Ehud—Isang Taong May Pananampalataya at Lakas ng Loob
MARAMING taon ang nakalipas mula nang unang tumapak ang mga Israelita sa Lupang Pangako. Matagal nang patay si Moises at ang kaniyang kahaliling si Josue. Dahil sa kawalan ng gayong mga lalaking may pananampalataya, mabilis na humina ang pagpapahalaga sa dalisay na pagsamba. Sinimulan pa man din ng mga Israelita na maglingkod sa mga Baal at mga sagradong poste.a Bunga nito, pinabayaan ni Jehova ang kaniyang bayan na mahulog sa mga kamay ng mga taga-Siria sa loob ng walong taon. Nang magkagayo’y nanawagan ng tulong ang mga Israelita sa Diyos. Siya nama’y nakinig nang buong-kaawaan. Nagbangon si Jehova ng isang hukom, si Otniel, upang iligtas ang Kaniyang bayan.—Hukom 3:7-11.
Dapat sana’y natuto ang mga Israelita ng isang saligang katotohanan mula sa mga pangyayaring ito—ang pagsunod kay Jehova ay nagdudulot ng mga pagpapala, samantalang ang pagsuway ay nagbubunga ng mga sumpa. (Deuteronomio 11:26-28) Gayunman, nabigong matuto ng ganitong aral ang bayan ng Israel. Pagkatapos ng 40-taóng yugto ng kapayapaan, muli na naman nilang iniwan ang dalisay na pagsamba.—Hukom 3:12.
Sinakop ng Moab
Sa pagkakataong ito ay hinayaan naman ni Jehova na mahulog ang kaniyang bayan sa mga kamay ni Haring Eglon ng Moab. Inilarawan siya sa Bibliya bilang “isang napakatabang lalaki.” Sa tulong ng Ammon at Amalek, si Eglon ay sumalakay sa Israel at nagtayo ng kaniyang palasyo sa Jerico, “sa lunsod ng mga puno ng palma.” Isa ngang kabalintunaan na ang unang Canaanitang lunsod na nasakop ng Israel ay kinaroroonan ngayon ng punung-himpilan ng isa na sumasamba sa huwad na diyos na si Kemosh!b—Hukom 3:12, 13, 17.
Siniil ni Eglon ang mga Israelita sa loob ng sumunod na 18 taon, anupat maliwanag na nagpataw ng napakabigat na buwis sa kanila. Sa paghingi ng pana-panahong tributo, pinalakas ng Moab ang sarili nitong katayuan sa ekonomiya samantalang sinasaid ang kayamanan ng Israel. Mauunawaan naman, nanawagan ng tulong ang bayan ng Diyos, at minsan pa ay nakinig si Jehova. Nagbangon siya para sa kanila ng isa pang tagapagligtas—ngayon naman ay isang Benjamitang nagngangalang Ehud. Upang wakasan ang paniniil ni Eglon sa Israel, si Ehud ay nagplanong kumilos sa araw ng susunod na pagbabayad ng tributo.—Hukom 3:14, 15.
Bilang paghahanda para sa kaniyang buong-tapang na pagkilos, gumawa si Ehud ng isang tabak na may dalawang talim na ang haba ay isang siko. Kung ito ay isang maigsing siko, ang haba ng sandata ay mga 38 sentimetro. Maaaring ituring ng iba na iyon ay isang sundang. Maliwanag na walang halang sa pagitan ng talim at ng puluhan. Kung gayon, maikukubli ni Ehud ang kaniyang maliit na tabak sa mga tupi ng kaniyang kasuutan. Isa pa, yamang kaliwete si Ehud, maibibigkis niya ang kaniyang tabak sa kaniyang kanang tagiliran—hindi karaniwang lalagyan ng isang sandata.—Hukom 3:15, 16.
Mapanganib ang estratehiya ni Ehud. Halimbawa, paano kung kapkapan si Ehud ng mga tagapaglingkod ng hari upang humanap ng sandata? Kahit na hindi nila gawin iyon, tiyak na hindi nila iiwang mag-isa ang kanilang hari na kasama ang isang Israelita! Ngunit kung gagawin nila iyon at mapatay si Eglon, paano makatatakas si Ehud? Gaano kalayo ang maaari niyang takbuhin bago matuklasan ng mga tagapaglingkod ni Eglon kung ano ang nangyari?
Tiyak na pinag-isipang mabuti ni Ehud ang gayong mga detalye, marahil ay nakini-kinita ang ilang kapaha-pahamak na resulta. Gayunpaman, itinuloy niya ang kaniyang plano, anupat nagpamalas ng lakas ng loob at pananampalataya kay Jehova.
Hinarap ni Ehud si Eglon
Dumating ang araw ng pagbibigay ng kasunod na tributo. Si Ehud at ang kaniyang mga tauhan ay pumasok sa palasyo ng hari. Di-nagtagal, nakatayo na sila sa harap ni Haring Eglon mismo. Ngunit hindi pa sumasapit ang oras para sumalakay si Ehud. Pagkatapos ihandog ang tributo, pinauwi na ni Ehud ang mga tagapagdala ng tributo.—Hukom 3:17, 18.
Bakit ipinagpaliban ni Ehud ang pagpatay kay Eglon? Nagpadaig ba siya sa takot? Hinding-hindi! Upang isagawa ang kaniyang plano, kailangan ni Ehud ng pagkakataong makausap nang sarilinan ang hari—isang bagay na hindi ibinigay sa kaniya sa unang pagtatagpong ito. Isa pa, kailangang mabilis na makatakas si Ehud. Mas madali ang tumakas para sa isang tao kaysa sa isang buong pangkat ng mga tagapagdala ng tributo. Samakatuwid, naghintay ng magandang pagkakataon si Ehud. Ang maikling pagdalaw na ito kay Eglon ay nagpangyari sa kaniya na maging pamilyar sa kaayusan ng palasyo at matiyak kung hanggang saan ang seguridad ng hari.
Pagdating sa “tibagan ng bato na nasa Gilgal,” iniwan ni Ehud ang kaniyang mga tauhan at naglakbay pabalik sa palasyo ni Eglon. Ang paglalakad nang humigit-kumulang dalawang kilometro ay nagbigay kay Ehud ng kaunting panahon upang mag-isip tungkol sa kaniyang misyon at manalangin ukol sa pagpapala ni Jehova.—Hukom 3:19.
Bumalik si Ehud
Maliwanag na malugod na tinanggap si Ehud sa palasyo. Marahil ay nasiyahan si Eglon sa malaking halaga ng tributo na naunang inihandog niya. Bagaman sandali lamang ang naunang pagdalaw, maaaring nagbigay iyon ng sapat na pagkakataon kay Ehud upang makapagtatag ng mabuting kaugnayan sa hari. Anuman ang kalagayan, nakabalik si Ehud sa harap ni Eglon.
“Mayroon akong lihim na sasabihin sa iyo, O hari,” sabi ni Ehud. Ang bagay na umabot siya sa puntong ito ay nagpapahiwatig na pinapatnubayan siya ni Jehova. Gayunman, may isang problema. Ang “lihim” na dala ni Ehud ay hindi maaaring sabihin sa harap ng mga tagapaglingkod ng hari. Kung makikialam si Jehova, kailangang-kailangan na ni Ehud ang tulong na ito. “Tahimik!” ang utos ng hari. Yamang hindi gusto ni Eglon na marinig ng iba ang “lihim” na ito, pinaalis niya ang kaniyang mga tagapaglingkod. Gunigunihin ang pasasalamat ni Ehud!—Hukom 3:19.
Nakaupo si Eglon sa kaniyang silid-bubungan nang dumating sa kaniya si Ehud at nagsabi: “Mula sa Diyos ang sasabihin ko sa iyo.” Sa pagbanggit ng “Diyos,” si Kemosh ba ang tinutukoy ni Ehud? Baka iyon ang naisip ni Eglon. Palibhasa’y naintriga, tumindig siya mula sa kaniyang trono at sabik na naghintay. Lumapit si Ehud, malamang na kumilos nang maingat upang hindi maghinala ang hari na siya’y sasalakayin. Nang magkagayon, mabilis na “inilabas ni Ehud ang kaniyang kaliwang kamay at binunot ang tabak na nasa kaniyang kanang hita at ibinaon iyon sa tiyan [ni Eglon]. At pati puluhan ay bumaon kasunod ng talim anupat ang talim ay natakpan ng taba, sapagkat hindi niya binunot ang tabak sa kaniyang tiyan, at nagsimulang lumabas ang dumi.”—Hukom 3:20-22.
Samantalang nakatayo lamang sa di-kalayuan, hindi naman kumilos ang mga tagapaglingkod ng hari. Ngunit nanganganib pa rin si Ehud. Anumang sandali ay maaaring pumasok ang mga lingkod ni Eglon at matuklasan ang bangkay ng kanilang namatay na hari. Kailangang makatakas agad si Ehud! Pagkatapos ikandado ang mga pintuan, tumakas siya sa pamamagitan ng butas na dinaraanan ng hangin sa silid-bubungan.—Hukom 3:23, 24a.
Natuklasan at Nagapi
Di-nagtagal at nagsimulang magtaka ang mga lingkod ni Eglon. Subalit hindi sila nangahas na makagalitan ng hari sa pamamagitan ng paggambala sa kaniyang pribadong pakikipag-usap. Pagkatapos ay napansin nilang nakakandado ang mga pinto ng silid-bubungan. “Nananabi lamang siya sa malamig na loobang silid,” ang katuwiran nila. Subalit habang lumilipas ang oras, ang kanilang pagtataka ay nahalinhan ng pagkabahala. Hindi na makapaghihintay pa ang mga tagapaglingkod ni Eglon. “Kaya kinuha nila ang susi at binuksan [ang mga pintuan ng silid-bubungan], at, narito! ang kanilang panginoon ay nakabulagtang patay sa lupa!”—Hukom 3:24b, 25.
Samantala, nakatakas si Ehud. Dumaan siya sa mga tibagan ng Gilgal at sa wakas ay nakarating sa Seira, isang dako sa bulubunduking pook ng Efraim. Tinipon ni Ehud ang mga lalaki ng Israel at pinangunahan sila sa isang pinagsamang pagsalakay sa mga Moabita. Sinasabi ng ulat na “kanilang nilipol ang Moab, mga sampung libong lalaki, bawat mabulas at bawat magiting na lalaki; at wala ni isa ang nakatakas.” Nang magapi ang Moab, hindi na naligalig pa ang Israel sa loob ng 80 taon.—Hukom 3:26-30.
Matuto sa Halimbawa ni Ehud
Pananampalataya sa Diyos ang nagpakilos kay Ehud. Hindi siya espesipikong binabanggit sa Hebreo kabanata 11 bilang isa “na sa pamamagitan ng pananampalataya ay lumupig sa mga kaharian sa labanan, . . . naging magiting sa digmaan, dumaig sa mga hukbo ng mga banyaga.” (Hebreo 11:33, 34) Gayunpaman, inalalayan ni Jehova si Ehud yamang siya’y kumilos nang may pananampalataya at iniligtas ang Israel mula sa mapaniil na kapangyarihan ni Haring Eglon.
Ang lakas ng loob ay isa sa mga katangian ni Ehud. Kinailangang maging malakas ang kaniyang loob upang mabisang magamit ang isang literal na tabak. Bilang mga lingkod ng Diyos sa kasalukuyang panahon, hindi tayo humahawak ng gayong tabak. (Isaias 2:4; Mateo 26:52) Subalit ginagamit natin “ang tabak ng espiritu,” ang Salita ng Diyos. (Efeso 6:17) Eksperto si Ehud sa paggamit ng kaniyang sandata. Tayo rin naman ay kailangang maging bihasa sa paggamit ng Salita ng Diyos habang nangangaral tayo ng mabuting balita ng Kaharian. (Mateo 24:14) Ang personal na pag-aaral ng Bibliya, regular na pagdalo sa mga pulong Kristiyano, masigasig na pakikibahagi sa ministeryo, at may pananalanging pananalig sa ating makalangit na Ama ay tutulong sa atin na matularan ang mga katangiang ipinakita ni Ehud, anupat tunay na isang taong may pananampalataya at lakas ng loob.
[Mga talababa]
a Ang mga sagradong poste ay malamang na mga sagisag ng ari ng lalaki. Iniuugnay ang mga ito sa napakahalay na mga seremonya.—1 Hari 14:22-24.
b Si Kemosh ang pangunahing diyos ng mga Moabita. (Bilang 21:29; Jeremias 48:46) Sa paano man sa ilang pagkakataon, malamang na naghain ng mga bata sa karima-rimarim at huwad na diyos na ito.—2 Hari 3:26, 27.
[Larawan sa pahina 31]
Naghandog si Ehud at ang kaniyang mga tauhan ng tributo kay Haring Eglon
[Credit Line]
Kinopya mula sa Illustrirte Pracht - Bibel/Heilige Schrift des Alten und Neuen Testaments, nach de deutschen Uebersetzung D. Martin Luther’s