Binali ni Ehud ang Pamatok ng Maniniil
ITO ay tunay na kasaysayan ng katapangan at estratehiya. Nangyari ito mga 3,000 taon na ang nakalilipas. Nagsimula ang ulat ng Kasulatan sa mga salitang: “Ang mga anak ni Israel ay muling gumawa ng masama sa paningin ni Jehova. Dahil dito ay hinayaan ni Jehova na si Eglon na hari ng Moab ay lumakas laban sa Israel, sapagkat ginawa nila ang masama sa paningin ni Jehova. Karagdagan pa, tinipon niya laban sa kanila ang mga anak ni Ammon at ni Amalek. Nang magkagayon ay yumaon sila at sinaktan ang Israel at inari ang lunsod ng mga puno ng palma. At ang mga anak ni Israel ay patuloy na naglingkod kay Eglon na hari ng Moab nang labingwalong taon.”—Hukom 3:12-14.
Ang teritoryo ng mga Moabita ay nasa silangan ng Ilog Jordan at ng Dagat na Patay. Ngunit tumawid sila sa ilog at sinakop ang lugar sa palibot ng Jerico, ang “lunsod ng mga puno ng palma,” anupat pinamahalaan ang mga Israelita. (Deuteronomio 34:3) Ang hari ng mga Moabita, si Eglon na “isang lalaking napakataba,” ay humiling ng napakabigat at nanghahamak na tributo sa Israel sa loob ng halos dalawang dekada. (Hukom 3:17) Gayunman, ang paghiling niya ng tributo ay naglaan ng pagkakataon upang patayin ang maniniil.
Sinasabi ng ulat: “Ang mga anak ni Israel ay nagsimulang humingi ng saklolo kay Jehova. Kaya nagbangon si Jehova para sa kanila ng isang tagapagligtas, si Ehud na anak ni Gera, isang Benjamita, isang lalaking kaliwete. Nang maglaon, ang mga anak ni Israel ay nagpadala ng tributo sa pamamagitan ng kaniyang kamay kay Eglon na hari ng Moab.” (Hukom 3:15) Malamang na tiniyak ni Jehova na si Ehud ang mapili upang magdala ng tributo. Hindi isinasaad kung ginampanan na niya ang gayong tungkulin noon. Gayunman, ang maingat na paraan ng paghahanda ni Ehud para sa pakikipagkitang iyon at ang mga taktika na ginamit niya ay nagpapahiwatig na waring pamilyar siya sa palasyo ni Eglon at kung ano ang kaniyang aasahan doon. Sa lahat ng ito, mahalaga ang kaniyang pagiging kaliwete.
Isang May-Kapansanang Lalaki o Isang Mandirigma?
Sa literal, ang terminong “kaliwete” ay nangangahulugang ‘sinarhan, pinilay, o ginapos sa kanang kamay.’ Nangangahulugan ba ito na may kapansanan si Ehud, marahil ay may dispormadong kanang kamay? Isaalang-alang ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa kaliweteng “pitong daang piling lalaki” na mula sa tribo ni Benjamin. “Ang bawat isa sa mga ito ay nagpapahilagpos ng mga bato anupat gabuhok man ay hindi sumasala,” ang sabi ng Hukom 20:16. Malamang na pinili sila dahil sa kanilang kasanayan sa pakikidigma. Ayon sa ilang iskolar sa Bibliya, ang pagiging “kaliwete” ay nagpapahiwatig ng isa “na gumagamit ng kaliwa at kanang kamay.”—Hukom 3:15, The Douay Version.
Sa katunayan, ang tribo ni Benjamin ay kilala dahil sa kaliweteng mga lalaki nito. Binabanggit ng 1 Cronica 12:1, 2 ang tungkol sa “makapangyarihang mga lalaki[ng Benjamita], na mga katulong sa pakikidigma, nasasandatahan ng busog, na ginagamit ang kanang kamay at ginagamit ang kaliwang kamay sa mga bato o sa mga palaso sa busog.” Maaaring natamo ang kakayahang ito, ang sabi ng isang reperensiyang akda, “sa pamamagitan ng paggapos sa kanang kamay ng mga bata—samakatuwid nga ay ‘ginapos sa kaniyang kanang kamay’—at pagsanay sa kanila na gamitin nang mahusay ang kaliwa.” Ang mga kaaway ng Israel ay karaniwan nang sinasanay na makipaglaban sa mga mandirigmang sanay gumamit ng kanang kamay. Kaya, ang kalakhang bahagi ng pagsasanay ng kaaway ay mawawalan ng saysay kapag nakaharap niya nang di-inaasahan ang isang kaliweteng kawal.
Isang “Lihim na Salita” Para sa Hari
Ang unang ginawa ni Ehud ay maghanda ng “isang tabak para sa kaniyang sarili”—isang tabak na may dalawang talim na sapat ang ikli upang maitago sa ilalim ng kaniyang damit. Maaaring inasahan niya na kakapkapan siya. Karaniwan nang isinusuksok ang mga tabak sa kaliwang panig ng katawan, kung saan mabilis itong mabubunot ng mga sanay gumamit ng kanang kamay. Palibhasa’y kaliwete, itinago ni Ehud ang kaniyang sandata “sa loob ng kaniyang kasuutan sa kaniyang kanang hita,” ang bahaging mas malamang na hindi kapkapan ng mga guwardiya ng hari. Dahil dito, “inihandog niya ang tributo kay Eglon na hari ng Moab” nang walang hadlang.—Hukom 3:16, 17.
Hindi inilalaan ang mga detalye ng unang mga pangyayari sa palasyo ni Eglon. Basta sinasabi lamang ng Bibliya: “Nangyari nga na nang matapos . . . ihandog [ni Ehud] ang tributo ay kaagad niyang pinaalis ang mga tao, na mga tagapagdala ng tributo.” (Hukom 3:18) Inihandog ni Ehud ang tributo, sinamahan ang mga tagapagdala ng tributo sa isang ligtas na dako mula sa tirahan ni Eglon, at saka nagbalik pagkatapos silang paalisin. Bakit? Kasama ba niya ang mga taong iyon bilang proteksiyon, bilang pagsunod sa tuntunin ng pagkilos, o marahil ay bilang tagapagdala lamang ng tributo? At gusto ba niyang ilayo sila tungo sa ligtas na dako bago niya isagawa ang kaniyang plano? Anuman ang inisip niya, matapang na bumalik nang nag-iisa si Ehud.
“[Si Ehud] ay bumalik mula sa tibagan na nasa Gilgal, at sinabi niya: ‘Mayroon akong lihim na salita para sa iyo, O hari.’ ” Hindi ipinaliliwanag sa Kasulatan kung paano siya muling nakapasok para humarap kay Eglon. Hindi kaya naghinala ang mga guwardiya? Inisip kaya nila na hindi naman banta sa kanilang panginoon ang nag-iisang Israelita? Ang pagdating kaya ni Ehud nang nag-iisa ay lumikha ng impresyon na ipinagkakanulo niya ang kaniyang mga kababayan? Anuman ang dahilan, sinikap ni Ehud na makausap nang sarilinan ang hari, at nagawa niya ito.—Hukom 3:19.
Nagpapatuloy ang kinasihang ulat: “Si Ehud ay pumaroon [kay Eglon] habang nakaupo siya sa kaniyang sariling malamig na silid-bubungan. At sinabi pa ni Ehud: ‘Isang salita ng Diyos ang taglay ko para sa iyo.’ ” Hindi isang berbal na mensahe mula sa Diyos ang tinutukoy ni Ehud. Ang nasa isip ni Ehud ay gamitin ang kaniyang tabak. Marahil ay umaasang makaririnig ng mensahe mula sa kaniyang diyos na si Kemos, “tumindig [ang hari] mula sa kaniyang trono.” Sa isang iglap, binunot ni Ehud ang kaniyang sandata at isinaksak ito sa tiyan ni Eglon. Lumilitaw na walang halang sa puluhan ang tabak. Kaya naman, “ang puluhan ay bumaon din kasunod ng talim anupat ang taba ay nagsara sa talim, . . . at ang dumi ay nagsimulang lumabas,” ito man ay lumabas sa sugat o dahil sa di-sinasadyang pagdumi ni Eglon.—Hukom 3:20-22.
Isang Madaling Pagtakas
Hindi gumugugol ng panahon upang bunutin pa ang kaniyang tabak, “si Ehud ay lumabas sa butas na daanan ng hangin, ngunit isinara niya ang mga pinto ng silid-bubungan sa likuran niya at itrinangka niya ang mga iyon. At siya ay lumabas. At ang . . . mga lingkod [ni Eglon] ay dumating at tumingin, at narito, ang mga pinto ng silid-bubungan ay nakatrangka. Kaya sinabi nila: ‘Nananabi lamang siya sa malamig na loobang silid.’ ”—Hukom 3:23, 24.
Ano ba ang “butas na daanan ng hangin” na pinagtakasan ni Ehud? “Ang eksaktong kahulugan [ng salitang Hebreo] ay hindi alam,” ang sabi ng isang reperensiyang akda, ngunit “sinasabi na ito ay ‘kolonada,’ ‘pasilyo.’ ” Itrinangka ba ni Ehud ang mga pinto sa loob at pagkatapos ay dumaan sa ibang ruta? O itrinangka ba niya ang mga pinto sa labas sa pamamagitan ng isang susi na kinuha mula sa patay na hari? Pagkatapos ay marahan kaya siyang dumaan sa mga guwardiya na para bang walang nangyari? Hindi ito sinasabi ng Kasulatan. Gayunman, anumang pamamaraan ang ginamit ni Ehud, hindi kaagad naghinala ng anumang bagay ang mga lingkod ni Eglon nang masumpungan nilang nakatrangka ang mga pinto. Inakala lamang nila na “nananabi lamang” ang hari.
Habang nagluluwat ang mga lingkod ng hari, nakatakas naman si Ehud. Pagkatapos ay ipinatawag niya ang kaniyang mga kababayan at sinabi: “Sundan ninyo ako, sapagkat ibinigay na ni Jehova ang inyong mga kaaway, ang mga Moabita, sa inyong kamay.” Sa pamamagitan ng pag-agaw sa estratehikong mga tawiran ng Jordan, hinadlangan ng mga tauhan ni Ehud ang walang-lider na mga Moabita sa pagtakas tungo sa kanilang sariling lupain. Kaya naman, “nang pagkakataong iyon ay pinabagsak [ng mga Israelita] ang Moab, na mga sampung libong lalaki, na bawat isa ay mabulas at bawat isa ay magiting na lalaki; at wala ni isa mang nakatakas. At nasupil ang Moab nang araw na iyon sa ilalim ng kamay ng Israel; at ang lupain ay hindi nagkaroon ng kaligaligan sa loob ng walumpung taon.”—Hukom 3:25-30.
Mga Aral na Matututuhan Natin
Itinuturo sa atin ng nangyari noong panahon ni Ehud na kapaha-pahamak ang mga bunga kapag ginawa natin ang masama sa paningin ni Jehova. Sa kabilang panig, tinutulungan ni Jehova ang mga nagsisising bumabaling sa kaniya.
Nagtagumpay ang mga plano ni Ehud, hindi dahil sa anumang kasanayang taglay niya, ni dahil sa anumang kawalang-kakayahan ng kaaway. Ang katuparan ng mga layunin ng Diyos ay hindi nakasalalay sa mga tao. Ang pangunahing dahilan ng tagumpay ni Ehud ay ang pagtataglay niya ng suporta ng Diyos yamang kumilos siya kasuwato ng Kaniyang di-mahahadlangang kalooban na palayain ang bayan Niya. Ibinangon ng Diyos si Ehud, “at nang magbangon si Jehova ng mga hukom para sa [kaniyang bayan], si Jehova ay sumahukom.”—Hukom 2:18; 3:15.