Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Yamang hindi naging tapat sa Diyos si Haring Solomon ng sinaunang Israel noong matanda na siya, maipapalagay ba nating hindi siya bubuhaying muli?—1 Hari 11:3-9.
Bagaman itinala sa Bibliya ang mga pangalan ng ilang lalaki at babaing may pananampalataya na walang-alinlangang bubuhaying muli, hindi ito tuwirang nagkokomento hinggil sa pag-asa ukol sa pagkabuhay-muli ng bawat indibiduwal na binabanggit nito. (Hebreo 11:1-40) Gayunman, sa kaso ni Solomon, magkakaroon tayo ng ideya sa paghatol ng Diyos kung paghahambingin natin ang nangyari sa kaniya pagkamatay niya at ang nangyari sa ilang naging tapat pagkamatay nila.
Dalawang posibilidad lamang ang binabanggit ng Kasulatan para sa mga patay—ang pansamantalang kalagayan ng di-pag-iral at ang kalagayan ng walang-hanggang kamatayan. Ang mga hinatulang hindi karapat-dapat buhaying muli ay inihahagis sa “Gehenna,” o “lawa ng apoy.” (Mateo 5:22; Marcos 9:47, 48; Apocalipsis 20:14) Kabilang dito ang unang mag-asawa, sina Adan at Eva, ang mapagkanulong si Judas Iscariote, at yaong mga namatay nang ilapat ng Diyos ang hatol sa kanila, gaya ng mga tao noong panahon ni Noe at ng mga naninirahan sa Sodoma at Gomorra.a Kapag namatay sila, yaong mga bubuhaying muli ay pupunta sa karaniwang libingan ng mga tao—sa Sheol, o Hades. Tungkol sa kanilang kinabukasan, sinabi ng Bibliya: “Ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya, at ibinigay ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila, at hinatulan sila nang isa-isa ayon sa kanilang mga gawa.”—Apocalipsis 20:13.
Kung gayon, ang mga tapat na tinutukoy sa Hebreo kabanata 11 ay nasa Sheol, o Hades, habang naghihintay ng pagkabuhay-muli. Kabilang dito ang tapat na mga lingkod ng Diyos na sina Abraham, Moises, at David. Isaalang-alang natin ngayon kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kanila may kinalaman sa kanilang kamatayan. “Kung tungkol sa iyo,” ang sabi ni Jehova kay Abraham, “yayaon kang payapa sa iyong mga ninuno; ililibing kang may lubos na katandaan.” (Genesis 15:15) Sinabi ni Jehova kay Moises: “Narito! Ikaw ay hihigang kasama ng iyong mga ninuno.” (Deuteronomio 31:16) Tungkol naman sa ama ni Solomon na si David, ganito ang sabi ng Bibliya: “Si David ay humigang kasama ng kaniyang mga ninuno at inilibing sa Lunsod ni David.” (1 Hari 2:10) Kung gayon, ang ekspresyon na ‘paghigang kasama ng ninuno ng isa’ ay isa pang paraan ng pagsasabing ang tao ay pumunta sa Sheol.
Ano ang nangyari kay Solomon nang mamatay siya? Sumasagot ang Bibliya: “Ang mga araw na ipinaghari ni Solomon sa Jerusalem sa buong Israel ay apatnapung taon. Nang magkagayon si Solomon ay humigang kasama ng kaniyang mga ninuno, at inilibing sa Lunsod ni David na kaniyang ama.” (1 Hari 11:42, 43) Kaya nga, waring makatuwirang ipalagay na si Solomon ay nasa Sheol, o Hades, at mula roon ay bubuhayin siyang muli.
Ang palagay na ito ay nagpapahiwatig na ang posibilidad ng pagkabuhay-muli ay bukás sa iba na tuwirang sinasabi sa Kasulatan na, ‘sila’y humigang kasama ng kanilang mga ninuno.’ Sa katunayan, gayundin ang sinabi tungkol sa marami sa mga haring sumunod kay Solomon, bagaman hindi sila naging tapat. Makatuwiran lamang ito sapagkat “magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” (Gawa 24:15) Mangyari pa, malalaman lamang natin kung sino talaga ang binuhay-muli pagkatapos na ibangon “ang lahat ng nasa mga alaalang libingan.” (Juan 5:28, 29) Kaya sa halip na maging dogmatiko tungkol sa pagkabuhay-muli ng isang partikular na indibiduwal noong unang panahon, maghintay tayo, taglay ang pagtitiwala sa sakdal na desisyon ni Jehova.
[Talababa]
a Tingnan ang pahina 30-1 ng Hunyo 1, 1988, isyu ng Ang Bantayan.