RUTH, AKLAT NG
Ang aklat na ito ng Bibliya ay isinunod sa pangalan ng isa sa mga pangunahing tauhan nito, si Ruth na Moabita. Ipinakikita ng salaysay kung paanong si Ruth ay naging isang ninuno ni David sa pamamagitan ng pagpapakasal kay Boaz, kahalili ng kaniyang biyenang si Noemi, sa ilalim ng kaayusang pag-aasawa bilang bayaw. Itinatampok ng ulat ang pagpapahalaga, pagkamatapat, at pagtitiwala kay Jehova na ipinakita nina Boaz, Noemi, at Ruth.—Ru 1:8, 9, 16, 17; 2:4, 10-13, 19, 20; 3:9-13; 4:10.
Maliban sa talaan ng angkan (Ru 4:18-22), ang mga pangyayaring inilahad sa aklat ng Ruth ay sumaklaw ng isang yugto na mga 11 taon noong panahon ng mga Hukom, bagaman hindi sinasabi nang eksakto kung kailan naganap ang mga ito sa loob ng yugtong iyon.—Ru 1:1, 4, 22; 2:23; 4:13.
Kinikilala ng tradisyong Judio na si Samuel ang sumulat ng aklat, at kaayon naman ito ng panloob na katibayan. Yamang nagtapos sa talaangkanan ni David ang ulat, ipinahihiwatig nito na alam ng manunulat ang layunin ng Diyos may kaugnayan kay David. Tumutugma ang bagay na ito kay Samuel, sapagkat siya ang nagpahid kay David upang maging hari. Samakatuwid, angkop din na gumawa si Samuel ng isang rekord ng pinagmulang angkan ni David.—1Sa 16:1, 13.
Autentisidad at Kahalagahan. Ang pagiging makasaysayan ng aklat ng Ruth ay pinatutunayan ng talaangkanan ni Jesu-Kristo na isinulat ni Mateo, kung saan kabilang sina Boaz, Ruth, at Obed sa linya ng angkan. (Mat 1:5; ihambing ang Ru 4:18-22; 1Cr 2:5, 9-15.) Bukod diyan, mahirap isipin na sasadyain ng isang manunulat na Hebreo na mag-imbento ng isang banyagang ninunong babae para kay David, na unang hari sa maharlikang linya ni Juda.
Ang ulat ng kasaysayan sa aklat ay naglalaan ng impormasyon na naglalarawan at nagbibigay-linaw sa iba pang bahagi ng Bibliya. Malinaw na ipinakikita kung paano ikinapit ang mga kautusan may kaugnayan sa paghihimalay (Lev 19:9, 10; Deu 24:19-22; Ru 2:1, 3, 7, 15-17, 23) at pag-aasawa bilang bayaw. (Deu 25:5-10; Ru 3:7-13; 4:1-13) Mababanaag ang patnubay ni Jehova sa preserbasyon ng linya ng angkan na umaakay tungo sa Mesiyas at gayundin sa pagpili ng mga indibiduwal para sa linyang iyon. Mga babaing Israelita na asawa ng isang lalaki na mula sa tribo ni Juda ang nagkaroon ng pagkakataong mapabilang sa makalupang linya ng angkan ng Mesiyas. (Gen 49:10) Yamang si Ruth, na isang babaing Moabita, ay nagtamo ng gayong pabor, inilalarawan nito ang simulaing sinabi ng apostol na si Pablo: “Nakasalalay ito, hindi sa isa na nagnanais ni sa isa na tumatakbo, kundi sa Diyos, na siyang may awa.” (Ro 9:16) Pinili ni Ruth si Jehova upang maging kaniyang Diyos at ang Israel upang maging kaniyang bayan, at dahil sa malaking awa ni Jehova, pinagkalooban niya si Ruth ng “sakdal na kabayaran” nang pahintulutan niya ito na maging isang kawing sa pinakamahalagang linya ng angkan.—Ru 2:12; 4:13-17.
[Kahon sa pahina 1033]
MGA TAMPOK NA BAHAGI NG RUTH
Isang salaysay na nagpapakita kung paanong si Ruth, isang Moabitang may takot sa Diyos, ay pinagpala ni Jehova sa pamamagitan ng pagkakaroon niya ng bahagi sa walang-patid na Mesiyanikong linya patungo kay Haring David
Ang tagpo nito ay noong panahon ng mga Hukom; malamang na natapos itong isulat noong mga 1090 B.C.E.
Ipinasiya ni Ruth na manatiling kasama ni Noemi at ng Diyos nito na si Jehova (1:1-22)
Palibhasa’y mga balong walang anak, sina Ruth at Orpa ay sumama sa kanilang biyenang si Noemi, balo ni Elimelec, nang lisanin nito ang Moab upang bumalik sa Juda
Yamang nakumbinsi ng sinabi ni Noemi na malayo na itong makapag-asawang muli, si Orpa ay umuwi
Hindi nasiraan ng loob si Ruth; sinabi niya na ang bayan ni Noemi ay magiging kaniyang bayan at ang Diyos ni Noemi ay magiging kaniyang Diyos
Nang maglaon, nakarating sina Ruth at Noemi sa Betlehem
Naghimalay si Ruth sa bukid ni Boaz (2:1–3:18)
Sa di-sinasadya, nagsimulang maghimalay si Ruth sa bukid ni Boaz, isang kamag-anak ni Elimelec, at pinagpakitaan siya nito ng lingap
Patuloy na naghimalay si Ruth sa bukid ni Boaz hanggang sa matapos ang mga pag-aani ng sebada at ng trigo
Pagkatapos, bilang pagsunod sa mga tagubilin ni Noemi, hiniling ni Ruth kay Boaz na gumanap bilang manunubos; sumang-ayon si Boaz, ngunit may isang lalaki na mas malapit na kamag-anak ni Noemi kaysa sa kaniya
Bilang manunubos, pinakasalan ni Boaz si Ruth (4:1-22)
Sa harap ng sampung matatanda ng Betlehem, inialok ni Boaz sa mas malapit na kamag-anak ang pagkakataong tubusin ang bukid ni Elimelec at magbangon ng supling para sa taong patay sa pamamagitan ng pagtupad kay Ruth ng pag-aasawa bilang bayaw
Nang tumanggi ang kamag-anak na iyon, si Boaz ang gumanap bilang manunubos
Pinagpala ang pagsasama nina Boaz at Ruth nang magsilang si Ruth ng isang anak na lalaki, si Obed, lolo ni Haring David