ELISEO
[Ang Diyos ay Kaligtasan].
Anak ni Sapat at isang propeta ni Jehova noong ikasampu at ikasiyam na siglo B.C.E.; kahalili ng propetang si Elias. Inutusan ni Jehova si Elias na pahiran si Eliseo na mula sa Abel-mehola. Nang madatnan ni Elias si Eliseo na nag-aararo, inihagis niya rito ang kaniyang opisyal na kasuutan, na nangangahulugan ng isang pag-aatas. (1Ha 19:16) Nag-aararo si Eliseo sa likuran ng 12 pareha ng mga toro, “at kasabay siya ng ikalabindalawa.” Noong ika-19 na siglo, iniulat ni William Thomson sa The Land and the Book (1887, p. 144) na isang kaugalian ng mga Arabe ang gumawang magkakasama gamit ang kanilang maliliit na araro, at madaling mahahasikan ng isang manghahasik ang lahat ng inararo nila sa maghapon. Si Eliseo, na nasa likuran ng pangkat, ay makahihinto nang hindi nagagambala ang pagtatrabaho ng iba. Ipinakikita ng paghahain ni Eliseo ng isang pareha ng mga toro at ng paggamit niya sa mga kagamitan bilang panggatong na siya’y maagap, determinado, at mapagpahalaga sa panawagan ni Jehova. Pagkatapos maghanda ng pagkain, kaagad na umalis si Eliseo upang sumunod kay Elias.—1Ha 19:19-21.
Si Eliseo ay naging tagapaglingkod ni Elias sa loob ng mga anim na taon. Si Elias ang nagsilbing pangunahing propeta, at si Eliseo naman ang naging kasama niya, anupat nakilala ito bilang ang isa na “nagbuhos ng tubig sa mga kamay ni Elias” kapag naghuhugas ng kaniyang mga kamay si Elias.—2Ha 2:3-5; 3:11.
Mula noong panahong sumama si Eliseo kay Elias, siya ay nagsagawa ng panghuhula sa Israel noong naghahari sina Ahab, Ahazias, Jehoram, Jehu, at hanggang noong maghari si Jehoas. Ang namamahala naman sa Juda noong panahong iyon ay sina Jehosapat, Jehoram, Ahazias, Athalia, Jehoas, at, malamang, si Amazias. Pagkalisan ni Elias, mag-isang naglingkod si Eliseo bilang propeta sa loob ng mga 60 taon.—MAPA, Tomo 1, p. 949.
Ang rekord ng gawaing panghuhula ni Eliseo sa Ikalawang Hari ay waring hindi lubusang ayon sa kronolohikal na pagkakasunud-sunod. Halimbawa, sa kabanata 5, si Gehazi ay kinapitan ng ketong, na magiging dahilan sana upang ibukod siya sa ibang mga tao. Gayunman, sa kabanata 8, nakikipag-usap siya sa palakaibigang paraan kay Jehoram ng Israel. Gayundin, ang pagkamatay ni Haring Jehoas ng Israel ay iniulat sa kabanata 13, ngunit sinundan ito ng ulat ng kaniyang huling pakikipag-usap kay Eliseo. (2Ha 13:12-21) Sa ilang bahagi ng ulat, ang mga gawa at mga himala ni Eliseo ay waring pinagsama-sama ayon sa uri o pagkakahawig ng mga iyon, halimbawa: (1) yaong para sa kapakanan ng mga propeta at mga pribadong indibiduwal (2Ha 4:1–6:7), at (2) yaong may kinalaman sa bansa at sa hari.—2Ha 6:8–7:20.
Hinalinhan si Elias. Ang gawain ni Eliseo bilang kahalili ni Elias ay nagpasimula noong mga 917 B.C.E. o di-nagtagal pagkatapos nito, noong panahon ng pag-akyat ni Elias sa langit sa pamamagitan ng buhawi. (2Ha 1:17; 2:1, 11, 12) Bago umalis si Elias, hiniling ni Eliseo sa kaniya ang “dalawang bahagi ng [kaniyang] espiritu,” samakatuwid nga, dobleng bahagi, na nauukol sa panganay na anak. Taglay niya ang posisyong ito dahil sa opisyal na pag-aatas sa kaniya bilang kahalili ni Elias noong ihagis sa kaniya ni Elias ang opisyal na kasuutan nito. (2Ha 2:9) Palibhasa’y batid ni Elias na hindi siya ang magbibigay niyaon, sinabi niya na kung makikita ni Eliseo si Elias na kinukuha mula sa kaniya, ang ninanais nito ay ipagkakaloob. Tiniyak ito ni Jehova nang pahintulutan niyang makita ni Eliseo ang pag-akyat ni Elias sa langit sa pamamagitan ng buhawi. Habang lumilisan si Elias, ang kaniyang magaspang na balabal, na kaniyang opisyal na kasuutan, ay nahulog mula sa kaniya. Pinulot ito ni Eliseo, sa gayon ay ipinakikilala na siya ang kahalili ni Elias. Sa baybayin ng Ilog Jordan, ipinakita ni Jehova na siya ay sumasa kay Eliseo nang makahimala niyang hatiin ang tubig ng Jordan nang hampasin ito ni Eliseo ng kasuutang iyon.—2Ha 2:9-15.
Pagkatawid ni Eliseo sa Jordan, bumalik siya sa pangkat ng mga anak ng mga propeta sa Jerico. Lalo pang napagtibay na si Eliseo ang nangunguna sa samahan ng mga propeta ng Diyos nang pabutihin niya ang suplay ng tubig ng lunsod ng Jerico, na dating masama at nagpapangyari ng mga pagkalaglag. Pagdating niya sa pinagmumulan ng tubig, hinagisan niya iyon ng asin mula sa isang bagong mangkok na maliit, at “ang tubig ay nanatiling mabuti hanggang sa araw na ito.”—2Ha 2:19-22.
Mula sa Jerico, umakyat si Eliseo sa Bethel, na mga 900 m (3,000 piye) ang taas mula sa kapantayan ng dagat, kung saan niya dinalaw noon kasama ni Elias ang isang pangkat ng mga anak ng mga propeta. (2Ha 2:3) Habang nasa daan, isang pulutong ng mga delingkuwenteng kabataan ang lumabas at nagpakita ng matinding kawalang-galang kapuwa sa kaniya at sa kaniyang katungkulan bilang propeta. “Umahon ka, kalbo! Umahon ka, kalbo!” ang pangungutya nila. Maaaring sinasabi nila sa kaniya na magpatuloy siyang umahon patungong Bethel o na lisanin niya ang lupa gaya ng ipinapalagay na ginawa ng kaniyang hinalinhan. (2Ha 2:11) Upang turuan ang mga batang lalaking ito at ang kanilang mga magulang na igalang ang propeta ni Jehova, lumingon siya at isinumpa sila sa pangalan ni Jehova. Dalawang osong-babae ang biglang lumabas mula sa kakahuyan at niluray ang 42 sa kanila.—2Ha 2:23, 24.
Si Haring Jehoram ng Israel, si Haring Jehosapat ng Juda, at ang hari ng Edom ay nasukol sa isang ilang na walang tubig noong magsagawa sila ng isang ekspedisyon upang sugpuin ang paghihimagsik ni Haring Mesa ng Moab (ang nagtindig ng tinatawag na Batong Moabita). Tumawag si Haring Jehosapat ng isang propeta ng Diyos. Hindi para sa kapakinabangan ni Jehoram, kundi bilang paggalang kay Jehosapat, na may pagsang-ayon ni Jehova, nagpatawag si Eliseo ng isang manunugtog ng panugtog na de-kuwerdas, upang sa impluwensiya ng musika ay tumanggap siya ng pagkasi mula kay Jehova. (Ihambing ang 1Sa 10:5, 6.) Pinaghukay ni Eliseo ang mga tao ng mga estero. Kinaumagahan, ang mga ito ay napuno ng tubig. Nang sikatan ng araw ang tubig sa mga estero maaga sa kinaumagahan, ito ay nagmukhang dugo sa paningin ng mga Moabita. Sa pag-aakalang ang Israel at ang mga kaalyado nito ay nagpatayan dahil sa kalituhan, sumugod ang mga Moabita upang tangayin ang samsam. Ngunit laking gulat nila nang bumangon ang Israel at talunin sila ng mga ito. (2Ha 3:4-27) Ang pangyayaring ito ay naganap sa pagitan ng 917 at 913 B.C.E.
Pagkatapos nito, napaulat sa rekord ni Eliseo ang iba pang mga himala. Isang babaing balo ng isa sa mga anak ng mga propeta ang nalagay sa matinding kagipitan. Makahimalang pinarami ni Eliseo ang kaunting langis ng babae upang ang mga anak nito ay hindi kunin ng pinagkakautangan nito at gawing mga alipin. (2Ha 4:1-7) Ang himalang ito ay kahawig ng ikalawang himala ni Elias, nang paramihin niya ang harina at langis ng babaing balo ng Zarepat.—1Ha 17:8-16.
Sa Sunem sa Libis ng Jezreel, isang kilaláng babae ang nagpakita ng pambihirang pagkamapagpatuloy kay Eliseo sapagkat kinikilala siya nito bilang “isang banal na lalaki ng Diyos,” anupat pinaglaanan pa siya ng isang silid yamang malimit siyang dumaan sa tahanan nito. Dahil sa kabaitan nito ay pinangakuan ito ni Eliseo ng isang anak na lalaki, bagaman noong panahong iyon ay matanda na ang asawa nito. Gaya ng kaniyang ipinangako, isang anak na lalaki ang isinilang ng babae pagkaraan ng mga isang taon, ngunit namatay ito habang bata pa. Pagkatapos nito, isinagawa ni Eliseo ang kaniyang unang pagbuhay-muli, anupat pinanumbalik ang buhay ng bata kung paanong ibinangon ni Elias ang anak ng babaing balo sa Zarepat. (2Ha 4:8-37; 1Ha 17:17-24) Dahil sa kabaitan ng babae sa propeta ng Diyos, siya ay saganang ginantimpalaan.—Ihambing ang Mat 10:41.
Bumalik si Eliseo sa Gilgal, na nasa H ng Bethel sa kabundukan, sa mga anak ng mga propeta roon. Noon ay kasalukuyang taggutom. Habang naghahanda ng nilaga, di-sinasadyang may nakapaglagay rito ng mga nakalalasong upo. Nang matikman ang nilaga, sumigaw sila: “May kamatayan sa palayok, O lalaki ng tunay na Diyos.” Yamang hindi dapat mag-aksaya ng pagkain sa panahon ng taggutom, nagpakuha si Eliseo ng harina at inilagay niya iyon sa palayok anupat nakain nila ang nilaga dahil “wala nang anumang nakapipinsala ang nasa palayok.”—2Ha 4:38-41.
Sa mahirap na panahong iyon ng taggutom, isang tapat na nalabi ng mga mananambang Israelita na hindi yumukod kay Baal ang nagpahalaga sa mga pagsisikap ng mga propeta ni Jehova at naglaan sa kanila ng materyal na pagkain. Nang isang lalaki ang magdala ng 20 tinapay na sebada at mga butil, iniutos ni Eliseo na ang kaunting panustos na ito ay ipakain sa lahat. Ngunit 100 lalaki mula sa “mga anak ng mga propeta” ang pakakainin. Sa kabila ng pag-aalinlangan niyaong nagsisilbi, ang lahat ay nakakain at nabusog, at mayroon pang natira.—2Ha 4:42-44; ihambing ang Mar 6:35-44.
Pinagaling si Naaman. Noong panahon ng kaniyang paghahari, isinugo ni Haring Ben-hadad II ng Sirya ang lubhang iginagalang na pinuno ng kaniyang hukbo na si Naaman, isang ketongin, sa hari ng Israel upang mapagaling ang ketong nito. Bagaman ketongin, nailigtas ng magiting na lalaking ito ang Sirya. Maliwanag na ang pagiging ketongin ni Naaman ay hindi nakahadlang sa kaniya sa paghawak ng gayong mataas na katungkulan sa Sirya, samantalang kung sa Israel ay aalisin siya mula sa gayong katungkulan dahil dito. (Lev 13:46) Ang pagsusugo ni Haring Ben-hadad kay Naaman ay resulta ng patotoo ng isang bihag na batang babaing Israelita na naglilingkod sa bahay ni Naaman. Ang batang babaing ito ay nagtitiwala kay Jehova at nagbalita sa kaniyang among babae tungkol sa propeta ni Jehova na si Eliseo na mula sa Israel. Inakala ng hari ng Israel na hinahamon siya ni Ben-hadad ng away, sapagkat gaya ng sabi niya: “Ako ba ay Diyos, upang pumatay at magpanatiling buháy?” Nang mabalitaan ni Eliseo ang pagkabagabag ng hari, sinabi niya sa hari, “Papuntahin mo siya sa akin, pakisuyo, upang malaman niya na may propeta sa Israel.”—2Ha 5:1-8.
Hindi lumabas si Eliseo upang makita si Naaman, kundi ipinasabi lamang niya sa kaniyang tagapaglingkod na maligo si Naaman nang pitong ulit sa Ilog Jordan. Ikinagalit ito ni Naaman, ngunit nang dakong huli ay nagpakumbaba siya, isinagawa ang simpleng mga tagubilin at naging malinis. Bumalik si Naaman kay Eliseo at nanata na mula sa pagkakataong iyon ay tapat niyang paglilingkuran si Jehova na Diyos ng Israel. Nag-uwi siya ng lupa mula sa Israel, “ang mapapasan ng isang pares na mula,” na sa ibabaw nito ay maghahain siya kay Jehova, tiyak na habang nakaharap sa templo ng Jerusalem. Ipagpapatuloy niya ang kaniyang gawain bilang isang opisyal ng hari ng Sirya, kasama na rito ang pagpasok na kasama ng hari sa bahay ng huwad na diyos na si Rimon. Yamang sumasandig sa kaniya ang hari, kailangan niyang yumukod na kasabay ng hari, ngunit sinabi niya na hindi na niya sasambahin si Rimon. Gagampanan niya, hindi ang isang relihiyosong tungkulin, kundi ang tungkulin lamang niya na maglingkod sa hari. Inalok niya si Eliseo ng isang kaloob, na tinanggihan naman ng propeta. Kasuwato ito ng simulain na ang himala ay sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Jehova, hindi yaong sa kaniya, at hindi siya makikinabang mula sa katungkulang ibinigay sa kaniya ni Jehova.—2Ha 5:9-19; ihambing ang Mat 10:8.
Hinabol si Naaman ng sakim na tagapaglingkod ni Eliseo na si Gehazi at hiningi nito ang ilan sa mga kaloob na tinanggihan ni Eliseo. Nagsinungaling ito kay Eliseo upang ilihim ang kaniyang ginawa. Bilang parusa, sinabi ni Eliseo sa kaniya na “ang ketong ni Naaman ay kakapit sa iyo at sa iyong supling hanggang sa panahong walang takda.”—2Ha 5:20-27.
Ang mga anak ng mga propeta na mga kasamahan ni Eliseo ay kinailangang lumipat sa mas maluwang na tirahan. Sila ay nasa may Ilog Jordan noon at pumuputol ng mga biga para sa kanilang bagong bahay. Hiram lamang ang palakol na ginagamit ng isa sa mga propeta, at ang talim ng palakol ay natanggal at bumagsak sa tubig. Maliwanag na sa pagkabahala na baka may kadustaang sumapit sa mga propeta, naghagis si Eliseo ng isang piraso ng kahoy sa tubig kung saan bumagsak ang talim ng palakol, at ang talim ng palakol ay lumutang. Sa gayon ay pinatunayan ni Jehova na tinutulungan niya ang kaniyang mga propeta.—2Ha 6:1-7.
Iniligtas ang Israel Mula sa Sirya. Noong panahon ng paghahari ni Haring Jehoram ng Israel, nagplano ang Sirya ng isang biglaang pagsalakay sa Israel. Ang mga pagmamaniobra ni Ben-hadad II ay di-miminsang binigo ni Eliseo, na nagsiwalat kay Haring Jehoram ng bawat galaw ng mga Siryano. Sa pasimula ay inakala ni Ben-hadad na may traidor sa kaniyang kampo. Ngunit nang matuklasan niya ang tunay na dahilan ng kaniyang suliranin, nagpadala siya ng isang hukbong militar sa Dotan, anupat pinalibutan ito ng mga kabayo at mga karong pandigma upang kunin si Eliseo. (LARAWAN, Tomo 1, p. 950) Takót na takót ang tagapaglingkod ni Eliseo, kaya nanalangin si Eliseo sa Diyos na idilat ang mga mata ng tagapaglingkod, “at, narito! ang bulubunduking pook ay punô ng mga kabayo at mga pandigmang karo ng apoy sa buong palibot ni Eliseo.” Pagkatapos, habang papalapit ang mga hukbong Siryano, ipinanalangin ni Eliseo ang kabaligtarang uri ng himala, “Pakisuyo, bulagin mo ang bansang ito.” Sinabi ni Eliseo sa mga Siryano, “Sundan ninyo ako,” ngunit hindi niya kinailangang akayin sila sa kamay, na nagpapahiwatig na ang pagkabulag na iyon ay mental at hindi pisikal. Hindi nila nakilala si Eliseo, na pinuntahan nila upang dakpin, ni nalaman man nila kung saan niya sila dinadala.—2Ha 6:8-19.
Anong uri ng pagkabulag ang pinasapit ni Jehova sa mga Siryano na nagtangkang humuli kay Eliseo?
Tungkol sa ganitong uri ng pagkabulag, si William James, sa kaniyang Principles of Psychology (1981, Tomo 1, p. 59), ay nagsabi: “Ang isang lubhang nakatatawag-pansing epekto ng diperensiya sa ‘cortex’ ay ang mental na pagkabulag. Hindi naman ito pagkabulag sa mga nakikita ng mata, kundi ang kawalan ng kakayahang maunawaan ang mga iyon. Sa sikolohiya, ito ay maaaring tukuyin bilang ang pagkawala ng mga ugnayan sa pagitan ng mga nakikita ng mata at ng kahulugan ng mga ito; at nangyayari ito kapag naharangan ang mga daanan sa pagitan ng mga sentro ng paningin at ng mga sentro para sa ibang mga ideya.”
Nang madala sa Samaria ang mga Siryano, nanalangin si Eliseo kay Jehova na idilat ang kanilang mga mata, at nasumpungan ng mga Siryano na sila’y nasa gitna mismo ng Samaria sa harap mismo ni Haring Jehoram. Nagpamalas si Eliseo ng pananampalataya sa kapangyarihan ni Jehova at ipinakita niya na talagang wala siyang hangaring maghiganti nang pigilan niya ang hari ng Israel sa pagpatay sa mga Siryano, sapagkat ang sabi niya, ang mga ito ay tulad ng mga bihag sa digmaan. Tinagubilinan niya ang hari na pakainin ang mga ito, at sila ay pinagpiging at pinauwi. Ang resulta: “Ni minsan ay hindi na pumaroong muli sa lupain ng Israel ang mga pangkat ng mandarambong na mga Siryano.”—2Ha 6:20-23.
Gayunman, nang maglaon ay sumalakay si Ben-hadad II, hindi upang mandambong paminsan-minsan, kundi upang kubkubin ang Samaria. Napakatindi ng isinagawa niyang pagkubkob anupat iniulat sa hari na isang babae ang kumain sa sarili nitong anak. Bilang supling ni Ahab, ‘anak ng isang mamamaslang,’ si Haring Jehoram ay sumumpa na papatayin niya si Eliseo. Ngunit ang padalus-dalos na sumpang ito ay hindi naisagawa. Pagdating ni Jehoram sa bahay ng propeta kasama ang kaniyang ayudante, sinabi niya na wala na siyang kapag-a-pag-asang tutulungan siya ni Jehova. Tiniyak ni Eliseo sa hari na magkakaroon ng saganang pagkain sa susunod na araw. Tinuya ng ayudante ng hari ang hulang ito, kung kaya sinabi ni Eliseo sa kaniya: “Narito, makikita mo iyon ng iyong sariling mga mata, ngunit mula roon ay hindi ka kakain.” Sa pamamagitan ng ingay na ipinarinig ni Jehova sa kampo ng mga Siryano, napaniwala sila na isang malaking hukbo ng magkakaanib na mga bansa ang papalapit laban sa kanila, at tumakas sila, anupat iniwan ang kampo pati na ang lahat ng panustos na pagkain doon. Nang matuklasan ng hari ang paglisan ng mga Siryano, inatasan niya ang ayudante upang mangasiwa sa pagbabantay sa pintuang-daan ng Samaria, at doon ay nayurakan ito at namatay nang dumaluhong ang gutóm na pulutong ng mga Israelita upang mandambong sa kampo. Nakita niya ang pagkain ngunit hindi siya nakakain mula roon.—2Ha 6:24–7:20.
Hazael, Jehu, Itinalaga Bilang mga Hari. Nang maglaon sa Damasco sa Sirya, si Haring Ben-hadad II ay nakaratay at malapit nang mamatay. Si Eliseo ay sinalubong ng sugo ng hari na si Hazael at tinanong ni Hazael kung gagaling ang kaniyang panginoon. Kumilos ang espiritu ni Jehova at ipinakita kay Eliseo ang isang nakapipighating tagpo, na ikinalungkot ni Eliseo: Sa kalaunan ay gagawa si Hazael, bilang kahalili ni Ben-hadad, ng napakatinding pinsala sa Israel, bagaman ito ay makatarungang parusa mula kay Jehova dahil sa kanilang mga kasalanan. Sinabi niya kay Hazael na sabihin kay Ben-hadad: “‘Ikaw ay tiyak na gagaling,’ at ipinakita sa akin ni Jehova na siya ay tiyak na mamamatay.” Iniulat ni Hazael ang unang bahagi sa pamamagitan ng mga salita ngunit ang ikalawang bahagi ay sa pamamagitan ng mga pagkilos, anupat sinakluban niya ng basang kubrekama ang mukha ng hari hanggang sa mawalan ito ng hininga at kinuha ang trono ng Sirya.—2Ha 8:7-15.
May isa pang gawaing hindi natapos ni Elias na kailangang gawin ni Eliseo, ang pagpapahid kay Jehu bilang tagapuksa ng Diyos laban sa balakyot na sambahayan ni Ahab. (2Ha 9:1-10) Isinagawa niya ito mahigit 18 taon matapos ibigay ni Jehova ang utos kay Elias. Nakita ni Eliseo ang katuparan ng mga hula sa 1 Hari 19:15-17 at 21:21-24.
Nang panahong pahiran si Jehu, si Jehoram ang namamahala sa Israel at si Ahazias na pamangkin nito ang namamahala sa Juda. Labis na pinighati ng Siryanong si Hazael ang Israel noong panahon ng kaniyang pamamahala at sinugatan niya si Jehoram sa pagbabaka sa Ramot-gilead. (2Ha 9:15) Hindi nag-aksaya ng panahon si Jehu na isagawa ang kaniyang atas na lipulin ang balakyot na sambahayan ni Ahab, anupat wala siyang iiwang buháy. (2Ha 10:11) Una niyang pinagtuunan ng pansin si Haring Jehoram ng Israel, na nagpapagaling noon sa Jezreel. Bilang katuparan ng hula ni Elias, si Jehoram ay sinalubong sa labas ng lunsod at pinatay at inihagis sa bukid ni Nabot na Jezreelita. (2Ha 9:16, 21-26) Nang makapasok sa Jezreel, pinatay ni Jehu ang balakyot na si Jezebel, ang ina ni Jehoram ng Israel at lola ni Ahazias ng Juda. Ipalilibing sana ito ni Jehu, ngunit tiniyak ni Jehova na uubusin ng mga aso ang mga kalamnan nito gaya ng inihula ng kaniyang propetang si Elias, upang hindi ito magkaroon ng libingan na magiging pinakaalaala nito. (2Ha 9:30-37) Pinugutan ng ulo ang 70 anak ni Ahab. Si Ahazias, na apo ni Ahab, ay pinatay (2Ha 10:1-9; 9:27, 28), at ang 42 kapatid ni Ahazias ay pinatay ni Jehu sa pamamagitan ng tabak.—2Ha 10:12-14; 1Ha 21:17-24.
Winasak ang Pagsamba kay Baal. Sa pagpapatuloy ng kaniyang paghayo patungong Samaria na kabiserang lunsod, nakasalubong ni Jehu si Jehonadab, na lubusang sumusuporta sa kaniyang paglipol sa pagsamba kay Baal, at humayo ang dalawa patungong Samaria upang makita ang huling dagok na lubusang papawi sa Baalismo mula sa Israel. Sa pamamagitan ng isang taktika, iniutos ni Jehu na ang lahat ng mananamba ni Baal ay magtipon sa bahay ni Baal at magsuot ng kanilang mga kasuutang pagkakakilanlan. Punung-puno ang bahay, at walang mananamba ni Jehova ang nakahalo sa kanila. Ibinigay ni Jehu ang utos, at pinatay ng kaniyang mga tauhan ang bawat mananamba ni Baal, giniba ang mga sagradong haligi at ibinagsak ang bahay ni Baal, anupat ibinukod ang lugar na iyon upang maging mga palikuran.—2Ha 10:15-27.
Sa gayon ay tinapos ni Eliseo ang gawaing sinimulan ni Elias. Napawi mula sa Israel ang pagsamba kay Baal. Hindi naranasan ni Eliseo na tangayin siya ng buhawi patungo sa langit upang dalhin sa ibang lugar bago siya mamatay, gaya ni Elias. Noong panahon ng paghahari ni Haring Jehoas ng Israel, namatay si Eliseo dahil sa isang likas na sanhi. Nang mamamatay na siya, muling niligalig ng Sirya ang Israel. Nilapitan ni Haring Jehoas si Eliseo at waring humiling ng tulong na pangmilitar laban sa mga Siryano nang sabihin niya kay Eliseo: “Ama ko, ama ko, ang karong pandigma ng Israel at ang kaniyang mga mangangabayo!” Bilang tugon sa utos ni Eliseo, hinampas ni Jehoas ang lupa sa pamamagitan ng kaniyang mga palaso. Ngunit yamang ginawa niya ito nang walang tunay na sigasig, anupat tatlong beses lamang siyang humampas, sinabi ni Eliseo sa kaniya na dahil dito ay pagkakalooban lamang siya ng tatlong tagumpay laban sa Sirya. Ito ay natupad.—2Ha 13:14-19, 25.
Nagampanan ang Gawain. Sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos na sumasa kay Eliseo, nakapagsagawa siya ng 15 himala hanggang sa panahong iyon. Ngunit kahit pagkamatay niya, ginamit pa rin siya ni Jehova para sa ika-16 na himala. Si Eliseo ay naging tapat hanggang sa kamatayan, anupat sinang-ayunan ng Diyos. Inilalahad ng ulat na pagkalibing kay Eliseo, isa pang lalaki ang inililibing at, dahil sa isang pangkat ng mandarambong na mga Moabita, inihagis ng pangkat na naglilibing ang lalaki sa dakong libingan ni Eliseo at tumakas. Nang masagi ang taong patay sa mga buto ni Eliseo, ito ay nabuhay at tumayo sa kaniyang mga paa.—2Ha 13:20, 21.
Sa Lucas 4:27 ay tinawag ni Jesus si Eliseo na isang propeta, at tiyak na tinutukoy siya kasama ni Elias sa Hebreo 11:35, yamang kapuwa sila nakapagsagawa ng mga pagbuhay-muli. Sinimulan ni Elias ang kaniyang gawaing panghuhula noong panahong talamak sa Israel ang pagsamba kay Baal, at kinailangan dito ang sigasig sa tunay na pagsamba. Malaki ang nagawa niya upang maipanumbalik kay Jehova ang puso ng marami. Ipinagpatuloy ni Eliseo ang naiwan ni Elias, at bagaman ang kaniyang ministeryo ay mas mapayapa, tiniyak niya na ang gawaing sinimulan ni Elias ay lubusang maisasagawa, at nabuhay pa siya upang makitang naisakatuparan ito. Kinikilalang nakagawa siya ng 16 na himala kung ihahambing sa 8 himala ni Elias. Tulad ni Elias, nagpakita siya ng malaking sigasig sa pangalan ni Jehova at sa tunay na pagsamba. Nagpamalas siya ng pagtitiis, pag-ibig, at kabaitan gayunma’y napakatatag niya kapag nasasangkot ang pangalan ni Jehova; hindi siya nag-atubiling ipahayag ang kahatulan ng Diyos laban sa balakyot. Dahil dito, napabilang siya sa “ganito kalaking ulap ng mga saksi” na binanggit sa Hebreo 12:1.