Maging Kaibigan Kapag Nanganganib ang Pagkakaibigan
Sina Gianni at Maurizio ay 50 taon nang magkaibigan. Pero may panahong nanganib ang kanilang pagkakaibigan. Ipinaliwanag ni Maurizio: “Nakagawa ako ng malulubhang pagkakamali kung kaya nagkalayo kami.” Sinabi rin ni Gianni: “Si Maurizio ang nagturo sa akin ng Bibliya. Siya ang umalalay sa akin sa espirituwal. Kaya hindi ako makapaniwala sa nagawa niya. Parang gumuho ang mundo ko dahil alam kong hindi na kami puwedeng maging magkaibigan. Pakiramdam ko, pinabayaan niya ako.”
NAPAKAHALAGA ng mabubuting kaibigan, pero ang matatag na pagkakaibigan ay hindi nagkataon lang. Kapag nanganganib ang pagkakaibigan, paano ito maisasalba? Marami tayong matututuhan sa mga indibiduwal na binanggit sa Bibliya na tunay na magkakaibigan pero nang maglaon ay nasubok ang pagkakaibigan.
KAPAG NAGKASALA ANG KAIBIGAN
Maraming mabubuting kaibigan ang pastol at haring si David. Baka si Jonatan ang una mong maiisip. (1 Sam. 18:1) Pero may iba pang mga kaibigan si David, gaya ni propeta Natan. Hindi sinasabi ng Bibliya kung kailan sila naging magkaibigan. Pero minsan, lumapit si David kay Natan gaya ng sa isang kaibigan. Ipinagtapat niya ang kagustuhan niyang magtayo ng bahay para kay Jehova. Tiyak na mahalaga kay David ang opinyon ni Natan bilang isang kaibigan at taong nagtataglay ng espiritu ni Jehova.—2 Sam. 7:2, 3.
Pero may nangyaring nagsapanganib sa pagkakaibigan nila. Nangalunya si Haring David kay Bat-sheba, at nang maglaon, ipinapatay niya ang asawa nitong si Uria. (2 Sam. 11:2-21) Sa loob ng maraming taon, naging matapat si David kay Jehova at itinaguyod niya ang katarungan. Pero nagawa niya ang malubhang kasalanang iyon! Bakit nagkaganito ang mabuting hari? Hindi ba niya alam kung gaano kaseryoso ang ginawa niya? Inakala ba niyang maitatago niya ito sa Diyos?
Ano ang gagawin ni Natan? Aasa na lang ba siya na iba ang magtatawag-pansin nito sa hari? Alam naman ng iba na isinaayos ni David na mapatay si Uria. Kaya bakit pa makikisangkot si Natan, na posibleng makasira sa kanilang matagal nang pagkakaibigan? Baka manganib pa nga ang buhay ni Natan kung magsasalita siya. Nagawa nga ni David na ipapatay ang inosenteng si Uria!
Pero si Natan ay isang tagapagsalita ng Diyos. Alam ng propeta na kung mananahimik siya, hindi na magiging gaya ng dati ang kaugnayan niya kay David at uusigin siya ng kaniyang budhi. Tinahak ni David ang isang landas na hindi nakalulugod kay Jehova. Kailangang-kailangan ng hari ng tulong para maituwid siya. Oo, kailangan ni David ng isang tunay na kaibigan. At gayon si Natan. Ipinakipag-usap niya ang problema gamit ang isang ilustrasyon na aantig sa puso ng dating pastol. Inihayag ni Natan ang mensahe ng Diyos sa paraang tutulong kay David na makita ang bigat ng kaniyang mga pagkakasala at mapakilos siyang magsisi.—2 Sam. 12:1-14.
Ano ang gagawin mo kung makagawa ng malubhang pagkakamali o kasalanan ang kaibigan mo? Baka ikatuwiran mong masisira ang pagkakaibigan ninyo kung itatawag-pansin mo ito sa kaniya. O baka isipin mong tinatraidor mo siya kung sasabihin mo ito sa mga elder, na makatutulong sa kaniya sa espirituwal. Ano ang gagawin mo?
Si Gianni, na binanggit kanina, ay nagsabi: “Alam kong may nagbago kay Maurizio. Hindi na siya masyadong nagkukuwento. Kaya ipinasiya kong lapitan siya, kahit napakahirap nito para sa akin. Naisip ko: ‘Ano kaya ang masasabi ko na hindi pa niya alam? Baka magalit lang siya!’ Pero inalaala ko ang mga pinag-aralan namin kaya nagkalakas-loob akong kausapin siya. Tinulungan ako ni Maurizio noong kailangan ko ng tulong. Ayokong masira ang pagkakaibigan namin, pero gusto ko siyang tulungan dahil mahal ko siya.”
Sinabi naman ni Maurizio: “Nagmamalasakit si Gianni—at tama siya. Alam kong hindi siya, o si Jehova, ang dapat sisihin sa mga epekto ng maling desisyon ko. Kaya tinanggap ko ang disiplina, at nang maglaon, nakabangon ako sa espirituwal.”
KAPAG MAY PINAGDARAANAN ANG KAIBIGAN
May iba pang matapat na kaibigan si David na dumamay sa kaniya sa mahihirap na panahon. Isa rito si Husai, na tinutukoy sa Bibliya bilang “kaibigan ni David.” (2 Sam. 16:16; 1 Cro. 27:33) Malamang na isa siyang opisyal ng korte na naging kaibigan at kasamahan ng hari, isa na nagsasagawa ng kompidensiyal na mga utos.
Nang agawin ng anak ni David na si Absalom ang trono, maraming Israelita ang kumampi kay Absalom, pero hindi si Husai. Noong tumatakas si David, pinuntahan siya ni Husai. Napakasakit kay David dahil tinraidor siya ng kaniyang sariling anak at ng ilang pinagkakatiwalaan niya. Pero nanatiling matapat si Husai at handa siyang isapanganib ang buhay niya para maisagawa ang isang misyon na bibigo sa sabuwatan. Hindi ito ginawa ni Husai dahil lang sa obligasyon niya ito bilang opisyal ng korte. Talagang naging matapat na kaibigan siya.—2 Sam. 15:13-17, 32-37; 16:15–17:16.
Nakatutuwang makita ang pagkakaisa ng mga kapatid kahit iba-iba ang kanilang papel o atas sa kongregasyon. Para bang sinasabi nila, “Kaibigan mo ako, hindi dahil obligasyon ko iyon, kundi dahil mahalaga ka sa akin.”
Ganito ang naranasan ng brother na si Federico. Sa tulong ng kaibigan niyang si Antonio, napagtagumpayan niya ang isang krisis sa kaniyang buhay. Ikinuwento ni Federico: “Nang lumipat si Antonio sa kongregasyon namin, naging magkaibigan agad kami. Pareho kaming ministeryal na lingkod, at masaya kaming gumagawang magkasama. Di-nagtagal, nahirang siya bilang elder. Hindi lang siya isang kaibigan, magandang halimbawa rin siya para sa akin.” Pero nakagawa ng pagkakamali si Federico. Agad siyang humingi ng espirituwal na tulong, pero hindi na siya kuwalipikadong maglingkod bilang payunir o ministeryal na lingkod. Ano ang naging reaksiyon ni Antonio?
Naalaala ni Federico: “Alam kong naramdaman ni Antonio ang paghihirap ko. Sinikap niyang patibaying-loob ako. Gustong-gusto niyang makabangon ako sa espirituwal at hindi niya ako iniwan. Pinasigla niya akong muling palakasin ang espirituwalidad ko at huwag sumuko.” Ipinaliwanag ni Antonio: “Dinagdagan ko ang panahon ko para kay Federico. Gusto kong ipadama sa kaniya na puwede niyang sabihin sa akin ang lahat, kahit ang pinagdaraanan niya.” Nang maglaon, nakabangon si Federico sa espirituwal at nahirang uli bilang payunir at ministeryal na lingkod. Sinabi ni Antonio: “Kahit hindi na kami magkakongregasyon, mas malapít kami sa isa’t isa.”
IISIPIN MO BANG TINRAIDOR KA?
Ano ang mararamdaman mo kung iniwan ka ng malapít mong kaibigan sa panahong kailangang-kailangan mo siya? Napakasakit niyan! Mapapatawad mo ba siya? Maibabalik pa kaya ninyo ang inyong pagkakaibigan?
Pag-isipan ang nangyari kay Jesus noong mga huling araw niya sa lupa. Gumugol siya ng maraming panahon kasama ng kaniyang tapat na mga apostol, at espesyal ang kaugnayan niya sa kanila. Kaya naman, tinawag sila ni Jesus na mga kaibigan niya. (Juan 15:15) Pero ano ang nangyari nang arestuhin siya? Tumakas ang mga apostol. Ipinagyabang ni Pedro na hindi niya iiwan ang kaniyang Panginoon, pero nang gabi ring iyon, itinanggi niyang kilala niya si Jesus!—Mat. 26:31-33, 56, 69-75.
Alam ni Jesus na haharapin niyang mag-isa ang huling pagsubok sa kaniya. Pero may dahilan siyang madismaya, o masaktan pa nga. Gayunman, nang makipag-usap siya sa kaniyang mga alagad ilang araw pagkaraan siyang buhaying muli, wala man lang kahit katiting na pagkadismaya, galit, o hinanakit sa kaniya. Hindi niya inisa-isa ang mga pagkukulang ng kaniyang mga alagad, pati na ang mga ginawa nila noong gabing arestuhin siya.
Sa halip, pinatibay ni Jesus si Pedro at ang iba pang apostol. Ipinakita niyang nagtitiwala pa rin siya sa kanila at binigyan niya sila ng mga tagubilin para sa pinakaimportanteng gawaing pagtuturo sa kasaysayan ng tao. Para kay Jesus, kaibigan pa rin niya ang mga apostol. Tumatak sa isip nila ang pag-ibig na ipinakita niya. At ginawa nila ang lahat para hindi na muling biguin ang kanilang Panginoon. Sa katunayan, matagumpay nilang isinagawa ang atas na ibinigay niya sa kaniyang mga tagasunod.—Gawa 1:8; Col. 1:23.
Isang sister na nagngangalang Elvira ang nagkaroon ng di-pagkakasundo sa kaibigan niyang si Giuliana. Sinabi ni Elvira: “Nang sabihin niya na nasaktan siya sa ginawa ko, nakonsensiya ako. May dahilan siyang magalit. Pero naantig ako dahil mas nag-alala siya sa akin at sa magiging resulta ng ginawa ko. Tinatanaw kong utang na loob na hindi siya nagpokus sa maling ginawa ko sa kaniya, kundi sa pinsalang dulot nito sa akin. Salamat kay Jehova at may kaibigan akong inuuna ang kapakanan ko bago ang sarili niyang damdamin.”
Kaya paano tutugon ang isang mabuting kaibigan kapag nanganganib ang pagkakaibigan? Handa siyang ipakipag-usap ito sa mabait at tapatang paraan kung kailangan. Tutularan niya sina Natan at Husai, na nanatiling matapat kahit sa mahihirap na panahon. At tutularan niya si Jesus, na handang magpatawad. Ikaw, ganiyang uri ka ba ng kaibigan?