May Pagkakasalungatan ba ang Bibliya?
MINSAN ay sumulat ang autor na si Henry Van Dyke: “Isinilang sa Silangan at binihisan ng pananalita sa anyo at talinghaga ng Oriente, ang Bibliya ay naglalakad sa mga daan ng buong daigdig na taglay ang bihasang mga paa at pumapasok sa bansa at bansa upang makarating sa lahat ng dako. Ito ay natutong mangusap sa daan-daang wika sa puso ng tao. Ang mga bata ay nakikinig sa mga kuwento nito na taglay ang panggigilalas at pagkalugod, binubulay-bulay naman ng mga taong pantas ang mga ito bilang mga talinghaga ng buhay. Ang mga balakyot at ang mga mapagmataas ay nanginginig sa dala nitong mga babala, subalit sa nangasugatan at nagsisisi ay may tinig ito ng isang ina. . . . Walang sinumang tao ang maralita o nangungulila sa kaniyang sarili kung siya’y may taglay nitong kayamanang ito.”
Ang Bibliya ay “natutong mangusap sa daan-daang wika.” Sa papaano man isa sa 66 na aklat nito ay naisalin na sa mga 1,970 wika. Milyun-milyon ang kumikilala sa Bibliya bilang isang kaloob buhat sa Diyos at binabasa ito nang may kaluguran at kapakinabangan. Subalit, sinasabi naman ng iba na ito ay maraming pagkakasalungatan at samakatuwid hindi mapanghahawakan. Ano ba ang isinisiwalat ng maingat na pananaliksik?
Gaya ng sinasabi ng larawan sa pabalat, mga tapat na tao ang ginamit ng Diyos upang sumulat ng Bibliya. Oo, ang maingat na pagsusuri sa Bibliya ay nagsisiwalat na ito’y isinulat ng mga 40 katao sa loob ng 16 na daan taon. Sila ba ay propesyonal na mga manunulat? Hindi. Sa kanila ay makasusumpong ka ng pastol, mamamalakaya, maniningil ng buwis, manggagamot, manggagawa ng tolda, saserdote, propeta, at hari. Sa kanilang mga isinulat ay malimit na bumabanggit ng mga tao at mga kaugaliang di-pamilyar sa atin sa ika-20 siglo. Sa katunayan, mismong ang mga manunulat ng Bibliya ay hindi laging nakauunawa ng kahulugan ng kanilang isinulat. (Daniel 12:8-10) Kaya hindi tayo dapat magtaka kung makabasa ng mga bagay roon na mahirap maunawaan pagka nagbabasa ng Bibliya.
Ang gayon bang mga mahirap unawain ay maaaring maunawaan? Ang Bibliya ba ay nagkakasalungatan? Upang maalaman, isaalang-alang natin ang ilang mga halimbawa.
Ang mga Ito ba ay Totoong Mahirap Unawain?
▪ Saan kinuha ni Cain ang kaniyang asawa? (Genesis 4:17)
Baka isipin ng isa na pagkatapos mapatay si Abel, walang natira rito sa lupa kundi ang kaniyang salaring kapatid na si Cain at ang kanilang mga magulang, sina Adan at Eva. Datapuwat, sina Adan at Eva ay may malaking pamilya. Sang-ayon sa Genesis 5:3, 4, si Adan ay may anak na lalaking nagngangalang Seth. Isinususog ng ulat: “Ang mga naging araw ni Adan pagkatapos na maipanganak si Seth ay walong daang taon. Samantala siya ay nagkaanak ng mga lalaki at mga babae.” Samakatuwid naging asawa ni Cain ang kaniyang kapatid na babae o marahil isa sa kaniyang mga pamangkin. Yamang ang sangkatauhan noon ay napakalapit pa sa kasakdalan ng pagkatao, ang gayong mga pag-aasawa ay maliwanag na hindi nagdulot ng panganib sa kalusugan na ngayon ay maaaring magsapanganib sa supling ng gayong pag-aasawa.
▪ Sino ang nagbili kay Jose sa Ehipto?
Ang Genesis 37:27 ay nagsasabi na ipinasiya ng mga kapatid ni Jose na ipagbili siya sa ilang Ismaelita. Subalit ang susunod na mga talata ay nagsasabi naman: “At nagsisipagdaan ang mga mangangalakal na mga Medianita. Kaya isinampa nila [ng mga kapatid ni Jose] at iniahon si Jose sa balon at ipinagbili nila si Jose sa mga Ismaelita sa halagang dalawampung piraso ng pilak. At sa wakas ay dinala nila si Jose sa Ehipto.” Si Jose ba ay ipinagbili sa mga Ismaelita o sa mga Medianita? Bueno, ang mga Medianita ay maaaring tinatawag ding mga Ismaelita, na mga kamag-anak nila sa pamamagitan ng kanilang ninunong si Abraham. O marahil ang mga mangangalakal na Medianita ay nagbibiyaheng kasama ng isang caravan na Ismaelita. Sa ano’t ano man, ang mga kapatid ni Jose ang nagbili sa kaniya, at nang bandang huli ay nasabi niya sa kanila: “Ako’y si Jose na inyong kapatid, na inyong ipinagbili sa Ehipto.”—Genesis 45:4.
▪ Ilang mga Israelita ang namatay dahil sa imoral na pakikipagtalik sa mga babaing Moabita at sa pagsamba sa Baal ng Peor?
Ang Bilang 25:9 ay nagsasabi: “Yaong mga namatay sa salot [buhat sa Diyos dahilan sa ginawa nilang kasamaan] ay umabot sa dalawampu’t apat na libo.” Gayunman, sinabi ni apostol Pablo: “Ni huwag din naman tayong makiapid, na gaya ng ilan sa kanila [ng mga Israelita sa ilang] na nakiapid, at ang nabuwal sa isang araw ay dalawampu’t tatlong libo.” (1 Corinto 10:8) Marahil ang dami ng namatay ay nasa pagitan ng 23,000 at 24,000, upang ang alinman sa bilang na iyan ay maging tama. Gayunman, sa aklat ng Mga Bilang tanging sinasabi na “lahat ng pangulo sa bayan” na kasangkot sa pagkakasalang ito ay pinaslang ng mga hukom. (Bilang 25:4, 5) Maaaring may 1,000 nitong nagkasalang mga “pangulo,” na sa kabuuan ay 24,000 kung idaragdag sa 23,000 na binanggit ni Pablo. Samantalang nagliliwanag na 23,000 ang tuwirang nabiktima ng salot na pinarating ng Diyos, lahat ng 24,000 ay nakaranas ng ipinahatid na salot ni Jehova sapagkat bawat isa sa kanila ay namatay sa ilalim ng kaniyang iginawad na hatol laban sa kanila.—Deuteronomio 4:3.
▪ Yamang si Agag ay nabuhay noong panahon ng Israelitang haring si Saul, hindi ba ang mas maagang pagtukoy ni Balaam ng isang Amalekitang hari na may gayong pangalan ay isang di-pagkakatugma?
Noong mga 1473 B.C.E., inihula ni Balaam na ang isang hari ng Israel ay magiging “lalong mataas kaysa kay Agag.” (Bilang 24:7) Walang kasunod na pagbanggit kay Agag hanggang noong paghahari ni Haring Saul (1117-1078 B.C.E.). (1 Samuel 15:8) Gayunman, hindi ito isang bagay na nagpapakita ng di-pagkakatugma, sapagkat ang “Agag” ay maaaring isang titulong makahari na nahahawig sa Faraon sa Ehipto. Posible rin na ang Agag ay isang personal na pangalan na paulit-ulit na ginagamit ng mga haring Amalekita.
▪ Sino ang nagpangyari kay David na bilangin ang mga Israelita?
Ang 2 Samuel 24:1 ay nagsasabi: “Ang galit ni Jehova ay nag-alab na muli laban sa Israel, nang may isang pumukaw kay David [o, “nang si David ay pukawin,” talababa] laban sa kanila, na nagsasabi: ‘Humayo ka, bilangin mo ang Israel at ang Juda.’ ” Subalit hindi si Jehova ang nagpakilos kay Haring David na magkasala, sapagkat ang 1 Cronica 21:1 ay nagsasabi: “Si Satanas [o, “isang manlalabag,” talababa] ay humayo upang tumindig laban sa Israel at pinukaw si David na bilangin ang Israel.” Hindi nalugod ang Diyos sa mga Israelita at sa gayon ay pinayagan si Satanas na Diyablo na dalhin sa kanila ang pagkakasalang ito. Kaya naman, sa 2 Samuel 24:1 ay mababasa na parang ang Diyos mismo ang gumawa niyaon. Kapansin-pansin, ang salin ni Joseph B. Rotherham ay kababasahan: “Ang galit ni Yahweh ay nagsiklab laban sa Israel, kaya kaniyang pinahintulutan si David na kumilos laban sa kanila na nagsasabi, Humayo ka at bilangin mo ang Israel at ang Juda.”
▪ Papaano mapagkakasuwato ang iba’t ibang bilang na ibinigay para sa mga Israelita at sa mga taga-Judea sa pagbilang ni David?
Sa 2 Samuel 24:9 ang bilang ay 800,000 Israelita at 500,000 taga-Judea, samantalang sa 1 Cronica 21:5 ang mga mandirigma ng Israel ay may bilang na 1,100,000 at ang Juda naman ay 470,000. Ang regular na nakatala upang maglingkod sa hari ay 288,000 kawal, na nahahati sa 12 grupo na 24,000, bawat grupo ay naglilingkod nang isang buwan sa isang taon. May karagdagang 12,000 tagapaglingkod sa 12 prinsipe ng mga tribo, lahat-lahat ay may kabuuang 300,000. Maliwanag na sa 1,100,000 sa 1 Cronica 21:5 ay kasali itong 300,000 na nakatala na, samantalang sa 2 Samuel 24:9 ay hindi pa. (Bilang 1:16; Deuteronomio 1:15; 1 Cronica 27:1-22) Kung tungkol sa Juda, sa 2 Samuel 24:9 ay maliwanag na kasali ang 30,000 lalaki sa isang hukbong tagapagmasid na nakahimpil sa mga hangganang Filisteo subalit hindi kasali sa bilang na nasa 1 Cronica 21:5. (2 Samuel 6:1) Kung ating natatandaan na ang 2 Samuel at ang 1 Cronica ay isinulat ng dalawang lalaki na may magkaibang pangmalas at mga layunin, madali nating mapagkakasuwato ang mga bilang.
▪ Sino ang ama ni Shealtiel?
Ipinakikita ng ilang mga teksto na si Jeconias (Haring Jehoiachin) ang likas na ama ni Shealtiel. (1 Cronica 3:16-18; Mateo 1:12) Subalit si Shealtiel ay tinawag ng manunulat ng Ebanghelyo na si Lucas na “anak ni Neri.” (Lucas 3:27) Lumalabas na ibinigay ni Neri kay Shealtiel ang kaniyang anak na babae upang maging asawa. Yamang karaniwan nang ang isang manugang na lalaki ay tinutukoy ng mga Hebreo na isang anak, lalo na sa mga talaangkanan, angkop lamang na tawagin ni Lucas si Shealtiel na anak ni Neri. Sa katulad na paraan, si Jose ay tinukoy ni Lucas na anak ni Heli, na aktuwal na ama ng asawa ni Jose, na si Maria.—Lucas 3:23.
Pinagkakasuwato ang mga Teksto Tungkol kay Jesus
▪ Buhat sa ilang lalaki pinalabas ni Jesu-Kristo ang mga demonyo na pumasok sa isang malaking kawan ng mga baboy?
Ang manunulat ng Ebanghelyo na si Mateo ay bumabanggit ng dalawang lalaki, subalit si Marcos at si Lucas ay tumutukoy sa isa lamang. (Mateo 8:28; Marcos 5:2; Lucas 8:27) Sa wari, ang pinagbuhusan ng pansin ni Marcos at ni Lucas ay isa lamang lalaking inalihan ng demonyo sapagkat si Jesus ay nakipag-usap sa kaniya at ang kaniyang kaso ay lalong litaw. Posible, na ang taong iyon ay lalong marahas o naghirap sa ilalim ng kapangyarihan ng demonyo sa loob ng mahaba-habang panahon. Pagkatapos, marahil ang taong iyan lamang ang nagnais na sumama kay Jesus. (Marcos 5:18-20) Sa isang nahahawig na situwasyon, binanggit ni Mateo ang dalawang lalaking bulag na pinagaling ni Jesus, samantalang iisa lamang ang binanggit nina Marcos at Lucas. (Mateo 20:29-34; Marcos 10:46; Lucas 18:35) Ito ay hindi sumasalungat, sapagkat talaga namang mayroong gayong tao sa papaano man.
▪ Anong kulay ang kasuutan na isinuot ni Jesus nang araw ng kaniyang kamatayan?
Sang-ayon kay Marcos (15:17) at kay Juan (19:2), si Jesus ay sinuutan ng mga kawal ng kasuutang kulay-ube. Subalit ang tawag doon ni Mateo (27:28) ay “isang kapa na matingkad na pula,” na pinatitingkad ang kapulahan niyaon. Yamang ang kulay-ube ay anumang kulay na may sangkap ng kapuwa pula at asul, sina Marcos at Juan ay nagkakaisa na ang kapa ay may mapulang kulay. Ang kinang ng liwanag at kapaligiran ay kaipala nagbigay ng naiibang tingkad ng kulay sa kasuutan, at binanggit ng mga manunulat ng Ebanghelyo ang kulay na pinakamatingkad sa kanila o doon sa pinagkunan nila ng kanilang impormasyon. Ang kaunting pagkakaiba ay nagpapakita ng kakanyahan ng mga manunulat at nagpapatunay na sila’y hindi nagkaroon ng pagsasabuwatan.
▪ Sino ang pumasan ng pahirapang tulos ni Jesus?
Si Juan (19:17) ay nagsabi: “Samantalang pasan niya ang pahirapang tulos, [si Jesus] ay lumabas upang pumaroon sa tinatawag na Dako ng Bungo, na tinatawag na Golʹgo·tha sa Hebreo.” Subalit si Mateo (27:32), si Marcos (15:21), at si Lucas (23:26) ay nagsasabi na ‘habang sila’y papalabas, si Simon na taga-Cyrene ay tinawag upang magpasan ng pahirapang tulos.’ Pinasan ni Jesus ang kaniyang pahirapang tulos, gaya ng sabi ni Juan. Gayunman, sa kaniyang pinaikling pag-uulat, hindi idinagdag ni Juan ang punto na si Simon nang bandang huli ay tinawag upang magpasan ng tulos. Sa gayon, ang ulat ng Ebanghelyo ay nagkakasuwato sa bagay na ito.
▪ Papaano namatay si Judas Iscariote?
Sa Mateo 27:5 ay sinasabi na nagbigti si Judas, samantalang sa Gawa 1:18 ay sinasabi na “sa pagpapatihulog nang patiwarik siya ay pumutok sa gitna at sumambulat ang lahat ng laman ng kaniyang tiyan.” Samantalang waring ang tinatalakay ni Mateo ay ang pamamaraan ng tinangkang pagpapatiwakal, isinasaysay naman ng Mga Gawa ang mga resulta. Lumilitaw na si Judas ay nagtali ng lubid sa sanga ng isang punungkahoy, tinalian niyaon ang kaniyang leeg, at nagbigti sa pamamagitan ng pagtalon sa isang talampas. Waring alinman sa lubid o sa sanga ng punò ang napatid kung kaya siya’y nahulog na paibaba at sumambulat ang kaniyang mga lamang-loob nang tumama sa batuhan sa ibaba. Dahil sa kapaligiran sa Jerusalem ay makatuwiran na gumawa ng gayong panghihinuha.
Papaano Mo Mamalasin ang mga Bagay-Bagay?
Kung tayo’y mapapaharap sa waring pagkakasalungatan sa Bibliya, makabubuting tantuin na kadalasan ang mga tao ay nagsasabi ng mga bagay na waring nagkakasalungatan subalit madaling maipaliwanag o maunawaan. Halimbawa, ang isang mangangalakal ay maaaring makipagtalastasan sa kaninuman sa pamamagitan ng pagdidikta ng isang liham sa kaniyang sekretaryo. Kung tinatanong, kaniyang sasabihin na siya ang nagpadala ng liham. Subalit yamang ang kaniyang sekretaryo ang nagmakinilya at naghulog sa koreo ng liham, maaari rin niyang sabihin na siya ang nagpadala niyaon. Sa katulad na paraan, hindi isang pagkakasalungatan para kay Mateo (8:5) na sabihing dumating ang isang opisyal ng hukbo upang humingi ng pabor kay Jesus, samantalang si Lucas naman (Luc 7:2, 3) ay nagsabi na ang taong iyon ay nagpadala ng mga kinatawan.
Ang binanggit na mga halimbawa ay nagpapakita na ang mga bagay na mahirap maunawaan sa Bibliya ay maaaring maipaliwanag. Samakatuwid may mabuting dahilan na magkaroon ng positibong saloobin kung tungkol sa mga Kasulatan. Ang gayong espiritu ang ipinapayo na taglayin sa mga salitang ito na nasa isang pampamilyang Bibliyang lathala ng taóng 1876:
“Ang tamang espiritu na dapat taglayin kung tungkol sa mahihirap unawain ay, alisin ang mga iyan hangga’t maaari, at mangapit at pailalim sa katotohanan, kahit na kung bawat ulap ay hindi maaaring maalis. Tularan natin ang mga halimbawa ng mga apostol, na, nang ang iba sa mga alagad ay matisod ng kanilang tinatawag na isang ‘matigas na kasabihan,’ upang talikdan si Kristo, ay nagpatahimik sa bawat pagtutol sa pamamagitan nito: ‘Panginoon, kanino pa kami paroroon? Ikaw ang may salita ng buhay na walang-hanggan at natitiyak namin na Ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buháy.’ . . . Pagka nakikita natin ang isang katotohanan na waring salungat sa isa pang katotohanan, sikapin natin na mapagtugma ang mga iyon, at ipakita ang mga ito na nagkakatugma sa lahat.”—Juan 6:60-69.
Ganiyan ba ang magiging paninindigan mo? Pagkatapos na suriin ang ilan lamang sa mga halimbawa na nagpapakita ng pagkakasuwato ng Kasulatan, inaasahan na ikaw ay sasang-ayon sa salmista na nagsabi sa Diyos: “Ang kabuuan ng iyong salita ay katotohanan.” (Awit 119:160) Ganiyan ang pangmalas ng mga Saksi ni Jehova sa buong Bibliya at sila’y nagagalak na magbigay ng mga dahilan para sa kanilang pananampalataya rito. Bakit hindi makipagtalakayan sa kanila sa walang-katulad na aklat na ito? Ang nakapagpapagalak na mensaheng ito ay maaaring magbigay sa iyo ng tunay na pag-asa at kaligayahan.
[Larawan sa pahina 7]
Naitanong mo na ba sa mga Saksi ni Jehova kung bakit sila may pananampalataya sa Bibliya?