Unang Samuel
25 Nang maglaon, namatay si Samuel;+ at ang buong Israel ay nagtipon para magdalamhati sa kaniya at ilibing siya sa bahay niya sa Rama.+ Pagkatapos, pumunta si David sa ilang ng Paran.
2 Ngayon ay may isang lalaki sa Maon+ na ang trabaho ay sa Carmel.*+ Napakayaman ng lalaki; mayroon siyang 3,000 tupa at 1,000 kambing, at ginugupitan niya noon ang mga tupa niya sa Carmel. 3 Ang pangalan ng lalaki ay Nabal,+ at ang pangalan ng asawa niya ay Abigail.+ Ang asawang babae ay matalino at maganda, pero ang asawang lalaki, na isang Calebita,+ ay mabagsik at masama ang ugali.+ 4 Nabalitaan ni David sa ilang na ginugupitan ni Nabal ang mga tupa nito. 5 Kaya nagsugo si David kay Nabal ng 10 tauhan; sinabi niya sa mga ito: “Magpunta kayo kay Nabal sa Carmel, at ikumusta ninyo ako sa kaniya. 6 At sabihin ninyo, ‘Magkaroon ka nawa ng mahabang buhay at sumaiyo ang kapayapaan at sa iyong sambahayan at sa lahat ng pag-aari mo. 7 Narinig kong naggugupit ka ng mga tupa. Nang kasama namin ang mga pastol mo, hindi namin sila sinaktan,+ at walang anumang nawala sa kanila sa buong panahong nasa Carmel sila. 8 Tanungin mo ang mga tauhan mo, at ganoon ang sasabihin nila sa iyo. Magpakita ka nawa ng kabaitan sa mga tauhan ko, dahil dumating kami sa isang masayang panahon.* Pakisuyo, bigyan mo ang mga lingkod mo at ang anak mong si David ng anumang kaya mong ibigay.’”+
9 Kaya pumunta kay Nabal ang mga tauhan ni David at sinabi ang lahat ng salita ni David. Nang matapos sila, 10 sumagot si Nabal sa mga lingkod ni David: “Sino ba si David, at sino ang anak ni Jesse? Maraming alipin ngayon ang tumatakas sa panginoon nila.+ 11 Kukunin ko ba ang tinapay ko at ang tubig ko at ang kinatay kong hayop para sa mga manggugupit ko at ibibigay iyon sa mga lalaki na hindi ko alam kung saan nanggaling?”
12 Bumalik ang mga tauhan ni David at sinabi sa kaniya ang lahat ng salitang ito. 13 Agad na sinabi ni David sa mga tauhan niya: “Kayong lahat, isakbat ninyo ang mga espada ninyo!”+ Lahat sila ay nagsakbat ng kanilang espada, at isinakbat din ni David ang espada niya; mga 400 lalaki ang sumama kay David, at 200 lalaki ang naiwan sa mga bagahe.
14 Samantala, isa sa mga lingkod ang nag-ulat kay Abigail, na asawa ni Nabal: “Nagpadala si David ng mga mensahero mula sa ilang para bumati sa aming panginoon, pero sinigawan niya sila at ininsulto.+ 15 Napakabait sa amin ng mga lalaking iyon. Hindi nila kami sinaktan, at walang anumang nawala sa amin sa buong panahong kasama namin sila sa parang.+ 16 Para silang pader na naging proteksiyon namin sa gabi at araw, sa buong panahong kasama namin sila habang nagpapastol kami sa kawan. 17 Pag-isipan mo ngayon kung ano ang gagawin mo, dahil mapapahamak ang aming panginoon at ang buong sambahayan niya,+ at wala siyang kuwentang tao+ kaya wala siyang pakikinggang sinuman.”
18 Kaya agad na kumuha si Abigail+ ng 200 tinapay, dalawang malalaking banga ng alak, limang tupa na nakatay na, limang seah* ng binusang butil, 100 kakaning pasas, at 200 kakaning gawa sa piniping igos. Ipinasan niya ang mga iyon sa mga asno.+ 19 Pagkatapos, sinabi niya sa mga lingkod niya: “Mauna kayo sa akin; susunod ako sa inyo.” Pero wala siyang sinabi sa asawa niyang si Nabal.
20 Habang pababa siya ng bundok sakay ng asno, pababa rin si David at ang mga tauhan nito, pero hindi nila siya nakikita dahil nasa ibang bahagi siya ng bundok. Pagkatapos, nagkasalubong sila. 21 Bago pa nito, sinasabi ni David: “Walang saysay ang pagbabantay natin sa lahat ng pag-aari ng taong iyon sa ilang. Walang isa mang nawala sa mga pag-aari niya,+ pagkatapos, masama ang igaganti niya sa akin.+ 22 Bigyan nawa ng Diyos ng mabigat na parusa ang mga kaaway ni David* kung may paliligtasin akong isa mang lalaki* sa sambahayan niya hanggang sa umaga.”
23 Nang makita ni Abigail si David, bumaba siya agad ng asno at yumukod sa harap ni David. 24 Pagkatapos, sumubsob siya sa paanan nito at nagsabi: “Panginoon ko, ako na lang ang sisihin mo; hayaan mong magsalita ang iyong aliping babae, at makinig ka sa sasabihin ng iyong aliping babae. 25 Pakisuyo, huwag nang pansinin ng panginoon ko ang walang-kuwentang si Nabal,+ dahil gaya siya ng pangalan niya. Nabal* ang pangalan niya, at kamangmangan ang mga ginagawa niya. Hindi nakita ng iyong aliping babae ang mga tauhang isinugo ng aking panginoon. 26 At ngayon, panginoon ko, tinitiyak ko, kung paanong buháy si Jehova at kung paanong buháy ka—si Jehova ang pumigil sa iyo+ na magkasala sa dugo+ at ipaghiganti ang iyong sarili.* Maging gaya nawa ni Nabal ang mga kaaway mo at ang mga gustong manakit sa aking panginoon. 27 At ang regalong* ito+ na dinala ng iyong aliping babae para sa aking panginoon ay ibigay nawa sa mga tauhang sumusunod sa aking panginoon.+ 28 Pakisuyo, pagpaumanhinan mo ang pagkakamali ng iyong aliping babae, dahil pananatilihing matatag ni Jehova ang sambahayan ng aking panginoon,+ dahil mga digmaan ni Jehova ang ipinakikipaglaban ng aking panginoon,+ at sa buong buhay mo ay hindi ka gumawa ng masama.+ 29 Kapag may tumugis sa iyo para patayin ka, ang buhay mo ay iingatang mabuti ni Jehova na iyong Diyos sa sisidlan ng buhay; pero ang buhay ng mga kaaway ng aking panginoon ay itatapon sa malayo gaya ng mga bato mula sa panghilagpos. 30 At kapag tinupad na ni Jehova para sa aking panginoon ang lahat ng mabubuting bagay na ipinangako niya at inatasan ka niyang maging pinuno ng Israel,+ 31 wala kang ikalulungkot o pagsisisihan* dahil hindi ka pumatay nang walang dahilan at hindi mo ipinaghiganti* ang sarili mo.+ Kapag pinagpala ni Jehova ang aking panginoon, alalahanin mo ang iyong aliping babae.”
32 Sinabi ni David kay Abigail: “Purihin si Jehova na Diyos ng Israel, na nagsugo sa iyo sa araw na ito para salubungin ako! 33 Pagpalain ka dahil sa iyong karunungan! Pagpalain ka dahil pinigilan mo ako sa araw na ito na magkasala sa dugo+ at ipaghiganti* ang aking sarili. 34 Dahil kung hindi, tinitiyak ko, kung paanong buháy si Jehova na Diyos ng Israel, na pumigil sa akin na saktan ka+—kung hindi mo ako agad sinalubong,+ walang isa mang lalaki* ang matitira sa sambahayan ni Nabal bukas ng umaga.”+ 35 Kaya tinanggap ni David ang dinala ni Abigail sa kaniya, at sinabi niya rito: “Umuwi kang payapa sa bahay mo. Pinakinggan kita at gagawin ko ang hiniling mo.”
36 Pagkatapos, bumalik si Abigail kay Nabal, na nagdaraos ng isang malaking handaan sa bahay na gaya ng handaan ng isang hari, at si Nabal* ay masaya at lasing na lasing. Walang anumang sinabi si Abigail sa kaniya hanggang sa magliwanag kinabukasan. 37 Kinaumagahan, nang mawala na ang kalasingan ni Nabal, sinabi sa kaniya ng asawa niya ang mga bagay na ito. At ang puso niya ay naging gaya ng puso ng taong patay, at naparalisa siya at naging parang bato. 38 Pagkalipas ng mga 10 araw, sinaktan ni Jehova si Nabal, at namatay siya.
39 Nang mabalitaan ni David na namatay si Nabal, sinabi niya: “Purihin si Jehova, na nagtanggol sa akin+ matapos akong hamakin ni Nabal+ at pumigil sa kaniyang lingkod na gumawa ng masama,+ at pinagbayad ni Jehova si Nabal sa kasamaan nito!”* At ipinasabi ni David kay Abigail na gusto niya itong maging asawa. 40 Kaya nagpunta ang mga lingkod ni David kay Abigail sa Carmel at sinabi sa kaniya: “Ipinasusundo ka sa amin ni David para maging asawa niya.” 41 Agad siyang tumayo at sumubsob sa lupa at nagsabi: “Narito ang iyong aliping babae bilang lingkod na maghuhugas ng paa+ ng mga lingkod ng aking panginoon.” 42 Pagkatapos, tumayo agad si Abigail+ at sumakay sa kaniyang asno, at naglakad sa likuran niya ang lima sa mga lingkod niyang babae; sumama siya sa mga mensahero ni David at naging asawa nito.
43 Asawa na noon ni David si Ahinoam+ mula sa Jezreel,+ kaya naging asawa niya ang dalawang babaeng ito.+
44 Pero ibinigay ni Saul ang anak niyang si Mical,+ na asawa ni David, kay Palti+ na anak ni Lais, na mula sa Galim.