Ang Salita ni Jehova ay Buháy
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng mga Hukom
PAANO tumutugon si Jehova kapag tumatalikod sa kaniya ang sarili niyang bayan at sumasamba sa huwad na mga diyos? Paano kung paulit-ulit silang sumusuway at humihingi lamang ng tulong sa kaniya kapag napipighati sila? Maglalaan pa rin ba si Jehova ng matatakasan nila? Ito at ang iba pang mahahalagang tanong ay sinasagot ng aklat ng Mga Hukom. Ang aklat na ito, na natapos isulat ni propeta Samuel noong mga 1100 B.C.E., ay sumasaklaw sa mga pangyayaring naganap sa loob ng mga 330 taon—mula nang mamatay si Josue hanggang sa pagluklok sa trono ng unang hari ng Israel.
Bilang bahagi ng mapuwersang salita, o mensahe, ng Diyos, ang aklat ng Mga Hukom ay napakahalaga sa atin. (Hebreo 4:12) Ang kapana-panabik na mga salaysay na nakaulat dito ay nagbibigay sa atin ng kaunawaan sa personalidad ng Diyos. Ang mga aral na natututuhan natin mula sa mga ito ay nagpapatibay ng ating pananampalataya at tumutulong sa atin na manghawakang mahigpit sa “tunay na buhay,” ang buhay na walang hanggan sa ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos. (1 Timoteo 6:12, 19; 2 Pedro 3:13) Ang mga gawang pagliligtas ni Jehova sa kaniyang bayan ay patiunang nagpapaaninaw sa lalong dakilang pagliligtas na gagawin ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, sa hinaharap.
BAKIT BA KAILANGAN ANG MGA HUKOM?
Nang matalo ang mga hari ng lupain ng Canaan sa hukbong pinamumunuan ni Josue, ang bawat tribo ng Israel ay pumaroon sa kani-kanilang mana at inari ang lupain. Gayunman, hindi naitaboy ng mga Israelita ang mga naninirahan sa lupain. Ang kabiguang ito ay naging tunay na silo sa Israel.
Ang sumunod na salinlahi pagkatapos ng mga araw ni Josue ay “hindi nakakakilala kay Jehova o sa gawa na kaniyang ginawa para sa Israel.” (Hukom 2:10) Bukod dito, ang bayan ay nakipag-alyansa ukol sa pag-aasawa sa mga Canaanita at naglingkod sa kanilang mga diyos. Kaya pinabayaan ni Jehova ang mga Israelita sa kamay ng kanilang mga kaaway. Subalit nang tumindi ang paniniil, humingi ng tulong sa tunay na Diyos ang mga anak ni Israel. Ganito ang kalagayan ng relihiyon, lipunan, at pulitika nang magsimula ang ulat tungkol sa hanay ng mga hukom na ibinangon ni Jehova upang iligtas ang kaniyang bayan mula sa kanilang mga kaaway.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
1:2, 4—Bakit ang Juda ang unang tribo na pinili upang mag-ari ng lupain na itinakda sa kanila? Dapat sana, ang pribilehiyong ito ay mapupunta kay Ruben, ang panganay ni Jacob. Ngunit sa kaniyang hula noong mamamatay na siya, patiunang sinabi ni Jacob na hindi makahihigit si Ruben, palibhasa’y naiwala niya ang kaniyang karapatan bilang panganay. Sina Simeon at Levi naman, na kumilos nang may kalupitan, ay pangangalatin sa Israel. (Genesis 49:3-5, 7) Kaya ang kasunod sa hanay ay si Juda, ang ikaapat na anak ni Jacob. Si Simeon, na umahong kasama ni Juda, ay nakatanggap ng maliliit na bahagi ng lupain na nakakalat sa napakalaking teritoryo ng Juda.a—Josue 19:9.
1:6, 7—Bakit pinutol ang mga hinlalaki sa mga kamay at paa ng natalong mga hari? Ang isang tao na wala nang mga hinlalaki sa kamay at paa ay lumilitaw na baldado na para sa militar na pakikibaka. Kung wala ang mga hinlalaki, paano nga naman mahahawakan ng isang kawal ang isang tabak o isang sibat? At kapag wala na ang mga hinlalaki sa paa, mawawalan na ng wastong panimbang ang isang tao.
Mga Aral Para sa Atin:
2:10-12. Dapat tayong magkaroon ng regular na programa ng pag-aaral sa Bibliya upang ‘hindi malimutan ang lahat ng ginagawa ni Jehova.’ (Awit 103:2) Kailangang ikintal ng mga magulang ang katotohanan ng Salita ng Diyos sa puso ng kanilang mga anak.—Deuteronomio 6:6-9.
2:14, 21, 22. May layunin si Jehova sa pagpapahintulot na mangyari ang masasamang bagay sa kaniyang masuwaying bayan—upang parusahan sila, dalisayin sila, at pakilusin sila na manumbalik sa kaniya.
NAGBANGON NG MGA HUKOM SI JEHOVA
Ang kapana-panabik na ulat tungkol sa kabayanihan ng mga hukom ay nagsimula sa pagtapos ni Otniel sa walong-taóng panunupil ng hari ng Mesopotamia sa bansang Israel. Dahil sa estratehiyang kakikitaan ng lakas ng loob, napatay ni Hukom Ehud si Eglon, ang matabang hari ng Moab. Gamit ang isang pantaboy ng baka, mag-isang pinatay ng magiting na si Samgar ang 600 Filisteo. Dahil sa pampatibay-loob ni Debora, na naglingkod bilang propetisa, at sa tulong ni Jehova, ang makapangyarihang hukbo ni Sisera ay nagapi ni Barak at ng kaniyang di-gaanong nasasandatahang hukbo na binubuo ng sampung libong kawal. Ibinangon ni Jehova si Gideon at ibinigay sa kaniya at sa 300 tauhan niya ang tagumpay laban sa mga Midianita.
Sa pamamagitan ni Jepte, iniligtas ni Jehova ang Israel mula sa mga Ammonita. Sina Tola, Jair, Ibzan, Elon, at Abdon ay kabilang din sa 12 lalaki na naging hukom sa Israel. Nagwakas ang panahon ng mga Hukom kay Samson, na nakipaglaban sa mga Filisteo.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
4:8—Bakit iginiit ni Barak na sumama sa kaniya ang propetisang si Debora sa larangan ng digmaan? Lumilitaw na nadama ni Barak na may kakulangan siya kung mag-isa siyang lalaban sa hukbo ni Sisera. Ang pagkanaroroon ng propetisa ay magbibigay-katiyakan sa kaniya at sa mga tauhan niya na taglay nila ang patnubay ng Diyos at maglalaan ito sa kanila ng kumpiyansa. Kung gayon, ang paggigiit ni Barak na sumama sa kaniya si Debora ay hindi tanda ng kahinaan kundi ng matibay na pananampalataya.
5:20—Paano nakipaglaban ang mga bituin mula sa langit alang-alang kay Barak? Hindi sinasabi ng Bibliya kung nangangahulugan ito ng pagtulong ng mga anghel, pag-ulan ng mga bulalakaw na binigyang-kahulugan ng marurunong na tao ni Sisera bilang masamang pangitain, o marahil ay hindi nagkatotoong mga hula kay Sisera na nakasalig sa astrolohiya. Gayunman, walang alinlangan na may ginawang pagtulong ang Diyos.
7:1-3; 8:10—Bakit sinabi ni Jehova na napakarami ng 32,000 tauhan ni Gideon laban sa 135,000 kawal ng kalaban? Dahil ibibigay ni Jehova ang tagumpay kay Gideon at sa kaniyang mga tauhan. Ayaw ng Diyos na isipin nila na tinalo nila ang mga Midianita dahil sa kanilang sariling lakas.
11:30, 31—Nang manata si Jepte, iniisip ba niya na maghahain siya ng tao? Malayong isipin ni Jepte ang gayong bagay, sapagkat sinasabi ng Kautusan: “Huwag masusumpungan sa iyo ang sinumang nagpaparaan ng kaniyang anak na lalaki o ng kaniyang anak na babae sa apoy.” (Deuteronomio 18:10) Gayunman, ang nasa isip noon ni Jepte ay tao talaga at hindi hayop. Ang mga hayop na angkop para ihain ay karaniwan nang wala sa loob ng tahanan ng mga Israelita. At ang paghahandog ng hayop ay hindi isang pambihirang bagay. Alam ni Jepte na ang kaniyang anak na babae ang malamang na lalabas sa kaniyang bahay upang salubungin siya. Ang isang ito ay ihahandog “bilang handog na sinusunog” sa diwa na itatalaga siya sa bukod-tanging paglilingkod kay Jehova may kaugnayan sa santuwaryo.
Mga Aral Para sa Atin:
3:10. Ang tagumpay sa espirituwal na mga gawain ay nakasalalay, hindi sa karunungan ng tao, kundi sa espiritu ni Jehova.—Awit 127:1.
3:21. Ginamit ni Ehud ang kaniyang tabak nang may kasanayan at lakas ng loob. Dapat tayong maging bihasa sa paggamit ng “tabak ng espiritu, samakatuwid nga, ang salita ng Diyos.” Nangangahulugan ito na kailangang lakas-loob nating gamitin ang Kasulatan sa ating ministeryo.—Efeso 6:17; 2 Timoteo 2:15.
6:11-15; 8:1-3, 22, 23. Ang kahinhinan ni Gideon ay nagtuturo sa atin ng tatlong mahahalagang aral: (1) Kapag binigyan tayo ng pribilehiyo sa paglilingkod, dapat nating bulay-bulayin ang pananagutang kaakibat nito sa halip na magtuon ng pansin sa katanyagan o karangalan na maaaring nauugnay rito. (2) Kapag nakikitungo sa mga may tendensiyang makipag-away, isang landasin ng karunungan na magpamalas ng kahinhinan. (3) Ipinagsasanggalang tayo ng kahinhinan sa labis na pagkabahala sa posisyon.
6:17-22, 36-40. Dapat din tayong maging maingat at ‘huwag maniwala sa bawat kinasihang kapahayagan.’ Sa halip, kailangan nating “subukin ang mga kinasihang kapahayagan upang makita kung ang mga ito ay nagmumula sa Diyos.” (1 Juan 4:1) Upang matiyak ng baguhang Kristiyanong matanda na ang gusto niyang ipayo ay matibay na nakasalig sa Salita ng Diyos, isang katalinuhan na sumangguni siya sa mas makaranasang matanda.
6:25-27. Naging maingat si Gideon upang hindi niya mapagalit ang mga sumasalansang sa kaniya. Kapag nangangaral ng mabuting balita, dapat tayong mag-ingat upang hindi masaktan ang damdamin ng iba sa paraan ng ating pagsasalita.
7:6. May kaugnayan sa paglilingkod kay Jehova, dapat tayong maging katulad ng 300 tauhan ni Gideon—alisto at mapagbantay.
9:8-15. Kaylaking kamangmangan na magmapuri at mag-ambisyon para sa posisyon o kapangyarihan!
11:35-37. Walang alinlangan na malaking bahagi ang ginampanan ng mabuting halimbawa ni Jepte sa pagtulong sa kaniyang anak na magkaroon ng matibay na pananampalataya at saloobing mapagsakripisyo sa sarili. Ang mga magulang sa ngayon ay maaaring magbigay ng gayong halimbawa sa kanilang mga anak.
11:40. Ang pagbibigay ng papuri sa isang taong may espiritu ng pagkukusa sa paglilingkod kay Jehova ay nakapagpapatibay sa kaniya.
13:8. Sa pagtuturo sa mga anak, dapat manalangin kay Jehova ang mga magulang para patnubayan sila at dapat nilang sundin ang kaniyang tagubilin.—2 Timoteo 3:16.
14:16, 17; 16:16. Ang panggigipit na dinadaan sa iyak at paninisi ay makasisira ng ugnayan.—Kawikaan 19:13; 21:19.
IBA PANG MGA KASALANAN SA ISRAEL
Ang huling bahagi ng aklat ng Mga Hukom ay naglalaman ng dalawang natatanging ulat. Ang una ay may kinalaman sa isang lalaking nagngangalang Mikas, na naglagay ng isang idolo sa kaniyang bahay at umupa ng isang Levita upang gumanap bilang saserdote para sa kaniya. Matapos wasakin ang lunsod ng Lais, o Lesem, itinayo ng mga Danita ang kanilang sariling lunsod at pinanganlan itong Dan. Gamit ang idolo ni Mikas at ang kaniyang saserdote, nagtatag sila ng isa pang uri ng pagsamba sa Dan. Lumilitaw na nalupig ang Lais bago mamatay si Josue.—Josue 19:47.
Ang ikalawang pangyayari ay naganap di-nagtagal pagkamatay ni Josue. Ang lansakang krimen sa sekso na ginawa ng ilang lalaki sa Benjamitang lunsod ng Gibeah ay humantong sa muntik nang pagkalipol ng buong tribo ng Benjamin—600 lalaki lamang ang nakaligtas. Gayunman, isang praktikal na kaayusan ang nagbigay-daan upang makakuha sila ng asawa, at dumami sila tungo sa halos 60,000 mandirigma noong namamahala na si David.—1 Cronica 7:6-11.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
17:6; 21:25—Kung ‘kinagawiang gawin ng bawat isa kung ano ang tama sa kaniyang sariling paningin,’ pinasigla ba nito ang anarkiya? Hindi naman, sapagkat naglaan si Jehova ng sapat na probisyon upang patnubayan ang kaniyang bayan. Binigyan niya sila ng Kautusan at mga saserdote upang turuan sila sa kaniyang daan. Sa pamamagitan ng Urim at Tumim, makasasangguni sa Diyos ang mataas na saserdote tungkol sa mahahalagang bagay. (Exodo 28:30) Ang bawat lunsod ay may matatandang lalaki rin na makapagbibigay ng mahusay na payo. Kapag ginamit ng isang Israelita ang mga probisyong ito, mayroon siyang mahusay na patnubay para sa kaniyang budhi. Ang paggawa niya ng “kung ano ang tama sa kaniyang sariling paningin” sa ganitong paraan ay nagbubunga ng mabuti. Sa kabilang panig naman, kapag ipinagwalang-bahala ng isang tao ang Kautusan at gumawa ng sarili niyang mga pasiya hinggil sa paggawi at pagsamba, nagbubunga ito ng masama.
20:17-48—Bakit hinayaan ni Jehova na dalawang beses na matalo sa mga Benjamita ang ibang mga tribo, gayong ang mga Benjamita ay kinakailangan namang parusahan? Sa pagpapahintulot na dumanas ng matinding pagkatalo sa pasimula ang tapat na mga tribo, sinubok ni Jehova ang kanilang determinasyon na alisin ang kasamaan sa Israel.
Mga Aral Para sa Atin:
19:14, 15. Ang kawalang-pagkukusa ng mga taga-Gibeah na maging mapagpatuloy ay nagpapahiwatig ng pagkukulang sa moral. Pinapayuhan ang mga Kristiyano na ‘sundan ang landasin ng pagkamapagpatuloy.’—Roma 12:13.
Ang Pagliligtas sa Hinaharap
Hindi na magtatagal mula ngayon, pupuksain ng Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo Jesus ang balakyot na sanlibutan at isasagawa ang malawakang pagliligtas sa mga matuwid at walang kapintasan. (Kawikaan 2:21, 22; Daniel 2:44) ‘Sa gayon ay malilipol ang lahat ng mga kaaway ni Jehova, at ang mga umiibig sa kaniya ay magiging gaya ng araw kapag yumayaon sa kaniyang kalakasan.’ (Hukom 5:31) Patunayan nawa natin na kabilang tayo sa mga umiibig kay Jehova sa pamamagitan ng pagkakapit sa ating natututuhan mula sa aklat ng Mga Hukom.
Ang saligang katotohanan na itinanghal nang maraming beses sa mga ulat ng Mga Hukom ay ito: Ang pagsunod kay Jehova ay umaakay sa mayayamang pagpapala, at ang di-pagsunod naman ay sa masasaklap na bunga. (Deuteronomio 11:26-28) Napakahalaga nga na maging ‘masunurin tayo mula sa puso’ sa isiniwalat na kalooban ng Diyos!—Roma 6:17; 1 Juan 2:17.
[Talababa]
a Ang mga Levita ay hindi binigyan ng mana sa Lupang Pangako maliban sa 48 lunsod na nakakalat sa buong Israel.
[Mapa sa pahina 25]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
“Nagbabangon si Jehova ng mga hukom, at inililigtas sila ng mga ito mula sa kamay ng mga nananamsam sa kanila.”—Hukom 2:16
MGA HUKOM
1. Otniel
2. Ehud
3. Samgar
4. Barak
5. Gideon
6. Tola
7. Jair
8. Jepte
9. Ibzan
10. Elon
11. Abdon
12. Samson
DAN
MANASES
NEPTALI
ASER
ZEBULON
ISACAR
MANASES
GAD
EFRAIM
DAN
BENJAMIN
RUBEN
JUDA
[Larawan sa pahina 26]
Anong aral ang natutuhan mo mula sa paggigiit ni Barak na sumama si Debora sa larangan ng digmaan?