Kung Paano Nakasumpong ng Kapayapaan si Hana
NANANALANGIN at pumupuri noon nang malakas kay Jehova ang isang tapat na babae. Para sa kaniya, ibinangon siya ng Diyos mula sa alabok at pinalitan ng kaligayahan ang kaniyang lumbay.
Ang pangalan ng babae ay Hana. Ano ang dahilan at nagbago ang kaniyang nararamdaman? Bakit siya masayang-masaya ngayon? Paano tayo makikinabang sa kaniyang karanasan? Para masagot ang mga tanong na ito, tingnan natin ang kuwento tungkol kay Hana.
Isang Pamilyang May Problema
Isa si Hana sa dalawang asawa ni Elkana, isang Levita na nakatira sa teritoryo ng Efraim. (1 Samuel 1:1, 2a; 1 Cronica 6:33, 34) Bagaman hindi layunin ng Diyos noong una na magkaroon ang lalaki ng higit sa isang asawa, ito ay pinahintulutan sa ilalim ng Kautusang Mosaiko at may mga batas tungkol dito. Subalit ang ganitong pag-aasawa ay kadalasang nagbubunga ng mga alitan sa loob ng pamilya, gaya ng nangyari sa pamilya ni Elkana, bagaman sila ay sumasamba kay Jehova.
Si Hana ay baog, samantalang ang isa pang asawa ni Elkana na si Penina ay may mga anak. Si Penina ang karibal ni Hana.—1 Samuel 1:2b.
Ang pagiging baog ay itinuturing noon na isang kadustaan para sa mga babaing Israelita at tanda pa nga ng pagiging di-karapat-dapat sa paningin ng Diyos. Gayunman, walang pahiwatig na ang pagiging baog ni Hana ay nangangahulugang wala sa kaniya ang pagsang-ayon ng Diyos. Pero sa halip na aliwin si Hana, ginagamit ni Penina ang kaniyang kakayahang magkaanak upang gawing miserable ang buhay ni Hana.
Paglalakbay Patungo sa Santuwaryo ni Jehova
Sa kabila ng mga problemang ito, ang pamilya ni Elkana ay naglalakbay taun-taon upang maghain sa santuwaryo ni Jehova sa Shilo.a Malamang na naglalakad sila nang mga 60 kilometro papunta at pauwi. Tiyak na lalong napakahirap para kay Hana ang mga okasyong ito dahil ang ilang takdang bahagi ng haing pansalu-salo ay ibinibigay kay Penina at sa kaniyang mga anak, samantalang isang bahagi lamang ang natatanggap ni Hana. Sinasamantala ni Penina ang mga pagkakataong ito upang inisin si Hana, kaya napipighati ito dahil waring “sinarhan [ni Jehova] ang kaniyang bahay-bata.” Nararanasan ni Hana taun-taon ang pahirap na ito, kaya umiiyak siya at hindi kumakain. Dapat sana’y panahon ng kasiyahan para kay Hana ang mga paglalakbay na ito, pero sa halip ay nagiging panahon ng kapighatian. Gayunpaman, naglalakbay pa rin si Hana patungo sa santuwaryo ni Jehova.—1 Samuel 1:3-7.
Nakikita mo ba ang mabuting halimbawa ni Hana para sa atin? Kapag nasisiraan ka ng loob, ano ang ginagawa mo? Ibinubukod mo ba ang iyong sarili at lumalayo ka sa iyong mga kapananampalataya? Hindi ganiyan ang ginawa ni Hana. Naging kaugalian na niyang makisama sa mga sumasamba kay Jehova. Sa kabila ng mahihirap na kalagayan, ganoon din ang dapat nating gawin.—Awit 26:12; 122:1; Kawikaan 18:1; Hebreo 10:24, 25.
Sinikap ni Elkana na aliwin si Hana at himukin itong sabihin kung ano ang kaniyang nadarama. “Hana, bakit ka tumatangis, at bakit hindi ka kumakain, at bakit nalulumbay ang iyong puso?” ang tanong ni Elkana. “Hindi ba mas mabuti ako sa iyo kaysa sa sampung anak?” (1 Samuel 1:8) Marahil ay hindi alam ni Elkana ang tungkol sa kalupitan ni Penina, at minabuti na lamang ni Hana na magdusa nang tahimik kaysa magreklamo. Anuman ang nangyari, ipinakita ni Hana ang kaniyang pananampalataya kay Jehova nang hanapin niya ang kapayapaan sa pamamagitan ng pananalangin kay Jehova.
Nanata si Hana
Sa santuwaryo ni Jehova kinakain ang haing pansalu-salo. Iniwan ni Hana ang kaniyang mga kasama sa silid-kainan at nanalangin siya sa Diyos. (1 Samuel 1:9, 10) “O Jehova ng mga hukbo,” ang pagsusumamo niya, “kung walang pagsalang titingnan mo ang kapighatian ng iyong aliping babae at aalalahanin mo nga ako, at hindi mo kalilimutan ang iyong aliping babae at bibigyan mo nga ang iyong aliping babae ng isang supling na lalaki, ibibigay ko siya kay Jehova sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay, at walang labaha ang daraan sa kaniyang ulo.”—1 Samuel 1:11.
Espesipiko ang panalangin ni Hana. Humiling siya ng isang anak na lalaki at nanata na iaalay niya ito kay Jehova upang maging Nazareo habang-buhay. (Bilang 6:1-5) Dapat munang sang-ayunan ng kaniyang asawa ang ganitong panata, at ipinakikita naman ng mga ikinilos ni Elkana noong dakong huli na sang-ayon siya sa panata ng kaniyang minamahal na asawa.—Bilang 30:6-8.
Dahil sa paraan ng pananalangin ni Hana, inakala ng mataas na saserdoteng si Eli na lasing ito. Gumagalaw ang mga labi ni Hana, pero walang naririnig si Eli, sapagkat tahimik na nananalangin si Hana. Talagang marubdob ang kaniyang panalangin. (1 Samuel 1:12-14) Isip-isipin kung ano ang nadama ni Hana nang pagalitan siya ni Eli dahil inaakala nitong lasing siya! Gayunman, magalang siyang sumagot sa mataas na saserdote. Nang matanto ni Eli na si Hana ay nananalangin “dahil sa laki ng [kaniyang] pagkabahala at ng [kaniyang] kaligaligan,” sinabi ni Eli: “Ipagkaloob nawa ng Diyos ng Israel ang iyong pakiusap.” (1 Samuel 1:15-17) Dahil dito, si Hana ay yumaon na sa kaniyang lakad at kumain, at “ang kaniyang mukha ay hindi na nabahala.”—1 Samuel 1:18.
Ano ang matututuhan natin sa lahat ng ito? Kapag idinudulog natin kay Jehova ang ating mga kabalisahan, maaari nating ipaalam sa kaniya kung ano ang nadarama natin at taos-puso nating hilingin kung ano ang nais natin. Kung wala na tayong magawa para malutas ang problema, ipaubaya na lamang natin iyon sa kaniya. Ito ang pinakamabuting gawin.—Kawikaan 3:5, 6.
Pagkatapos ng marubdob na pananalangin, malamang na madama rin ng mga lingkod ni Jehova ang kapayapaang nadama ni Hana. Tungkol sa panalangin, sumulat si apostol Pablo: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 4:6, 7) Kapag inihagis na natin kay Jehova ang ating pasanin, ipaubaya na natin iyon sa kaniya. Pagkatapos, huwag na tayong mabahala tulad ni Hana.—Awit 55:22.
Anak na Ipinahiram kay Jehova
Ibinaling ngayon ng Diyos ang kaniyang pansin kay Hana; nagdalang-tao ito at nagsilang ng anak na lalaki. (1 Samuel 1:19, 20) Isa ito sa bihirang mga pagkakataon sa ulat ng Bibliya na ang Diyos mismo ang nagsaayos ng pagsilang ng isa na magiging lingkod niya. Ang anak nina Elkana at Hana na si Samuel ay magiging propeta ni Jehova, at magkakaroon ito ng mahalagang papel sa pagtatatag ng monarkiya ng Israel.
Walang-alinlangang mula sa pagkasanggol ni Samuel, siya ay tinuruan ni Hana tungkol kay Jehova. Pero nakalimutan ba ni Hana ang kaniyang panata? Hinding-hindi! “Kapag naawat na sa suso ang bata ay dadalhin ko siya, at magpapakita siya sa harap ni Jehova at mananahanan doon hanggang sa panahong walang takda,” ang sabi niya. Nang maawat na sa suso si Samuel, marahil nang siya’y tatlong taóng gulang o lampas pa rito, dinala siya ni Hana sa santuwaryo ni Jehova para manirahan doon, gaya ng panata ni Hana.—1 Samuel 1:21-24; 2 Cronica 31:16.
Matapos maghandog kay Jehova, dinala nina Hana at Elkana si Samuel kay Eli. Malamang na tangan-tangan ni Hana ang kamay ng munting bata nang sabihin niya kay Eli: “Pagpaumanhinan mo ako, panginoon ko! Sa buhay ng iyong kaluluwa, panginoon ko, ako ang babaing nakatayong kasama mo sa dakong ito upang manalangin kay Jehova. May kaugnayan sa batang ito ay nanalangin ako na ipagkaloob sa akin ni Jehova ang aking pakiusap na hiniling ko sa kaniya. At sa ganang akin naman ay ipinahihiram ko siya kay Jehova. Sa lahat ng mga araw na kaniyang ikabubuhay, siya ay hiniling para kay Jehova.” Doon nagsimula ang pantanging paglilingkod ni Samuel sa Diyos nang habang-buhay.—1 Samuel 1:25-28; 2:11.
Sa paglipas ng panahon, tiyak na hindi kinalimutan ni Hana si Samuel. Sinasabi ng Kasulatan: “Isang maliit na damit na walang manggas ang ginagawa para sa kaniya ng kaniyang ina, at dinadala niya iyon sa kaniya taun-taon kapag umaahon siyang kasama ng kaniyang asawa upang maghain ng taunang hain.” (1 Samuel 2:19) Walang-alinlangang patuloy na nanalangin si Hana para kay Samuel. Sa pagdalaw niya rito taun-taon, tiyak na pinasisigla niya ito na manatiling tapat sa paglilingkod sa Diyos.
Sa isa sa gayong mga okasyon, pinagpala ni Eli ang mga magulang ni Samuel at sinabi niya kay Elkana: “Magkaloob nawa sa iyo si Jehova ng isang supling mula sa asawang ito bilang kahalili ng ipinahiram, na ipinahiram kay Jehova.” Alinsunod sa mga salitang ito, sina Hana at Elkana ay pinagpalang magkaroon ng tatlo pang anak na lalaki at dalawang anak na babae.—1 Samuel 2:20, 21.
Napakainam ngang halimbawa sina Elkana at Hana para sa Kristiyanong mga magulang! Maraming ama’t ina ang kusang nagpapahiram, wika nga, ng kanilang mga anak kay Jehova, anupat pinasisigla ang mga ito na pumasok sa buong-panahong ministeryo sa ibang lugar. Dapat papurihan ang gayong maibiging mga magulang dahil sa kanilang mga sakripisyo. At gagantimpalaan sila ni Jehova.
Masayang Panalangin ni Hana
Talagang napakasaya ng dating baog na si Hana! Bihirang iulat sa Bibliya ang panalangin ng mga babae. Pero sa kalagayan ni Hana, dalawang panalangin ang nalaman natin. Ang una ay nagpapahayag ng kaniyang damdamin nang siya ay balisa at napipighati, at ang ikalawa naman ay isang masayang panalangin ng pasasalamat. Pinasimulan ito ni Hana sa mga salitang: “Ang aking puso ay nagbubunyi dahil kay Jehova.” Nagagalak siya na “maging ang baog ay nanganak,” at pinuri niya si Jehova bilang ‘Nagtataas at Nagbabangon ng maralita mula sa alabok.’ Oo, “mula sa hukay ng abo ay hinahango niya ang dukha.”—1 Samuel 2:1-10.
Ipinakikita ng kinasihang ulat tungkol kay Hana na maaari tayong masaktan dahil sa di-kasakdalan o panghahamak ng iba. Pero hindi natin dapat hayaang alisin ng mga pagsubok na ito ang ating kagalakan sa paglilingkod kay Jehova. Siya ang dakilang Dumirinig ng panalangin, na tumutugon sa mga daing ng kaniyang tapat na bayan, anupat inililigtas sila mula sa kapighatian at ginagantimpalaan sila ng saganang kapayapaan at iba pang mga pagpapala.—Awit 22:23-26; 34:6-8; 65:2.
[Talababa]
a Tinatawag ng Bibliya na “templo” ni Jehova ang sentrong ito ng tunay na pagsamba. Pero sa yugtong ito ng kasaysayan ng Israel, ang kaban ng tipan ay naroroon pa rin sa isang tolda, o tabernakulo. Noon lamang panahon ng paghahari ni Solomon itinayo ang unang permanenteng templo para kay Jehova.—1 Samuel 1:9; 2 Samuel 7:2, 6; 1 Hari 7:51; 8:3, 4.
[Larawan sa pahina 17]
Ipinahiram ni Hana si Samuel kay Jehova