Tinupad ni Jepte ang Kaniyang Panata kay Jehova
ISANG mandirigmang nanalo sa labanan ang umuwi pagkatapos mapalaya mula sa paniniil ang kaniyang bayan. Patakbo siyang sinalubong ng kaniyang anak na babae, masayang nagsasayaw habang tumutugtog ng tamburin. Pagkakita sa kaniyang anak, sa halip na matuwa, hinapak ng lalaki ang kaniyang kasuutan. Bakit? Hindi ba siya natutuwa tulad ng kaniyang anak dahil ligtas siyang nakabalik? Sa anong digmaan siya nagwagi? Sino siya?
Siya si Jepte, isa sa mga hukom ng sinaunang Israel. Ngunit upang masagot ang iba pang tanong at makita ang kahalagahan ng ulat na ito para sa atin, kailangan nating isaalang-alang ang mga pangyayaring naganap bago ang pambihirang pagtatagpong ito.
Krisis sa Israel
Nabuhay si Jepte sa panahon ng krisis. Itinakwil ng kaniyang mga kapuwa Israelita ang dalisay na pagsamba at naglingkod sa mga diyos ng Sidon, Moab, Ammon, at Filistia. Kaya pinahintulutan ni Jehova na siilin ng mga Ammonita at mga Filisteo ang kaniyang bayan sa loob ng 18 taon. Ang mga naninirahan sa Gilead, sa silangan ng Ilog Jordan ang nasa pinakamahirap na kalagayan.a Sa wakas, natauhan ang mga Israelita, nagsisi at humingi ng tulong kay Jehova, nagsimulang maglingkod sa kaniya, at inalis nila ang mga banyagang diyos sa gitna nila.—Hukom 10:6-16.
Nagkampo ang mga Ammonita sa Gilead, at nagpisan ang mga Israelita upang harapin sila. Ngunit walang kumandante ang Israel. (Hukom 10:17, 18) Samantala, may sariling problema si Jepte. Pinalayas siya ng kaniyang sakim na mga kapatid sa ama upang makamkam nila ang kaniyang mana. Kaya lumipat si Jepte sa Tob, isang rehiyon sa silangan ng Gilead na madaling salakayin ng mga kaaway ng Israel. “Ang mga lalaking batugan,” malamang ang mga nawalan ng trabaho dahil sa mga maniniil o mga nagrebelde at ayaw maglingkod sa mga ito, ay pumisan kay Jepte. “Lumalabas silang kasama niya,” marahil sumasama sila kay Jepte sa paglusob niya sa kaaway na mga bansa sa palibot nila. Malamang na dahil sa kagitingan ni Jepte bilang isang mandirigma kung kaya tinawag siya sa Kasulatan na “makapangyarihan at magiting na lalaki.” (Hukom 11:1-3) Sino, kung gayon, ang mangunguna sa Israel laban sa mga Ammonita?
“Halika at Ikaw ang Maging Aming Kumandante”
Hinimok ng matatandang lalaki ng Gilead si Jepte: “Halika at ikaw ang maging aming kumandante.” Kung inaasahan nilang susunggaban niya ang pagkakataong ito upang makabalik siya sa kaniya mismong lupain, nagkakamali sila. “Hindi ba kayo ang napoot sa akin anupat pinalayas ninyo ako mula sa bahay ng aking ama?” ang sagot niya. “Bakit kayo pumarito sa akin ngayon kung kailan lamang kayo napipighati?” Talaga ngang hindi makatarungan na pagkatapos nilang itakwil siya noon ay lalapit naman sila ngayon para humingi ng tulong!—Hukom 11:4-7.
Pangungunahan ni Jepte ang Gilead sa isang kondisyon. ‘Kung pababayaan ni Jehova ang Ammon sa akin,’ ang sabi niya, ‘ako ang magiging inyong ulo!’ Ang tagumpay ang magiging ebidensiya ng pagsuporta ng Diyos, ngunit balak din ni Jepte na matiyak na hindi itatakwil ng bayan ang pamamahala ng Diyos kapag natapos na ang krisis.—Hukom 11:8-11.
Pakikitungo sa Ammon
Sinikap ni Jepte na makipag-areglo sa mga Ammonita. Nagsugo siya ng mga mensahero sa kanilang hari upang alamin ang dahilan ng pagsalakay ng mga Ammonita. Pero isang akusasyon ang sagot nila: Nang lumabas sa Ehipto ang mga Israelita, sinakop nila ang teritoryo ng mga Ammonita, at dapat nila itong ibalik.—Hukom 11:12, 13.
Dahil alam na alam niya ang kasaysayan ng Israel, mariing tinutulan ni Jepte ang sinabi ng mga Ammonita. Sinabi niya sa kanila na hindi niligalig ng mga Israelita ang Ammon, Moab, o Edom nang umalis ang mga Israelita sa Ehipto; ni pag-aari man ng Ammon ang pinaglalabanan na lupain nang lumabas ang Israel sa Ehipto. Pag-aari ito ng mga Amorita noon, subalit ibinigay ng Diyos ang kanilang hari, si Sihon, sa kamay ng Israel. Bukod pa riyan, 300 taon nang naninirahan sa lupaing iyon ang mga Israelita. Bakit ngayon lamang ito inaangkin ng mga Ammonita?—Hukom 11:14-22, 26.
Itinuon din ni Jepte ang pansin sa isang isyu na siyang pangunahing dahilan ng mga paghihirap ng Israel: Sino ang tunay na Diyos? Si Jehova ba o ang mga diyos ng lupain na nasakop ng Israel? Kung may kapangyarihan si Kemos, hindi ba niya gagamitin ito upang hindi maagaw sa kaniyang bayan ang lupain? Isa itong labanan sa pagitan ng huwad na relihiyon ng mga Ammonita at ng tunay na pagsamba. Kaya makatuwiran ang naging konklusyon ni Jepte: “Si Jehova nawa na Hukom ang humatol ngayon sa pagitan ng mga anak ni Israel at ng mga anak ni Ammon.”—Hukom 11:23-27.
Hindi nakinig ang hari ng Ammon sa di-matitinag na mensahe ni Jepte. “Ang espiritu ni Jehova ngayon ay suma kay Jepte, at dumaan siya sa Gilead at sa Manases,” malamang upang tipunin ang matitipunong lalaki para lumaban sa Ammon.—Hukom 11:28, 29.
Panata ni Jepte
Dahil sa marubdob na hangaring makamit ang patnubay ng Diyos, nanata si Jepte sa Diyos: “Kung walang pagsalang ibibigay mo ang mga anak ni Ammon sa aking kamay, mangyayari rin nga na yaong lalabas, na lalabas sa mga pinto ng aking bahay upang salubungin ako kapag bumalik ako nang payapa mula sa mga anak ni Ammon, ay magiging kay Jehova nga, at ihahandog ko ang isang iyon bilang handog na sinusunog.” Bilang tugon, tinulungan ng Diyos si Jepte na magtagumpay sa “lansakang pagpatay” sa 20 lunsod ng Ammonita, sa gayo’y nasupil ang mga kaaway ng Israel.—Hukom 11:30-33.
Pagbalik ni Jepte mula sa digmaan, sinalubong siya ng kaniyang minamahal na anak na babae, ang kaniyang kaisa-isang anak! “Nang makita niya ito,” ang sabi ng ulat, “hinapak niya ang kaniyang mga kasuutan at sinabi: ‘Ay, anak ko! Pinayukod mo nga ako, at ikaw mismo ay naging yaong isinumpa ko. At ako—ibinuka ko ang aking bibig kay Jehova, at hindi ko na mababawi pa.’”—Hukom 11:34, 35.
Talaga bang literal na ihahandog ni Jepte ang kaniyang anak na babae? Hindi. Hindi iyan ang nasa isip ni Jepte. Kinasusuklaman ni Jehova ang literal na paghahandog ng tao, isa sa napakasamang gawain ng mga Canaanita. (Levitico 18:21; Deuteronomio 12:31) Hindi lamang kumilos kay Jepte ang espiritu ng Diyos nang manata siya, pinagpala rin ni Jehova ang kaniyang mga pagsisikap. Pinapupurihan ng Kasulatan si Jepte dahil sa kaniyang pananampalataya at sa papel na ginampanan niya may kaugnayan sa layunin ng Diyos. (1 Samuel 12:11; Hebreo 11:32-34) Kaya ang paghahandog ng tao—na isang pagpaslang—ay hinding-hindi pumasok sa kaniyang isip. Kung gayon, ano ang nasa isip ni Jepte nang manata siya na maghahandog ng isang tao kay Jehova?
Maliwanag, ang ibig sabihin ni Jepte ay itatalaga niya sa pantanging paglilingkod sa Diyos ang isa na sasalubong sa kaniya. Ipinahihintulot ng Kautusang Mosaiko ang manata kay Jehova ng mga buhay. Halimbawa, may mga babaing naglilingkod sa santuwaryo, marahil bilang tagaigib ng tubig. (Exodo 38:8; 1 Samuel 2:22) Walang gaanong sinasabi ang Bibliya tungkol sa gayong paglilingkod o kung ito ba ay karaniwan nang permanente. Maliwanag na ang pantanging paglilingkod na iyon ang nasa isip ni Jepte nang manata siya, at waring ang pangako niya ay nangangahulugan ng permanenteng paglilingkod.
Sumunod ang anak na babae ni Jepte at nang maglaon ang batang si Samuel upang matupad ang mga panata ng kani-kanilang makadiyos na mga magulang. (1 Samuel 1:11) Ang anak na babae ni Jepte, bilang isang tapat na mananamba ni Jehova, ay kumbinsido gaya ng kaniyang ama na dapat tuparin ang panata nito. Napakalaki ng sakripisyo, sapagkat nangangahulugan ito na hindi na siya mag-aasawa. Tinangisan niya ang kaniyang pagkadalaga sapagkat nais ng bawat Israelita na magkaanak upang magpatuloy ang pangalan at mana ng pamilya. Para kay Jepte, ang pagtupad sa panata ay nangangahulugang hindi na niya makakapiling ang kaniyang minamahal at kaisa-isang anak.—Hukom 11:36-39.
Ang buhay ng tapat na dalagang ito ay hindi nasayang. Ang buong-panahong paglilingkod sa bahay ni Jehova ay isang napakainam, kasiya-siya, at kapuri-puring paraan upang parangalan niya ang Diyos. Kaya “taun-taon ay yumayaon ang mga anak na babae ng Israel upang magbigay ng papuri sa anak ni Jepte na Gileadita.” (Hukom 11:40) At tiyak na natuwa si Jepte sa paglilingkod ng kaniyang anak kay Jehova.
Pinipili ng marami sa bayan ng Diyos ngayon ang buong-panahong paglilingkod bilang mga payunir, misyonero, naglalakbay na mga tagapangasiwa, o mga miyembro ng pamilyang Bethel. Maaaring mangahulugan ito na hindi na gayon kadalas nilang makikita ang kanilang mga kapamilya. Gayunman, silang lahat ay maaaring magalak sa gayong sagradong paglilingkod na iniuukol kay Jehova.—Awit 110:3; Hebreo 13:15, 16.
Paghihimagsik sa Patnubay ng Diyos
Sa pagbabalik-tanaw sa panahon ni Jepte, nakita natin na itinakwil ng maraming Israelita ang patnubay ni Jehova. Sa kabila ng katibayan ng pagpapala ng Diyos kay Jepte, nakipag-away sa kaniya ang mga Efraimita. Gusto nilang malaman kung bakit hindi niya sila ipinatawag sa digmaan. Balak pa nga nilang sunugin ang bahay ni Jepte ‘kasama siya’!—Hukom 12:1.
Sinabi ni Jepte na ipinatawag niya ang mga Efraimita, ngunit hindi sila tumugon. Pero nagwagi sila sa digmaan sa tulong ng Diyos. Nagagalit ba sila dahil hindi sumangguni sa kanila ang mga Gileadita nang piliin nila si Jepte bilang kumandante? Sa katunayan, ang pagtutol ng Efraim ay nangangahulugan ng paghihimagsik kay Jehova, at walang ibang solusyon dito kundi ang makipagdigma sa kanila. Sa nangyaring digmaan, natalo ang mga Efraimita. Madaling makilala ang sinumang tumatakas na Efraimita yamang kapag ipinabibigkas sa kanila ang salitang “Shibolet,” hindi nila ito mabigkas nang tama. Lahat-lahat, 42,000 Efraimita ang namatay sa digmaan.—Hukom 12:2-6.
Kaylungkot na panahon nga sa kasaysayan ng Israel! Ang mga digmaang napanalunan ng mga hukom na sina Otniel, Ehud, Barak, at Gideon ay nagdulot ng kapayapaan. Sa pagkakataong ito, walang nabanggit na kapayapaan. Nagtapos lamang ang ulat sa pagsasabing: “Si Jepte ay patuloy na naghukom sa Israel nang anim na taon, pagkatapos ay namatay [siya] at inilibing sa kaniyang lunsod sa Gilead.”—Hukom 3:11, 30; 5:31; 8:28; 12:7.
Ano ang matututuhan natin sa lahat ng ito? Nanatiling tapat si Jepte sa Diyos bagaman punô ng pakikipagpunyagi ang kaniyang buhay. Binanggit ng magiting na lalaking ito si Jehova nang makipag-usap siya sa matatandang lalaki ng Gilead, sa mga Ammonita, sa kaniyang anak na babae, at sa mga Efraimita at, sabihin pa, nang manata siya. (Hukom 11:9, 23, 27, 30, 31, 35; 12:3) Pinagpala ng Diyos si Jepte dahil sa kaniyang debosyon, anupat ginamit siya at ang kaniyang anak na babae upang itaguyod ang dalisay na pagsamba. Sa panahong tinalikuran ng iba ang mga pamantayan ng Diyos, nanghawakan sa mga ito si Jepte. Tulad ni Jepte, lagi mo bang susundin si Jehova?
[Talababa]
a Napakalupit ng mga Ammonita. Pagkalipas ng wala pa ngang 60 taon, nagbanta silang dudukitin ang kanang mata ng bawat mamamayan ng isang lunsod sa Gilead na kanilang pinagmalupitan. Binanggit ni propeta Amos ang tungkol sa panahon na nilaslas nila ang tiyan ng mga babaing nagdadalang-tao sa Gilead.—1 Samuel 11:2; Amos 1:13.