Tularan ang Kanilang Pananampalataya
Kumilos Siya Nang May Kaunawaan
KITANG-KITA ni Abigail ang pag-aalala sa mga mata ng kabataang lalaki. Takót na takót ito—at may makatuwirang dahilan naman. May nagbabantang panganib. Nang pagkakataong iyon, paparating ang mga 400 mandirigma na determinadong patayin ang lahat ng lalaki sa sambahayan ni Nabal, ang asawa ni Abigail. Bakit?
Dahil ito kay Nabal. Gaya ng dati, naging malupit na naman siya at walang-galang. Pero sa pagkakataong ito, nagkamali siya ng ininsulto—ang minamahal na kumandante ng isang grupo ng tapat at bihasang mga mandirigma. Ngayon, isa sa mga kabataang lingkod ni Nabal, malamang na isa sa kaniyang mga pastol, ang lumapit kay Abigail na nagtitiwalang makakaisip siya ng paraan para iligtas sila. Pero ano naman ang magagawa ng isang babae laban sa isang grupo ng mga mandirigma?
Kilalanin muna natin nang higit ang kahanga-hangang babaing ito. Sino si Abigail? Bakit nagkaroon ng problema? At ano ang matututuhan natin sa kaniyang halimbawa ng pananampalataya?
“May Mabuting Kaunawaan at Maganda ang Anyo”
Hindi bagay sina Abigail at Nabal. Wala nang makikita pang mas mahusay na asawa si Nabal, samantalang wala na yatang mas sasamâ pa sa napangasawa ni Abigail. Oo, maraming pera si Nabal. Kaya napakaimportante ng tingin niya sa kaniyang sarili. Pero ano naman kaya ang tingin sa kaniya ng iba? Halos wala ka nang makikitang tauhan sa Bibliya na mas masahol pa ang paglalarawan kaysa sa kaniya. Ang mismong pangalan niya ay nangangahulugang “Hangal,” o “Mangmang.” Ito kaya ang pangalang ibinigay ng kaniyang mga magulang nang ipanganak siya o naging bansag na lamang ito sa kaniya nang bandang huli? Alinman dito, bagay sa kaniya ang pangalan niya. Si Nabal ay “mabagsik at masasama ang kaniyang mga gawa.” Siga siya at lasenggo, kinatatakutan at inaayawan ng marami.—1 Samuel 25:2, 3, 17, 21, 25.
Ibang-iba naman si Abigail. Ang pangalan niya ay nangangahulugang “Nagalak ang Aking Ama.” Ipinagmamalaki ng maraming ama ang pagkakaroon ng magandang anak, pero higit ang kaligayahan ng isang matalinong ama kung mabuti ang kalooban ng kaniyang anak. Kadalasan, kapag maganda ang panlabas na anyo ng isa, hindi na niya naiisip na kailangan niyang linangin ang magagandang katangian gaya ng kaunawaan, karunungan, lakas ng loob, o pananampalataya. Pero hindi ganiyan si Abigail. Sinasabi ng Bibliya na siya ay “may mabuting kaunawaan at maganda ang anyo.”—1 Samuel 25:3.
Malamang na magtataka ang ilan sa ngayon kung bakit ang isang matalino at bata pang babae ay nagpakasal sa gayong walang-kuwentang lalaki. Tandaan na noong panahon ng Bibliya, marami sa mga nag-asawa ang ipinagkasundo lamang ng kanilang mga magulang. Kung hindi man, kailangan pa rin ng pahintulot ng mga magulang. Sang-ayon ba ang mga magulang ni Abigail sa pag-aasawa nito, o sila pa nga ang nagsaayos nito, dahil nakita nilang mayaman at prominente si Nabal? Napilitan ba sila dahil sa hirap ng buhay? Pero gaanuman karami ang pera ni Nabal, hindi pa rin siya masasabing isang mabuting asawa.
Maingat na itinuturo ng matatalinong magulang sa kanilang mga anak na ituring na marangal ang pag-aasawa. Hindi nila itinutulak ang kanilang mga anak na mag-asawa dahil lamang sa pera ni pinipilit man silang makipag-date sa murang edad, anupat hindi pa kayang gampanan ang mga pananagutang kaakibat nito. (1 Corinto 7:36) Pero huli na para pag-isipan pa ito ni Abigail. Anuman ang dahilan, asawa na siya ni Nabal, at gagawin niya ang lahat para maging maligaya ang kanilang pagsasama.
“Sinigawan Niya Sila ng mga Panlalait”
Lalo pang pinahirap ni Nabal ang sitwasyon ni Abigail. Ang lalaking ininsulto niya ay walang iba kundi si David. Siya ay isang tapat na lingkod ni Jehova, na pinahiran ng propetang si Samuel dahil pinili siya ng Diyos para humalili kay Saul bilang hari. (1 Samuel 16:1, 2, 11-13) Naninirahan si David sa ilang kasama ang kaniyang 600 tapat na mga mandirigma dahil nagtatago siya sa naiinggit na si Haring Saul na gustong pumatay sa kaniya.
Nakatira si Nabal sa Maon pero nagtatrabaho siya at malamang na may lupain sa kalapít na bayan ng Carmel.a Ang mga lugar na iyon ay may bulubunduking pastulan na angkop para sa mga 3,000 alagang tupa ni Nabal, pero ilang ang palibot nito. Nasa timog ang malawak na ilang ng Paran. Nasa silangan naman ang tiwangwang na lupain, na maraming bangin at kuweba, patungo sa Dagat Asin. Sa mga rehiyong ito nagtiis mabuhay si David at ang kaniyang mga tauhan, tiyak na nangangaso para may makain sila. Madalas nilang makita ang mga kabataang lalaki na nagtatrabaho bilang mga pastol ng mayamang si Nabal.
Paano pinakitunguhan ng masisipag na mandirigmang iyon ang mga pastol? Napakadaling magnakaw ng tupa para may makain sila, pero hindi nila ito ginawa. Sa halip, gaya sila ng mga pader na nagsasanggalang sa mga kawan at lingkod ni Nabal. (1 Samuel 25:15, 16) Laging nanganganib ang buhay ng mga tupa at pastol. Napakaraming mababangis na hayop noon. At malapit lamang dito ang timugang hangganan ng Israel, kaya madalas sumalakay ang mga pangkat ng mga dayuhang magnanakaw at mandarambong.b
Tiyak na hindi madaling pakanin sa ilang ang lahat ng lalaking iyon. Kaya isang araw, nagsugo si David ng sampung mensahero para humingi ng tulong kay Nabal. Tamang-tama ang paghingi noon ni David ng tulong dahil masayang okasyon iyon ng paggugupit sa balahibo ng mga tupa, at kaugalian ng mga tao na magkasiyahan at maging mapagbigay. Naging maingat din si David sa kaniyang mga salita, at naging magalang. Tinawag pa nga niya ang kaniyang sarili na “iyong anak na si David,” marahil bilang paggalang kay Nabal na di-hamak na mas matanda sa kaniya. Paano tumugon si Nabal?—1 Samuel 25:5-8.
Galít na galít siya! “Sinigawan niya sila ng mga panlalait”—ganiyan inilarawan ng kabataang lalaki kay Abigail ang nangyari. Nagsisigaw si Nabal at ipinagdamot ang mahahalagang bagay na mayroon siya—tinapay, tubig, at hayop na kinatay niya. Minaliit niya si David at ikinumpara sa isang naglayas na alipin. Maaaring si Nabal ay tulad ni Saul na napopoot kay David. Pero ibang-iba sa kanila si Jehova. Mahal ng Diyos si David at para sa Kaniya, hindi siya isang rebeldeng alipin kundi ang magiging hari ng Israel.—1 Samuel 25:10, 11, 14.
Nang ikuwento kay David ang nangyari, nagpuyos siya sa galit. “Ibigkis ng bawat isa ang kaniyang tabak!” ang utos niya. Suot ang kaniyang mga gamit pandigma, handang sumalakay si David kasama ang 400 sa kaniyang mga tauhan. Sumumpa siyang lilipulin ang lahat ng lalaki sa sambahayan ni Nabal. (1 Samuel 25:12, 13, 21, 22) Makatuwiran namang magalit si David, pero hindi tama ang masamang iniisip niya dahil sa kaniyang galit. Sinasabi ng Bibliya: “Ang poot ng tao ay hindi gumagawa ukol sa katuwiran ng Diyos.” (Santiago 1:20) Paano, kung gayon, maililigtas ni Abigail ang kaniyang sambahayan?
“Pagpalain ang Iyong Katinuan”
Nakita natin ang unang hakbang na ginawa ni Abigail upang itama ang napakasamang ginawa ng kaniyang asawa. Di-gaya ni Nabal, handa siyang makinig. Ganito ang sinabi ng kabataang lingkod tungkol kay Nabal: “Napakawalang-kabuluhang tao niya upang kausapin pa siya.”c (1 Samuel 25:17) Nakalulungkot, hindi nakinig si Nabal dahil mataas ang tingin niya sa kaniyang sarili. Karaniwan din sa ngayon ang ganiyang kahambugan. Pero alam ng kabataang lingkod na iba si Abigail, kaya nga siya ang nilapitan nito.
Nag-isip at kumilos kaagad si Abigail. “Kaagad na nagmadali si Abigail,” ang mababasa natin. Apat na beses nating mababasa sa ulat na ito ang iisang pandiwa, “nagmadali,” na ginamit may kinalaman sa babaing ito. Marami siyang inihandang regalo para kay David at sa kaniyang mga tauhan. Kasama rito ang tinapay, alak, tupa, binusang butil, kakaning pasas at igos. Maliwanag, si Abigail mismo ang nag-aasikaso sa kaniyang sambahayan kaya alam na alam niya kung anong mayroon siya, gaya ng asawang babaing may kakayahan na inilarawan nang maglaon sa aklat ng Mga Kawikaan. (Kawikaan 31:10-31) Ipinadala niya sa ilan sa kaniyang mga lingkod ang mga pagkaing ito, saka siya sumunod. Mababasa natin: “Ngunit sa kaniyang asawang si Nabal ay wala siyang anumang sinabi.”—1 Samuel 25:18, 19.
Nangangahulugan ba ito na nagrerebelde si Abigail sa pagkaulo ng kaniyang asawa? Hinding-hindi. Kumilos nang masama si Nabal laban sa pinahirang lingkod ni Jehova, na maaari sanang ikamatay ng maraming inosenteng miyembro ng sambahayan ni Nabal. Kung hindi kikilos si Abigail, maaari siyang maging kabahagi ng kasalanan ng kaniyang asawa, hindi ba? Anuman ang mangyari, kailangan siyang magpasakop muna sa Diyos sa halip na sa kaniyang asawa.
Di-nagtagal, nakasalubong ni Abigail si David at ang kaniyang mga tauhan. Muli siyang nagmadali, bumaba mula sa kaniyang buriko at yumukod kay David. (1 Samuel 25:20, 23) Pagkatapos ay ibinuhos niya ang kaniyang niloloob, na nagsusumamo kay David na pagpakitaan ng awa ang kaniyang asawa at ang kaniyang sambahayan. Bakit nakaaantig ang kaniyang sinabi?
Inako ni Abigail ang pagkakasala at humingi siya ng tawad kay David. Inamin niyang hangal ang kaniyang asawa gaya ng kahulugan ng kaniyang pangalan, na marahil ay ipinahihiwatig na nakabababa sa dignidad ni David na patulan ang gayong lalaki. Ipinahayag niya ang kaniyang pagtitiwala kay David bilang kinatawan ni Jehova, anupat kinikilala na siya ay nakikipaglaban sa “mga digmaan ni Jehova.” Ipinakita rin niya na alam niya ang pangako ni Jehova tungkol kay David at sa kaniyang paghahari, sapagkat sinabi niya: “Tiyak na aatasan ka [ni Jehova] bilang lider sa Israel.” Bukod diyan, hinimok niya si David na huwag gagawa ng anumang magdudulot sa kaniya ng pagkakasala sa dugo o magiging “isang sanhi ng pagsuray”—malamang na tumutukoy sa isang nababagabag na budhi. (1 Samuel 25:24-31) Talagang nakaaantig na pananalita!
Paano tumugon si David? Tinanggap niya ang dala ni Abigail at sinabi: “Pagpalain si Jehova na Diyos ng Israel, na siyang nagsugo sa iyo sa araw na ito upang salubungin ako! At pagpalain ang iyong katinuan, at pagpalain ka na siyang pumigil sa akin sa araw na ito mula sa pagpasok sa pagkakasala sa dugo.” Pinuri siya ni David dahil nagmadali siya at lakas-loob na nakipagkita sa kaniya, at inamin ni David na pinigilan siya ni Abigail na magkasala sa dugo. “Umahon kang payapa sa iyong bahay,” ang sabi ni David kay Abigail, at mapagpakumbaba niyang idinagdag: “Dininig ko ang iyong tinig.”—1 Samuel 25:32-35.
“Narito ang Iyong Aliping Babae”
Nang maghiwalay sila, naisip ni Abigail ang pagkikitang iyon; nakita rin niya ang pagkakaiba ng tapat at mabait na si David sa kaniyang mabagsik na asawa. Pero hindi ito ang laging laman ng kaniyang isip. Mababasa natin: “Sa kalaunan ay pumaroon si Abigail kay Nabal.” Oo, bumalik siya sa kaniyang asawa at determinadong gawin ang kaniyang buong makakaya para maging isang mabuting asawa. Kailangan niyang sabihin kay Nabal ang regalong ibinigay niya kay David at sa mga tauhan nito. Karapatan itong malaman ni Nabal. Kailangan din niyang sabihin dito—bago pa nito malaman sa iba, na mas nakahihiya pa—ang tungkol sa panganib na naiwasan. Pero hindi ngayon. Nagpipiging siya na gaya ng isang hari at lasing na lasing.—1 Samuel 25:36.
Muling nagpakita si Abigail ng lakas ng loob at kaunawaan. Naghintay siya hanggang kinabukasan nang hindi na lango sa alak ang kaniyang asawa. Mas mauunawaan na siya nito, pero maaaring maging mas mapanganib para sa kaniya dahil alam niya ang ugali ni Nabal. Gayunpaman, lumapit si Abigail at ikinuwento sa kaniya ang buong pangyayari. Tiyak na inaasahan niyang magwawala ito sa galit, marahil ay mananakit pa nga. Pero basta nakaupo lamang si Nabal at hindi kumikilos.—1 Samuel 25:37.
Ano ang nangyari kay Nabal? “Ang kaniyang puso ay namatay sa loob niya, at siya mismo ay naging parang bato.” Marahil, na-stroke siya. Pero namatay siya pagkalipas pa ng sampung araw—at hindi dahil sa sakit. “Sinaktan ni Jehova si Nabal, anupat ito ay namatay.” (1 Samuel 25:38) Sa matuwid na hatol na iyon ng Diyos, tapos na ang di-maligayang pag-aasawa ni Abigail. Bagaman hindi na iyan ginagawa ni Jehova sa ngayon, ang ulat na ito ay angkop na nagpapaalaala sa atin na nakikita ni Jehova ang lahat ng pagmamalupit o pang-aabuso sa loob ng pamilya. Sa kaniyang takdang panahon, lagi niyang ilalapat ang katarungan.
May isa pang pagpapala si Abigail bukod sa paglaya mula sa di-maligayang pag-aasawa. Nang mabalitaan ni David na patay na si Nabal, nagpadala siya ng mga mensahero at nag-alok kay Abigail na mapangasawa siya. “Narito ang iyong aliping babae,” ang sagot niya, “bilang alila na maghuhugas ng mga paa ng mga lingkod ng aking panginoon.” Maliwanag, hindi lumaki ang ulo niya kahit na magiging asawa siya ni David; sinabi pa nga niya na magiging alipin siya ng mga lingkod ni David! Pagkatapos, muli nating mababasa na nagmadali siya, at sa pagkakataong ito, upang ihanda ang kaniyang sarili para magtungo kay David.—1 Samuel 25:39-42.
Hindi ito nangangahulugan na wala na siyang magiging problema sa buhay, dahil hindi laging magiging madali ang buhay ni Abigail sa piling ni David. Asawa na noon ni David si Ahinoam, at tiyak na nagdudulot ng problema sa tapat na mga babae noon ang poligamya.d At hindi pa hari si David; may mga hadlang at problema pang mapapaharap sa kaniya bago siya maglingkod kay Jehova bilang hari. Pero tumulong at sumuporta si Abigail kay David sa buong buhay nito hanggang sa bandang huli ay nagkaanak siya ng lalaki. Nalaman niya na siya ay mahalaga at ipinagsasanggalang ng kaniyang asawa. Minsan, iniligtas pa nga siya ni David mula sa mga kumidnap sa kaniya! (1 Samuel 30:1-19) Kaya tinularan ni David ang Diyos na Jehova, na nagmamahal at nagpapahalaga sa gayong matalino, malakas ang loob, at tapat na mga babae.
[Mga talababa]
a Hindi ito ang kilalang Bundok Carmel na nasa malayong hilaga. Sa halip, isa itong bayan sa timog, sa hangganan ng ilang ng Paran.
b Malamang na iniisip ni David na isang paglilingkod sa Diyos na Jehova na ipagsanggalang ang mga may-ari ng lupain doon at ang kanilang mga kawan. Noon, layunin ni Jehova na manirahan sa lupaing iyon ang mga inapo nina Abraham, Isaac, at Jacob. Kaya ang pagsasanggalang dito mula sa dayuhang mga mananalakay at pangkat ng mga mandarambong ay isang anyo ng paglilingkod sa Diyos.
c Ang sinabi ng kabataang lalaki ay literal na nangangahulugang “anak ni belial (walang kabuluhan).” Sa ibang salin ng Bibliya sa pananalitang ito, inilalarawan din si Nabal bilang isang lalaking “hindi nakikinig kaninuman” at “walang saysay na kausap.”
d Tingnan ang artikulong “Sang-ayon ba ang Diyos sa Poligamya?” sa pahina 30.
[Larawan sa pahina 19]
Di-gaya ng kaniyang asawa, si Abigail ay mahusay na tagapakinig
[Larawan sa pahina 20]
Si Abigail ay nagpakita ng kapakumbabaan, lakas ng loob, at katinuan sa pakikipag-usap kay David