LAMI
[Aking Tinapay].
Ang kapatid ni Goliat na Giteo. Ang ulat sa 1 Cronica 20:5 ay kababasahan, sa isang bahagi nito, “pinabagsak ni Elhanan na anak ni Jair si Lami na kapatid ni Goliat na Giteo,” sa isang pakikipagdigma sa mga Filisteo. Gayunman, sa katulad na teksto sa 2 Samuel 21:19 ay mababasa: “Pinabagsak ni Elhanan na anak ni Jaare-oregim na Betlehemita si Goliat na Giteo.” Sa huling nabanggit na teksto, lumilitaw na ang ʼeth-lach·miʹ (sa Tagalog, “Lami,” anupat ipinahihiwatig lamang ng terminong Hebreo na ʼeth na ang Lami ang layon ng isang pandiwa) ay may-kamaliang binasa ng isang tagakopya bilang behth hal·lach·miʹ (“Betlehemita”). Samakatuwid, malamang na ang orihinal ay kababasahan ng, ‘pinabagsak si Lami,’ gaya ng mababasa sa katulad na teksto sa 1 Cronica 20:5. Pagtutugmain nito ang dalawang teksto sa puntong ito. Kaya maliwanag na si Lami ay kapatid ng Goliat na pinatay ni David. Sa kabilang dako naman, posible na may dalawang Goliat.—Tingnan ang GOLIAT.