Ikalabing-isang Kabanata
Sa Aba ng mga Rebelde!
1. Anong kakila-kilabot na pagkakamali ang nagawa ni Jeroboam?
NANG mahati sa dalawang kaharian ang tipang bayan ni Jehova, ang sampung-tribong kaharian sa hilaga ay napasailalim sa pamamahala ni Jeroboam. Ang bagong hari ay isang may kakayahan at masigasig na tagapamahala. Subalit wala siyang tunay na pananampalataya kay Jehova. Dahilan dito siya’y nakagawa ng kakila-kilabot na pagkakamali na nakasamâ sa buong kasaysayan ng kaharian sa hilaga. Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, ang mga Israelita ay inutusang maglakbay nang tatlong ulit sa isang taon paahon sa templo sa Jerusalem, na ngayo’y nasa kaharian ng Juda sa timog. (Deuteronomio 16:16) Sa pangambang ang gayong regular na mga paglalakbay ang magiging dahilan upang isipin ng kaniyang mga nasasakupan na sumamang-muli sa kanilang mga kapatid sa timog, si Jeroboam ay “gumawa ng dalawang ginintuang guya at sinabi sa bayan: ‘Napakahirap para sa inyo na umahon patungong Jerusalem. Narito ang iyong Diyos, O Israel, na nag-ahon sa iyo mula sa lupain ng Ehipto.’ Nang magkagayon ay inilagay niya ang isa sa Bethel, at ang isa ay inilagay niya sa Dan.”—1 Hari 12:28, 29.
2, 3. Ano ang naging epekto sa Israel ng pagkakamali ni Jeroboam?
2 Sa pasimula, ang plano ni Jeroboam ay waring umobra. Unti-unting tumigil ang mga tao sa pagpunta sa Jerusalem at nagpasimulang sumamba sa harap ng dalawang guya. (1 Hari 12:30) Gayunman, ang apostatang relihiyosong gawaing ito ay nagpasamâ sa sampung-tribong kaharian. Nang sumunod na mga taon, maging si Jehu, na nagpamalas ng kapuri-puring sigasig sa pag-aalis sa Israel ng pagsamba kay Baal, ay patuloy na yumukod sa mga ginintuang guya. (2 Hari 10:28, 29) Ano pa ang naging bunga ng kalunus-lunos na maling pasiya ni Jeroboam? Ang pagiging mabuway ng pamahalaan at pagdurusa ng mga tao.
3 Dahilan sa naging apostata si Jeroboam, sinabi ni Jehova na ang kaniyang binhi ay hindi maghahari sa lupain, at sa wakas ang hilagang kaharian ay daranas ng isang kakila-kilabot na kapahamakan. (1 Hari 14:14, 15) Ang salita ni Jehova ay nagkatotoo. Pitong hari sa Israel ang namahala sa loob lamang ng dalawang taon o kulang pa rito—ang ilan ay sa loob lamang ng ilang araw. Isang hari ang nagpatiwakal, at anim ang pataksil na pinatay ng mga taong ambisyosong umagaw sa trono. Lalo na pagkatapos ng paghahari ni Jeroboam II, na nagwakas humigit-kumulang noong 804 B.C.E. habang si Uzias ay naghahari sa Juda, ang Israel ay sinalot ng kaguluhan, karahasan, at mga pataksil na pagpatay. Sa ganitong kalagayan si Jehova ay nagpadala ng tuwirang babala, o “salita,” sa kaharian sa hilaga sa pamamagitan ni Isaias. “May salitang ipinasabi si Jehova laban sa Jacob, at iyon ay napasa-Israel.”—Isaias 9:8.a
Umaani ng Poot ng Diyos ang Kapalaluan at Kawalang-Pakundangan
4. Anong “salita” ang ipinadala ni Jehova laban sa Israel, at bakit?
4 Ang “salita” ni Jehova ay hindi ipagwawalang-bahala. “Tiyak na malalaman iyon ng bayan, nilang lahat nga, ng Efraim at ng tumatahan sa Samaria, dahil sa kanilang kapalaluan at dahil sa kawalang-pakundangan ng kanilang puso.” (Isaias 9:9) Ang “Jacob,” “Israel,” “Efraim,” at “Samaria” ay pawang tumutukoy sa kaharian ng Israel sa hilaga, na doon ang Efraim ang nangungunang tribo at ang Samaria ang kabisera. Ang salita ni Jehova laban sa kahariang iyon ay isang matinding paghatol, yamang nagmatigas na ang Efraim dahil sa apostasya at buong kapangahasang nagpakita ng kawalang-pakundangan kay Jehova. Hindi ipagsasanggalang ng Diyos ang bayan sa ibubunga ng kanilang balakyot na mga landasin. Sila’y mapipilitang makinig, o magbibigay-pansin, sa salita ng Diyos.—Galacia 6:7.
5. Paano ipinakita ng mga Israelita na ipinagwawalang-bahala nila ang paghatol ni Jehova?
5 Habang sumasamâ ang mga kalagayan, ang bayan ay nakararanas ng tumitinding kawalan, lakip na ang kanilang mga tahanan—na karaniwang yari sa laryong putik at mumurahing kahoy. Ang kanila bang mga puso ay pinalambot nito? Sila ba’y makikinig sa mga propeta ni Jehova at manunumbalik sa tunay na Diyos?b Iniulat ni Isaias ang walang-pakundangang pagtugon ng bayan: “Mga laryo ang bumagsak, ngunit tinabas na bato ang aming ipantatayo. Mga puno ng sikomoro ang pinutol, ngunit mga sedro ang aming ipampapalit.” (Isaias 9:10) Hinamon ng mga Israelita si Jehova at tinanggihan ang kaniyang mga propeta, na siyang nagsasabi sa kanila kung bakit sila dumaranas ng gayong mga kahirapan. Sa diwa, ang bayan ay nagsasabi: ‘Maaaring mawalan kami ng mga tahanan na yari sa nasisirang laryong putik at mumurahing kahoy, subalit higit pa ang gagawin naming pagbawi sa pamamagitan ng pagtatayong-muli ng mas mahuhusay na materyales—ng tinabas na bato at sedro!’ (Ihambing ang Job 4:19.) Wala nang mapagpipilian si Jehova kundi ang disiplinahin sila nang higit pa.—Ihambing ang Isaias 48:22.
6. Paano binigo ni Jehova ang pakana ng Siryo-Israelita laban sa Juda?
6 Si Isaias ay nagpatuloy: “Itataas ni Jehova ang mga kalaban ni Rezin laban sa kaniya.” (Isaias 9:11a) Sina Haring Peka ng Israel at Haring Rezin ng Sirya ay magkakampi. Sila’y nagpakanang lupigin ang dalawang-tribong kaharian ng Juda at iluklok sa trono ni Jehova sa Jerusalem ang isang sunud-sunurang hari—isang “anak ni Tabeel.” (Isaias 7:6) Subalit ang sabuwatan ay mabibigo. Malalakas ang kaaway ni Rezin, at “itataas” ni Jehova ang mga kaaway na ito laban sa “kaniya,” ang Israel. Ang terminong ‘magtataas’ ay nangangahulugan na pahihintulutan sila na magsagawa ng matagumpay na pakikipagdigma na magwawasak sa alyansa at sa mga layunin nito.
7, 8. Para sa Israel, ano ang naging resulta ng pananakop ng Asirya sa Sirya?
7 Ang pagkalansag ng alyansang ito ay nagpasimula nang salakayin ng Asirya ang Sirya. “Ang hari ng Asirya ay umahon sa Damasco [ang kabisera ng Sirya] at binihag iyon at dinala ang bayan nito sa pagkatapon sa Kir, at pinatay niya si Rezin.” (2 Hari 16:9) Sa pagkawala ng kaniyang malakas na kakampi, nakita ni Peka na ang kaniyang mga plano laban sa Juda ay nabigo. Sa katunayan, di-nagtagal pagkamatay ni Rezin, si Peka mismo ay pataksil na pinatay ni Hoshea, na pagkatapos nito’y siyang umagaw sa trono ng Samaria.—2 Hari 15:23-25, 30.
8 Ang Sirya, dating kakampi ng Israel, ay isa na ngayong basalyo ng Asirya, ang nangingibabaw na kapangyarihan sa rehiyon. Inihula ni Isaias kung paano gagamitin ni Jehova ang bagong pulitikal na alyansang ito: “Ang mga kaaway ng isang iyon [ang Israel] ay kaniyang [si Jehova] uudyukan, ang Sirya mula sa silangan at ang mga Filisteo mula sa likuran, at ang Israel ay lalamunin nila na may nakabukang bibig. Sa lahat ng ito ay hindi pa napapawi ang kaniyang galit, kundi nakaunat pa ang kaniyang kamay.” (Isaias 9:11b, 12) Oo, ang Sirya ay kaaway na ngayon ng Israel, at ang Israel ay kailangang maghanda para sa pananalakay ng Asirya at ng Sirya. Ang paglusob ay nagtagumpay. Ginawa ng Asirya ang mang-aagaw na si Hoshea na kaniyang lingkod, na pinatawan ng pagkalaki-laking buwis. (Ilang dekada bago nito, tumanggap ang Asirya ng malaking halaga mula kay Haring Menahem ng Israel.) Totoong-totoo ang mga salita ng propetang si Oseas: “Inubos na ng mga taga-ibang bayan ang kaniyang [kay Efraim na] kalakasan”!—Oseas 7:9; 2 Hari 15:19, 20; 17:1-3.
9. Bakit natin masasabi na sumalakay ang mga Filisteo “mula sa likuran”?
9 Hindi ba’t sinabi rin ni Isaias na ang mga Filisteo ay sasalakay “mula sa likuran”? Oo. Bago nauso ang mga kompas na may batubalani, ipinakikita ng mga Hebreo ang direksiyon mula sa pangmalas ng isang tao na nakaharap sa sikatan ng araw. Kaya, “ang silangan” ang siyang harapan, samantalang ang kanluran, ang baybaying tahanan ng mga Filisteo, ang “likuran.” Ang “Israel” na binanggit sa Isaias 9:12 ay maaaring sumaklaw sa Juda sa pagkakataong ito sapagkat ang mga Filisteo ay sumalakay sa Juda noong naghahari ang kapanahon ni Peka, si Ahaz, na bumihag at sumakop sa ilang lunsod at mga tanggulan ng Juda. Kagaya ng Efraim sa hilaga, karapat-dapat ang Juda sa disiplinang ito mula kay Jehova, sapagkat siya’y talamak na rin sa apostasya.—2 Cronica 28:1-4, 18, 19.
Mula ‘Ulo Hanggang Buntot’—Isang Bansa ng mga Rebelde
10, 11. Anong parusa ang pasasapitin ni Jehova laban sa Israel dahil sa patuloy nilang paghihimagsik?
10 Sa kabila ng lahat ng mga pagdurusa nito—at sa kabila ng matinding mga kapahayagan ng mga propeta ni Jehova—patuloy pa rin sa paghihimagsik ang kaharian sa hilaga laban kay Jehova. “Ang bayan ay hindi nanumbalik sa Isa na nananakit sa kanila, at si Jehova ng mga hukbo ay hindi nila hinanap.” (Isaias 9:13) Dahil dito, ang propeta ay nagsabi: “Puputulin ni Jehova sa Israel ang ulo at ang buntot, ang supang at ang halamang hungko, sa isang araw. Ang matanda na at ang lubhang iginagalang ay siyang ulo, at ang propeta na nagbibigay ng kabulaanang tagubilin ay siyang buntot. At silang umaakay sa bayang ito ang siyang nagliligaw sa kanila; at yaong mga inaakay ang siyang nililito.”—Isaias 9:14-16.
11 Ang “ulo” at ang “supang” ay kumakatawan sa ‘matanda na at lubhang iginagalang’—ang mga pinuno ng bansa. Ang “buntot” at ang “halamang hungko” ay tumutukoy sa mga huwad na propeta na bumibigkas ng mga salitang kalugud-lugod sa kanilang mga pinuno. Isang iskolar ng Bibliya ang sumulat: “Ang huwad na mga Propeta ay tinawag na buntot, sapagkat sila ang may pinakamababang moral sa bayan, at sapagkat sila’y mapagpaimbabaw na mga tagasunod at tagapagtaguyod ng balakyot na mga tagapamahala.” Ganito ang sabi ni Propesor Edward J. Young hinggil sa huwad na mga propetang ito: “Sila’y hindi mga lider kundi, sumusunod saanman sila akayin ng mga lider, sila’y nambobola at nanlalangis lamang, sila’y tulad ng iwinawagwag na buntot ng isang aso.”—Ihambing ang 2 Timoteo 4:3.
Maging ang ‘mga Babaing Balo at mga Batang Lalaking Walang Ama’ ay mga Rebelde
12. Gaano kalalim nakapasok ang katiwalian sa lipunan ng mga Israelita?
12 Si Jehova ang Tagapagtanggol ng mga babaing balo at mga batang lalaking walang ama. (Exodo 22:22, 23) Subalit, pakinggan kung ano ngayon ang sinabi ni Isaias: “Si Jehova ay hindi magsasaya sa kanilang mga kabataang lalaki, at sa kanilang mga batang lalaking walang ama at sa kanilang mga babaing balo ay hindi siya maaawa; sapagkat silang lahat ay mga apostata at mga manggagawa ng kasamaan at bawat bibig ay nagsasalita ng kahangalan. Sa lahat ng ito ay hindi pa napapawi ang kaniyang galit, kundi nakaunat pa ang kaniyang kamay.” (Isaias 9:17) Pinasamâ ng apostasya ang lahat ng antas ng lipunan, lakip na rin ang mga babaing balo at mga batang lalaking walang ama! Matiyagang isinusugo ni Jehova ang kaniyang mga propeta, na umaasang ang mga tao ay magbabago sa kanilang mga landasin. Halimbawa, “Manumbalik ka kay Jehova na iyong Diyos, O Israel, sapagkat nabuwal ka sa iyong kamalian,” ang pakiusap ni Oseas. (Oseas 14:1) Talaga ngang napakasakit para sa Tagapagtanggol ng mga babaing balo at mga batang lalaking walang ama na pati sila ay gawaran ng hatol!
13. Ano ang ating matututuhan sa naging kalagayan noong kaarawan ni Isaias?
13 Gaya ni Isaias, tayo ay nabubuhay sa mga panahong mapanganib bago dumating ang araw ng paghatol ni Jehova laban sa mga balakyot. (2 Timoteo 3:1-5) Napakahalaga, kung gayon, na ang tunay na mga Kristiyano, anuman ang kanilang kalagayan sa buhay, ay manatiling malinis sa espirituwal, moral, at mental upang mapamalagi ang pagsang-ayon ng Diyos. Sana’y bantayang mabuti ng bawat isa ang kaniyang kaugnayan kay Jehova. Nawa’y walang sinumang nakatakas na mula sa “Babilonyang Dakila” ang muling “makibahagi sa kaniya sa mga kasalanan niya.”—Apocalipsis 18:2, 4.
Ang Huwad na Pagsamba ay Nagbubunga ng Karahasan
14, 15. (a) Ano ang nagiging resulta ng pagsamba sa demonyo? (b) Inihula ni Isaias na ang Israel ay daranas ng anong patuloy na pagdurusa?
14 Ang huwad na pagsamba, sa katunayan, ay pagsamba sa mga demonyo. (1 Corinto 10:20) Gaya ng naipakita bago ang Baha, ang impluwensiya ng mga demonyo ay umaakay sa karahasan. (Genesis 6:11, 12) Kung gayon, hindi kataka-taka na nang naging apostata ang Israel at nagpasimulang sumamba sa mga demonyo, napuno ang lupain ng karahasan at kabalakyutan.—Deuteronomio 32:17; Awit 106:35-38.
15 Sa pamamagitan ng maliwanag na pananalita, inilarawan ni Isaias ang paglaganap ng kabalakyutan at karahasan sa Israel: “Sapagkat ang kabalakyutan ay nagningas na gaya ng apoy; ang mga tinikang-palumpong at mga panirang-damo ay lalamunin nito. At ito ay magliliyab sa mga palumpungan sa kagubatan, at ang mga iyon ay paiitaas na gaya ng pag-ilanlang ng usok. Sa poot ni Jehova ng mga hukbo ay nasusunog ang lupain, at ang bayan ay magiging gaya ng gatong sa apoy. Walang sinumang mahahabag maging sa kaniyang kapatid. At ang isa ay puputol sa kanan at tiyak na magugutom; at ang isa ay kakain sa kaliwa, at tiyak na hindi sila mabubusog. Kakainin ng bawat isa sa kanila ang laman ng sarili niyang bisig, ang Manases sa Efraim, at ang Efraim sa Manases. Magkasama silang magiging laban sa Juda. Sa lahat ng ito ay hindi pa napapawi ang kaniyang galit, kundi nakaunat pa ang kaniyang kamay.”—Isaias 9:18-21.
16. Paano natupad ang mga salita ng Isaias 9:18-21?
16 Gaya ng isang liyab na kumakalat sa mga tinikang palumpong, ang mabilis na paglaganap ng karahasan ay hindi na mapigilan anupat madaling nakaaabot “sa mga palumpungan sa kagubatan,” na lumilikha ng malaking sunog ng karahasan sa kagubatan. Inilarawan ng mga komentarista sa Bibliya na sina Keil at Delitzsch ang antas ng karahasan bilang “ang pinakamalupit na pagpuksa sa sarili sa panahon ng isang magulong gera sibil. Kapos sa anumang matimyas na damdamin, kanilang nilamon ang isa’t isa nang walang kabusugan.” Malamang na ang mga tribo ng Efraim at Manases ay pantanging binanggit dito sapagkat sila ang pangunahing mga kinatawan ng kaharian sa hilaga at, bilang mga inapo ng dalawang anak na lalaki ni Jose, sila ang may pinakamalapit na kaugnayan sa isa’t isa mula sa sampung tribo. Gayunman, sa kabila nito, nahinto lamang ang pagiging marahas nila sa kanilang mga kapatid nang sila’y makipagdigma laban sa Juda sa timog.—2 Cronica 28:1-8.
Humarap ang Tiwaling mga Hukom sa Kanilang Hukom
17, 18. Anong katiwalian ang umiiral sa legal at administratibong sistema sa Israel?
17 Sumunod ay itinuon ni Jehova ang kaniyang mata ng paghatol sa tiwaling mga hukom ng Israel at sa iba pang mga opisyal. Inabuso ng mga ito ang kanilang kapangyarihan sa pamamagitan ng pandarambong sa mga maralita at sa mga napipighati na dumudulog sa kanila upang humingi ng katarungan. Sinabi ni Isaias: “Sa aba niyaong mga nagtatatag ng nakapipinsalang mga tuntunin at niyaong mga sa palagi nilang pagsulat ay sumusulat ng pawang kabagabagan, upang itaboy ang mga maralita mula sa usapin sa batas at agawin ang katarungan mula sa mga napipighati sa aking bayan, upang ang mga babaing balo ay maging kanilang samsam, at upang mandambong sila sa mga batang lalaking walang ama!”—Isaias 10:1, 2.
18 Ipinagbabawal ng Kautusan ni Jehova ang lahat ng anyo ng kawalang-katarungan: “Huwag kayong gagawa ng kawalang-katarungan sa paghatol. Huwag mong pakikitunguhan nang may pagtatangi ang maralita, at huwag mong kikilingan ang pagkatao ng isang dakila.” (Levitico 19:15) Sa hindi pagpansin sa kautusang iyon, ang mga opisyal na ito ay naglagay ng kanilang sariling “nakapipinsalang mga tuntunin” upang bigyang matuwid ang pinakamalupit na uri ng lantarang pagnanakaw—ang pagkuha kahit sa kaliit-liitang mga pag-aari ng mga babaing balo at ng mga batang lalaking walang ama. Sabihin pa, nagiging bulag ang mga huwad na diyos ng Israel sa ganitong kawalan ng katarungan, subalit si Jehova ay hindi. Sa pamamagitan ni Isaias, itinuon ngayon ni Jehova ang kaniyang pansin sa balakyot na mga hukom na ito.
19, 20. Paano mababago ang kalagayan ng mga tiwaling Israelitang hukom, at ano ang mangyayari sa kanilang “kaluwalhatian”?
19 “Ano ang gagawin ninyo sa araw ng pagtutuon ng pansin at sa pagkagiba, kapag dumating iyon mula sa malayo? Kanino kayo tatakas upang magpatulong, at saan ninyo iiwan ang inyong kaluwalhatian, malibang mangyari na ang isa ay yumukod sa ilalim ng mga bilanggo at ang bayan ay patuloy na mabuwal sa ilalim ng mga napatay?” (Isaias 10:3, 4a) Ang mga babaing balo at ang mga batang lalaking walang ama ay walang mapamanhikang tapat na mga hukom. Kung gayon, angkop na angkop na tanungin ni Jehova ngayon ang tiwaling mga Israelitang hukom na iyon kung kanino sila babaling ngayong pagsusulitin sila ni Jehova. Oo, malapit na nilang mabatid na “isang bagay na nakatatakot nga ang mahulog sa mga kamay ng Diyos na buháy.”—Hebreo 10:31.
20 Ang “kaluwalhatian” ng mga balakyot na hukom na ito—ang makasanlibutang prestihiyo, karangalan, at kapangyarihan na nagmumula sa kanilang kayamanan at posisyon—ay panandalian lamang. Ang ilan ay magiging mga bilanggo ng digmaan, na ‘yumuyukod,’ o sumusukot, kasama ng iba pang mga bilanggo, samantalang ang iba pa ay papatayin, at ang kanilang mga bangkay ay matatabunan ng mga namatay sa digmaan. Kalakip din sa kanilang “kaluwalhatian” ang kayamanang natamo dahil sa pandaraya, na siyang darambungin ng kaaway.
21. Dahil sa mga parusang tinanggap ng Israel, humupa ba ang galit ni Jehova laban sa kanila?
21 Winakasan ni Isaias ang huling estropang ito taglay ang nakapangingilabot na babala: “Sa lahat ng ito [lahat ng kaabahan na dinanas na ng bansa] ay hindi pa napapawi ang kaniyang galit, kundi nakaunat pa ang kaniyang kamay.” (Isaias 10:4b) Oo, marami pang sasabihin si Jehova sa Israel. Ang nakaunat na kamay ni Jehova ay hindi iuurong hanggang sa mailapat niya ang pangwakas, mapamuksang dagok sa mapaghimagsik na kaharian sa hilaga.
Huwag Kailanman Maging Biktima ng Kasinungalingan at Pansariling Kapakanan ng Iba
22. Anong leksiyon ang ating matututuhan sa nangyari sa Israel?
22 Ang salita ni Jehova sa pamamagitan ni Isaias ay naging matindi para sa Israel at ‘hindi nagbalik sa kaniya nang walang resulta.’ (Isaias 55:10, 11) Ang kasaysayan ay nag-ulat ng kahambal-hambal na wakas ng kaharian ng Israel sa hilaga, at maguguni-guni natin ang pagdurusang tiniis ng mga naninirahan doon. Tiyak din, ang salita ng Diyos ay matutupad sa kasalukuyang sistema ng mga bagay, lalo na sa apostatang Sangkakristiyanuhan. Napakahalaga kung gayon, na ang mga Kristiyano ay huwag makinig sa sinungaling at laban sa Diyos na propaganda! Salamat sa Salita ng Diyos, anupat ang tusong mga pakana ni Satanas ay matagal nang naihayag, upang tayo’y hindi malamangan ng mga ito kagaya ng nangyari sa sinaunang Israel. (2 Corinto 2:11) Tayong lahat nawa’y huwag kailanman tumigil sa pagsamba kay Jehova “sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:24) Kung gayon, ang kaniyang nakaunat na kamay ay hindi dadagok sa kaniyang mga mananamba kagaya ng nangyari sa mapaghimagsik na Efraim; ang kaniyang mga bisig ay buong-lugod na yayakap sa kanila, at tutulungan niya sila sa daan patungo sa buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa.—Santiago 4:8.
[Mga talababa]
a Ang Isaias 9:8–10:4 ay binubuo ng apat na estropa (seksiyon ng isang maindayog na taludtod), bawat isa ay nagtatapos sa koro na nagbabadya ng masamang pangyayari: “Sa lahat ng ito ay hindi pa napapawi ang kaniyang galit, kundi nakaunat pa ang kaniyang kamay.” (Isaias 9:12, 17, 21; 10:4) Binubuklod ng paraang ito ng panitikan ang Isaias 9:8–10:4 sa isang kabuuang “salita.” (Isaias 9:8) Pansinin din, na ‘nakaunat pa ang kamay’ ni Jehova, hindi upang makipagkasundo, kundi upang humatol.—Isaias 9:13.
b Kabilang sa mga propeta ni Jehova sa kaharian ng Israel sa hilaga ay sina Jehu (hindi ang hari), Elias, Micaias, Eliseo, Jonas, Oded, Oseas, Amos, at Mikas.
[Larawan sa pahina 139]
Ang kabalakyutan at karahasan ay lumaganap sa Israel gaya ng isang sunog sa kagubatan
[Larawan sa pahina 141]
Pagsusulitin ni Jehova ang lahat niyaong mga bumibiktima sa iba