Ang Salita ni Jehova ay Buháy
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Unang Hari
“KAPAG dumarami ang matuwid, ang bayan ay nagsasaya; ngunit kapag ang balakyot ang may hawak ng pamamahala, ang bayan ay nagbubuntunghininga.” (Kawikaan 29:2) Maliwanag na ipinakikita ng aklat ng Bibliya na Unang Hari ang katotohanan ng kawikaang ito. Inilalahad nito ang talambuhay ni Solomon, na sa panahon ng kaniyang paghahari, ang sinaunang Israel ay nagtamasa ng panahon ng katiwasayan at malaking kasaganaan. Kalakip din sa ulat ng Unang Hari kung paano nahati ang bansa pagkamatay ni Solomon at ang ulat hinggil sa 14 na haring sumunod sa kaniya, ang ilan sa Israel at ang ilan sa Juda. Dalawa lamang sa mga haring ito ang nanatiling tapat kay Jehova. Bukod diyan, isinasalaysay ng aklat ang mga gawain ng anim na propeta, kasama na si Elias.
Ang salaysay ay isinulat ni propeta Jeremias sa Jerusalem at Juda, at ito ay sumasaklaw ng mga 129 na taon—mula 1040 B.C.E. hanggang 911 B.C.E. Samantalang binubuo ang aklat, maliwanag na sumangguni si Jeremias sa sinaunang mga rekord gaya ng “aklat ng mga pangyayari kay Solomon.” Ang hiwalay na mga ulat na iyon ay hindi na umiiral.—1 Hari 11:41; 14:19; 15:7.
ITINAGUYOD NG MATALINONG HARI ANG KAPAYAPAAN AT KASAGANAAN
Ang Unang Hari ay nagsisimula sa nakaiintrigang ulat hinggil sa pagtatangka ng anak ni Haring David na si Adonias na agawin ang pagkahari ng kaniyang ama. Binigo ng mabilis na pagkilos ni propeta Natan ang plano, at ginawang hari ang anak ni David na si Solomon. Nalugod si Jehova sa kahilingan ng bagong haring iniluklok sa trono at binigyan ito ng “isang marunong at may-unawang puso” pati ng ‘kayamanan at kaluwalhatian.’ (1 Hari 3:12, 13) Walang kapantay ang karunungan at kayamanan ng hari. Ang Israel ay nagtamasa ng isang panahon ng kapayapaan at kasaganaan.
Kabilang sa mga proyekto ng pagtatayo na tinapos ni Solomon ay ang templo ni Jehova at ang iba’t ibang gusali ng pamahalaan. Tiniyak ni Jehova kay Solomon: ‘Itatatag ko ang trono ng iyong kaharian sa Israel hanggang sa panahong walang takda,’ kung mananatiling masunurin ang hari. (1 Hari 9:4, 5) Binabalaan din siya ng tunay na Diyos tungkol sa mga resulta ng pagsuway. Subalit nagkaroon ng maraming banyagang asawa si Solomon nang dakong huli. Sa ilalim ng kanilang impluwensiya, bumaling siya sa huwad na pagsamba nang matanda na siya. Inihula ni Jehova na mahahati ang kaniyang kaharian. Noong 997 B.C.E., namatay si Solomon, at nagwakas ang kaniyang 40-taóng paghahari. Humalili sa trono ang kaniyang anak na si Rehoboam.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
1:5—Bakit sinikap ni Adonias na agawin ang trono samantalang buháy pa si David? Walang sinasabi ang Bibliya. Gayunman, makatuwirang maghinuha na yamang patay na ang mas nakatatandang mga kapatid ni Adonias na sina Amnon at Absalom, at marahil ang anak din ni David na si Kileab, inakala ni Adonias na may karapatan na siya sa trono bilang ang pinakamatanda sa natitirang mga anak na lalaki ni David. (2 Samuel 3:2-4; 13:28, 29; 18:14-17) Palibhasa’y nakuha niya ang suporta ng makapangyarihang pinuno ng hukbo na si Joab at ng maimpluwensiyang mataas na saserdoteng si Abiatar, malamang na nagtiwala si Adonias na magtatagumpay ang kaniyang binabalak. Hindi sinasabi ng Bibliya kung alam ba nito ang plano ni David na ipamana kay Solomon ang trono. Ngunit hindi inanyayahan ni Adonias si Solomon at ang iba pang tapat kay David sa isang ‘paghahain.’ (1 Hari 1:9, 10) Ipinahihiwatig nito na itinuturing niyang karibal si Solomon.
1:49-53; 2:13-25—Bakit pinatay ni Solomon si Adonias pagkatapos niyang pawalang-sala ito? Bagaman hindi ito natalos ni Bat-sheba, naunawaan ni Solomon ang tunay na motibo sa pakiusap ni Adonias na hilingin ni Bat-sheba sa hari na ibigay kay Adonias si Abisag bilang asawa. Bagaman hindi siya sinipingan ni David, ang magandang si Abisag ay itinuturing na babae ni David. Ayon sa kaugalian noong panahong iyon, si Abisag ay magiging pag-aari lamang ng legal na tagapagmana ni David. Maaaring iniisip ni Adonias na kapag nakuha niyang asawa si Abisag, posibleng makuha niyang muli ang pagkahari. Dahil napag-unawa niyang ang kahilingan ni Adonias ay isang kapahayagan ng ambisyon nito sa pagkahari, pinawalang-bisa ni Solomon ang pagpapawalang-sala.
6:37–8:2—Kailan pinasinayaan ang templo? Natapos ang templo noong ikawalong buwan ng 1027 B.C.E., ang ika-11 taon ng paghahari ni Solomon. Waring ang pagdadala ng mga kagamitan at ang iba pang mga paghahanda sa templo ay gumugol ng 11 buwan. Malamang na nangyari ang pagpapasinaya noong ikapitong buwan ng taóng 1026 B.C.E. Inilalarawan ng salaysay ang iba pang mga proyekto ng pagtatayo nang matapos ang templo at bago nito banggitin ang pagpapasinaya, malamang upang magbigay ng mas kumpletong paglalarawan hinggil sa programa ng pagtatayo noong panahong iyon.—2 Cronica 5:1-3.
9:10-13—Kasuwato ba ng Kautusang Mosaiko ang pagreregalo ni Solomon ng 20 lunsod sa lupain ng Galilea kay Haring Hiram ng Tiro? Maaaring ituring na kumakapit lamang ang Kautusan na binabanggit sa Levitico 25:23, 24 sa lugar na okupado ng mga Israelita. Posibleng ang mga lunsod na ibinigay ni Solomon kay Hiram ay tinitirhan ng mga di-Israelita, bagaman nasa loob ito ng hangganan ng Lupang Pangako. (Exodo 23:31) Ang ikinilos ni Solomon ay maaari ring indikasyon ng hindi niya lubusang pagsunod sa Kautusan, katulad noong ‘magparami siya ng mga kabayo para sa kaniyang sarili’ at kumuha ng maraming asawa. (Deuteronomio 17:16, 17) Anuman ang nangyari, hindi nasiyahan si Hiram sa regalo. Marahil ang mga lunsod ay hindi pinanatiling maayos ng mga paganong naninirahan doon, o marahil ay hindi maganda ang lokasyon nito.
11:4—Ang pag-uulianin ba ang dahilan kung kaya naging di-tapat si Solomon nang matanda na siya? Tila hindi iyan ang dahilan. Napakabata pa ni Solomon nang magsimula siyang maghari, at bagaman naghari siya sa loob ng 40 taon, hindi siya umabot sa sobrang katandaan. Bukod diyan, hindi siya lubusang huminto sa pagsamba kay Jehova. Maliwanag na sinikap niyang magsagawa ng isang anyo ng haluang pananampalataya.
Mga Aral Para sa Atin:
2:26, 27, 35. Laging nagkakatotoo ang inihuhula ni Jehova. Ang pagpapatalsik kay Abiatar, isang inapo ni Eli, ay katuparan ng “salita ni Jehova na sinalita niya laban sa sambahayan ni Eli.” Ang paghalili kay Abiatar ni Zadok mula sa linya ni Pinehas ay katuparan naman ng Bilang 25:10-13.—Exodo 6:25; 1 Samuel 2:31; 3:12; 1 Cronica 24:3.
2:37, 41-46. Tunay na mapanganib ngang isipin na maaari mong labagin ang kautusan ng Diyos nang walang kaparusahan! Mararanasan ng mga kusang lumilihis sa pagsunod sa ‘masikip na daan na umaakay patungo sa buhay’ ang mga resulta ng di-matalinong desisyong iyon.—Mateo 7:14.
3:9, 12-14. Sinasagot ni Jehova ang taimtim na mga panalangin ng kaniyang mga lingkod para sa karunungan, unawa, at patnubay upang maglingkod sa kaniya.—Santiago 1:5.
8:22-53. Taos-pusong nagpahayag si Solomon ng papuri kay Jehova—isang Diyos ng maibiging-kabaitan, ang Tagatupad ng mga pangako, at ang Dumirinig ng panalangin! Lalo nating mapahahalagahan ang mga ito at ang iba pang mga aspekto ng personalidad ng Diyos kung bubulay-bulayin natin ang mga pananalita sa panalangin ni Solomon nang pasinayaan ang templo.
11:9-14, 23, 26. Nang maging masuwayin si Solomon sa mga huling taon ng kaniyang buhay, nagbangon si Jehova ng mga mananalansang. “Sinasalansang ng Diyos ang mga palalo, ngunit binibigyan niya ng di-sana-nararapat na kabaitan ang mga mapagpakumbaba,” ang sabi ni apostol Pedro.—1 Pedro 5:5.
11:30-40. Hinangad ni Haring Solomon na patayin si Jeroboam dahil sa inihula ni Ahias tungkol kay Jeroboam. Ibang-iba nga ito sa pagtugon ng hari mga 40 taon bago nito, nang tanggihan niyang paghigantihan si Adonias at ang iba pang mga nagsabuwatan! (1 Hari 1:50-53) Ang pagbabagong ito ng saloobin ay bunga ng paglayo niya kay Jehova.
NAGKABAHA-BAHAGI ANG NAGKAKAISANG KAHARIAN
Lumapit si Jeroboam at ang bayan kay Haring Rehoboam at humiling silang pagaanin ang pasaning ipinataw ng kaniyang ama, si Solomon. Sa halip na ipagkaloob ang kanilang kahilingan, nagbanta si Rehoboam na daragdagan pa niya ang pasanin nila. Naghimagsik ang sampung tribo at ginawa nilang hari si Jeroboam. Nahati ang kaharian. Namahala si Rehoboam sa timugang kaharian, na binubuo ng mga tribo ni Juda at ni Benjamin, at naghari naman si Jeroboam sa sampung-tribong kaharian ng Israel sa hilaga.
Upang pigilan ang mga tao na pumunta sa Jerusalem para sumamba, nagtayo si Jeroboam ng dalawang ginintuang guya—isa sa Dan at isa naman sa Bethel. Kabilang sina Nadab, Baasa, Elah, Zimri, Tibni, Omri, Ahab, at Ahazias sa mga haring namahala sa Israel pagkatapos ni Jeroboam. Sina Abiam, Asa, Jehosapat, at Jehoram naman ang humalili kay Rehoboam sa Juda. Kabilang sa mga propetang aktibo noong panahon ng mga haring ito sina Ahias, Semaias, at isang di-binanggit ang pangalan na lalaki ng Diyos, gayundin sina Jehu, Elias, at Micaias.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
18:21—Bakit tumahimik ang bayan nang hilingin ni Elias na sundin nila si Jehova o si Baal? Maaaring natalos nilang hindi nila ibinigay kay Jehova ang bukod-tanging debosyon na hinihingi niya at sa gayo’y nadama nilang nagkasala sila. O marahil naging manhid na ang kanilang budhi anupat wala silang nakitang masama sa pagsamba kay Baal samantalang inaangkin nilang mga mananamba sila ni Jehova. Nang ipakita ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan, saka lamang nila sinabi: “Si Jehova ang tunay na Diyos! Si Jehova ang tunay na Diyos!”—1 Hari 18:39.
20:34—Pagkatapos ibigay ni Jehova kay Ahab ang tagumpay laban sa mga Siryano, bakit hindi pinatay ni Ahab ang kanilang hari, si Ben-hadad? Sa halip na patayin si Ben-hadad, nakipagtipan si Ahab sa kaniya kung aling mga lansangan sa kabisera ng Sirya, ang Damasco, ang mapupunta kay Ahab, maliwanag para sa pagtatatag ng mga tindahan, o mga pamilihan. Bago pa nito, nakakahawig na mga lansangan din sa Samaria ang napunta sa ama ni Ben-hadad para sa komersiyal na layunin. Kaya, pinalaya si Ben-hadad upang makapagtatag si Ahab ng negosyo sa Damasco.
Mga Aral Para sa Atin:
12:13, 14. Kapag gumagawa ng mahahalagang pasiya sa buhay, dapat nating hingin ang payo ng matatalino at may-gulang na mga indibiduwal na may kabatiran sa Kasulatan at may malaking pagpapahalaga sa makadiyos na mga simulain.
13:11-24. Ang payo o mungkahi na waring kuwestiyunable, kahit na galing pa ito sa isang taimtim na kapananampalataya, ay dapat na ihambing sa liwanag ng mabisang payo ng Salita ng Diyos.—1 Juan 4:1.
14:13. Lubusan tayong sinusuri ni Jehova upang hanapin ang mabubuti sa atin. Gaanuman kaliit ang kabutihang iyon, maaari niya itong paunlarin habang ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya upang paglingkuran siya.
15:10-13. Dapat nating lakas-loob na tanggihan ang apostasya at sa halip ay itaguyod ang tunay na pagsamba.
17:10-16. Nakilala ng babaing balo sa Zarepat si Elias bilang propeta at tinanggap niya siya bilang propeta, at pinagpala ni Jehova ang kaniyang mga gawa ng pananampalataya. Sa ngayon, nakikita rin ni Jehova ang ating mga gawa ng pananampalataya, at ginagantimpalaan niya ang mga sumusuporta sa gawaing pang-Kaharian sa iba’t ibang paraan.—Mateo 6:33; 10:41, 42; Hebreo 6:10.
19:1-8. Kapag dumaranas tayo ng matinding pagsalansang, makapagtitiwala tayo sa tulong ni Jehova.—2 Corinto 4:7-9.
19:10, 14, 18. Hindi kailanman nag-iisa ang mga tunay na mananamba. Kasama nila si Jehova at ang kanilang pambuong-daigdig na kapatiran.
19:11-13. Si Jehova ay hindi isang diyos ng kalikasan o isa lamang personipikasyon ng likas na mga puwersa.
20:11. Nang ipagyabang ni Ben-hadad ang tungkol sa pagwasak sa Samaria, sumagot ang hari ng Israel: “Huwag ipaghambog niyaong nagbibigkis [ng kaniyang baluti bilang paghahanda sa pakikipagbaka] ang kaniyang sarili na tulad niyaong nagkakalag” ng kaniyang baluti pagkatapos bumalik nang matagumpay mula sa digmaan. Kapag napaharap sa isang bagong atas, huwag tayong maging gaya ng isang mayabang na sobra ang tiwala sa sarili.—Kawikaan 27:1; Santiago 4:13-16.
Malaki ang Kapakinabangan Nito Para sa Atin
Nang isinasalaysay ang pagbibigay ng Kautusan sa Bundok Sinai, sinabi ni Moises sa mga anak ni Israel: “Tingnan ninyo, inilalagay ko sa harap ninyo ngayon ang pagpapala at ang sumpa: ang pagpapala, kung susundin ninyo ang mga utos ni Jehova na inyong Diyos na iniuutos ko sa inyo ngayon; at ang sumpa, kung hindi ninyo susundin ang mga utos ni Jehova na inyong Diyos at lilihis kayo mula sa daan na iniuutos ko sa inyo ngayon.”—Deuteronomio 11:26-28.
Kaylinaw ngang itinawag-pansin sa atin ng aklat ng Unang Hari ang mahalagang katotohanang ito! Gaya ng nakita na natin, itinuturo rin ng aklat na ito ang iba pang mahahalagang aral. Ang mensahe nga nito ay buháy at may lakas.—Hebreo 4:12.
[Larawan sa pahina 29]
Ang templo at ang iba pang mga gusali na itinayo ni Solomon
[Larawan sa pahina 30, 31]
Pagkatapos ipakita ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan, bumulalas ang bayan: “Si Jehova ang tunay na Diyos!”