AHAZIAS
[Tinanganan ni Jehova].
Ang pangalan ng dalawang hari, ang isa ay hari ng Israel at ang isa naman ay ng Juda.
1. Anak nina Ahab at Jezebel, at hari ng Israel sa loob ng dalawang taon pasimula noong mga 919 B.C.E. Tinularan niya ang kaniyang idolatrosong mga magulang sa pagsamba kay Baal. (1Ha 22:51-53) Nang mamatay ang ama ni Ahazias, sinamantala ng Moab ang pagkakataon para maghimagsik at sa gayon ay makalaya mula sa mabigat na tributo na 100,000 kordero at gayunding dami ng lalaking tupa na may balahibo pa. (2Ha 1:1; 3:4, 5) Ang paghihimagsik na ito ay inilarawan ni Haring Mesa ng Moab sa inskripsiyon ng Batong Moabita. Marahil ay dahil naaksidente siya at maagang namatay kung kaya hindi na sinikap ni Ahazias na supilin ang mga Moabita.
Si Ahazias ay nakipag-alyansa kay Jehosapat ng Juda sa negosyong paggawa ng mga barko sa Ezion-geber sa Gulpo ng ʽAqaba. Ang proyektong iyon ay hindi sinang-ayunan ng Diyos dahil sa pagiging balakyot ni Ahazias, at nagiba ang mga barko. (2Cr 20:35-37) Ipinakikita ng ulat sa 1 Hari 22:48, 49 na hiningi ni Ahazias ang pahintulot ni Jehosapat upang ang mga barko ay magkasamang patakbuhin ng mga marinerong Israelita at Judeano, isang kahilingang tinanggihan naman ni Jehosapat. Kung hiniling ang bagay na ito bago magiba ang mga barko, maaaring ipinakikita lamang nito ang kawalan ng tiwala ni Jehosapat kay Ahazias at ang pag-iingat niya laban sa pangingibabaw ng hilagang kaharian. Kung iniharap naman ang kahilingan pagkaraang masira ang plota, maaaring ipinahihiwatig ni Ahazias na ang mga tauhan ni Jehosapat ay kulang sa kakayahan at siyang dahilan ng pagkagiba ng mga barko kung kaya iminungkahi niyang kumpunihin ang mga barko at muling gamitin na may lulang mga magdaragat na Israelita. Kung gayon, maaaring ang pagtanggi ni Jehosapat sa kahilingan ay dahil kinikilala niya na talagang hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang proyekto.
Dahil sa isang aksidente sa bahay, kung saan ang hari ay nahulog at lumusot sa isang sala-sala (na marahil ay nakapatong sa lagusan ng liwanag) sa kaniyang silid-bubungan, naratay siya sa higaan at nagkasakit nang malubha. (2Ha 1:2) Sa halip na bumaling sa tunay na Diyos, nagsugo si Ahazias ng mga mensahero upang sumangguni sa diyos ng mga Filisteo na si Baal-zebub (nangangahulugang “May-ari ng mga Langaw”) hinggil sa pag-asa niyang gumaling. Sinalubong ng propetang si Elias ang mga mensahero at inutusan niya silang sabihin kay Ahazias na mamamatay siya sa kaniyang higaan. Sa halip na magpakumbaba, nagsugo si Ahazias ng isang hukbo ng 50 lalaki sa pangunguna ng kanilang kapitan upang dalhin si Elias sa kaniya. Ang hukbong iyon, gayundin ang ikalawang hukbo, ay pinuksa ng apoy matapos utusan si Elias na “bumaba” mula sa bundok na kinauupuan niya. Ngunit ang ikatlong hukbo na isinugo ng mapagmatigas na hari ay nakaligtas tanging sa pamamagitan ng magalang na pagsusumamo ng kapitan na ang buhay niya at ng kaniyang mga tauhan ay ‘maging mahalaga nawa sa paningin ni Elias.’ Pagkatapos ay bumaba si Elias at mukhaang inihatid kay Ahazias ang mensahe na mamamatay ito. Nang maglaon ay namatay si Ahazias at, yamang wala siyang anak na lalaki, ang kapatid niyang si Jehoram ang humalili sa kaniya.—2Ha 1:2-17.
2. Anak nina Jehoram at Athalia at nakatala bilang hari ng Juda sa loob ng isang taon (mga 906 B.C.E.). Noong panahong naghahari ang kaniyang ama, sinalakay ng mga Filisteo at mga Arabe ang Juda at dinalang bihag ang lahat ng anak ni Jehoram maliban sa bunso na si Jehoahaz (Ahazias). (2Cr 21:16, 17; 22:1) Siya ay isang kabataan na 22 taóng gulang nang lumuklok siya sa trono, at inimpluwensiyahan siya sa paggawa ng kabalakyutan ng kaniyang dominanteng inang si Athalia, anak nina Ahab at Jezebel. (2Ha 8:25-27; 2Cr 22:2-4) Sumama siya kay Haring Jehoram ng Israel (tiyo niya sa panig ng ina) sa isang pakikipagbaka laban sa Sirya sa Ramot-gilead, na naging dahilan upang masugatan si Jehoram. Nang maglaon, dinalaw ni Ahazias sa Jezreel ang nagpapagaling na si Jehoram.—2Ha 8:28, 29; 9:15; 2Cr 22:5, 6.
Kung pagtutugmain ang dalawang ulat (2Ha 9:21-28; 2Cr 22:7-9), maliwanag na ganito ang nangyari: Nang malapit na si Jehu sa Jezreel, nakasalubong niya sina Jehoram at Ahazias. Sinaktan ni Jehu si Jehoram, ngunit nakatakas si Ahazias. Nang pagkakataong iyon ay hindi tinugis ni Jehu si Ahazias kundi dumeretso sa Jezreel upang tapusin doon ang kaniyang gawaing pagpuksa. Samantala, tinangka ng tumatakas na si Ahazias na bumalik sa Jerusalem, ngunit umabot lamang siya sa Samaria, kung saan niya tinangkang magtago. Si Ahazias ay nasumpungan sa Samaria ng tumutugis na mga tauhan ni Jehu. Binihag nila siya at dinala kay Jehu malapit sa bayan ng Ibleam, di-kalayuan sa Jezreel. Nang makita ni Jehu si Ahazias, inutusan nito ang kaniyang mga tauhan na patayin si Ahazias sa kaniyang karo. Sinaktan at sinugatan nila siya sa daan patungong Gur, malapit sa Ibleam, ngunit hinayaan nilang makatakas si Ahazias, at tumakas siya patungong Megido, kung saan siya namatay dahil sa kaniyang mga sugat. Pagkatapos ay dinala siya sa Jerusalem at inilibing doon. Ang mga ulat hinggil sa kaniyang kamatayan ay hindi nagkakasalungatan kundi nagsisilbing kapupunan ng bawat isa.
Binabanggit ng 2 Cronica 22:7 na ang kamatayan ni Ahazias ay ‘mula sa Diyos,’ at sa gayon ay kumilos si Jehu bilang tagapuksa ng Diyos nang patayin niya ang lalaking ito na nakisama sa hinatulang sambahayan ni Ahab. Tinutukoy rin si Ahazias bilang “Azarias” sa 2 Cronica 22:6 (bagaman ang tekstong ito ay kababasahan ng “Ahazias” sa 15 manuskritong Hebreo), at bilang “Jehoahaz” sa 2 Cronica 21:17; 25:23 (kapag ang banal na pangalan ay ginawang unlapi sa halip na hulapi).