KABANATA 3
“Ama ng Lahat Niyaong May Pananampalataya”
1, 2. Paano nagbago ang daigdig mula noong panahon ni Noe, at paano naapektuhan si Abram?
TUMINGALA si Abram at tumingin sa ziggurat, isang tulad-piramideng gusali, na natatanaw mula sa kaniyang tahanan sa lunsod ng Ur.a Nagkakaingay roon at may umuusok. Naghahandog na naman sa diyos ng buwan ang mga saserdote. Gunigunihin si Abram na tumalikod habang iiling-iling at nakakunot ang noo. Pauwi na siya at naglalakad sa mataong lansangan, at malamang na iniisip niya ang idolatriyang laganap sa Ur. Kalát na nga sa daigdig ang huwad na pagsambang iyon mula noong panahon ni Noe!
2 Namatay si Noe dalawang taon bago isilang si Abram. Nang lumabas si Noe at ang kaniyang pamilya mula sa arka pagkatapos ng malaking Delubyo, ang patriyarkang iyon ay naghandog sa Diyos na Jehova, na nagpangyari namang lumitaw ang isang bahaghari. (Gen. 8:20; 9:12-14) Walang ibang pagsamba sa daigdig noon maliban sa dalisay na pagsamba. Pero habang nangangalat sa lupa ang ikasampung henerasyon mula kay Noe, umuunti naman ang sumasamba kay Jehova. Halos lahat ng tao ay sumasamba sa mga paganong diyos. Kahit ang ama ni Abram na si Tera ay nasangkot sa idolatriya at maaaring gumagawa ng mga idolo.—Jos. 24:2.
Paano naging mahusay na halimbawa ng pananampalataya si Abram?
3. Ano ang litaw na katangian ni Abram, at ano ang matututuhan natin sa kaniya?
3 Pero iba si Abram. Namumukod-tangi siya dahil sa kaniyang pananampalataya. Sa katunayan, nang maglaon ay kinasihan si apostol Pablo na tawagin siyang “ama ng lahat niyaong may pananampalataya.” (Basahin ang Roma 4:11.) Tingnan natin kung paano tumibay ang pananampalataya ni Abram. Malaki ang matututuhan natin sa kaniya para lalong tumibay ang ating pananampalataya.
Paglilingkod kay Jehova Pagkatapos ng Baha
4, 5. Sino ang maaaring nakatulong kay Abram para makilala si Jehova, at bakit masasabing posible ito?
4 Paano nakilala ni Abram ang Diyos na Jehova? Alam natin na may mga tapat na lingkod si Jehova sa lupa noong mga araw na iyon. Isa na rito si Sem. Kahit hindi siya ang panganay sa tatlong anak ni Noe, madalas na siya ang unang binabanggit. Malamang na dahil ito sa kaniyang matibay na pananampalataya.b Ilang panahon pagkatapos ng Baha, tinukoy ni Noe si Jehova na “Diyos ni Sem.” (Gen. 9:26) May paggalang si Sem kay Jehova at sa dalisay na pagsamba.
5 Kilala ba ni Abram si Sem? Posible. Gunigunihin noong bata pa si Abram. Tiyak na tuwang-tuwa siyang malaman na may buháy pa siyang ninuno na nakasaksi sa mahigit 400 taon ng kasaysayan ng tao! Nakita ni Sem ang kasamaan ng mga tao bago ang Baha, ang malaking Delubyo na lumipol sa masasama, ang pagkatatag ng unang mga bansa habang dumarami ang mga tao sa lupa, at ang kaguluhan noong maghimagsik si Nimrod sa Tore ng Babel. Ang tapat na si Sem ay hindi nakisangkot sa paghihimagsik na iyon, kaya nang guluhin ni Jehova ang wika ng mga nagtatayo ng tore, patuloy na ginamit ni Sem at ng kaniyang pamilya ang orihinal na wika ng tao, ang wika ni Noe. Kasama sa pamilyang iyon si Abram. Tiyak na lumaki si Abram na may mataas na pagtingin kay Sem. At mahabang panahong nagpang-abot ang buhay nila. Kaya maaaring nakilala ni Abram si Jehova sa tulong ni Sem.
6. (a) Paano ipinakita ni Abram na isinapuso niya ang mahalagang aral na itinuro ng Delubyo? (b) Ano ang naging buhay nina Abram at Sarai bilang mag-asawa?
6 Kaninuman siya natuto, isinapuso ni Abram ang mahalagang aral na itinuro ng Delubyo. Sinikap niyang lumakad na kasama ng Diyos gaya ni Noe. Kaya naman tinanggihan ni Abram ang idolatriya at ibang-iba siya sa mga taga-Ur, marahil kahit sa mga kapamilya niya. Pero nakasumpong siya ng susuporta sa kaniya. Naging asawa niya si Sarai, isang babaing katangi-tangi hindi lang dahil sa kaniyang kagandahan kundi dahil din sa kaniyang matibay na pananampalataya kay Jehova.c Bagaman wala silang anak, tiyak na masayang-masaya ang mag-asawang iyon sa paglilingkod kay Jehova. Inampon din nila ang ulilang pamangkin ni Abram na si Lot.
7. Bakit dapat tularan ng mga tagasunod ni Jesus si Abram?
7 Hindi kailanman ipinagpalit ni Abram si Jehova sa mga idolo ng Ur. Handa sila ni Sarai na mapaiba sa mga taong iyon na sumasamba sa idolo. Para magkaroon ng tunay na pananampalataya, kailangan natin ang gayon ding saloobin. Dapat na handa rin tayong mapaiba. Sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay ‘hindi bahagi ng sanlibutan’ kaya kapopootan sila ng sanlibutan. (Basahin ang Juan 15:19.) Kung nahihirapan ka dahil itinatakwil ka ng kapamilya mo o ng komunidad dahil sa pasiya mong paglingkuran si Jehova, tandaan na hindi ka nag-iisa. Tinutularan mo ang mabuting halimbawa nina Abram at Sarai na tapat na naglingkod sa Diyos.
“Lumabas Ka Mula sa Iyong Lupain”
8, 9. (a) Ano ang di-malilimutang karanasan ni Abram? (b) Ano ang mensahe ni Jehova kay Abram?
8 Isang araw, nagkaroon si Abram ng di-malilimutang karanasan. Tumanggap siya ng mensahe mula sa Diyos na Jehova! Hindi dinetalye ng Bibliya kung paano ipinadala ang mensahe, pero sinabi nito na nagpakita sa tapat na taong iyon ang “Diyos ng kaluwalhatian.” (Basahin ang Gawa 7:2, 3.) Marahil sa pamamagitan ng isang anghel, saglit na ipinakita kay Abram ang kamangha-manghang kaluwalhatian ng Soberano ng uniberso. Maguguniguni natin ang kagalakan ni Abram na makita ang pagkakaiba ng Diyos na buháy at ng walang-buhay na mga idolo na sinasamba ng mga tao noon.
9 Ano ang mensahe ni Jehova kay Abram? “Lumabas ka mula sa iyong lupain at mula sa iyong mga kamag-anak at pumaroon ka sa lupain na ipakikita ko sa iyo.” Hindi tinukoy ni Jehova kung aling lupain iyon—sinabi lang niya na ipakikita niya ito kay Abram. Pero kailangan munang iwan ni Abram ang kaniyang bayan at ang kaniyang mga kamag-anak. Sa kultura ng sinaunang Gitnang Silangan, napakahalaga ng pamilya. Kung iiwan ng isa ang kaniyang mga kamag-anak at lilipat sa malayong lugar, itinuturing itong masaklap na pangyayari; para sa ilan, mas masahol pa ito sa kamatayan!
10. Bakit isang sakripisyo para kina Abram at Sarai na iwan ang tahanan nila sa Ur?
10 May mga bagay siyang isasakripisyo para iwan ang kaniyang lupain. Lumilitaw na maunlad at mayamang lunsod ang Ur. (Tingnan ang kahong “Ang Lunsod na Iniwan Nina Abram at Sarai.”) Ipinakikita ng nahukay na mga labí na napakaalwan ng mga bahay sa sinaunang Ur; ang ilan ay may 12 o higit pang silid para sa pamilya at mga lingkod, na lahat ng silid ay nakapalibot sa isang loobang nilatagan ng bato. Karaniwan ang umaagos na tubig, palikuran, at sistema ng labasan ng maruming tubig. Tandaan din na may edad na sina Abram at Sarai; maaaring mga edad 70 na si Abram at 60 naman si Sarai. Tiyak na gusto ni Abram na maging komportable at mapangalagaang mabuti si Sarai—na siyang gusto ng bawat mabuting asawang lalaki para sa kaniyang kabiyak. Isip-isipin ang kanilang pag-uusap tungkol sa mga tanong at pangamba nila may kaugnayan sa atas na iyon. Tiyak na tuwang-tuwa si Abram nang tanggapin ni Sarai ang hamong iyon! Gaya niya, handa si Sarai na iwan ang lahat ng kaalwanan sa kanilang tahanan.
11, 12. (a) Anong mga pagpapasiya at paghahanda ang kailangan nilang gawin bago umalis sa Ur? (b) Paano natin mailalarawan ang araw ng kanilang pag-alis?
11 Nang makapagpasiya na sina Abram at Sarai, marami silang kailangang gawin, gaya ng pag-eempake at pag-aayos ng mga bagay-bagay. Anu-ano ang dadalhin nila sa paglalakbay, at anu-ano ang iiwan nila? Kailangan din nilang magpasiya tungkol sa kanilang pamilya, mga lingkod, at lalo na sa matanda nang ama ni Abram na si Tera. Ipinasiya nilang isama siya at alagaan. Malamang na handa siyang sumama, dahil iniulat na siya, bilang patriyarka, ang nagsama sa pamilya sa paglabas sa Ur. Tiyak na iniwan niya ang idolatriya. Sasama rin ang pamangkin ni Abram na si Lot.—Gen. 11:31.
12 Sa wakas, dumating ang araw ng kanilang pag-alis. Isip-isipin ang malaking pangkat na nagtitipon sa labas ng pader ng lunsod at nasa gilid ng bambang nito. Maraming pasan ang mga kamelyo at asno, sama-sama ang mga kawan, handa na ang pamilya at mga lingkod, at sabik na silang umalis.d Marahil ang lahat ay nakatingin kay Abram at naghihintay sa kaniyang hudyat. Sa wakas, umalis na sila at tuluyang iniwan ang Ur.
13. Paano nagpapakita ng saloobing gaya ng kina Abram at Sarai ang maraming lingkod ni Jehova sa ngayon?
13 Sa ngayon, maraming lingkod ni Jehova ang nagpasiyang lumipat sa mga lugar na nangangailangan ng mas maraming mangangaral ng Kaharian. Ipinasiya naman ng iba na mag-aral ng ibang wika para mapalawak ang kanilang ministeryo, o subukan ang ilang anyo ng paglilingkod na bago o mahirap para sa kanila. Kadalasan nang kailangan sa gayong pasiya ang pagsasakripisyo—ang pagiging handang iwan ang materyal na kaalwanan. Kapuri-puri ang gayong saloobin, at iyan ang ipinakita nina Abram at Sarai! Kung magpapakita tayo ng gayong pananampalataya, makatitiyak tayo na lagi tayong bibigyan ni Jehova nang higit sa ibinibigay natin sa kaniya. Tiyak na gagantimpalaan niya ang mga nananampalataya sa kaniya. (Heb. 6:10; 11:6) Ginantimpalaan ba niya si Abram?
Tumawid Sila sa Eufrates
14, 15. Paano mailalarawan ang paglalakbay mula Ur hanggang Haran, at ano ang maaaring dahilan kung bakit ipinasiya ni Abram na manirahan nang ilang panahon sa Haran?
14 Unti-unting nasanay ang malaking pangkat sa rutin ng paglalakbay. Maguguniguni natin sina Abram at Sarai na nakasakay sa kamelyo o kaya’y naglalakad. Sumasabay sa kanilang kuwentuhan ang tunog ng mga kuliling na nakasabit sa mga hayop. Nang maglaon, kahit ang di-sanay na mga manlalakbay na iyon ay nasanay rin sa pagtatayo at pagkakalas ng tolda at sa pagtulong kay Tera na sumakay sa kamelyo o asno. Patuloy silang naglakbay patungong hilagang-kanluran, na binabaybay ang gilid ng Ilog Eufrates.
15 Sa wakas, matapos ang 960-kilometrong paglalakbay, narating nila ang mga kubong hugis-bahay-pukyutan sa Haran, isang maunlad na lunsod sa salubungang-daan ng mga ruta ng kalakalan sa Silangang-Kanluran. Huminto sila roon at nanirahan doon nang ilang panahon. Marahil napakahina na ni Tera para maglakbay pa.
16, 17. (a) Anong tipan ang ikinatuwa ni Abram? (b) Paano pinagpala ni Jehova si Abram noong naninirahan siya sa Haran?
16 Nang maglaon, namatay si Tera sa edad na 205. (Gen. 11:32) Sa panahong iyon ng pagdadalamhati, lubhang naaliw si Abram nang muling makipag-usap sa kaniya si Jehova. Inulit niya ang tagubiling ibinigay niya sa Ur, at pinalawak niya ang kaniyang mga pangako. Si Abram ay magiging “isang dakilang bansa,” at pagpapalain ang lahat ng pamilya sa lupa dahil sa kaniya. (Basahin ang Genesis 12:2, 3.) Ikinatuwa ni Abram ang tipang ito sa pagitan niya at ng Diyos kaya nagpatuloy siya sa paglalakbay.
17 Pero sa pagkakataong ito, mas marami na silang dala dahil pinagpala ni Jehova si Abram noong naninirahan siya sa Haran. Binabanggit sa ulat “ang lahat ng pag-aari na kanilang natipon at ang mga kaluluwa na kanilang kinuha sa Haran.” (Gen. 12:5) Para maging isang bansa, kailangan ni Abram ng materyal na kayamanan at mga lingkod—isang malaking sambahayan. Hindi laging pinayayaman ni Jehova ang kaniyang mga lingkod, pero ibinibigay niya sa kanila ang anumang kailangan nila para magawa ang kaniyang kalooban. Taglay ang mga paglalaang iyon, nagpatuloy si Abram at ang buong pangkat sa paglalakbay patungo sa isang lugar na hindi nila alam kung saan.
18. (a) Kailan naganap ang isang napakahalagang pangyayari sa kasaysayan ng pakikitungo ng Diyos sa kaniyang bayan? (b) Ano pang mahahalagang pangyayari ang naganap sa petsang Nisan 14 nang maglaon? (Tingnan ang kahong “Isang Napakahalagang Petsa sa Kasaysayan ng Bibliya.”)
18 Pagkaraan ng ilang araw na paglalakbay mula sa Haran, nakarating sila sa Carkemis, kung saan karaniwang tinatawid ng mga manlalakbay ang Eufrates. Marahil dito naganap ang isang napakahalagang pangyayari sa kasaysayan ng pakikitungo ng Diyos sa kaniyang bayan. Maliwanag na noong ika-14 na araw ng buwan na nang maglaon ay tinawag na Nisan, taóng 1943 B.C.E., tinawid ni Abram at ng kaniyang pangkat ang ilog na iyon. (Ex. 12:40-43) Nasa timog ang lupaing ipinangako ni Jehova na ipakikita kay Abram. Nang araw na iyon, nagkabisa ang tipan ng Diyos kay Abram.
19. Ano ang binanggit sa pangako ni Jehova kay Abram, at ano ang maaaring naalaala ni Abram?
19 Naglakbay si Abram patimog sa lupain, at tumigil ang pangkat malapit sa malalaking punungkahoy ng More, malapit sa Sikem. Doon, minsan pang nakipag-usap si Jehova kay Abram. Sa pagkakataong ito, binanggit sa pangako ng Diyos ang binhi, o supling, ni Abram, na magmamay-ari ng lupain. Naalaala kaya ni Abram ang hulang binigkas ni Jehova sa Eden, na bumanggit sa isang “binhi,” o supling, na balang-araw ay magliligtas sa sangkatauhan? (Gen. 3:15; 12:7) Posible. Bagaman hindi ganoon kalinaw, maaaring ngayon niya naunawaan na bahagi siya ng dakilang layunin ni Jehova.
20. Paano ipinakita ni Abram na pinahalagahan niya ang pribilehiyong ipinagkaloob sa kaniya ni Jehova?
20 Lubos na pinahalagahan ni Abram ang pribilehiyong ipinagkaloob sa kaniya ni Jehova. Habang nililibot ni Abram ang lupain—tiyak na nag-ingat siya dahil nakatira pa roon ang mga Canaanita—huminto siya at nagtayo ng mga altar para kay Jehova, una ay malapit sa malalaking punungkahoy ng More, pagkatapos ay malapit sa Bethel. Tumawag siya sa pangalan ni Jehova, malamang na para taos-pusong magpasalamat sa kaniyang Diyos habang pinag-iisipan ang kinabukasan ng kaniyang mga supling. Maaaring nangaral din siya sa mga Canaanitang nakatira sa malapit. (Basahin ang Genesis 12:7, 8.) Siyempre pa, mapapaharap si Abram sa malalaking hamon na susubok sa kaniyang pananampalataya. Mabuti na lang, hindi tumingin si Abram sa likuran, sa tahanan at kaalwanang iniwan niya sa Ur. Nakatingin siya sa unahan. Sinasabi sa Hebreo 11:10 tungkol kay Abram: “Hinihintay niya ang lunsod na may tunay na mga pundasyon, na ang tagapagtayo at maygawa ng lunsod na ito ay ang Diyos.”
21. Kumpara kay Abram, ano ang alam natin tungkol sa Kaharian ng Diyos, at napakikilos ka nito na gawin ang ano?
21 Kumpara kay Abram, mas marami tayong alam ngayon tungkol sa makasagisag na lunsod na iyon—ang Kaharian ng Diyos. Alam natin na ang Kaharian ay namamahala na sa langit at malapit na nitong wakasan ang sistemang ito ng mga bagay, at alam natin na ang malaon nang ipinangakong Binhi ni Abram, si Jesu-Kristo, ay nagpupuno na ngayon sa Kahariang iyon. Pribilehiyo nga natin na makita kapag binuhay-muli si Abraham at lubusan na niyang mauunawaan ang layunin ng Diyos na dati’y di-gaanong malinaw sa kaniya! Gusto mo bang makitang tinutupad ni Jehova ang lahat ng kaniyang pangako? Kung gayon, patuloy mong gawin ang ginawa ni Abram. Magpakita ng mapagsakripisyong saloobin, maging masunurin, at pahalagahan ang mga pribilehiyong ipinagkakaloob ni Jehova sa iyo. Kung tutularan mo ang pananampalataya ni Abram, na “ama ng lahat niyaong may pananampalataya,” sa diwa, siya ay magiging ama mo rin!
a Nang maglaon, pinalitan ng Diyos ang pangalan ni Abram at ginawang Abraham, nangangahulugang “Ama ng Karamihan.”—Gen. 17:5.
b Si Abram din ay madalas banggitin nang una sa mga anak na lalaki ni Tera, bagaman hindi siya ang panganay.
c Nang maglaon, pinalitan ng Diyos ang pangalan ni Sarai at ginawang Sara, nangangahulugang “Prinsesa.”—Gen. 17:15.
d Kinukuwestiyon ng ilang iskolar kung nag-aalaga na ng kamelyo noong panahon ni Abram. Pero walang saligan ang gayong pagtutol. Maraming beses na binabanggit sa Bibliya na may mga kamelyo si Abram.—Gen. 12:16; 24:35.