KABANATA 4
“Kung Saan Ka Paroroon ay Paroroon Ako”
1, 2. (a) Ilarawan ang paglalakbay nina Ruth at Noemi at ang kanilang pamimighati. (b) Bakit may pagkakaiba ang paglalakbay nila?
MAGKASAMANG naglalakad sina Ruth at Noemi sa mataas at mahanging kapatagan ng Moab. Silang dalawa na lang ngayon ang naroon sa napakalawak na lupain. Napansin ni Ruth na magtatakipsilim na, kaya tumingin siya sa kaniyang biyenan habang nag-iisip kung dapat na silang humanap ng matutuluyan sa gabing iyon. Mahal na mahal niya si Noemi at gagawin niya ang lahat para mapangalagaan ito.
2 Pareho silang namimighati. Matagal nang biyuda si Noemi, at ngayo’y namatay pa ang dalawa niyang anak na sina Kilion at Mahalon. Nagdadalamhati rin si Ruth dahil siya ang asawa ni Mahalon. Iisa lang ang pupuntahan nila ni Noemi, ang bayan ng Betlehem sa Israel. Pero may pagkakaiba ang paglalakbay nila—si Noemi ay pauwi, samantalang si Ruth ay mandarayuhan sa isang bagong bayan. Iiwan niya ang kaniyang mga kamag-anak, ang kaniyang bayan, at ang lahat ng mga kaugalian nito—pati ang mga diyos nito.—Basahin ang Ruth 1:3-6.
3. Anong mga tanong ang sasagutin upang matularan natin ang pananampalataya ni Ruth?
3 Bakit kaya nagpasiya nang ganito si Ruth? Saan siya huhugot ng lakas para maharap ang isang bagong buhay at mapangalagaan si Noemi? Mula sa sagot sa mga tanong na ito, marami tayong matutularan sa pananampalataya ni Ruth na isang Moabita. (Tingnan din ang kahong “Isang Munting Obra Maestra.”) Pero alamin muna natin kung bakit naglalakbay ang dalawang babaing ito patungong Betlehem.
Isang Pamilyang Dumanas ng Trahedya
4, 5. (a) Bakit nanirahan sa Moab ang pamilya ni Noemi? (b) Anu-anong pagsubok ang napaharap kay Noemi sa Moab?
4 Si Ruth ay lumaki sa Moab, isang maliit na bansa sa silangan ng Dagat na Patay. Ang lugar na ito ay matalampas at may malalalim na bangin. Laging mabunga ang “lupain ng Moab,” kahit noong may taggutom sa Israel. Sa katunayan, iyan ang dahilan kung bakit nakilala ni Ruth si Mahalon at ang pamilya nito.—Ruth 1:1.
5 Dahil sa taggutom sa Israel, nagdesisyon ang asawa ni Noemi, si Elimelec, na manirahan sa Moab ang kanilang pamilya bilang mga dayuhan. Malamang na nasubok ang pananampalataya nila dahil kailangang regular na sumamba ang mga Israelita sa sagradong lugar na pinili ni Jehova. (Deut. 16:16, 17) Naingatan ni Noemi ang kaniyang matibay na pananampalataya. Gayunman, namighati pa rin siya nang mamatay ang kaniyang asawa.—Ruth 1:2, 3.
6, 7. (a) Bakit ikinabahala ni Noemi na nag-asawa ng mga Moabita ang kaniyang mga anak? (b) Bakit kapuri-puri ang pakikitungo ni Noemi sa kaniyang mga manugang?
6 Malamang, lungkot na lungkot din si Noemi nang mag-asawa ng mga Moabita ang kaniyang dalawang anak. (Ruth 1:4) Alam niya ang pagsisikap ng ninuno nilang si Abraham para maikuha ang anak nitong si Isaac ng mapapangasawang sumasamba kay Jehova mula sa kaniyang sariling bayan. (Gen. 24:3, 4) Nang maglaon, binabalaan ng Kautusang Mosaiko ang mga Israelita na huwag hayaang mag-asawa ng mga banyaga ang kanilang mga anak dahil aakayin sila nito sa idolatriya.—Deut. 7:3, 4.
7 Gayunman, nag-asawa sina Mahalon at Kilion ng mga Moabita. Ikinabahala man ito o ikinalungkot ni Noemi, nagpakita pa rin siya ng tunay na kabaitan at pag-ibig sa kaniyang mga manugang na sina Ruth at Orpa. Marahil umaasa siyang balang-araw ay sasambahin din nila si Jehova. Anuman ang nangyari, napamahal si Noemi kina Ruth at Orpa. Nakatulong ang magandang ugnayang iyon nang dumanas sila ng trahedya. Wala pang anak sina Ruth at Orpa nang mabiyuda sila.—Ruth 1:5.
8. Ano ang maaaring dahilan kung bakit nápalapít sa puso ni Ruth si Jehova?
8 Nakatulong ba kay Ruth sa pagharap sa gayong trahedya ang kinalakhan niyang relihiyon? Malamang na hindi. Ang mga Moabita ay sumasamba sa maraming diyos, at pangunahin sa mga ito si Kemos. (Bil. 21:29) Lumilitaw na ang relihiyon ng mga Moabita ay nagsasagawa rin ng malulupit at nakapangingilabot na mga gawaing karaniwan noon, kasama na ang paghahain ng mga anak. Tiyak na nakita ni Ruth na ibang-iba ito sa narinig niya kay Mahalon o kay Noemi tungkol sa mapagmahal at maawaing Diyos ng Israel, si Jehova. Ang kaniyang pamamahala ay maibigin, hindi malupit. (Basahin ang Deuteronomio 6:5.) Nang mamatay ang asawa ni Ruth, malamang na lalo siyang nápalapít kay Noemi at nakinig na mabuti sa sinasabi nito tungkol kay Jehova na Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, sa kaniyang kamangha-manghang mga gawa, at sa maibigin at maawain niyang pakikitungo sa kaniyang bayan.
9-11. (a) Ano ang ipinasiya nina Noemi, Ruth, at Orpa? (b) Ano ang matututuhan natin sa mga trahedyang sinapit nina Noemi, Ruth, at Orpa?
9 Samantala, si Noemi ay sabik na makabalita tungkol sa Israel. Isang araw ay nalaman niya, marahil mula sa isang naglalakbay na mángangalakál, na wala nang taggutom sa Israel. Tinutulungang muli ni Jehova ang kaniyang bayan. Angkop na muli sa Betlehem ang pangalan nito na nangangahulugang “Bahay ng Tinapay.” Nagpasiya si Noemi na bumalik sa Israel.—Ruth 1:6.
10 Ano kaya ang gagawin nina Ruth at Orpa? (Ruth 1:7) Napamahal na sa kanila si Noemi dahil sa nalampasan nilang mga pagsubok. Si Ruth, partikular na, ay waring naging malapít kay Noemi dahil sa kabaitan nito at matibay na pananampalataya kay Jehova. Ang tatlong biyuda ay nagsimulang maglakbay patungong Juda.
11 Ipinaaalaala sa atin ng ulat tungkol kay Ruth na ang trahedya at pagkamatay ng mahal sa buhay ay sumasapit kapuwa sa mabubuti at masasamang tao. (Ecles. 9:2, 11) Ipinakikita rin nito na sakaling mamatayan tayo ng mahal sa buhay, makatutulong kung lalapit tayo sa iba—lalo na sa mga nanganganlong kay Jehova, ang Diyos na sinasamba ni Noemi—para madamayan nila tayo.—Kaw. 17:17.
Ang Matapat na Pag-ibig ni Ruth
12, 13. Bakit gusto ni Noemi na bumalik sina Ruth at Orpa sa kanilang bahay sa halip na sumama sa kaniya, at ano ang unang reaksiyon nila?
12 Habang naglalakad ang tatlong biyuda, isa pang bagay ang ikinabahala ni Noemi. Iniisip niya ang kaniyang mga manugang at ang pag-ibig na ipinakita nila sa kaniya at sa mga anak niya. Ayaw niyang makaragdag pa sa pagdurusa nila. Kung sasama sila sa kaniya sa Betlehem, ano kaya ang magiging buhay nila roon?
13 Sinabi ni Noemi: “Yumaon kayo, bumalik kayo, bawat isa sa bahay ng kaniyang ina. Pagpakitaan nawa kayo ni Jehova ng maibiging-kabaitan, kung paanong ipinakita ninyo iyon sa mga lalaking patay na ngayon at sa akin.” Sinabi rin niya na umaasa siyang pagkakalooban sila ni Jehova ng bagong asawa at bagong buhay. “Pagkatapos ay hinalikan niya sila,” ang sabi ng ulat, “at inilakas nila ang kanilang mga tinig at tumangis.” Hindi nga kataka-takang napamahal nang husto kina Ruth at Orpa ang mabait at di-makasariling si Noemi. Iginiit nilang dalawa: “Hindi, kundi kasama mo kaming babalik sa iyong bayan.”—Ruth 1:8-10.
14, 15. (a) Ano ang binalikan ni Orpa? (b) Paano hinikayat ni Noemi si Ruth para iwan siya?
14 Pero nangatuwiran si Noemi na wala siyang magandang buhay na maibibigay sa kanila sa Israel. Hindi na siya magkakaroon ng asawang maglalaan sa kaniya, ni ng mga anak na magiging asawa nina Ruth at Orpa. Sinabi niyang napakasakit para sa kaniya na hindi niya sila kayang pangalagaan. Para kay Orpa, tama si Noemi. Nasa Moab ang pamilya niya, ang nanay niya, at ang tahanan nila. Para ngang mas praktikal na manatili siya sa Moab. Kaya hinalikan niya si Noemi at malungkot na nagpaalam.—Ruth 1:11-14.
15 Kumusta naman si Ruth? Mababasa natin: “Kung tungkol naman kay Ruth, siya ay pumisan sa kaniya.” Marahil ay nagpatuloy na si Noemi sa paglalakad nang mapansin niyang kasunod pa rin niya si Ruth. Kaya sinabi niya: “Narito! Ang iyong balong bilas ay bumalik na sa kaniyang bayan at sa kaniyang mga diyos. Bumalik kang kasama ng iyong balong bilas.” (Ruth 1:15) Ang mga salitang iyan ni Noemi ay may isinisiwalat na mahalagang detalye. Si Orpa ay bumalik hindi lang sa kaniyang bayan, kundi pati sa “kaniyang mga diyos.” Nanatili siyang mananamba ni Kemos at ng iba pang huwad na mga diyos. Ganiyan din ba ang gagawin ni Ruth?
16-18. (a) Paano nagpakita si Ruth ng matapat na pag-ibig? (b) Ano ang matututuhan natin kay Ruth tungkol sa katangiang ito? (Tingnan din ang larawan nina Ruth at Noemi.)
16 Nakatitiyak si Ruth sa kaniyang pasiya. Mahal na mahal niya si Noemi at ang Diyos na pinaglilingkuran nito. Kaya sinabi ni Ruth: “Huwag mo akong pakiusapan na iwanan ka, na talikdan ang pagsama sa iyo; sapagkat kung saan ka paroroon ay paroroon ako, at kung saan ka magpapalipas ng gabi ay magpapalipas ako ng gabi. Ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Diyos ay aking Diyos. Kung saan ka mamamatay ay mamamatay ako, at doon ako ililibing. Gayon nawa ang gawin sa akin ni Jehova at dagdagan pa iyon kung may anumang bagay maliban sa kamatayan na maghiwalay sa akin at sa iyo.”—Ruth 1:16, 17.
17 Talagang kahanga-hanga ang mga salitang ito ni Ruth, anupat alam pa rin ito ng marami kahit 3,000 taon na ang nakalipas. Kitang-kita rito ang isang napakahalagang katangian, ang matapat na pag-ibig. Napakatibay at napakatapat ng pag-ibig ni Ruth, anupat hindi siya hihiwalay kay Noemi saanman ito pumunta. Kamatayan lang ang makapaghihiwalay sa kanila. Ang bayan ni Noemi ay magiging kaniyang bayan, dahil handang iwan ni Ruth ang lahat ng nasa Moab—maging ang mga diyos nito. Di-gaya ni Orpa, buong-pusong masasabi ni Ruth na gusto niyang maging Diyos ang Diyos ni Noemi, si Jehova.a
18 Kaya nagpatuloy silang dalawa sa mahabang paglalakbay patungong Betlehem. Ayon sa isang pagtantiya, ang gayong paglalakbay ay maaaring abutin nang isang linggo. Pero tiyak na napatibay nila ang isa’t isa sa panahon ng pamimighati.
19. Paano natin matutularan ang matapat na pag-ibig ni Ruth sa pakikitungo sa ating mga kapamilya, kaibigan, at kakongregasyon?
19 Sa ating panahon, na tinatawag ng Bibliya na “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan,” napapaharap tayo sa iba’t ibang uri ng problema at kapighatian. (2 Tim. 3:1) Kaya lalong nagiging mahalaga ang katangiang ipinakita ni Ruth. Ang matapat na pag-ibig ay ang uri ng pag-ibig na nangungunyapit sa pinag-uukulan nito at hindi basta bumibitaw. Napakalaking tulong nito sa gitna ng madilim na daigdig. Kailangan ito ng mga mag-asawa, magkakapamilya, magkakaibigan, at magkakapatid sa kongregasyong Kristiyano. (Basahin ang 1 Juan 4:7, 8, 20.) Kapag nililinang natin ang gayong uri ng pag-ibig, tinutularan natin ang napakagandang halimbawa ni Ruth.
Sina Ruth at Noemi sa Betlehem
20-22. (a) Ano ang epekto kay Noemi ng naging buhay niya sa Moab? (b) Ano ang maling pangmalas ni Noemi sa dinaranas niyang paghihirap? (Tingnan din ang Santiago 1:13.)
20 Siyempre pa, isang bagay ang pagsasabing mayroon kang matapat na pag-ibig at ibang bagay naman ang pagpapakita nito sa gawa. May pagkakataon si Ruth na ipakita ang kaniyang matapat na pag-ibig hindi lang kay Noemi kundi pati sa pinili niyang maging Diyos, si Jehova.
21 Sa wakas, nakarating sila sa Betlehem, isang bayan na mga sampung kilometro sa timog ng Jerusalem. Waring dating prominente si Noemi at ang kaniyang pamilya sa maliit na bayang iyon dahil humugong ang balitang dumating siya. Pinagmamasdan siya ng mga babae at sinasabi, “Ito ba si Noemi?” Maliwanag na ibang-iba na ang hitsura niya kaysa noong bago siya manirahan sa Moab; mababakas dito ang maraming taon ng paghihirap at pamimighati.—Ruth 1:19.
22 Ikinuwento ni Noemi sa kaniyang mga kamag-anak na babae at mga kapitbahay ang hirap na dinanas niya. Nasabi pa nga niya na ang pangalan niyang Noemi, na nangangahulugang “Ang Aking Kaigayahan,” ay dapat palitan ng Mara, na nangangahulugang “Mapait.” Kawawang Noemi! Gaya ni Job, inisip niyang galing sa Diyos na Jehova ang mga paghihirap niya.—Ruth 1:20, 21; Job 2:10; 13:24-26.
23. Ano ang iniisip ni Ruth, at ano ang probisyon ng Kautusang Mosaiko para sa mahihirap? (Tingnan din ang talababa.)
23 Sa pagsisimula ng buhay ng dalawang babaing ito sa Betlehem, iniisip ni Ruth kung paano niya susuportahan ang kaniyang sarili at si Noemi. Nalaman niya na ang Kautusan ni Jehova sa Israel ay may maibiging probisyon para sa mahihirap. Maaari silang pumunta sa bukid sa panahon ng pag-aani at maghimalay ng naiwan ng mga mang-aani at ng natira sa gilid ng bukid.b—Lev. 19:9, 10; Deut. 24:19-21.
24, 25. Ano ang ginawa ni Ruth nang mapunta siya sa bukid ni Boaz, at paano ginagawa ang paghihimalay?
24 Panahon noon ng pag-aani ng sebada, malamang na Abril sa ating kalendaryo, kaya pumunta si Ruth sa bukid para tingnan kung sino ang papayag na maghimalay siya. Nagkataong napunta siya sa bukid ni Boaz, isang mayamang may-ari ng lupain at kamag-anak ng namatay na asawa ni Noemi, si Elimelec. Bagaman may karapatan si Ruth na maghimalay ayon sa Kautusan, nagpaalam pa rin siya sa kapatas. Pumayag ito, at si Ruth ay agad na nagsimulang magtrabaho.—Ruth 1:22–2:3, 7.
25 Sinusundan ni Ruth ang mga mang-aani. Habang kinakarit nila ang mga sebada, pinupulot naman niya ang naiiwan nila, ibinubungkos, at saka dinadala sa isang lugar kung saan niya hinahampas ang mga bungkos para matanggal ang mga butil. Tiyagaan at nakapapagod ito, at lalo itong humihirap kapag patirik na ang araw. Pero patuloy pa rin si Ruth, at tumitigil lang siya para magpahid ng pawis at mananghalian sa “bahay”—marahil isang silungan ng mga manggagawa.
26, 27. Anong uri ng tao si Boaz, at paano niya pinakitunguhan si Ruth?
26 Malamang na hindi inaasahan ni Ruth na may makapapansin sa kaniya. Pero nakita siya ni Boaz at itinanong sa kapatas kung sino siya. Bilang isang lalaking may kahanga-hangang pananampalataya, binati ni Boaz ang kaniyang mga manggagawa na ang ilan ay mga arawáng trabahador o mga banyaga pa nga: “Sumainyo nawa si Jehova.” Binati rin nila siya ng gayong mga salita. Ang makadiyos at may-edad nang lalaking ito ay nagmalasakit kay Ruth na tulad ng isang ama.—Ruth 2:4-7.
27 Tinawag niyang “anak ko” si Ruth at sinabing sa kaniyang bukid na lang siya maghimalay at huwag siyang lalayo sa mga kabataang babae ng kaniyang sambahayan para hindi siya guluhin ng mga manggagawang lalaki. Tiniyak ni Boaz na may makakain si Ruth sa tanghalian. (Basahin ang Ruth 2:8, 9, 14.) Pero higit sa lahat, pinuri niya si Ruth at pinatibay. Paano?
28, 29. (a) Ano ang naging reputasyon ni Ruth? (b) Paano ka manganganlong kay Jehova gaya ni Ruth?
28 Nang tanungin ni Ruth si Boaz kung bakit ito mabait sa kaniya kahit isa siyang banyaga, sinabi ni Boaz na nabalitaan niya ang lahat ng ginawa ni Ruth para sa kaniyang biyenang si Noemi. Malamang na pinupuri ni Noemi si Ruth sa mga babaing taga-Betlehem, at nakarating ito kay Boaz. Nalaman din ni Boaz na sumasamba na si Ruth kay Jehova dahil sinabi niya: “Gantihan nawa ni Jehova ang iyong paggawi, at magkaroon nawa ng sakdal na kabayaran para sa iyo mula kay Jehova na Diyos ng Israel, na sa ilalim ng kaniyang mga pakpak ay pumaroon ka upang manganlong.”—Ruth 2:12.
29 Tiyak na napatibay si Ruth ng mga salitang iyon! Talagang nanganlong siya sa mga pakpak ng Diyos na Jehova, gaya ng isang inakáy na ligtas sa ilalim ng mapagkalingang magulang nito. Nagpasalamat siya kay Boaz at nagpatuloy sa paghihimalay hanggang sa kinagabihan.—Ruth 2:13, 17.
30, 31. Ano ang matututuhan natin kay Ruth hinggil sa mabubuting kaugalian sa pagtatrabaho, pagpapahalaga, at matapat na pag-ibig?
30 Ang pananampalataya ni Ruth ay isang napakagandang halimbawa para sa lahat ng nakikipagpunyagi sa kahirapan. Hindi niya inisip na obligado ang iba na tulungan siya, kaya naman pinahalagahan niya ang anumang ibigay sa kaniya. Hindi niya ikinahiya ang mahirap at mababang uri ng trabaho basta para sa kaniyang mahal sa buhay. Pinasalamatan niya at sinunod ang matalinong payo tungkol sa ligtas na pagtatrabaho at mabubuting kasama. Ang pinakamahalaga sa lahat, hindi niya kinalimutan kung kanino talaga siya dapat manganlong—sa kaniyang mapagkalingang Ama, ang Diyos na Jehova.
31 Kung magpapakita tayo ng matapat na pag-ibig gaya ni Ruth at tutularan ang kaniyang kapakumbabaan, kasipagan, at pagpapahalaga, ang ating pananampalataya ay magiging magandang halimbawa rin sa iba. Pero paano nga ba pinaglaanan ni Jehova sina Ruth at Noemi? Tatalakayin natin ito sa susunod na kabanata.
a Kapansin-pansin na ginamit ni Ruth ang personal na pangalan ng Diyos, Jehova, sa halip na gamitin lang ang titulong “Diyos,” gaya ng ginagawa ng maraming banyaga. Sinasabi ng The Interpreter’s Bible: “Idiniriin ng manunulat na ang banyagang ito ay isang tagasunod ng tunay na Diyos.”
b Malamang na walang ganiyang kautusan sa Moab. Sa Gitnang Silangan noon, hindi maganda ang trato sa mga biyuda. Sinasabi ng isang reperensiya: “Pagkamatay ng asawang lalaki, karaniwan nang sa kaniyang mga anak na lalaki umaasa ang isang biyuda; kung wala naman, ibebenta na lang niya ang kaniyang sarili sa pagkaalipin, magiging patutot, o maghihintay na lang ng kamatayan.”