungong Canaan. Sinalakay naman sila ng Canaanitang hari ng Arad. (Tingnan ang ARAD Blg. 2.) Muli, hindi natin alam kung gaano kalayo sa T ang nilakbay ng hari ng Arad bago niya nakasagupa ang mga Israelita. Gayunman, ang mga Israelita, pagkatapos manata kay Jehova, ay nagtagumpay laban sa haring ito at ‘kanilang itinalaga ang kaniyang mga lunsod sa pagkapuksa.’ Pagkatapos nito ay pinangalanan nilang “Horma” ang lugar na iyon. (Bil 21:1-3; tingnan ang NAKATALAGANG BAGAY.) Sa naunang ulat ng tagumpay ng mga Canaanita laban sa Israel, ginamit ni Moises ang pangalang ito. Malamang ay balak niyang tukuyin itong muli sa ulat upang ipakita ang pinagmulan ng pangalan. (Bil 14:45) Gayunman, nang panahong iyon ang mga Israelita ay hindi nanahanan sa rehiyong ito. Sila’y lumibot sa Edom, nagtungo sa H, at sa wakas ay pumasok sa Canaan sa pamamagitan ng pagtawid sa Jordan sa H ng Dagat na Patay.—Bil 21:4; 22:1.
Sa Josue 12:14 “ang hari ng Horma” ay katabi ng hari ng Arad sa talaan ng 31 hari na tinalo ni Josue. Ngunit waring hindi ito tumutukoy sa tagumpay ng Israel noong buháy pa si Moises at si Josue ang kumandante ng militar. Waring ang mga tagumpay na ito ay natamo ng Israel noong nakatawid na sila sa Jordan papasók sa Canaan. (Jos 12:7, 8) Bagaman ang tagumpay ni Josue laban sa hari ng Horma ay hindi espesipikong inilarawan, maaaring kasama ito sa binabanggit sa Josue 10:40-42. Mangangahulugan ito na matapos lisanin ng Israel ang rehiyon ng Horma upang lumibot sa lupain ng Edom, muling nanahanan sa teritoryong iyon ang mga Canaanita. Bagaman ipinakikita ng ulat na tinalo ni Josue ang hari ng Horma, hindi nito sinasabi na nanirahan sa lunsod ng Horma ang mga Israelita.—Ihambing ang nangyari sa Gezer sa Jos 12:12; Huk 1:29.
Ang lunsod na ito ay kasama sa talaan ng mga bayan na nasa “dulo ng tribo ng mga anak ni Juda tungo sa hangganan ng Edom sa timog.” (Jos 15:21, 30) Gayunman, iniatas ito sa tribo ni Simeon bilang isang “nakapaloob” na lunsod sa teritoryo ng Juda. (Jos 19:1, 2, 4; ihambing ang 16:9.) Yamang ang sinasabi lamang ng ulat ay tinalo ni Josue ang hari ng Horma (at wala itong binabanggit na binihag niya ang lunsod), nang maglaon, ang mga tribo nina Juda at Simeon ay nagsanib-puwersa upang ‘saktan ang mga Canaanita na nananahanan sa Zepat at italaga iyon sa pagkapuksa. Kaya ang pangalan ng lunsod ay tinawag na Horma.’ (Huk 1:17) Nang pangalanan nila ang lunsod, maaaring pinagtibay o inulit lamang nila ang pangalang ibinigay rito noong una. Itinuturing ng ilan na ang pangalang Horma noong panahon ni Moises ay tumutukoy sa buong distrito o rehiyon sa halip na sa lunsod lamang ng Zepat. Mangangahulugan ito na ang buong distrito ay nasa ilalim ng pagbabawal, o nakatalaga sa pagkapuksa, kailanman isasakatuparan ang pagpuksang iyon.—Ihambing ang Commentary on the Old Testament, ni C. F. Keil at F. Delitzsch, 1973, Tomo II, Joshua, Judges, Ruth, p. 256; tingnan ang ZEPAT.
Hindi tiyak kung saan ang lokasyon ng Horma. Iba’t ibang lugar ang iminumungkahi para rito. Gayunman, ang mga lugar na iyon ay pawang mahigit na 60 km (37 mi) sa H ng Kades-barnea, kung saan nagmula ang mga Israelita noong humayo sila nang ‘maaga sa kinaumagahan.’ (Bil 14:40) Gayundin, ayon sa ulat, sa Horma nangalat ang mga Israelita nang matalo sila, at maliwanag na sila’y tumakas pabalik sa Kades. Kaya naman, ang iminumungkahing mga lokasyon na napakalayo sa dakong H ay waring hindi tumutugma sa ulat ng Bibliya.
Noong panahon ni David, ang Horma ay isa pa ring lunsod ng mga Simeonita. Gayunpaman, isa ito sa mga lugar na pinuntahan niya habang siya’y isang takas. Kasama rin ito sa mga lunsod na pinadalhan niya ng mga kaloob nang maglaon.—1Sa 30:26-31; 1Cr 4:24, 28-31.