Ayon kay Juan
15 “Ako ang tunay na punong ubas, at ang aking Ama ang tagapagsaka. 2 Inaalis niya sa akin ang bawat sangang hindi namumunga, at nililinis niya ang bawat isa na namumunga para mamunga pa iyon nang higit.+ 3 Malinis na kayo dahil sa mga salitang sinabi ko sa inyo.+ 4 Manatili kayong kaisa ko, at mananatili akong kaisa ninyo. Kung paanong ang sanga ay hindi makapamumunga malibang manatili itong bahagi ng punong ubas, hindi rin kayo makapamumunga malibang manatili kayong kaisa ko.+ 5 Ako ang punong ubas; kayo ang mga sanga. Siya na nananatiling kaisa ko at ako na kaisa niya ay namumunga ng marami;+ dahil kung nakahiwalay kayo sa akin, wala kayong magagawang anuman. 6 Kung ang sinuman ay hindi nananatiling kaisa ko, siya ay itinatapong gaya ng isang sanga at natutuyo. At tinitipon ng mga tao ang mga sangang iyon at inihahagis sa apoy, at ang mga iyon ay nasusunog.+ 7 Kung mananatili kayong kaisa ko at ang mga pananalita ko ay mananatili sa inyo, hingin ninyo ang anumang gusto ninyo at ibibigay iyon sa inyo.+ 8 Ang aking Ama ay maluluwalhati kung patuloy kayong mamumunga ng marami at patutunayan ninyong kayo ay mga alagad ko.+ 9 Inibig ko kayo kung paanong inibig ako ng Ama;+ manatili kayo sa pag-ibig ko. 10 Kung sinusunod ninyo ang mga utos ko, mananatili kayo sa pag-ibig ko,+ kung paanong sinunod ko ang mga utos ng Ama at nanatili sa pag-ibig niya.+
11 “Sinasabi ko sa inyo ang mga ito para madama rin ninyo ang kagalakang nadarama ko at maging lubos ang kagalakan ninyo.+ 12 Ito ang utos ko: Ibigin ninyo ang isa’t isa kung paanong inibig ko kayo.+ 13 Walang pag-ibig na hihigit pa kaysa sa pag-ibig ng isa na nagbibigay ng sarili niyang buhay* para sa mga kaibigan niya.+ 14 Mga kaibigan ko kayo kung ginagawa ninyo ang iniuutos ko sa inyo.+ 15 Hindi ko na kayo tinatawag na mga alipin dahil hindi alam ng alipin kung ano ang ginagawa ng panginoon niya, kundi tinatawag ko kayong mga kaibigan dahil sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama. 16 Hindi kayo ang pumili sa akin, kundi ako ang pumili sa inyo, at inatasan ko kayo na patuloy na mamunga ng mga bungang nagtatagal, para anuman ang hingin ninyo sa Ama sa pangalan ko ay maibigay niya sa inyo.+
17 “Iniuutos ko sa inyo ang mga ito para makapagpakita kayo ng pag-ibig sa isa’t isa.+ 18 Kung napopoot sa inyo ang sanlibutan, tandaan ninyong napoot ito sa akin bago ito napoot sa inyo.+ 19 Kung bahagi kayo ng sanlibutan, matutuwa sa inyo ang sanlibutan. Pero hindi kayo bahagi ng sanlibutan,+ kundi pinili ko kayo mula rito, kaya napopoot sa inyo ang sanlibutan.+ 20 Tandaan ninyo ang sinabi ko sa inyo: Ang alipin ay hindi mas dakila kaysa sa panginoon niya. Kung pinag-usig nila ako, pag-uusigin din nila kayo;+ kung sinunod nila ang mga sinabi ko, susundin din nila ang sa inyo. 21 Pero gagawin nila ang lahat ng ito laban sa inyo dahil sa pangalan ko, dahil hindi nila kilala ang nagsugo sa akin.+ 22 Kung hindi ako dumating at nagsalita sa kanila, wala sana silang kasalanan.+ Pero ngayon ay wala silang maidadahilan para sa kasalanan nila.+ 23 Ang napopoot sa akin ay napopoot din sa aking Ama.+ 24 Kung hindi nila nakita ang mga himalang ginawa ko na hindi pa nagawa ng sinuman, wala sana silang kasalanan;+ pero ngayon ay nakita nila ako at kinapootan, gayundin ang aking Ama. 25 Pero nangyari ito para matupad ang nakasulat sa kanilang Kautusan: ‘Napoot sila sa akin nang walang dahilan.’+ 26 Kapag dumating ang katulong na ipadadala ko sa inyo mula sa Ama, ang espiritu ng katotohanan+ na nanggagaling sa Ama, ang isang iyon ay magpapatotoo tungkol sa akin;+ 27 kaya naman, magpapatotoo kayo,+ dahil nakasama ko kayo mula sa simula.