Ngayon Na ang Panahon Para Kumilos
“Hanggang kailan kayo iika-ika sa dalawang magkaibang opinyon?”—1 HARI 18:21.
1. Bakit ibang-iba ang ating panahon kaysa noon?
NANINIWALA ka ba na si Jehova ang tanging tunay na Diyos? Naniniwala ka rin ba na tinutukoy ng mga hula ng Bibliya ang ating panahon bilang “mga huling araw” ng balakyot na sistema ni Satanas? (2 Timoteo 3:1) Kung oo, tiyak na sasang-ayon ka na kailangan na ngayon, higit kailanman, ang apurahang pagkilos. Ngayon lamang sa kasaysayan ng tao nanganib ang napakaraming buhay.
2. Ano ang nangyari sa sampung-tribong kaharian ng Israel noong panahon ng paghahari ni Haring Ahab?
2 Noong ikasampung siglo B.C.E., kinailangang gumawa ng napakaselang desisyon ang bansang Israel. Sino ang kanilang paglilingkuran? Si Haring Ahab, na naiimpluwensiyahan ng kaniyang paganong asawa na si Jezebel, ay nagtaguyod ng pagsamba kay Baal sa sampung-tribong kaharian ng Israel. Si Baal ay isang diyos ng pag-aanak na ipinapalagay na nagbibigay ng ulan at mabubungang pananim. Maraming mananamba ni Baal ang maaaring nagpalipad ng halik o yumukod sa idolo ng kanilang diyos. Upang udyukan si Baal na pagpalain ang kanilang pananim at mga alagang hayop, ang kaniyang mga mananamba ay nakibahagi sa pagpapakasasa sa sekso kasama ng mga patutot sa templo. Kaugalian din nilang maghiwa ng kanilang sarili upang mapadanak ang dugo.—1 Hari 18:28.
3. Ano ang naging epekto sa bayan ng Diyos ng pagsamba kay Baal?
3 Mga 7,000 nalabing Israelita ang tumangging makibahagi sa idolatroso, imoral, at marahas na anyong ito ng pagsamba. (1 Hari 19:18) Nanatili silang matapat sa kanilang pakikipagtipan sa Diyos na Jehova, at dahil dito ay pinag-usig sila. Halimbawa, pinatay ni Reyna Jezebel ang maraming propeta ni Jehova. (1 Hari 18:4, 13) Dahil sa mahirap na mga kalagayang ito, ang karamihan sa mga Israelita ay nakiisa sa ibang pananampalataya, anupat sinisikap palugdan kapuwa si Jehova at si Baal. Subalit isang apostasya para sa isang Israelita na tumalikod kay Jehova at sumamba sa huwad na diyos. Nangako si Jehova na pagpapalain ang mga Israelita kung iibigin nila siya at susundin ang kaniyang mga utos. Gayunman, binabalaan niya sila na kung hindi sila mag-uukol sa kaniya ng “bukod-tanging debosyon,” lilipulin niya sila.—Deuteronomio 5:6-10; 28:15, 63.
4. Ano ang inihula ni Jesus at ng kaniyang mga apostol na mangyayari sa mga Kristiyano, at paano ito natutupad?
4 Gayundin ang situwasyon sa Sangkakristiyanuhan sa ngayon. Nag-aangking Kristiyano ang mga miyembro ng simbahan, ngunit ang kanilang mga kapistahan, paggawi, at paniniwala ay salungat sa mga turo ng Bibliya. Tulad ni Jezebel, nangunguna ang klero ng Sangkakristiyanuhan sa pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova. Ang klero ng Sangkakristiyanuhan ay mayroon ding mahabang rekord ng pagsuporta sa mga digmaan at kung gayon ay may pananagutan din sila sa kamatayan ng milyun-milyong miyembro ng simbahan. Ang gayong suporta ng relihiyon sa makasanlibutang mga pamahalaan ay tinutukoy sa Bibliya bilang espirituwal na pakikiapid. (Apocalipsis 18:2, 3) Karagdagan pa, lalong kinukunsinti ng Sangkakristiyanuhan ang literal na pakikiapid, kahit sa gitna ng klero nito. Inihula ni Jesu-Kristo at ng kaniyang mga apostol ang malaking apostasyang ito. (Mateo 13:36-43; Gawa 20:29, 30; 2 Pedro 2:1, 2) Ano ang pangwakas na kahihinatnan ng mahigit isang bilyong tagasunod ng Sangkakristiyanuhan? At ano ang pananagutan ng tunay na mga mananamba ni Jehova sa mga taong ito at sa lahat ng iba pang nailigaw ng huwad na relihiyon? Makakakuha tayo ng malinaw na sagot sa gayong mga tanong sa pamamagitan ng pagsusuri sa madulang mga pangyayari na humantong sa ‘paglipol kay Baal mula sa Israel.’—2 Hari 10:28.
Ang Pag-ibig ng Diyos sa Kaniyang Suwail na Bayan
5. Paano ipinakita ni Jehova ang maibiging pagmamalasakit sa kaniyang suwail na bayan?
5 Hindi nalulugod ang Diyos na Jehova sa pagpaparusa sa mga naging di-tapat sa kaniya. Bilang isang maibiging Ama, hangad niya na magsisi at manumbalik sa kaniya ang mga balakyot. (Ezekiel 18:32; 2 Pedro 3:9) Bilang katibayan nito, gumamit si Jehova ng maraming propeta noong panahon ni Ahab at Jezebel upang babalaan ang Kaniyang bayan hinggil sa masamang ibinubunga ng pagsamba kay Baal. Isa sa mga propetang iyon si Elias. Pagkatapos ng mapaminsalang tagtuyot, na patiunang ipinabatid, sinabi ni Elias kay Haring Ahab na tipunin ang mga Israelita at ang mga propeta ni Baal sa Bundok Carmel.—1 Hari 18:1, 19.
6, 7. (a) Paano inilantad ni Elias ang pinakaugat ng apostasya ng Israel? (b) Ano ang ginawa ng mga propeta ni Baal? (c) Ano ang ginawa ni Elias?
6 Naganap ang pagtitipon sa kinaroroonan ng altar ni Jehova na ‘giniba,’ marahil upang palugdan si Jezebel. (1 Hari 18:30) Nakalulungkot, ang mga Israelitang naroroon ay hindi nakatitiyak kung sino—si Jehova ba o si Baal—ang talagang makapagbibigay ng lubhang kinakailangang ulan. Si Baal ay kinakatawanan ng 450 propeta, samantalang si Elias lamang ang propetang kumakatawan kay Jehova. Sa pagtukoy sa pinakaugat ng kanilang problema, tinanong ni Elias ang bayan: “Hanggang kailan kayo iika-ika sa dalawang magkaibang opinyon?” Pagkatapos, sa mas simpleng pananalita, iniharap niya sa kanila ang usapin: “Kung si Jehova ang tunay na Diyos, sumunod kayo sa kaniya; ngunit kung si Baal, sumunod kayo sa kaniya.” Upang pakilusin ang di-makapagpasiyang mga Israelita na mag-ukol ng bukod-tanging debosyon kay Jehova, nagmungkahi si Elias ng pagsubok na magpapatunay kung sino ang tunay na Diyos. Dalawang toro ang papatayin bilang hain, isa para kay Jehova at isa para kay Baal. Tutupukin ng tunay na Diyos ang kaniyang hain sa pamamagitan ng apoy. Inihanda ng mga propeta ni Baal ang kanilang hain, at sa loob ng maraming oras ay patuloy silang sumisigaw: “O Baal, sagutin mo kami!” Nang libakin sila ni Elias, hiniwa nila ang kanilang sarili hanggang sa dumanak ang dugo, at sumigaw sila sa sukdulan ng kanilang tinig. Ngunit wala pa ring sagot.—1 Hari 18:21, 26-29.
7 Ngayon naman ay pagkakataon ni Elias. Una, inayos niya ang altar ni Jehova at inilagay niya sa ibabaw nito ang mga bahagi ng guyang toro. Pagkatapos, iniutos niyang buhusan ang hain ng apat na malalaking bangang tubig. Tatlong ulit itong ginawa hanggang sa mapuno ng tubig ang trinsera sa palibot ng altar. Pagkatapos ay nanalangin si Elias: “O Jehova, na Diyos ni Abraham, ni Isaac at ni Israel, ngayon ay ipakilala mo na ikaw ay Diyos sa Israel at ako ang iyong lingkod at na ginawa ko ang lahat ng bagay na ito sa pamamagitan ng iyong salita. Sagutin mo ako, O Jehova, sagutin mo ako, upang malaman ng bayang ito na ikaw, Jehova, ang tunay na Diyos at ikaw ang nagpanumbalik ng kanilang puso.”—1 Hari 18:30-37.
8. Paano tumugon ang Diyos sa panalangin ni Elias, at anong hakbang ang ginawa ng propeta?
8 Tumugon ang tunay na Diyos at tinupok ng apoy mula sa langit ang hain at ang altar. Inubos ng apoy na iyon maging ang tubig na nasa trinsera sa palibot ng altar! Gunigunihin ang naging epekto nito sa mga Israelita. “Kaagad nilang isinubsob ang kanilang mga mukha at sinabi: ‘Si Jehova ang tunay na Diyos! Si Jehova ang tunay na Diyos!’ ” Muling kumilos si Elias, anupat inutusan ang mga Israelita: “Dakpin ninyo ang mga propeta ni Baal! Huwag ninyong patakasin ang kahit isa man sa kanila!” Pagkatapos ay pinatay ang lahat ng 450 propeta ni Baal sa paanan ng Bundok Carmel.—1 Hari 18:38-40.
9. Paano muling nasubok ang tunay na mga mananamba?
9 Sa di-malilimutang araw ring iyon, nagpaulan si Jehova sa lupain sa kauna-unahang pagkakataon pagkatapos ng tatlo at kalahating taon! (Santiago 5:17, 18) Maguguniguni mo ang usap-usapan ng mga Israelita habang pauwi sila; ipinagbangong-puri ni Jehova ang kaniyang pagka-Diyos. Gayunman, hindi pa rin sumuko ang mga mananamba ni Baal. Ipinagpatuloy pa rin ni Jezebel ang kaniyang kampanya ng pag-usig sa mga lingkod ni Jehova. (1 Hari 19:1, 2; 21:11-16) Kaya muling nasubok ang integridad ng bayan ng Diyos. Madaratnan kaya silang nag-uukol ng bukod-tanging debosyon kay Jehova kapag dumating ang araw ng kaniyang paghatol laban sa mga mananamba ni Baal?
Kumilos Na Ngayon
10. (a) Sa makabagong panahon, ano ang matagal nang ginagawa ng mga pinahirang Kristiyano? (b) Ano ang ibig sabihin ng pagsunod sa utos na masusumpungan sa Apocalipsis 18:4?
10 Sa makabagong panahon, ang mga pinahirang Kristiyano ay gumaganap ng gawain na katulad ng kay Elias. Sa pamamagitan ng pakikipag-usap at ng mga lathalain, binababalaan nila ang mga tao ng lahat ng bansa sa loob at labas ng Sangkakristiyanuhan hinggil sa panganib ng huwad na relihiyon. Bilang resulta, milyun-milyon ang agad na tumiwalag sa huwad na relihiyon. Inialay nila ang kanilang buhay kay Jehova at naging bautisadong mga alagad ni Jesu-Kristo. Oo, dininig nila ang apurahang panawagan ng Diyos may kaugnayan sa huwad na relihiyon: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko, kung hindi ninyo nais na makibahagi sa kaniya sa mga kasalanan niya, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot.”—Apocalipsis 18:4.
11. Ano ang kailangan upang makamit ang pagsang-ayon ni Jehova?
11 Milyun-milyong iba pa ang hindi pa rin nakatitiyak kung ano ang dapat nilang gawin bagaman naaakit sila sa salig-Bibliyang mensahe na ibinabalita ng mga Saksi ni Jehova. Ang ilan sa mga ito ay paminsan-minsang dumadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong, tulad ng pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon o mga sesyon ng pandistritong kombensiyon. Hinihimok namin ang lahat ng gayong indibiduwal na maingat na isaalang-alang ang mga salita ni Elias: “Hanggang kailan kayo mauupo sa bakod?” (1 Hari 18:21, New English Bible) Sa halip na magpatumpik-tumpik, kailangang kumilos na sila ngayon at magsikap na abutin ang tunguhing maging nakaalay at bautisadong mga mananamba ni Jehova. Nakataya ang kanilang pag-asang mabuhay nang walang hanggan!—2 Tesalonica 1:6-9.
12. Sa anong mapanganib na situwasyon nasadlak ang ilang bautisadong Kristiyano, at ano ang dapat nilang gawin?
12 Nakalulungkot, ang ilang bautisadong Kristiyano ay naging di-regular o di-aktibo sa kanilang pagsamba. (Hebreo 10:23-25; 13:15, 16) Ang ilan ay nawalan ng sigasig dahil sa takot sa pag-uusig, mga kabalisahan sa paghanap ng ikabubuhay, mga pagsisikap na yumaman, o pagpapalugod sa sarili. Nagbabala si Jesus na ang mismong mga bagay na ito ang titisod, sasakal, at sisilo sa ilan sa kaniyang mga tagasunod. (Mateo 10:28-33; 13:20-22; Lucas 12:22-31; 21:34-36) Sa halip na ‘magpaika-ika sa dalawang opinyon,’ wika nga, ang gayong mga indibiduwal ay dapat na “maging masigasig . . . at magsisi” sa pamamagitan ng determinadong pagkilos na tuparin ang kanilang pag-aalay sa Diyos.—Apocalipsis 3:15-19.
Biglaang Pagkapuksa ng Huwad na Relihiyon
13. Ilarawan ang situwasyon sa Israel nang pahiran si Jehu bilang hari.
13 Ang dahilan kung bakit kailangang apurahang kumilos ngayon ang mga tao ay makikita sa nangyari sa Israel mga 18 taon matapos malutas ang usapin hinggil sa pagka-Diyos sa Bundok Carmel. Ang araw ng paghatol ni Jehova laban sa pagsamba kay Baal ay sumapit nang biglaan at di-inaasahan noong panahon ng ministeryo ng kahalili ni Elias, si Eliseo. Namamahala noon sa Israel ang anak ni Haring Ahab na si Jehoram, at buháy pa rin si Jezebel bilang inang reyna. Palihim na isinugo ni Eliseo ang kaniyang tagapaglingkod upang pahiran ang pinuno ng hukbo ng Israel, si Jehu, bilang ang bagong hari. Nang panahong iyon, si Jehu ay nasa silangang bahagi ng Jordan sa Ramot-gilead at nangangasiwa sa isang digmaan laban sa mga kaaway ng Israel. Si Haring Jehoram naman ay nasa Jezreel sa kapatagang libis malapit sa Megido at nagpapagaling mula sa mga sugat ng digmaan.—2 Hari 8:29–9:4.
14, 15. Anong atas ang tinanggap ni Jehu, at paano siya tumugon?
14 Ito ang iniutos ni Jehova kay Jehu: “Saktan mo ang sambahayan ni Ahab na iyong panginoon, at ipaghihiganti ko ang dugo ng aking mga lingkod na mga propeta at ang dugo ng lahat ng lingkod ni Jehova sa kamay ni Jezebel. At ang buong sambahayan ni Ahab ay papanaw; . . . si Jezebel ay uubusin ng mga aso sa lupain ng Jezreel, at walang sinumang maglilibing sa kaniya.”—2 Hari 9:7-10.
15 Hindi nag-atubili si Jehu. Kaagad-agad, sumakay siya sa kaniyang karo at mabilis na nagtungo sa Jezreel. Isang bantay sa Jezreel ang nakakilala sa paraan ng pagpapatakbo ni Jehu at iniulat niya ito kay Haring Jehoram, at si Jehoram naman ay sumakay sa kaniyang karo at sinalubong ang pinuno ng kaniyang hukbo. Nang magkita sila, nagtanong si Jehoram: “May kapayapaan ba, Jehu?” Sumagot si Jehu: “Anong kapayapaan ang maaaring umiral hangga’t naroroon pa ang mga pakikiapid ni Jezebel na iyong ina at ang kaniyang maraming panggagaway?” Pagkatapos, bago pa makatakas si Haring Jehoram, kinuha ni Jehu ang kaniyang busog at pinatay si Jehoram sa pamamagitan ng isang palaso na tumagos sa kaniyang puso.—2 Hari 9:20-24.
16. (a) Sa anong situwasyon biglang napaharap ang mga opisyal ng korte ni Jezebel? (b) Paano natupad ang salita ni Jehova tungkol kay Jezebel?
16 Sakay ng kaniyang karo, mabilis na nagtungo sa lunsod si Jehu nang walang sinasayang na panahon. Dumungaw sa bintana si Jezebel na naka-make-up nang makapal at binati si Jehu nang may mapanghamong pagbabanta. Hindi siya pinansin ni Jehu, sa halip ay tumawag ng suporta: “Sino ang nasa panig ko? Sino?” Kailangan ngayong kumilos kaagad ang mga tagapaglingkod ni Jezebel. Dalawa o tatlo sa mga opisyal ng korte ang dumungaw sa bintana. Agad-agad, nasubok ang kanilang pagkamatapat. “Ibagsak ninyo siya!” ang utos ni Jehu. Ibinagsak ng mga opisyal si Jezebel sa lansangan sa ibaba, kung saan niyurakan siya ng mga kabayo at karo ni Jehu. Gayon ang kinahinatnan ng manunulsol ng pagsamba kay Baal sa Israel, na karapat-dapat lamang sa kaniya. Bago pa siya mailibing, nakain na ng mga aso ang kaniyang mga kalamnan, gaya ng inihula.—2 Hari 9:30-37.
17. Ang hatol ng Diyos kay Jezebel ay dapat magpalakas sa ating pananampalataya hinggil sa anong pangyayari sa hinaharap?
17 Ang gayunding nakagigitlang pagkapuksa ay sasapit sa makasagisag na patutot na may pangalang “Babilonyang Dakila.” Kinakatawanan ng patutot ang mga huwad na relihiyon ng sanlibutan ni Satanas, na nagmula sa sinaunang lunsod ng Babilonya. Kapag napuksa na ang huwad na relihiyon, ibabaling naman ng Diyos na Jehova ang kaniyang pansin sa lahat ng tao na bumubuo sa sekular na mga bahagi ng sanlibutan ni Satanas. Pupuksain din ang mga ito, anupat magbibigay-daan para sa isang matuwid na bagong sanlibutan.—Apocalipsis 17:3-6; 19:19-21; 21:1-4.
18. Pagkamatay ni Jezebel, ano ang nangyari sa mga mananamba ni Baal sa Israel?
18 Pagkamatay ni Jezebel, kumilos kaagad si Haring Jehu at pinatay ang lahat ng inapo at pangunahing mga tagasuporta ni Ahab. (2 Hari 10:11) Ngunit nanatili pa rin sa lupain ang maraming Israelitang mananamba ni Baal. Hinggil sa mga ito, apurahang kumilos si Jehu upang ipakita ang “hindi [niya] pagpapahintulot na magkaroon ng kaagaw si Jehova.” (2 Hari 10:16) Sa pagkukunwaring siya mismo ay mananamba ni Baal, nagsaayos si Jehu ng dakilang kapistahan sa templo ni Baal na itinayo ni Ahab sa Samaria. Dumalo sa kapistahan ang lahat ng mananamba ni Baal sa Israel. Dahil nasukol sa loob ng templo, silang lahat ay pinatay ng mga tauhan ni Jehu. Tinapos ng Bibliya ang ulat sa ganitong mga salita: “Sa gayon ay nilipol ni Jehu si Baal mula sa Israel.”—2 Hari 10:18-28.
19. Anong dakilang pag-asa ang naghihintay sa “malaking pulutong” ng matapat na mga mananamba ni Jehova?
19 Pinawi ang pagsamba kay Baal sa Israel. Tiyak din naman, ang mga huwad na relihiyon ng sanlibutang ito ay pupuksain sa biglaan at nakagigitlang paraan. Kaninong panig ka sa panahon ng dakilang araw ng paghatol na iyon? Kumilos na ngayon, at maaari kang magkapribilehiyo na mapabilang sa “malaking pulutong” ng mga taong makaliligtas sa “malaking kapighatian.” Kung magkagayon ay mababalikan mo ang nakaraan nang may kagalakan, at pupurihin mo ang Diyos sa paglalapat ng hatol sa “dakilang patutot na nagpasamâ sa lupa dahil sa kaniyang pakikiapid.” Kaisa ng iba pang tunay na mga mananamba, sasang-ayon ka sa kapana-panabik na mga salitang inaawit ng makalangit na mga tinig: “Purihin ninyo si Jah, sapagkat si Jehova na ating Diyos, ang Makapangyarihan-sa-lahat, ay nagsimulang mamahala bilang hari.”—Apocalipsis 7:9, 10, 14; 19:1, 2, 6.
Mga Tanong Para sa Pagbubulay-bulay
• Paano nagkasala ng pagsamba kay Baal ang sinaunang Israel?
• Anong malaking apostasya ang inihula ng Bibliya, at paano natutupad ang hulang iyan?
• Paano pinawi ni Jehu ang pagsamba kay Baal?
• Ano ang dapat nating gawin upang makaligtas sa araw ng paghatol ng Diyos?
[Mapa sa pahina 25]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Socoh
Apek
Helkat
Jokneam
Megido
Taanac
Dotan
SAMARIA
En-dor
Sunem
Opra
Jezreel
Ibleam (Gat-rimon)
Tirza
Bet-semes
Bet-sean (Bet-san)
Jabes-gilead?
Abel-mehola
Bahay ni Arbel
Ramot-gilead
Mga Taluktok ng Bundok
Bdk. Carmel
Bdk. Tabor
More
Bdk. Gilboa
[Katubigan]
Dagat Mediteraneo
Dagat ng Galilea
[Ilog]
Ilog Jordan
[Mga bukal at mga balon]
Balon ng Harod
[Credit Line]
Based on maps copyrighted by Pictorial Archive (Near Eastern History) Est. and Survey of Israel
[Mga larawan sa pahina 26]
Mahahalagang aspekto ng tunay na pagsamba ang regular na pakikibahagi sa pangangaral ng Kaharian at pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong
[Larawan sa pahina 28, 29]
Tulad ni Jehu, dapat na apurahang kumilos ang lahat ng nagnanais maligtas sa araw ni Jehova