EPOD, I
Isang kasuutan ng saserdote. Sa mga tagubilin ng Diyos kay Moises, detalyadong inilarawan ang espesyal na epod na isusuot ng mataas na saserdote. (LARAWAN, Tomo 1, p. 539) Lumilitaw na ito’y isang kasuutang tulad-epron, anupat yari sa “ginto, sinulid na asul at lanang tinina sa mamula-mulang purpura, sinulid na iskarlatang kokus at mainam na linong pinilipit, na gawa ng isang burdador.” Mayroon itong harap at likod, na pinagdugtong. Isang pamigkis na yari sa gayunding materyales ang nasa “ibabaw” nito, anupat marahil ay nakakabit sa epod upang higpitan ito sa baywang. Nakalagay sa mga enggasteng ginto na nasa mga dugtungang pambalikat ang dalawang batong onix, na bawat isa ay nililukan ng anim na pangalan ng mga anak ni Israel. Ang mga enggasteng ginto ng mga batong ito ay may mga tanikalang yari sa ginto na ayon sa kayarian ng isang lubid, at dito nakasabit ang pektoral. Sa ibabang mga kanto ng pektoral ay may panaling asul na nakatali sa mga argolyang ginto na nasa dulo ng mga dugtungang pambalikat ng epod sa mismong ibabaw ng pamigkis. Lumilitaw na lampas-baywang ang haba ng epod, ngunit marahil ay hindi hanggang tuhod.—Exo 28:6-14, 22-28.
Ang epod ay isinusuot ng mataas na saserdote sa ibabaw ng asul at walang-manggas na damit na tinatawag na “damit ng epod,” na nakapatong naman sa mahabang damit na lino. (Exo 29:5) Hindi isinusuot sa lahat ng okasyon ang epod na ito. Kapag kailangang sumangguni ng mataas na saserdote kay Jehova tungkol sa isang mahalagang bagay para sa bansa, isinusuot niya ang epod at ang pektoral na naglalaman ng Urim at ng Tumim. (Bil 27:21; 1Sa 28:6; Ezr 2:63) Sa taunang Araw ng Pagbabayad-Sala, pagkatapos ihandog ng mataas na saserdote ang mga handog ukol sa kasalanan, siya’y naghuhugas at nagpapalit ng kaniyang mga kasuutan, anupat hinuhubad niya ang kaniyang puting mga kasuutan at isinusuot ang kaniyang magagandang kasuutan, kabilang na rito ang epod, bago niya ihandog ang mga handog na sinusunog.—Lev 16:23-25.
Malamang na ang epod na dinala ng saserdoteng si Abiatar mula sa santuwaryo sa Nob hanggang sa kampo ni David ay ang epod ng mataas na saserdote, yamang pinatay ni Doeg ang ama ni Abiatar na si Ahimelec, na mataas na saserdote, at ang mga katulong na saserdoteng kasama nito. (1Sa 22:16-20; 23:6) Inutusan ni David si Abiatar na ilapit ang epod upang makasangguni siya kay Jehova hinggil sa pagkilos na nararapat niyang gawin.—1Sa 23:9-12; 30:7, 8.
Mga Epod ng mga Katulong na Saserdote. Nagsusuot din ng epod ang mga katulong na saserdote, bagaman tanging ang epod ng mataas na saserdote ang espesipikong binanggit at inilarawan sa mga tagubilin ni Jehova sa paggawa ng mga kasuutan ng saserdote. Tanging ang “mahahabang damit,” “paha,” “kagayakan sa ulo,” at “karsonsilyo” ang espesipikong binanggit para sa mga anak ni Aaron, na naglingkod bilang mga katulong na saserdote niya. (Exo 28:40-43) Waring ang pagsusuot ng epod ng mga katulong na saserdote ay naging kaugalian na lamang noong dakong huli. Si Samuel, bagaman hindi isang katulong na saserdote, ay nagsuot ng epod noong siya’y isang batang naglilingkod kay Jehova sa santuwaryo (1Sa 2:18), gaya rin ng 85 saserdoteng pinatay ni Doeg sa utos ni Haring Saul. (1Sa 22:18) Maaaring ang mga epod na ito ay nagsilbing palatandaan ng pagiging saserdote ng mga nagsusuot nito anupat hindi ito itinakda ng Kautusan bilang kasuutan na gagamitin nila kapag gumaganap ng kanilang opisyal na mga tungkulin. Malamang na ang epod ng katulong na saserdote ay kahugis ng epod ng mataas na saserdote ngunit gawa sa puting tela na walang burda, at ang linong materyales nito ay hindi kasing-inam niyaong sa epod ng mataas na saserdote. Ang salitang Hebreo na ginamit para sa “lino” nang ilarawan ang epod na isinuot ng batang si Samuel at ng 85 saserdote ay badh, samantalang shesh, “mainam na lino,” ang salitang ginamit para sa epod ng mataas na saserdote.—Exo 28:6; 1Sa 2:18; 22:18.
Noong ang kaban ng tipan ay iniaahon sa Jerusalem upang ilagay sa Bundok Sion malapit sa bahay ni David, siya ay nakasuot ng epod na lino sa ibabaw ng kaniyang walang-manggas na damit na mainam na kayo samantalang nagsasayaw sa harap ni Jehova at ipinagdiriwang ang masayang pangyayaring ito.—2Sa 6:14; 1Cr 15:27.
Ang Epod na Ginawa ni Gideon. Pagkatapos talunin ni Gideon ang mga Midianita, ginamit niya ang ginto na nasamsam nila upang gumawa ng isang epod. (Huk 8:26, 27) May mga tumututol sa pananalitang ito dahil diumano’y sobra-sobra ang 1,700 siklo (19.4 kg; 52 lb t) na ginto para sa isang epod. Ang isang iminumungkahing paliwanag para rito ay na gumawa rin si Gideon ng isang ginintuang imahen. Subalit ang salitang “epod” ay hindi tumutukoy sa isang imahen. Si Gideon ay isang taong may pananampalataya sa Diyos. Hindi niya gagawin ang gaya ng ginawa ni Jeroboam nang akayin nito ang sampung tribo tungo sa pagsamba sa mga imaheng guya. Naipakita ni Gideon ang kaniyang pagpapahalaga sa pagsamba kay Jehova noong bigyan siya ng pagkakataong magtatag ng isang namamahalang dinastiya sa Israel. Tinanggihan niya ang alok, sa pagsasabing: “Si Jehova ang siyang mamamahala sa inyo.” (Huk 8:22, 23) Maaaring ang karamihan sa gintong iyon ay ginamit na pambayad sa mga hiyas, at iba pa, na posibleng ginamit sa epod. Kung tungkol sa halaga ng epod ni Gideon, maaaring katumbas nga ito ng halagang binanggit ($218,365 sa makabagong halaga), lalo na kung pinalamutian ito ng mahahalagang hiyas.
Sa kabila ng mabubuting intensiyon ni Gideon na ipagunita ang tagumpay na ibinigay ni Jehova sa Israel at parangalan ang Diyos, ang epod ay “nagsilbing silo kay Gideon at sa kaniyang sambahayan,” dahil ang mga Israelita ay nagkasala ng espirituwal na imoralidad sa pamamagitan ng pagsamba rito. (Huk 8:27) Gayunman, hindi sinasabi ng Bibliya na si Gideon mismo ay sumamba rito; sa kabaligtaran, espesipiko siyang tinukoy ng apostol na si Pablo bilang isa sa ‘malaking ulap’ ng tapat na mga saksi ni Jehova bago ang panahong Kristiyano.—Heb 11:32; 12:1.
Idolatrosong Paggamit. Masusumpungan sa Mga Hukom kabanata 17 at 18 ang isang kaso ng paggamit sa epod sa idolatrosong pagsamba. Ang epod na ito, na gawa ng isang Efraimita, ay unang ginamit ng isa sa mga anak nito na gumanap bilang saserdote sa harap ng isang inukit na imahen, at pagkatapos ay ng isang Levitang inapo ni Moises na bagaman hindi nagmula sa makasaserdoteng pamilya ni Aaron ay gumanap bilang saserdote. Nang bandang huli, ang epod at ang imahen ay nahulog sa kamay ng mga lalaking nagmula sa tribo ni Dan, at sa gitna ng mga ito ang Levita at ang kaniyang mga anak na kasunod niya ay patuloy na nanungkulan sa idolatrosong paraan sa lunsod ng Dan sa lahat ng mga araw na ang bahay ng Diyos ay nasa Shilo.