Mga Hukom
3 Ito ang mga bansa na hinayaan ni Jehova na manatili para masubok nila ang mga Israelita na hindi pa nakaranas makipagdigma sa mga Canaanita+ 2 (ito ay para maranasang makipagdigma ng sumunod na mga henerasyon ng mga Israelita, ang mga hindi pa nakaranas ng ganitong bagay): 3 ang limang panginoon ng mga Filisteo+ at ang lahat ng Canaanita, pati ang mga Sidonio+ at mga Hivita+ na nakatira sa Bundok Lebanon+ mula sa Bundok Baal-hermon hanggang sa Lebo-hamat.*+ 4 Sa pamamagitan ng mga ito, masusubok ang Israel kung susunod sila sa mga utos ni Jehova na ibinigay niya sa mga ninuno nila sa pamamagitan ni Moises.+ 5 Kaya ang mga Israelita ay nanirahang kasama ng mga Canaanita,+ mga Hiteo, mga Amorita, mga Perizita, mga Hivita, at mga Jebusita. 6 Kinuha ng mga Israelita ang mga anak na babae ng mga ito para mapangasawa, at ibinigay nila ang sarili nilang mga anak na babae sa mga anak na lalaki ng mga ito, at nagsimula silang maglingkod sa mga diyos ng mga ito.+
7 Kaya ginawa ng mga Israelita ang masama sa paningin ni Jehova, at nilimot nila si Jehova na kanilang Diyos at naglingkod sila sa mga Baal+ at sa mga sagradong poste.*+ 8 Dahil dito ay lumagablab ang galit ni Jehova laban sa Israel, at ibinigay* niya sila sa kamay ni Cusan-risataim na hari ng Mesopotamia.* Naglingkod ang mga Israelita kay Cusan-risataim nang walong taon. 9 Nang humingi ng tulong ang mga Israelita kay Jehova,+ naglaan si Jehova ng magliligtas sa mga Israelita,+ si Otniel+ na anak ni Kenaz, na nakababatang kapatid ni Caleb. 10 Ang espiritu ni Jehova ay sumakaniya,+ at siya ang naging hukom ng Israel. Nang makipagdigma siya, ibinigay ni Jehova si Cusan-risataim na hari ng Mesopotamia* sa kamay niya kaya natalo niya si Cusan-risataim. 11 At nagkaroon ng kapayapaan sa lupain sa loob ng 40 taon. Pagkatapos, namatay si Otniel na anak ni Kenaz.
12 At muling ginawa ng mga Israelita ang masama sa paningin ni Jehova.+ Kaya hinayaan ni Jehova si Eglon na hari ng Moab+ na maging mas malakas sa Israel, dahil ginawa nila ang masama sa paningin ni Jehova. 13 Gayundin, tinipon niya ang mga Ammonita+ at mga Amalekita+ para labanan sila. Sinalakay ng mga ito ang Israel at sinakop ang lunsod ng mga puno ng palma.+ 14 Ang mga Israelita ay naglingkod kay Eglon na hari ng Moab sa loob ng 18 taon.+ 15 Pagkatapos, ang mga Israelita ay humingi ng tulong kay Jehova,+ kaya naglaan si Jehova ng isang tagapagligtas,+ si Ehud+ na anak ni Gera, isang kaliweteng Benjaminita.+ Nang maglaon, ang mga Israelita ay nagpadala sa kaniya ng tributo* para kay Eglon na hari ng Moab. 16 Samantala, gumawa si Ehud ng isang espadang magkabila ang talim at isang siko* ang haba, at itinali niya ito sa kaniyang kanang hita sa loob ng damit niya. 17 Pagkatapos, ibinigay niya ang tributo kay Eglon na hari ng Moab. Si Eglon ay isang lalaking napakataba.
18 Nang maibigay na ni Ehud ang tributo, pinaalis niya ang mga nagdala ng tributo. 19 Pero nang makarating sila sa may mga inukit na imahen* sa Gilgal,+ bumalik siya at nagsabi: “Mayroon akong sekretong sasabihin sa iyo, O hari.” Kaya sinabi ng hari: “Katahimikan!” Kaya umalis ang lahat ng tagapaglingkod niya. 20 Lumapit sa kaniya si Ehud habang mag-isa siyang nakaupo sa malamig niyang silid sa bubungan. Pagkatapos, sinabi ni Ehud: “May mensahe akong galing sa Diyos para sa iyo.” Kaya tumayo siya mula sa trono.* 21 Pagkatapos, hinugot ni Ehud ang espada mula sa kaniyang kanang hita gamit ang kaniyang kaliwang kamay at isinaksak iyon sa tiyan ni Eglon. 22 Bumaon pati ang hawakan ng espada at natakpan ito ng taba, dahil hindi niya hinugot ang espada sa tiyan nito, at lumabas ang dumi nito. 23 Lumabas si Ehud sa beranda,* at isinara niya ang mga pinto ng silid at ikinandado ang mga iyon. 24 Pagkalabas niya, bumalik ang mga tagapaglingkod at nakita nilang nakakandado ang mga pinto ng silid. Kaya sinabi nila: “Baka nasa palikuran lang siya.”* 25 Matagal silang naghintay, pero hindi pa rin niya binubuksan ang mga pinto ng silid, kaya nag-alala sila. Nang kunin nila ang susi at buksan ang mga pinto, nakita nila ang kanilang panginoon na nakabulagta sa sahig* at patay na!
26 Tumakas si Ehud noong naghihintay sila, at dumaan siya sa may mga inukit na imahen*+ at ligtas siyang nakarating sa Seira. 27 Pagdating niya roon, hinipan niya ang tambuli+ sa mabundok na rehiyon ng Efraim;+ at bumaba ang mga Israelita mula sa mabundok na rehiyon, at siya ang nasa unahan nila. 28 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila: “Sundan ninyo ako, dahil ibinigay na ni Jehova sa inyong kamay ang inyong mga kaaway, ang mga Moabita.” Kaya sinundan nila siya at sinakop nila ang mga tawiran ng Jordan para hindi makatakas ang mga Moabita, at wala silang pinadaan dito. 29 Nang pagkakataong iyon, mga 10,000 Moabita,+ na malalakas at matatapang na lalaki, ang napatay nila; walang isa man ang nakatakas.+ 30 Nang araw na iyon, natalo ng Israel ang Moab; at nagkaroon ng kapayapaan sa lupain sa loob ng 80 taon.+
31 Pagkatapos niya ay ang anak ni Anat na si Samgar,+ na pumatay ng 600 Filisteo+ gamit ang isang tungkod na panggabay ng baka;+ iniligtas din niya ang Israel.