Tularan ang Kanilang Pananampalataya
Siya ay “Patuloy na Lumaki sa Harap ni Jehova”
TININGNAN ni Samuel ang kaniyang mga kababayan na nagtipon sa bayan ng Gilgal. Ipinatawag sila ng tapat na lalaking ito na naglingkod bilang propeta at hukom sa loob ng ilang dekada. Mga Mayo o Hunyo iyon sa kalendaryo ngayon, simula na ng tag-init. Ginintuan ang kulay ng bukid dahil panahon na ng pag-aani ng trigo. Naghari ang katahimikan sa mga tao. Paano maaabot ni Samuel ang kanilang puso?
Hindi naunawaan ng bayan kung gaano kakritikal ang kanilang sitwasyon. Gusto nilang magkaroon ng isang haring tao na mamamahala sa kanila. Hindi nila naintindihan na sa paggawa nito, sila ay nagpakita ng matinding kawalang-galang sa kanilang Diyos na si Jehova at sa kaniyang propeta. Sa diwa, itinakwil nila si Jehova bilang kanilang Hari! Paano sila mauudyukan ni Samuel na magsisi?
Sinabi ni Samuel sa bayan: “Ako ay matanda na at ubanin.” Ang kaniyang ulong may uban ay nakaragdag pa ng bigat sa kaniyang sinabi. Idinagdag niya pagkatapos: “Lumakad ako sa harap ninyo mula pa sa aking pagkabata hanggang sa araw na ito.” (1 Samuel 11:14, 15; 12:2) Bagaman matanda na si Samuel, hindi niya nakalimutan ang kaniyang kabataan. Malinaw pa iyon sa kaniyang alaala. Ang mga pasiyang ginawa niya noon habang siya’y lumalaki ay nakatulong sa kaniya na mamuhay nang may pananampalataya at debosyon sa kaniyang Diyos, si Jehova.
Laging pinatitibay ni Samuel ang kaniyang pananampalataya. Hindi niya hinayaang maimpluwensiyahan siya ng mga tao sa paligid niya na walang pananampalataya at di-tapat. Hamon din ito sa atin sa ngayon sapagkat nabubuhay tayo sa isang masamang daigdig na walang pananampalataya. Tingnan natin kung ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Samuel, simula sa kaniyang pagkabata.
“Naglilingkod sa Harap ni Jehova, Bilang Isang Bata”
Di-pangkaraniwan ang buhay ni Samuel noong bata siya. Matapos niyang maawat sa suso, marahil mga apat na taon siya noon, nagsimula siyang maglingkod sa banal na tabernakulo ni Jehova sa Shilo, mga 30 kilometro mula sa kaniyang tahanan sa Rama. Inialay siya ng kaniyang mga magulang, sina Elkana at Hana, sa pantanging uri ng paglilingkod kay Jehova—bilang isang panghabang-buhay na Nazareo.a Ibig bang sabihin nito na ipinamigay siya dahil hindi siya mahal ng kaniyang mga magulang?
Malayong mangyari iyan! Alam nilang ang kanilang anak ay pangangalagaan sa Shilo. Tiyak na aasikasuhin si Samuel ng mataas na saserdoteng si Eli, sapagkat kasa-kasama siya nito sa paglilingkod. May mga kababaihan din na naglilingkod sa tabernakulo.—Exodo 38:8.
Bukod diyan, hindi kailanman nakalimutan nina Hana at Elkana ang kanilang minamahal na panganay, na ang mismong pagsilang ay sagot sa panalangin ni Hana. Humiling siya sa Diyos ng isang anak na lalaki at nangakong iaalay ito sa banal na paglilingkod sa Diyos. Kapag dumadalaw sila taun-taon, dinadalhan ni Hana si Samuel ng bagong damit na walang manggas na tinahi niya para sa paglilingkod nito sa tabernakulo. Siguradong tuwang-tuwa ang munting batang ito sa mga pagdalaw na iyon. Tiyak na malaking tulong sa kaniya ang maibiging pampatibay-loob at patnubay ng kaniyang mga magulang habang itinuturo nila sa kaniya na isang pribilehiyo ngang maglingkod kay Jehova sa natatanging dakong iyon.
Maraming matututuhan ang mga magulang sa ngayon kina Hana at Elkana. Karaniwan nang napababayaan ng mga magulang ang espirituwal na pangangailangan ng kanilang mga anak dahil nakapokus sila sa materyal na pangangailangan ng mga ito. Pero inuna ng mga magulang ni Samuel ang espirituwal na mga bagay, at ito ang humubog sa pagkatao ng kanilang anak habang lumalaki.—Kawikaan 22:6.
Maguguniguni natin ang isang batang lumalaki na naglilibot sa mga burol sa paligid ng Shilo. Kapag pinagmamasdan niya ang bayan at ang libis na nasa ibaba, malamang na tuwang-tuwa siyang makita ang tabernakulo ni Jehova. Isa ngang banal na dako ang tabernakulong iyon.b Halos 400 taon na ang nakalilipas nang itayo ito sa pangunguna mismo ni Moises. Ito ang sentro ng dalisay na pagsamba kay Jehova sa buong daigdig.
Napamahal na kay Samuel ang tabernakulo. Nang maglaon ay isinulat niya: “Si Samuel ay naglilingkod sa harap ni Jehova, bilang isang bata, na nabibigkisan ng isang linong epod.” (1 Samuel 2:18) Ang damit na iyon na walang manggas ay maliwanag na palatandaan na si Samuel ay katu-katulong ng mga saserdote sa tabernakulo. Bagaman hindi siya nagmula sa angkan ng mga saserdote, kabilang sa mga tungkulin ni Samuel ang pagbubukas ng pinto patungo sa looban ng tabernakulo kapag umaga at pag-alalay sa may-edad nang si Eli. Pero kahit nasisiyahan siya sa paglilingkod sa tabernakulo, may bumabagabag sa kaniya. May malaking pagkakamali na nangyayari sa bahay ni Jehova.
Nanatiling Dalisay sa Kabila ng Laganap na Kasamaan
Sa murang edad, nasaksihan ni Samuel ang labis na kasamaan at katiwalian. May dalawang anak na lalaki si Eli, sina Hopni at Pinehas. Ganito ang mababasa sa ulat ni Samuel: “Ang mga anak ni Eli ay mga walang-kabuluhang lalaki; hindi nila kinikilala si Jehova.” (1 Samuel 2:12) Angkop ang pagkakalarawan sa kanila ni Samuel. Sina Hopni at Pinehas ay “mga walang-kabuluhang lalaki”—literal na nangangahulugang “mga anak na walang silbi”—sapagkat wala silang paggalang kay Jehova. Wala silang pagpapahalaga sa kaniyang matuwid na mga pamantayan at kahilingan. At dito nag-ugat ang lahat ng iba pa nilang kasalanan.
Espesipikong sinasabi ng Kautusan ng Diyos ang mga tungkulin ng mga saserdote at kung paano nila ihahandog ang mga hain sa kaniyang tabernakulo. Tama lang naman sapagkat ang mga handog na iyon ay kumakatawan sa mga paglalaan ng Diyos para sa kapatawaran ng mga kasalanan upang sang-ayunan niya ang mga tao at maging karapat-dapat sa kaniyang pagpapala at patnubay. Subalit naimpluwensiyahan nina Hopni at Pinehas ang kapuwa nila mga saserdote na magpakita ng labis na kawalang-galang sa mga handog.c
Gunigunihin ang batang si Samuel habang gulat na gulat na pinagmamasdan ang gayong pang-aabuso na hindi naitutuwid. Gaano karami ang nakita niya—mga dukha, hamak, at naaapi—na pumupunta sa banal na tabernakulong iyon at umaasang makasumpong ng espirituwal na kaaliwan at lakas, ngunit umuuwi lamang na dismayado, nasaktan, o napahiya? At ano ang nadama niya nang malaman niyang sinisipingan nina Hopni at Pinehas ang mga babaing naglilingkod sa tabernakulo anupat nilalabag ang mga kautusan ni Jehova hinggil sa seksuwal na moralidad? (1 Samuel 2:22) Marahil inaasahan niyang may gagawin si Eli upang ituwid ang mga bagay-bagay.
Si Eli ang nasa pinakamainam na posisyon upang ituwid ang lumalaking problema. Bilang mataas na saserdote, pananagutan niya kung ano ang nangyayari sa tabernakulo. Bilang ama, obligasyon niyang ituwid ang kaniyang mga anak. Tutal, sinasaktan nila ang kanilang sarili at ang marami pang iba sa lupain. Pero nabigo si Eli, kapuwa bilang ama at mataas na saserdote. Bahagya lamang niyang sinaway ang kaniyang mga anak. (1 Samuel 2:23-25) Pero mas matinding disiplina ang kailangan nila. Gumagawa sila ng kasalanang karapat-dapat sa kamatayan!
Grabe na ang sitwasyon kaya nagsugo si Jehova kay Eli ng “isang lalaki ng Diyos,” isang propetang di-pinanganlan, na may matinding mensahe ng paghatol. Sinabi ni Jehova kay Eli: “Patuloy mong pinararangalan ang iyong mga anak nang higit kaysa sa akin.” Kaya inihula ng Diyos na sabay na mamamatay ang masasamang anak ni Eli at lubhang magdurusa ang pamilya niya. Maiwawala pa nga nila ang pribilehiyong maglingkod bilang saserdote. Nagbago ba ang pamilyang ito dahil sa tinanggap nilang matinding babala? Ipinakikita ng ulat na hindi sila natinag.—1 Samuel 2:27–3:1.
Paano ito nakaapekto sa kabataang si Samuel? Makikita natin sa ulat na sa kabila ng napakasamang kalagayan, patuloy na sumusulong si Samuel habang lumalaki. Alalahanin na sinasabi sa 1 Samuel 2:18 na siya ay tapat na “naglilingkod sa harap ni Jehova, bilang isang bata.” Kahit sa murang edad, naging pangunahin sa buhay ni Samuel ang paglilingkod sa Diyos. Sa talata 21 ng kabanata ring iyon, mababasa pa natin ang isang bagay na nakaaantig-damdamin: “Ang batang si Samuel ay patuloy na lumaki sa harap ni Jehova.” Habang lumalaki siya, lalo siyang napapalapít sa kaniyang Ama sa langit. Ang gayong malapít na kaugnayan kay Jehova ang pinakamaaasahang proteksiyon sa anumang anyo ng katiwalian.
Maaari sanang ikatuwiran ni Samuel na kung nagkasala ang mataas na saserdote at ang kaniyang mga anak, puwede rin niyang gawin ang anumang gusto niya. Pero hinding-hindi maidadahilan ang katiwalian ng iba, pati na yaong mga may awtoridad, upang gumawa ng kasalanan. Maraming kabataang Kristiyano sa ngayon ang tumutulad sa halimbawa ni Samuel at patuloy na ‘lumalaki sa harap ni Jehova’—sa kabila ng masamang halimbawa ng mga nasa paligid nila.
Paano nakatulong kay Samuel ang gayong landasin? Mababasa natin: “Samantala, ang batang si Samuel ay lumalaki at nagiging higit na kaibig-ibig kapuwa sa pangmalas ni Jehova at niyaong sa mga tao.” (1 Samuel 2:26) Kaya mahal na mahal ni Jehova at ng mga tao si Samuel dahil siya ay tapat. Tiyak na alam ni Samuel na kikilos ang kaniyang Diyos laban sa lahat ng kasamaang nangyayari sa Shilo. Pero baka nagtatanong siya kung kailan.
“Magsalita Ka, Sapagkat Nakikinig ang Iyong Lingkod”
Isang gabi, nasagot ang kaniyang tanong. Madilim pa rin kahit mag-uumaga na; aandap-andap ang liwanag mula sa malaking lampara sa tolda. Sa katahimikan, narinig ni Samuel ang isang tinig na tumatawag sa kaniya. Akala niya, si Eli iyon, na napakatanda na at halos hindi na makakita. Bumangon si Samuel at “tumakbo” kay Eli. Naguguniguni mo ba ang bata na nakatapak at nagmamadali patungo kay Eli upang alamin kung ano ang kailangan nito? Nakaaantig malaman na magalang at mabait pa rin si Samuel kay Eli. Sa kabila ng lahat ng kaniyang kasalanan, si Eli pa rin ang mataas na saserdote ni Jehova.—1 Samuel 3:2-5.
Ginising ni Samuel si Eli at sinabi: “Narito ako, sapagkat tinawag mo ako.” Sinabi ni Eli na hindi niya siya tinawag at pinabalik ang bata sa higaan. Pero naulit pa ito nang dalawang beses! Sa wakas, natanto ni Eli kung ano ang nangyayari. Bihira nang magpadala si Jehova ng pangitain o makahulang mensahe sa kaniyang bayan, at alam naman natin kung bakit. Ngunit alam ni Eli na muling nakikipag-usap ngayon si Jehova sa pamamagitan ng batang ito! Sinabi ni Eli kay Samuel na bumalik sa higaan at tinuruan niya siya kung paano sasagot. Sumunod si Samuel. Di-nagtagal, narinig niya ang tinig na tumatawag: “Samuel, Samuel!” Ang bata ay sumagot: “Magsalita ka, sapagkat nakikinig ang iyong lingkod.”—1 Samuel 3:1, 5-10.
Sa wakas, may isang lingkod na si Jehova sa Shilo na nakikinig—si Samuel. Ganiyan ka rin ba? Hindi na natin kailangang hintayin ang isang tinig mula sa langit na magsalita sa atin. Sa ngayon, ang tinig ng Diyos, sa diwa, ay lagi nating naririnig. Ito ay nasa kaniyang Salita, ang Bibliya. Kung makikinig tayo sa Diyos, lalago ang ating pananampalataya, gaya ni Samuel.
Isang malaking pagbabago sa buhay ni Samuel ang naganap nang gabing iyon, sapagkat noon siya nagkaroon ng pantanging kaugnayan kay Jehova. Siya ay naging propeta at tagapagsalita ng Diyos. Noong una, takót si Samuel na sabihin ang mensahe ni Jehova kay Eli dahil ito ang huling kapahayagan na magkakatotoo ang hula laban sa pamilya nito. Pero nag-ipon ng lakas ng loob si Samuel—at mapagpakumbaba namang tinanggap ni Eli ang hatol ng Diyos. Di-nagtagal, natupad ang lahat ng sinabi ni Jehova. Nakipagdigma ang Israel sa mga Filisteo, at sina Hopni at Pinehas ay sabay na napatay. Si Eli mismo ay namatay nang malaman niyang kinuha ng kaaway ang sagradong Kaban ni Jehova.—1 Samuel 3:10-18; 4:1-18.
Sa kabila nito, patuloy na naging malinis ang reputasyon ni Samuel bilang isang tapat na propeta. “Si Jehova ay sumasakaniya,” ang sabi ng ulat. Pinangyari din ni Jehova na matupad ang lahat ng hula ni Samuel.—1 Samuel 3:19.
“Tumawag si Samuel kay Jehova”
Sumunod ba ang mga Israelita sa pag-akay ni Samuel at naging espirituwal at tapat na bayan? Hindi. Nang maglaon, nagpasiya silang ayaw na nila na isang propeta lamang ang hahatol sa kanila. Gusto nilang maging gaya ng ibang bansa at magkaroon ng haring tao na mamumuno sa kanila. Sa tagubilin ni Jehova, sumunod si Samuel. Pero kailangang malaman ng Israel ang kanilang malaking kasalanan. Hindi isang tao ang itinatakwil nila kundi si Jehova mismo! Kaya pinapunta niya ang bayan sa Gilgal.
Isipin nating kasama natin si Samuel sa maigting na sandaling iyon nang kausapin niya ang Israel sa Gilgal. Ipinaalaala ng may-edad nang si Samuel sa Israel ang kaniyang rekord ng katapatan. Pagkatapos, mababasa natin: “Tumawag si Samuel kay Jehova.” Humiling siya kay Jehova ng kulog at bagyo.—1 Samuel 12:17, 18.
Kulog at bagyo? Sa tag-init? Pambihira, hindi pa ito nangyari! Kung may nanunuya man o nag-aalinlangan sa bayan, hindi ito nagtagal. Biglang nagdilim ang kalangitan. Hinampas ng malakas na hangin ang trigo sa bukid. Dumagundong ang nakabibinging kulog. At umulan. Ano ang reaksiyon ng mga tao? “Ang buong bayan ay lubhang natakot kay Jehova at kay Samuel.” Sa wakas, natanto nila ang kanilang malubhang pagkakasala.—1 Samuel 12:18, 19.
Hindi si Samuel, kundi ang kaniyang Diyos na si Jehova, ang nakaabot sa kanilang mapaghimagsik na puso. Mula pagkabata hanggang sa pagtanda, nanampalataya si Samuel sa kaniyang Diyos. At ginantimpalaan siya ni Jehova. Hindi pa rin nagbabago si Jehova. Sinusuportahan pa rin niya ang mga tumutulad sa pananampalataya ni Samuel.
[Mga talababa]
a Ang mga Nazareo ay nasa ilalim ng panata na bawal uminom ng alak, magpagupit ng buhok, at mag-ahit ng balbas. Ang iba ay sumasailalim sa gayong panata sa loob lamang ng ilang panahon, pero ang ilan, gaya nina Samson, Samuel, at Juan Bautista, ay habang-buhay na mga Nazareo.
b Ang santuwaryo ay isang malaki at parihabang tolda na may balangkas na kahoy. Pero gawa ito sa pinakamainam na mga materyales—mga balat ng poka, magagandang tela na may burda, at mamahaling kahoy na nababalutan ng pilak at ginto. Ang santuwaryo ay itinayo sa parihabang looban na may napakagandang altar para sa mga handog. Paglipas ng panahon, malamang na nagtayo ng iba pang mga silid sa gilid ng tabernakulo para sa mga saserdote. Maaaring natulog si Samuel sa isa sa mga silid na iyon.
c Binabanggit ng ulat ang dalawang halimbawa ng kawalang-galang. Una, espesipikong sinasabi ng Kautusan kung alin sa mga bahagi ng handog ang puwedeng kainin ng mga saserdote. (Deuteronomio 18:3) Subalit iba ang ginagawa ng masasamang saserdote sa tabernakulo. Inuutusan nila ang kanilang mga tagapaglingkod na basta tusukin ng tinidor ang pinakukuluang karne sa kaldero at kunin ang anumang bahagi na makukuha nila! Isa pa, kapag dinadala ng mga tao ang kanilang handog na susunugin sa altar, tinatakot ng mga tagapaglingkod ng masasamang saserdote ang naghahandog at hihingin ang hilaw na karne bago pa man maihandog kay Jehova ang taba ng hain.—Levitico 3:3-5; 1 Samuel 2:13-17.
[Larawan sa pahina 17]
Sa kabila ng takot, may-katapatang inihatid ni Samuel ang hatol ni Jehova kay Eli
[Larawan sa pahina 18]
Taglay ang pananampalataya, nanalangin si Samuel kay Jehova at sinagot siya sa pamamagitan ng pagpapadala ng kulog at bagyo