Ang Inyo Bang Tahanan ay Isang Dako ng Kapahingahan at Kapayapaan?
“Ipagkaloob nawa ni Jehova na kayo’y makasumpong ng isang dakong-kapahingahan bawat isa sa inyo sa bahay ng kaniyang asawa.”—RUTH 1:9.
1. Mga 3,000 taon na ang lumipas, sinong tatlong babae ang naglakbay patungong Juda?
MGA 3,000 taon na ang lumipas, tatlong babae ang naglakbay sa gitna ng malaking panganib. Sila’y daraan sa mga lugar na karaniwan nang pinamumugaran ng mga magnanakaw at desperadong mga lalaki. Ang mga babae ay daraan sa baku-bakong lupain ng Moab. Ang pinakamatanda ay ang biyudang si Naomi, na disididong makarating sa Bethlehem sa kaniyang minamahal na lupain, ang Juda. Kapiling niya ang dalawang nakababatang mga biyuda, si Orpa at si Ruth, mga babaeng Moabita na naging asawa ng yumaong mga anak na lalaki ni Naomi na sina Chilion at Mahlon. Pakinggan ninyo!
2. Ano ang hangarin ni Naomi ukol kay Orpha at kay Ruth?
2 “Kayo’y yumaon,” ang sabi ni Naomi, “bumalik ang bawat isa sa inyo sa bahay ng kaniyang ina. Magpakita nawa sa inyo si Jehova ng maibiging-awa, gaya ng ipinakita ninyo sa mga lalaking ngayo’y patay na at sa akin.” At ano ang ipinahayag ni Naomi na isa pang hangarin niya? “Ipagkaloob nawa ni Jehova,” aniya, “na kayo’y makasumpong ng isang dakong-kapahingahan bawat isa sa inyo sa bahay ng kaniyang asawa.” (Ruth 1:8, 9) Oo, pinayuhan ni Naomi ang kaniyang mga manugang na magbalik sa kanilang bayan, sa pag-asang doon ay pagkakalooban ng Diyos ang bawat isa sa kabataang babaeng ito ng kapahingahan at kaaliwan bunga ng pagkakaroon nila ng mabuting asawa at tahanan.
3. Ano ang naging paninindigan ni Ruth, at ano ang naging resulta sa wakas?
3 Si Orpa ay umalis, subalit ang tapat na si Ruth ay nagpaiwan. Palibhasa’y hindi niya ibig na iwanan ang kaniyang biyanan, si Ruth ay matatag na nagpasiya: “Ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Diyos ay aking Diyos.” Sa wakas ano ang resulta? Aba, si Ruth ay nakasumpong ng isang tahanan ng kapahingahan at kapayapaan kapiling si Boaz at pinagkalooban siya ng “isang lubos na gantimpala”! Siya’y naging isang ninuno ni Haring David at ng kaniyang walang katulad na Panginoon, si Jesu-Kristo.—Ruth 1:16; 2:12; 4:13-22; Awit 110:1; Mateo 1:1-6.
4. Anong pumupukaw-kaisipang tanong ang ibinabangon?
4 Hinangad ni Naomi na bigyan ni Jehova ang bawat isa sa kaniyang mga manugang ng kaloob na isang matiwasay na pag-aasawa at isang tahanan ng kapahingahan at kapayapaan. Tiyak iyan, ibig ng Diyos na ang buhay na pantahanan ng kaniyang mga lingkod ay maging matahimik. Kung ikaw ay isang Saksi ni Jehova, kung gayon, ang iyo bang tahanan ay isang dako ng kapahingahan at kapayapaan?
Pagpili ng Tamang Kabiyak
5. Kung ikaw ay isang Kristiyanong walang-asawa na nagbabalak mag-asawa, ano ang unang hakbang tungo sa pagkakaroon ng isang tahimik na buhay sa tahanan?
5 Kung ikaw ay isang Kristiyanong walang-asawa na nagbabalak mag-asawa, tiyak na umaasa kang magkaroon ng isang tahimik na buhay sa tahanan. Ang unang hakbang tungo sa layuning iyan ay nililiwanag ni apostol Pablo, nang sumulat: “Nakatali ang babae sa kaniyang asawa habang nabubuhay ito. Ngunit kung mahimbing sa kamatayan ang kaniyang asawa, malaya siyang mag-asawa sa sinumang nais niya, ngunit sa nasa Panginoon lamang.”—1 Corinto 7:39.
6. (a) Ano ang ibig sabihin ng ‘mag-asawa sa nasa Panginoon lamang’? (b) Anong mga tanong ang dapat pag-isipan ng sinumang naghahanap ng mapapangasawa? (c) Bakit ang dapat piliin ng isa kalakip ng panalangin ay isang bautismadong mapapangasawa?
6 Ang ibig sabihin ng ‘pag-aasawa sa nasa Panginoon lamang’ ay yaong pag-aasawa tanging sa isang kapananampalataya lamang. Subalit ang isang Kristiyano ay di-dapat magmadali ng pag-aasawa, kahit na sa isang taong nag-alay kay Jehova. Ang tao kayang iyon ay talagang ‘humahanap ng katuwiran at kaamuan’? (Zefanias 2:3) Siya kaya ay naglilingkod sa Diyos nang buong puso? Ang tao bang iyon ay nagsasalita buhat sa isang pusong punô ng maibiging pagpapahayag ng papuri kay Jehova? Ang ministeryo ba sa larangan ay isang regular at mahalagang bahagi ng buhay ng taong iyon? Siya ba ay may kinakailangang kuwalipikasyon para sa ministeryo at para sa pag-aasawa bilang Kristiyano? Oo, kahit na ang isang bautismadong kabiyak ay dapat na piliin nang buong kapantasan, may kalakip na panalangin. Hangga’t maaari, tiyakin na ang sumasampalataya ay may maiinam na katangian sa espirituwal. Sa ganiyang pag-aasawa ay naiiwasan ang gumagambala-ng-kapayapaang kaigtingan at dalamhati na kalimita’y umiiral sa mga sambahayang baha-bahagi dahil sa relihiyon.
7. Para sa pagtatamo ng pinakamalaking kaligayahan sa pag-aasawa, ano ang kailangan?
7 Ang emosyonal na pangangailangan ay matutugunan at maaaring sa espirituwal na mga bagay ay maghati ang dalawang nag-alay na mag-asawang Kristiyano. Ang resulta nito’y ang pinakamatalik na buklod na posibleng makamit ng tao. Tiyak na ang Kristiyanong mga lalaki at mga babae ay naghahangad ng matalik na pagkabuklod sa kani-kanilang kabiyak. Ang mga tao ay nilalang na taglay ang simbuyo ng damdamin na sumamba, at ang pinakamalaking kaligayahan natin ay resulta ng paggawa natin ng mga wastong hakbang upang mabigyang-kasiyahan ang ating espirituwal na pangangailangan. (Mateo 5:3) Sa pagkatanto nito, tiyak na hindi natin ibig na sumuway kay Jehova sa pamamagitan ng pag-aasawa ng isang di-kapananampalataya at sa gayo’y iniwawala ang espirituwal na pagkakaisang ito na lalong nagpapaligaya sa pag-aasawa. (Deuteronomeo 7:3, 4) Oo, para magkaroon ng pinakamalaking kaligayahan sa pag-aasawa, tiyakin na ang Diyos ay nasa inyong pag-aasawa. Ang gayong makasagisag na “panaling tatlong-ikid ay hindi madaling napapatid.” (Eclesiastes 4:12) Tunay, kung ang Diyos na Jehova ay nasa inyong pag-aasawa iyon ay titibay at tutulong upang ang inyong tahanan ay maging isang dako ng kapahingahan at kapayapaan.
Payo na Nagpapaunlad ng Kapayapaan sa Tahanan
8. Para sa Kristiyanong may-asawa na, anong payo ang lalo nang kapuri-puri?
8 Sa mga Kristiyanong may asawa na, ano ang kailangan upang ang isang tahanan ay maging isang dako ng kapahingahan at kapayapaan? Mangyari pa, maraming bagay, ngunit ang lalo nang kapuri-puri ay ang payo ni Pablo sa Efeso 5:21-33. Totoo, ang isang lalaki o isang babae ay baka ang mga salitang yaon ang gamitin upang patingkarin ang mga kahinaan ng kaniyang kabiyak. Subalit anong higit na kabutihan na magtutok ng pansin sa payo na masusumpungan diyan upang maikapit mo nang personal!
9. Anong payo ang ibinigay ni Pablo para sa mga Kristiyanong asawang lalaki?
9 Kung ikaw ay isang lalaking Kristiyano na may-asawa, ang personal na pagkakapit ng payo ni Pablo ay tutulong upang ang inyong tahanan ay maging isang dako ng kapahingahan at kapayapaan. Ang payo ng apostol: “Mga lalaki, patuloy na ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa, kung paano inibig din ni Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili alang-alang doon.” Sinabi rin ni Pablo: “Dapat ibigin ng mga lalaki ang kani-kanilang asawa tulad ng sarili nilang katawan. Ang umiibig sa asawa niya ay umiibig sa sarili niya, sapagkat wala pang lalaking napoot sa sarili niyang laman; kundi pinakakain niya ito at inaalagaan ito, tulad din ng Kristo sa kongregasyon. . . Bawat isa sa inyo’y umibig sana sa kaniyang asawa tulad ng sa sarili.” Ang isang lalaki’y dapat ‘umibig sa kaniyang asawa tulad ng sa sarili niya’—na para bang ito’y siya mismo. Anong paka-angkop-angkop nga nito, yamang ‘ang dalawa’y naging isang laman’!—Genesis 2:24.
10. Sa liwanag ng 1 Timoteo 5:8, ano ang pananagutan ng isang Kristiyanong asawang lalaki?
10 Ang isang lalaking umiibig sa kaniyang asawa na gaya ng pag-ibig niya sa kaniyang sarili ay mangunguna sa espirituwal na mga bagay. Siya’y may pananagutan tungkol sa situwasyon na umiiral sa kaniyang pamilya at hindi niya wastong mapapayagang tumakbo nang paganun-ganoon lamang ang mga bagay, wika nga. Hindi, kundi kailangang pangalagaan niyang mainam ang materyal at espirituwal na kapakanan ng buong sambahayan. “Tunay,” sabi ni Pablo, “kung ang sinuman ay hindi naglalaan para sa mga sariling kaniya, at lalo na para sa kaniyang sariling sambahayan, kaniyang itinakuwil ang pananampalataya at lalong masama kaysa isang taong walang pananampalataya.”—1 Timoteo 5:8.
11. Anong payo ang ibinigay ni Pablo sa mga may-asawang babaing Kristiyano?
11 Ang isang may-asawang babaing Kristiyano ay malaki ang magagawa upang ang tahanan ay gawing isang dako ng kapahingahan at kapayapaan. Para sa mga babaing may-asawa, ganitong kinasihang payo ang ibinibigay ni Pablo: “Ang mga babae ay pasakop sa kani-kanilang asawa gaya sa Panginoon, sapagkat ang lalaki ang ulo ng kaniyang asawa gaya ng Kristo na siya ring ulo ng kongregasyon, yamang siya ang tagapagligtas ng katawang ito. Sa katunayan, kung paanong ang kongregasyon ay nagpapasakop sa Kristo, gayundin na ang mga babae ay pasakop sa kani-kanilang asawa sa lahat ng bagay . . . . Dapat taimtim na igalang ng babae ang kaniyang asawa.” (Efeso 5:22-24, 33) Ang ‘taimtim na paggalang’ na ito ay tumutulong upang gawin ang tahanan na isang dako ng kapahingahan at kapayapaan. Tiyak, malaki ang ipinagkakaiba nito sa saloobin ng napakaraming makasanlibutang mga asawang babae na may malasarili, naghahamong saloobin na gumagambala at gumugulo sa isang tahanan.
12. Paano dapat makitungo sa isa’t isa ang Kristiyanong mga mag-asawa?
12 Ang Kristiyanong mga mag-asawa ay kailangang kumilos sa mga paraan na nagpapaunlad ng pag-ibig at paggalang. Ang lalaki ay dapat na maging makonsiderasyon, mapagmahal, may gulang sa espirituwal. At ang babae ay dapat na may takot sa Diyos, nakikipagtulungan, kaibig-ibig. Hindi mahirap makita kung paanong ang ganiyang mga saloobin ay tutulong upang gawing isang dako ng kapahingahan at kapayapaan ang isang tahanan.
Huwag “Bigyang-Daan Man ang Diyablo”
13. Ano ang payo na ibinibigay ni Pablo sa Efeso 4:26, 27?
13 Palibhasa’y di-sakdal ang mga tao, baka hindi madali na mapanatili ang isang mapayapang tahanan. Halimbawa, dahil sa panlabas na mga kagipitan baka ang resulta’y kaigtingan na mag-aalis ng kapayapaan sa tahanan. Subalit ang pagkakapit ng payo ni Pablo sa Efeso 4:26, 27 ay makatutulong sa ikatatahimik ng ating mga tahanan. Sumulat si Pablo: “Kayo’y magalit subalit huwag magkakasala; huwag lubugan ng araw ang inyong galit, ni bigyang-daan man ang Diyablo.” Kahit na kung may katuwirang magalit paminsan-minsan ang asawang lalaki o ang asawang babae, huwag lang ninyong payagan na ang ganitong pagkagalit ay maging isang kasalanan sa pamamagitan ng pananatiling galit at pagtatanim ng pagkapoot. Sana’y huwag nating payagang ang magnanakaw ng kapayapaan, si Satanas na Diyablo, ay nakawan ng kapayapaan ang ating mga tahanang Kristiyano!—1 Pedro 5:8.
14. Kung ang isang problema ay lumikha ng kaunting di-pagkakaunawaan, ano ang iminumungkahi upang maisauli ang kapayapaan ng tahanan?
14 Mangyari pa, para sa kapayapaan sa tahanan, bawat isa sa mag-asawa ay kailangang magkapit ng payo ng Bibliya. Kung sakaling isang problema ang sanhi ng mga ilang di-pagkakaunawaan, ang magkasamang pananalangin para pagkalooban ng espiritu ng Diyos ay maaaring magbunga ng pagpapakita ng bunga nito at ng pagsasauli ng kapayapaan sa tahanan. (Lucas 11:13; Galacia 5:22, 23) Oo, kahit na sa ilalim ng pinakamahihirap na kalagayan, ang ganitong hakbangin ay tutulong upang ang tahanan ay gawing isang dako ng kapahingahan at kapayapaan.
Ang Bahagi ng mga Bata sa Kapayapaan ng Pamilya
15. Paano makatutulong ang mga bata upang mapairal ang kapayapaan sa pamilya?
15 Ang mga bata man, ay makatutulong upang mapairal ang kapayapaan sa pamilya. Paano? Sa pamamagitan ng pagpapakita ng isang masunurin at matulunging saloobin. Ang gayong saloobin ay depende nang malaki sa turo sa Kasulatan na tinatanggap nila at sa paraan ng pagganap ng isang magulang na Kristiyano ng kaniyang indibiduwal na bahagi bilang isang guro. Ang isang bahagi ng mahalagang pagsasanay na ito ay ang pagpapakita ng tamang halimbawa bilang mga magulang. Gaya ng angkop na ipinapayo ng Kawikaan 22:6: “Sanayin mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran; kahit tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan.” Dahil sa mabuting pagkasanay at magandang halimbawang ipinakikita ng magulang, karaniwan nang ang mga anak ay hindi hihiwalay sa tamang daan. Subalit, mangyari pa, malaki ang depende sa kahusayan at lawak ng pagsasanay, at gayundin sa puso ng bata.
16. Anong halimbawa ng pagsasanay sa anak ang ipinakita sa kaso ni Timoteo?
16 Pasimulang sanayin ang inyong mga anak sa kanilang espirituwalidad habang sila’y musmos na musmos pa. Ganiyan ang ginawa kay Timoteo, sapagkat ipinayo sa kaniya ni Pablo: “Magpatuloy ka sa mga bagay na iyong natutuhan at naakay ka na paniwalaan, yamang nalalaman mo kung kanino mo natutuhan ang mga iyon at mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan, na nakapagpapadunong sa iyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya na may kaugnayan kay Kristo Jesus.” (2 Timoteo 3:14, 15) Oo, si Timoteo ay ‘naakay na maniwala’ sa mga katotohanan ng Kasulatan. Ang ginamit dito ay isang salitang Griego na nangangahulugang “matatag na mapapaniwala; mabigyang-katiyakan” ang isang bagay. (New Thayer’s Greek-English Lexicon, pahina 514) Ang ‘matatag na paniniwala’ na iyan ay nangangailangan ng matinding pagsisikap ng Kristiyanong ina ni Timoteo, si Eunice, at ang kaniyang lola, si Loida. Sila’y nagtagumpay ng pagtuturo kay Timoteo ng ‘pananampalatayang walang paimbabaw,’ bagaman marahil ang kaniyang ama ay di-sumasampalataya. (2 Timoteo 1:5) Ikaw ba ay gumagawa upang mapaunlad sa iyong mga anak ang ganiyan ding pananampalataya?
17. Ano ang nagpapatotoo na ang isang tao ay maaaring turuan mula sa pagkasanggol?
17 Si Timoteo ay tinuruan ng Kasulatan mula sa pagkasanggol. Kung gayon, huwag hamakin ang kakayahan ng isang bata na matuto. Nag-ulat ang The New York Times na sang-ayon sa isang pag-aaral, “doble ang dami ng mga sinaptikong koneksiyon—mga lugar na kung saan ang tulad-punungkahoy na mga sanga ng mga selula ng utak ay nagkakatagpu-tagpo—sa mga ilang lugar sa mga utak ng mga bata kaysa doon sa mga maygulang na.” Kahit na ang musmos na musmos na mga bata ay maaaring matuto tungkol sa kung ano ang mabuti at kung ano ang masama, nakalulugod, o masaklap. Sa kaniyang aklat na The Brain, si Richard M. Restak, M.D., ay nagsasabi: “Sa lahat ng nabubuhay na mga organismo, ang mga alaala ay maaaring ingatan sa loob ng utak ayon sa kanilang kahalagahan para sa kaligtasan. Ang isang hayop ay ‘nakatatanda’ ng kaniyang kaaway at nagkukubli sa unang palatandaan na palapit ang kaaway na iyon. Ang mga alaala ay naiingatan din nang nagkakasuwa-suwato ayon sa tindi ng emosyonal na mga karanasan. Pagka tayo’y mga bata, hindi kailangang pagsabihan tayo nang paulit-ulit na huwag hihipo sa isang mainit na kalan.” Kung sa bagay, marami pa ang dapat na matutuhan tungkol sa pag-andar ng utak, ngunit ang bata ay maaaring matuto sa pamamagitan ng karanasan. Halimbawa, kahit na sa napakaagang-edad, ang isang bata ay maaaring turuan na maupong tahimik pagka nasa mga pulong-Kristiyano.
18. Sa Efeso 6:1-4, anong payo ang ibinigay ni Pablo sa mga anak at mga magulang?
18 Habang nagkakaedad ang mga bata, sa progresibong paraan ay maaari silang matuto ng espirituwal na mga bagay. Kabilang sa iba pang mga bagay, maaari nilang matutuhan na inaasahan ng Diyos na sila’y susunod sa kanilang mga magulang. Kailangan dito ang mahigpit ngunit maibiging pagsasanay na kailangang gawin ng mga magulang, sapagkat sumulat si Pablo: “Mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang na nasa Panginoon, sapagkat ito’y matuwid: ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina’; na siyang unang utos na may pangako: ‘Upang mapabuti ka at mabuhay ka nang matagal sa lupa.’ At kayong mga ama, huwag ninyong ipamungkahi sa galit ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efeso 6:1-4) Ang masunuring mga anak ay nakatutulong nang malaki upang gawin ang tahanan na isang dako ng kapahingahan at kapayapaan.
19. Ano ang makapagpapatibay sa buklod sa pagitan ng magulang at mga anak?
19 Subalit ano ang makapagpapatibay ng buklod sa pagitan ng magulang at ng anak? Ang magkasamang pagbabasa nila ng Bibliya at babasahing Kristiyano ang tiyak na makatutulong upang makamit ito. Ang gayong mga lathalain tulad baga ng Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya at Pakikinig sa Dakilang Guro ang lalo nang malaki ang naitutulong sa mga bata. Pagka nagbabasa ng Bibliya at sa mga ibang panahon, idiniriin ang pag-ibig sa Diyos. Samantalang kumakain sa hapag, magsalita ng mga papuri kay Jehova bilang ang Dakilang Tagapaglaan. Pagka naglalakbay na kasama ng inyong mga anak, banggitin na ang Diyos ang may likha ng kamangha-manghang mga paglalang—mga halaman, bulaklak, punungkahoy, kabundukan, ilog, loók at mga hayop. Samantalang nagsasagawa ng ministeryo sa larangan, samantalahin ang pagkakataon na magsalita tungkol sa pag-ibig ng Diyos. Sa araw-araw, tulungan ang inyong mga anak na lumago sa pag-ibig kay Jehova bilang isang persona. Mangyari pa, upang maabot ninyo ang puso ng inyong anak, ang gayong pag-ibig ay kailangang nasa inyong sariling puso.—Deuteronomeo 6:4-7.
20. Gaanong kahalaga ang wastong disiplina?
20 Huwag kalilimutan na ang disiplina ay mahalaga. Pagka wastong ikinapit at tinanggap, “ito’y namumunga ng bungang mapayapa, samakatuwid nga, ang katuwiran.” (Hebreo 12:11) At ang mga anak na matalinong tumatanggap sa ginagawang pagdisiplina sa kanila ng mga magulang nila ay nagdadala sa pamilya ng kagalakan at karangalan at itinataguyod ang mabuting pangalan nito. (Kawikaan 10:1; 13:1; 23:24, 25) Oo, sa pagganap sa kanilang bahagi ayon sa iniaatang sa kanila ng Kasulatan, ang mga magulang at mga anak ay tumutulong upang gawin ang kanilang tahanan na isang dako ng kapahingahan at kapayapaan.
Panatilihin na Isang Dako ng Kapahingahan at Kapayapaan ang Tahanan
21. Sang-ayon sa Kawikaan 24:3, 4, paanong ang isang tahanan ay mapananatiling isang dako ng kapahingahan at kapayapaan?
21 Paanong ang isang tahanan ay mapananatili na isang dako ng kapahingahan at kapayapaan? Ang sabi ng isang kawikaan: “Sa karunungan ay matatayo ang bahay, at sa pamamagitan ng unawa ay matatag na matatayo. At sa pamamagitan ng kaalaman ang mga silid ay mapupuno ng lahat ng mahalaga at nakalulugod na mga kayamanan.” (Kawikaan 24:3, 4) Sa pamamagitan ng kaalaman at pagtatrabaho ng isang masipag na pamilya, ang isang tahanan ay maaaring mapuno ng maiinam na materyal na mga bagay. Subalit ang isang sambahayan ay maaaring maitayo at maitatag sa matibay na pundasyon tangi lamang kung ang mga miyembro ay nagpapakita ng unawa at gumagamit ng maka-Diyos na karunungan at ikinakapit nang wasto ang kaalaman sa Kasulatan. Oo, pinatitibay ng karunungan ang isang pamilya at pinapangyayaring magtamasa ito ng matagumpay na buhay bilang isang yunit.
22. Ano ang resulta ng pagkakapit ng mga turo ng Diyos?
22 Kapayapaan ang resulta ng pagkakapit ng mga turo ng Diyos sa isang sambahayan, sapagkat sa mga Israelita ay sinabi: “Ako, si Jehova ang iyong Diyos, na Siyang nagtuturo sa iyo ng mapakikinabangan, na Siyang pumapatnubay sa iyo sa daan na iyong dapat lakaran. Oh, kung sana’y talagang magbibigay-pansin ka sa aking mga utos! Kung magkagayo’y magiging gaya ng isang ilog ang iyong kapayapaan, at ang iyong katuwiran ay gaya ng mga alon ng dagat.” (Isaias 48:17, 18) Kung gayon, harinawang ang makalangit na karunungan ang ikapit ng lahat ng maka-Diyos na mga asawang lalaki, asawang babae, at mga anak. Kung magkagayon, ang ating mga tahanan ay laging magiging mga dako ng kapahingahan at kapayapaan.
Natatandaan Mo Ba?
□ Para sa pagkakaroon ng isang tahimik na buhay sa tahanan, anong pagpili ang dapat gawin kung ang isang Kristiyano ay wala pang asawa ngunit nagbabalak mag-asawa?
□ Sang-ayon sa Efeso 5:21-23, ano ang kailangang gawin ng mga mag-asawa upang magkaroon ng kapayapaan ang tahanan?
□ Paanong ang pagkakapit ng payo sa Efeso 4:26,27 ay tutulong upang ang tahanan ay gawing isang dako ng kapayapaan?
□ Paanong ang mga bata ay makatutulong upang magkaroon ng kapayapaan sa pamilya?
□ Paano natin mapananatiling mga dako ng kapahingahan at kapayapaan ang ating mga tahanan?
[Larawan sa pahina 17]
Ang mga Kristiyanong mag-asawa ay kailangang kumilos ayon sa paraan na magpapairal ng pag-ibig at paggalang
[Larawan sa pahina 18]
Si Timoteo ay tinuruan ng mga katotohanan ng Diyos mula pa sa pagkasanggol. Tinuturuan mo ba ang iyong mga anak na lumago sa kaalaman at pag-ibig kay Jehova?