Unang Hari
18 Nang maglaon, noong ikatlong taon,+ sinabi ni Jehova kay Elias: “Humarap ka kay Ahab, at magpapaulan ako sa lupain.”+ 2 Kaya umalis si Elias para humarap kay Ahab. Matindi ang taggutom+ noon sa Samaria.
3 Samantala, tinawag ni Ahab si Obadias, na namamahala sa sambahayan. (Malaki ang takot ni Obadias kay Jehova, 4 at noong nililipol ni Jezebel+ ang mga propeta ni Jehova, 100 propeta ang itinago ni Obadias, 50 sa isang kuweba, at pinaglaanan niya sila ng tinapay at tubig.) 5 Sinabi ni Ahab kay Obadias: “Pumunta ka sa lahat ng bukal at lambak* sa lupain. Baka sakaling makakita tayo ng sapat na damo para mapanatiling buháy ang mga kabayo at mula* at hindi mamatay ang lahat ng hayop natin.” 6 Kaya naghati sila ng lupaing pupuntahan. Pumuntang mag-isa si Ahab sa isang direksiyon, at pumuntang mag-isa si Obadias sa kabilang direksiyon.
7 Habang naglalakbay si Obadias, nasalubong niya si Elias. Nakilala niya agad ito, at sumubsob siya at nagsabi: “Ikaw ba iyan, panginoon kong Elias?”+ 8 Sumagot ito: “Ako nga. Pumunta ka sa panginoon mo at sabihin mo sa kaniya, ‘Nandito si Elias.’” 9 Pero sinabi niya: “Anong kasalanan ang nagawa ko at gusto mong patayin ako ni Ahab? 10 Tinitiyak ko, kung paanong buháy si Jehova na iyong Diyos, ipinapahanap ka ng panginoon ko sa lahat ng bansa at kaharian. Kapag sinasabi nilang ‘Wala siya rito,’ pinasusumpa niya ang kaharian at ang bansa na hindi ka talaga nila nakita.+ 11 At ngayon ay sinasabi mo, ‘Pumunta ka sa panginoon mo at sabihin mo sa kaniya: “Nandito si Elias.”’ 12 Kapag naghiwalay tayo, tatangayin ka ng espiritu ni Jehova+ papunta sa lugar na hindi ko alam. Kapag sinabi ko kay Ahab na nandito ka at hindi ka niya nakita, siguradong papatayin niya ako. Pero panginoon ko, may takot ako kay Jehova mula pa sa pagkabata. 13 Hindi ba nabalitaan ng panginoon ko kung ano ang ginawa ko noong nililipol ni Jezebel ang mga propeta ni Jehova? Itinago ko ang 100 sa mga propeta ni Jehova, 50 sa isang kuweba, at pinaglaanan sila ng tinapay at tubig.+ 14 Pero sinasabi mo ngayon, ‘Pumunta ka sa panginoon mo at sabihin mo sa kaniya: “Nandito si Elias.”’ Siguradong papatayin niya ako.” 15 Pero sinabi ni Elias: “Isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova ng mga hukbo na pinaglilingkuran ko,* magpapakita ako sa kaniya ngayon.”
16 Kaya pumunta si Obadias kay Ahab at sinabi ito sa kaniya, at pinuntahan ni Ahab si Elias.
17 Pagkakita ni Ahab kay Elias, sinabi niya rito: “Ikaw ba iyan, ang nagdadala ng malaking problema sa Israel?”
18 Sumagot ito: “Hindi ako ang nagdala ng problema sa Israel, kundi ikaw at ang sambahayan ng iyong ama, dahil sinuway ninyo ang mga utos ni Jehova, at sumunod kayo sa mga Baal.+ 19 At ngayon, papuntahin mo sa akin sa Bundok Carmel+ ang buong Israel, pati ang 450 propeta ni Baal at ang 400 propeta ng sagradong poste,*+ na kumakain sa mesa ni Jezebel.” 20 Kaya nagpadala ng mensahe si Ahab sa buong Israel at tinipon ang mga propeta sa Bundok Carmel.
21 Pagkatapos, lumapit si Elias sa buong bayan at nagsabi: “Hanggang kailan kayo magpapaika-ika sa dalawang magkaibang opinyon?*+ Kung si Jehova ang tunay na Diyos, sumunod kayo sa kaniya;+ pero kung si Baal, sumunod kayo sa kaniya!” Pero hindi umimik ang bayan. 22 Pagkatapos, sinabi ni Elias sa bayan: “Ako na lang ang natirang propeta ni Jehova,+ samantalang 450 ang propeta ni Baal. 23 Bigyan ninyo kami ng dalawang batang toro. Pipili sila ng isang batang toro at pagpuputol-putulin nila iyon at ilalagay sa ibabaw ng kahoy, pero hindi nila iyon dapat lagyan ng apoy. Ihahanda ko ang isang batang toro, at ilalagay ko iyon sa ibabaw ng kahoy, pero hindi ko iyon lalagyan ng apoy. 24 Pagkatapos, tumawag kayo sa pangalan ng inyong diyos,+ at tatawag naman ako sa pangalan ni Jehova. Ang Diyos na sasagot sa pamamagitan ng apoy ang siyang tunay na Diyos.”+ Sumagot ang buong bayan: “Payag kami sa sinabi mo.”
25 Sinabi ngayon ni Elias sa mga propeta ni Baal: “Pumili kayo ng isang batang toro at kayo ang maunang maghanda, dahil mas marami kayo. At tumawag kayo sa pangalan ng diyos ninyo, pero huwag ninyong lalagyan iyon ng apoy.” 26 Kaya kinuha nila ang batang toro na ibinigay sa kanila, inihanda ito, at tumawag sila sa pangalan ni Baal mula umaga hanggang tanghali, na sinasabi: “O Baal, sagutin mo kami!” Pero walang sinumang sumasagot.+ Patuloy silang umiika-ika sa palibot ng altar na ginawa nila. 27 Nang tanghali na, sinimulan silang tuyain ni Elias: “Ilakas pa ninyo ang sigaw! Tutal, isa siyang diyos!+ Baka may malalim siyang iniisip o baka pumunta siya sa palikuran.* O baka tulóg siya at kailangang gisingin!” 28 Sumisigaw sila nang napakalakas at hinihiwa nila ang sarili nila ng punyal at sibat, gaya ng kaugalian nila, hanggang sa maging duguan na sila. 29 Lampas na ng tanghali at nagkakagulo pa rin sila na parang mga baliw* hanggang sa oras ng pag-aalay ng handog na mga butil sa gabi, pero walang sinumang sumasagot; walang nagbibigay-pansin.+
30 Pagkatapos, sinabi ni Elias sa buong bayan: “Lumapit kayo sa akin.” Kaya lumapit sa kaniya ang buong bayan. At inayos niya ang altar ni Jehova na giniba.+ 31 Pagkatapos, kumuha si Elias ng 12 bato, ayon sa bilang ng mga tribo ng mga anak ni Jacob, na sinabihan ni Jehova: “Israel ang magiging pangalan mo.”+ 32 Gamit ang mga bato, nagtayo siya ng altar+ sa pangalan ni Jehova. Sa palibot ng altar ay gumawa rin siya ng hukay na sapat ang laki para mapagtamnan ng dalawang seah* ng binhi. 33 Pagkatapos, inayos niya ang mga piraso ng kahoy, pinagputol-putol ang batang toro, at inilagay iyon sa ibabaw ng kahoy.+ Sinabi niya ngayon: “Punuin ninyo ng tubig ang apat na malalaking banga at ibuhos ninyo iyon sa handog na sinusunog at sa mga piraso ng kahoy.” 34 Pagkatapos, sinabi niya: “Buhusan ninyo uli.” Kaya ginawa nila uli iyon. Muli niyang sinabi: “Buhusan ninyo sa ikatlong pagkakataon.” Kaya ginawa nila iyon sa ikatlong pagkakataon. 35 At umagos ang tubig sa palibot ng altar, at pinuno rin niya ng tubig ang hukay.
36 Nang oras na ng pag-aalay ng handog na mga butil sa gabi,+ lumapit ang propetang si Elias at nagsabi: “O Jehova, na Diyos ni Abraham,+ ni Isaac,+ at ni Israel, ngayon ay ipakilala mo na ikaw ay Diyos sa Israel at ako ang lingkod mo at na iniutos mo ang lahat ng bagay na ito na ginawa ko.+ 37 Sagutin mo ako, O Jehova! Sagutin mo ako para malaman ng bayang ito na ikaw, Jehova, ang tunay na Diyos at pinanunumbalik mo sa iyo ang puso nila.”+
38 At bumulusok ang apoy ni Jehova at tinupok ang handog na sinusunog,+ ang mga piraso ng kahoy, ang mga bato, at ang alabok, at tinuyo nito ang tubig na nasa hukay.+ 39 Nang makita iyon ng buong bayan, agad silang sumubsob at nagsabi: “Si Jehova ang tunay na Diyos! Si Jehova ang tunay na Diyos!” 40 Pagkatapos, sinabi ni Elias sa kanila: “Hulihin ninyo ang mga propeta ni Baal! Huwag ninyong hayaang may makatakas sa kanila!” Agad nilang hinuli ang mga propeta, at ibinaba sila ni Elias sa ilog* ng Kison+ at pinatay sila roon.+
41 Sinabi ngayon ni Elias kay Ahab: “Umakyat ka, kumain ka at uminom, dahil may naririnig akong buhos ng malakas na ulan.”+ 42 Kaya umakyat si Ahab para kumain at uminom, samantalang si Elias ay umakyat sa tuktok ng Carmel at lumuhod at sumubsob sa lupa, at ang mukha niya ay nasa pagitan ng mga tuhod niya.+ 43 Pagkatapos, sinabi niya sa tagapaglingkod niya: “Pakisuyo, umakyat ka at tumingin sa dagat.” Kaya umakyat ito at tumingin at nagsabi: “Wala akong nakikita.” Pitong ulit na sinabi ni Elias, “Bumalik ka.” 44 Nang ikapitong ulit, sinabi ng tagapaglingkod niya: “Hayun! May umaahon mula sa dagat na isang maliit na ulap na sinlaki ng kamay ng tao.” Sinabi niya ngayon: “Puntahan mo si Ahab at sabihin mo sa kaniya, ‘Ihanda mo ang karwahe! Bumaba ka na, dahil baka hindi ka makaalis kapag bumuhos na ang ulan!’” 45 Samantala, nagdilim ang langit dahil sa mga ulap, humihip ang hangin, at bumuhos ang malakas na ulan;+ at si Ahab ay nagpatakbo ng karwahe papuntang Jezreel.+ 46 Pero binigyan ni Jehova ng kapangyarihan si Elias, at ibinigkis niya sa kaniyang balakang ang damit niya at tumakbo siya at naunahan pa si Ahab sa Jezreel.