Tinupad Nila ang Kalooban ni Jehova
Dinakila ni Elias ang Tunay na Diyos
SIYA ang pangunahing taong pinaghahanap sa Israel. Walang-pagsalang papatayin siya kapag natagpuan siya ng hari. Sino ang pinaghahanap na lalaking ito? Ang propeta ng Diyos na si Elias.
Pinangyari ni Haring Ahab at ng kaniyang paganong asawa, si Jezebel, na lumaganap sa Israel ang pagsamba kay Baal. Bunga nito, si Jehova ay nagpasapit ng tagtuyot sa lupain, na ngayo’y nasa ikaapat na taon na nito. Ang galit-na-galit na si Jezebel ay kumilos upang ipapatay ang mga propeta ni Jehova, subalit si Elias ang lalo nang pinaghahanap ni Ahab. Si Elias ang nagsabi ng ganito kay Ahab mahigit na tatlong taon na ang nakararaan: “Hindi magkakaroon sa mga taóng ito ng hamog ni ng ulan man, malibang ayon sa utos ng aking salita!” (1 Hari 17:1) At ang ibinungang tagtuyot ay nagpapatuloy pa rin.
Sa mapanganib na situwasyong ito, sinabihan ni Jehova si Elias: “Yumaon ka, magpakita ka kay Ahab, yamang ako ay determinadong magbigay ng ulan sa ibabaw ng lupa.” Bagaman isasapanganib nang malaki ang sarili, sinunod ni Elias ang utos ni Jehova.—1 Hari 18:1, 2.
Nagharap ang Dalawang Magkalaban
“Ikaw ba ito, ang tagapagdala ng sumpa sa Israel?” ang tanong ni Ahab, pagkakita kay Elias. “Hindi ako nagdala ng sumpa sa Israel,” ang buong-tapang na tugon ni Elias, “kundi ikaw at ang sambahayan ng iyong ama, sapagkat iniwan ninyo ang mga utos ni Jehova, at sumunod ka sa mga Baal.” Pagkatapos ay iniutos ni Elias na ang buong Israel ay dapat magtipon sa Bundok Carmel, pati na “ang apat na raan at limampung propeta ni Baal at ang apat na raang propeta ng sagradong poste.” Pagkatapos ay sinabi ni Elias sa pulutong: “Hanggang kailan kayo iika-ika sa dalawang magkaibang opinyon?a Kung si Jehova ang tunay na Diyos, sumunod kayo sa kaniya; ngunit kung si Baal, sumunod kayo sa kaniya.”—1 Hari 18:17-21.
Tahimik ang mga tao. Marahil ay napagtanto nila ang kanilang kasalanan na pagkabigong mag-ukol ng bukod-tanging debosyon kay Jehova. (Exodo 20:4, 5) O maaaring ang kanilang budhi ay masyadong manhid anupat hindi na nakadarama ng pagkakasala sa paghahati ng kanilang katapatan kay Jehova at kay Baal. Sa paano man, iniutos ni Elias sa bayan na kumuha ng dalawang guyang toro—ang isa para sa mga propeta ni Baal at ang isa naman ay para sa kaniya. Ang dalawang toro ay parehong ihahanda upang ihain, subalit walang apoy na paniningasin. “Tumawag kayo sa pangalan ng inyong diyos,” ang sabi ni Elias, “at ako naman ay tatawag sa pangalan ni Jehova; at mangyayari na ang tunay na Diyos na sasagot sa pamamagitan ng apoy ay siyang tunay na Diyos.”—1 Hari 18:23, 24.
Dinakila si Jehova
Ang mga propeta ni Baal ay nagsimulang ‘umika-ika sa palibot ng altar na kanilang ginawa.’ Buong umaga silang humihiyaw: “O Baal, sagutin mo kami!” Subalit hindi sumagot si Baal. (1 Hari 18:26) Nang magkagayon ay sinimulan silang tuyain ni Elias: “Sumigaw kayo sa sukdulan ng inyong tinig, sapagkat siya ay isang diyos.” (1 Hari 18:27) Ang mga propeta ni Baal ay nagsimula pa ngang maghiwa ng kanilang sarili sa pamamagitan ng mga sundang at mga sibat—isang kaugalian na ginagawa ng mga pagano upang pukawin ang awa ng kanilang mga diyos.b—1 Hari 18:28.
Hapon na noon, at ang mga mananamba ni Baal ay patuloy na “gumawi na gaya ng mga propeta”—isang parirala na sa kontekstong ito ay nagpapahiwatig ng ideya na pagpapadala sa silakbo ng damdamin at ng kawalan ng pagpipigil-sa-sarili. Sa pagtatapos ng hapon na iyon, sa wakas ay sinabi ni Elias sa buong bayan: “Lumapit kayo sa akin.” Lahat ay nagmasid nang mabuti habang itinatayong muli ni Elias ang altar ni Jehova, anupat humukay ng trinsera sa palibot nito, pinagputul-putol ang guyang toro, at inilagay sa ibabaw ng altar na may mga kahoy na panggatong. Pagkatapos, binuhusang maigi ng tubig ang toro, ang altar, at ang mga kahoy, at ang trinsera ay pinuno ng tubig (tiyak na tubig-alat na kinuha sa Dagat Mediteraneo). Nang magkagayon, nanalangin si Elias kay Jehova: “Ngayon ay ipakilala mo na ikaw ay Diyos sa Israel at ako ang iyong lingkod at na ginawa ko ang lahat ng bagay na ito sa pamamagitan ng iyong salita. Sagutin mo ako, O Jehova, sagutin mo ako, upang malaman ng bayang ito na ikaw, Jehova, ang tunay na Diyos at ikaw ang nagpanumbalik ng kanilang puso.”—1 Hari 18:29-37.
Walang anu-ano, bumulusok ang apoy mula sa langit “at inubos ang handog na sinusunog at ang mga piraso ng kahoy at ang mga bato at ang alabok, at hinimod ang tubig na nasa trinsera.” Ang mga tao na nagmamasid ay kaagad na nagpatirapa, anupat sinabi: “Si Jehova ang tunay na Diyos! Si Jehova ang tunay na Diyos!” Sa utos ni Elias, dinakip ang mga propeta ni Baal at dinala sa agusang libis ng Kison, kung saan sila pinatay.—1 Hari 18:38-40.
Aral Para sa Atin
Ipinakita ni Elias ang sa wari ay nakahihigit-sa-tao na katapangan. Gayunman, tinitiyak sa atin ng manunulat ng Bibliya na si Santiago na “si Elias ay isang taong may damdaming tulad ng sa atin.” (Santiago 5:17) Nakadama siya ng isang antas ng takot at kabalisahan. Halimbawa, nang sumumpa si Jezebel na maghihiganti dahil sa pagkamatay ng mga propeta ni Baal, tumakas si Elias at pagkatapos ay sumigaw nang malakas kay Jehova sa panalangin: “Sukat na! Ngayon, O Jehova, kunin mo ang aking kaluluwa.”—1 Hari 19:4.
Hindi pinangyari ni Jehova ang kamatayan ng kaluluwa ni Elias. Sa halip, may kaawaan siyang naglaan ng tulong. (1 Hari 19:5-8) Ang mga lingkod ng Diyos sa ngayon ay makatitiyak na gayundin ang gagawin ni Jehova kapag napaharap sila sa mga panahon ng matinding kabalisahan, marahil dahil sa pagsalansang. Sa katunayan, kung mananalangin sila ukol sa tulong ni Jehova, maibibigay niya sa kanila ang “lakas na higit sa karaniwan,” nang sa gayon kahit ‘ginigipit sila sa bawat paraan,’ hindi sila ‘masisikipan anupat hindi makakilos.’ Sa gayon, sila ay matutulungan na magbata, gaya ni Elias.—2 Corinto 4:7, 8.
[Mga talababa]
a Sinasabi ng ilang iskolar na maaaring ang tinutukoy ni Elias ay ang ritwal na sayaw ng mga mananamba ni Baal. Ang gayunding gamit ng salitang “iika-ika” ay matatagpuan sa 1 Hari 18:26 upang ilarawan ang sayaw ng mga propeta ni Baal.
b Sinasabi ng ilan na ang paghiwa sa sarili ay may kaugnayan sa kaugalian na paghahain ng tao. Ang dalawang gawang ito ay nagpapahiwatig na ang pagpapahirap sa sarili o ang pagbububo ng dugo ay maaaring makapagsamo ng lingap ng isang diyos.