ASIRYA
Ang pangalang itinawag sa bansa na noong sinaunang panahon ay sumasaklaw sa hilagang dulo ng kapatagan ng Mesopotamia o sa dulong hilagang bahagi ng bansa na sa ngayon ay tinatawag na Iraq. Ito ay nasa rehiyon ng tatsulok na binubuo ng mga ilog ng Tigris at ng Maliit na Zab, anupat sa kalakhan ang mga ilog na ito ang nagsilbing kanluran at timugang mga hangganan nito, samantalang ang kabundukan ng sinaunang Armenia ang hilagaang hangganan, at ang Kabundukan ng Zagros at ang lupain ng Media naman ang silangang hangganan. Gayunman, dapat pansinin na pabagu-bago ang mga hangganang ito, anupat lumalawak ang Asirya hanggang sa T ng Maliit na Zab kapag humihina ang Babilonya, ngunit muli itong umuurong kapag humihina ang pamumuno ng Asirya at lumalakas naman ang Babilonya. Pabagu-bago rin ang iba pang mga hangganan ng Asirya lalo na yaong sa Tigris, yamang maagang pinalawak ng Asirya ang impluwensiya nito sa K ng ilog na iyon. Sabihin pa, higit na mas malawak ang teritoryong nasaklaw ng Imperyo ng Asirya.—MAPA, Tomo 1, p. 954.
Nagkaroon ng malapit na ugnayan ang Asirya at Babilonya sa buong kasaysayan ng mga ito. Ang mga ito ay magkaratig na mga estado na magkasamang tumatahan sa isang rehiyon na walang tunay at likas na dibisyon na nagsisilbing harang sa pagitan ng kani-kanilang teritoryo. Gayunman, ang kalakhang bahagi ng mismong Asirya ay bulubundukin at baku-bakong lupain, anupat may klimang mas kaayaaya at nakapagpapasigla kaysa sa Babilonia. Ang mga tao roon ay mas masigla at agresibo kaysa sa mga Babilonyo. Inilalarawan sila sa inukit na mga relyebe bilang matitipuno, maiitim ang balat, makakapal ang kilay at balbas, at matatangos ang ilong.
Ang lunsod ng Asur, na nasa K ng Tigris, ang itinuturing na orihinal na kabisera ng rehiyong iyon. Ngunit nang maglaon, ang Nineve ang naging pinakaprominenteng kabisera nito, samantalang kapuwa ang Cala at ang Khorsabad ay ginagamit paminsan-minsan ng mga Asiryanong monarka bilang mga kabiserang lunsod. Isang rutang pangkalakalan patungo sa Mediteraneo at sa Asia Minor ang bumabagtas sa hilagang bahagi ng Asirya, at ang iba pang mga ruta ay patungo naman sa Armenia at sa rehiyon ng Lawa ng Urmia. Ang karamihan sa pakikipagdigma ng Asirya ay upang makuha nito o mapanatili ang kontrol sa gayong mga rutang pangkalakalan.
Militarismo. Ang Asirya ay pangunahin nang isang militar na kapangyarihan, at ang larawang iginuhit nito sa kasaysayan ay nagpapakita ng matinding kalupitan at kasakiman. (MGA LARAWAN, Tomo 1, p. 958) Inilarawan ng isa sa kanilang mga monarkang mandirigma, si Ashurnasirpal, ang naging parusa niya sa ilang mapaghimagsik na lunsod sa ganitong pananalita:
“Nagtayo ako ng isang haligi sa harap ng pintuang-daan ng kaniyang lunsod, at binalatan ko ang lahat ng pinunong lalaki na naghimagsik, at ibinalot ko sa haligi ang kanilang mga balat; ang ilan ay ikinulong ko sa loob ng haligi, ang ilan ay ibinayubay ko sa haligi sa mga tulos, . . . at pinutol ko ang mga biyas ng mga opisyal, ng mga maharlikang opisyal na naghimagsik. . . . Maraming bihag mula sa kanila ang sinunog ko sa apoy, at marami ang kinuha ko bilang mga buháy na bihag. Ang ilan ay pinutulan ko ng kanilang mga kamay at ng kanilang mga daliri, at ang iba ay pinutulan ko ng kanilang mga ilong, ng kanilang mga tainga, at ng kanilang mga daliri(?), dinukit ko ang mga mata ng marami. Gumawa ako ng isang haligi ng mga buháy, at ng isa naman ng mga ulo, at itinali ko ang kanilang mga ulo sa mga poste (katawan ng mga puno) sa palibot ng lunsod. Ang kanilang mga binata at mga dalaga ay sinunog ko sa apoy . . . Dalawampung lalaki ang binihag kong buháy at inilibing ko sila sa loob ng pader ng kaniyang palasyo. . . . Ang iba pa sa kanila [ang kanilang mga mandirigma] ay pinatay ko sa uhaw sa disyerto ng Eufrates.”—Ancient Records of Assyria and Babylonia, ni D. D. Luckenbill, 1926, Tomo I, p. 145, 147, 153, 162.
Madalas na ipinakikita sa mga relyebe ang kanilang mga bihag na inaakay sa pamamagitan ng mga panaling nakakabit sa mga pangawit na nakatuhog sa ilong o mga labi ng mga ito, o dinukit ang mga mata sa pamamagitan ng tulis ng sibat. Sa gayon, ang sadistikong pagpapahirap ay malimit na bahagi ng pakikipagdigma ng Asirya, na tahasan nilang ipinaghambog at maingat na iniulat. Ang kabantugan nila sa kalupitan ay tiyak na naging bentaha sa kanilang pakikipagdigma, anupat naghahasik ito ng takot sa puso ng mga sasalakayin nila at kadalasan nang nagpapahina ng loob ng kalaban. Angkop na inilarawan ng propetang si Nahum ang kabisera ng Asirya, ang Nineve, bilang isang “tirahan ng mga leon” at “lunsod ng pagbububo ng dugo.”—Na 2:11, 12; 3:1.
Anong uri ng relihiyon ang isinagawa ng mga Asiryano?
Sa kalakhang bahagi, ang relihiyon ng Asirya ay minana sa Babilonya, at bagaman ang sarili nilang pambansang diyos na si Asur ang itinuring ng mga Asiryano bilang kataas-taasan, kinilala pa rin nila ang Babilonya bilang ang pangunahing sentro ng relihiyon. Ang hari ng Asirya ang nagsilbing mataas na saserdote ni Asur. Ipinakikita sa isang tatak, na natagpuan ni A. H. Layard sa mga guho ng isang palasyo ng mga Asiryano at iniingatan ngayon sa British Museum, na ang diyos na si Asur ay may tatlong ulo. Prominente sa pagsamba ng mga Asiryano ang paniniwala sa mga tatluhang diyos, at maging sa limahang diyos. Ang pangunahing tatluhang diyos ay binubuo ni Anu, kumakatawan sa langit; ni Bel, kumakatawan sa rehiyong tinatahanan ng tao, mga hayop, at mga ibon; at ni Ea, kumakatawan sa tubig sa ibabaw at ilalim ng lupa. Ang isa pang tatluhang diyos ay binubuo ni Sin, ang diyos-buwan; ni Shamash, ang diyos-araw; at ni Ramman, diyos ng bagyo, bagaman kadalasan ay hinahalinhan siya ni Ishtar, ang reyna ng mga bituin. (Ihambing ang 2Ha 23:5, 11.) Kasunod ng mga ito ang limang diyos na kumakatawan sa limang planeta. Bilang komento hinggil sa mga diyos na bumubuo ng mga grupong trinitaryo, ang Unger’s Bible Dictionary (1965, p. 102) ay nagsasabi: “Kung minsan, ang mga diyos na ito ay tinatawagan sa mga pananalita na waring nag-aangat sa bawat isa sa kanila sa posisyon ng pangingibabaw sa iba.” Gayunman, kabilang sa kalipunan ng kanilang mga diyos ang di-mabilang na iba pang mga pangalawahing bathala, anupat ang marami ay nagsilbing mga patron ng mga bayan. Binabanggit na si Nisroc ang sinasamba ni Senakerib noong mismong pagkakataon na paslangin siya.—Isa 37:37, 38.
Ang relihiyong isinagawa ng mga Asiryano kaugnay ng mga diyos na ito ay animistiko, samakatuwid nga, naniniwala sila na ang bawat bagay at likas na pangyayari ay pinakikilos ng isang espiritu. Ito ay waring naiiba sa pagsamba sa kalikasan na laganap sa nakapalibot na mga bansa dahil pakikipagdigma ang pangunahing gawain ng relihiyon ng bansa. (LARAWAN, Tomo 1, p. 956) Kaya naman sinabi ni Tiglat-pileser I hinggil sa kaniyang pakikipagbaka: “Inudyukan ako ng aking Panginoong si ASHUR.” Sa kaniyang mga ulat ng kasaysayan, sinasabi ni Ashurbanipal: “Sa utos nina ASSUR, SIN, at SHAMAS, ang dakilang mga diyos na aking mga panginoon na nagsanggalang sa akin, sa Mini ay pumasok ako at nagmartsa nang matagumpay.” (Records of the Past: Assyrian and Egyptian Monuments, London, 1875, Tomo V, p. 18; 1877, Tomo IX, p. 43) Laging hinihilingan ni Sargon ng tulong si Ishtar bago siya humayo sa digmaan. Ang mga hukbo ay nagmartsa kasunod ng mga estandarte ng mga diyos, lumilitaw na mga sagisag na yari sa kahoy o metal na nasa mga poste. Itinuturing na napakahalaga ng mga tanda (omen), na inaalam sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga atay ng inihaing mga hayop, sa lipad ng mga ibon, o sa posisyon ng mga planeta. Ang aklat na Ancient Cities, ni W. B. Wright (1886, p. 25) ay nagsasabi: “Pakikipaglaban ang pinagkakaabalahan ng bansa, at walang humpay ang mga saserdote sa pagsusulsol ng digmaan. Tinutustusan sila sa kalakhan mula sa mga nasamsam sa pananakop, na mula rito ay lagi silang binibigyan ng takdang porsiyento bago makihati ang iba, sapagkat napakarelihiyoso ng lahing ito ng mga mandarambong.”
Kultura, Panitikan, at mga Batas. Nagtayo ang mga Asiryano ng kahanga-hangang mga palasyo, anupat nakahanay sa pader ng mga ito ang malalapad na tapyas na nililok na makatotohanang naglalarawan sa mga tagpo ng digmaan at kapayapaan. Ang mga pasukang-daan ay napapalamutian ng mga torong may ulo ng tao at mga pakpak, na inukit sa buu-buong bloke ng batong-apog na tumitimbang nang hanggang 36 na metrikong tonelada. May masisinsing lilok ang kanilang mga silinder na pantatak. (Tingnan ang ARKEOLOHIYA.) Ipinahihiwatig ng kanilang mga hinulmang metal na mayroon silang malaking kaalaman sa metalurhiya. Ang kanilang mga hari ay nagtayo ng mga paagusan at gumawa ng mga sistema para sa irigasyon; gumawa rin sila ng botanikal at soolohikal na mga maharlikang parke na may mga halaman, mga punungkahoy, at mga hayop mula sa maraming lupain. Kadalasan nang makakakita sa mga gusali ng kanilang mga palasyo ng isinaplanong-mabuting mga lagusan ng tubig at mahusay na sanitasyon.
Partikular na nakatatawag-pansin ang malalaking aklatan na itinayo ng ilang Asiryanong monarka, na naglalaman ng sampu-sampung libong tapyas na luwad, prisma, at silinder na pawang may ukit na cuneiform at naglalahad ng mahahalagang pangyayari sa kasaysayan, mga impormasyong panrelihiyon, at legal at pangkomersiyong mga bagay. Gayunman, muling ipinakikita ng ilang batas mula sa isang yugto ng kasaysayan ng Asirya ang kalupitan na malimit na pagkakakilanlan ng bansa. Ang pagputol sa mga bahagi ng katawan ay itinatakda bilang parusa sa ilang krimen. Halimbawa, ang isang aliping babae ay hindi pinahihintulutang lumabas sa publiko nang nakatalukbong, at puputulin ang kaniyang mga tainga kung lalabagin niya ang gayong ordinansa. Ang kawalan ng legal na proteksiyon para sa isang babaing may asawa ay pinatutunayan ng isang batas na nagsasabi: “Isinasaisantabi ang mga kaparusahang nakasulat sa tapyas may kinalaman sa babaing may asawa, maaaring paluin ng isang lalaki ang kaniyang asawa, sabunutan ang buhok nito, hiwain at sugatan ang mga tainga nito. Walang (nasasangkot na) pagkakasala sa batas hinggil sa bagay na iyon.”—Everyday Life in Babylonia and Assyria, ni H. W. F. Saggs, 1965, p. 152.
Biblikal at Sekular na Kasaysayan. Ang unang pagtukoy sa Asirya sa rekord ng Bibliya ay nasa Genesis 2:14, kung saan ang Ilog Hidekel (ang Tigris), na sa pasimula ay isa sa apat na sanga ng ilog “mula sa Eden,” ay inilalarawan ni Moises noong kaniyang mga araw bilang “patungo sa silangan ng Asirya.”—Gen 2:10.
Ang pangalan ng lupain ay hinalaw sa pangalan ng anak ni Sem na si Asur. (Gen 10:22) Kaya lumilitaw na una itong tinirahan ng mga Semita di-nagtagal pagkatapos ng Baha. Gayunman, maaga itong pinasok ng ibang mga tao, yamang pumasok sa Asirya ang apo ni Ham na si Nimrod at itinayo niya ang “Nineve at ang Rehobot-Ir at ang Cala at ang Resen sa pagitan ng Nineve at ng Cala: ito ang dakilang lunsod.” (Gen 10:11, 12; ihambing ang Mik 5:6.) Hindi sinasabi kung nangyari ito kasunod ng pagtatayo ng Tore ng Babel at ng ibinunga nitong paggulo sa mga wika (Gen 11:1-9), bagaman may binabanggit nang iba’t ibang “mga wika” sa ikasampung kabanata ng Genesis. (Gen 10:5, 20, 31) Gayunpaman, maliwanag na ang Nineve, ang kabisera ng Asirya, ay nagmula sa Babilonya, at kasuwato ito ng sekular na kasaysayan. Nang dakong huli, ang mga tribo na nagmula sa anak ni Abraham na si Ismael ay inilalarawang nakarating hanggang sa Asirya sa kanilang pagpapagala-gala.—Gen 25:18.
Ang yugto sa pagitan ng mga 1100 at 900 B.C.E. (kasunod ng pamamahala ni Tiglat-pileser I) ay isang yugto ng paghina ng Asirya, at ipinapalagay na naging kaayaayang kalagayan ito upang mapalawak ang mga hangganan ng bansang Israel sa ilalim ng pamamahala ni David (1077-1038 B.C.E.) at upang higit pang mapalawak ang impluwensiya nito sa ilalim ng paghahari ni Solomon (1037-998 B.C.E.). Sabihin pa, ang tagumpay ng gayong paglawak ay pangunahin nang dahil sa tulong ng Diyos at hindi dahil sa paghina ng Asirya.—2Sa 8, 10; 1Ha 4:21-24.
Sina Ashurnasirpal II at Salmaneser III. Ang pagsalakay ng Asirya ay nagsimulang maging banta sa Israel noong panahon ng pamamahala ni Ashurnasirpal II, na kilala sa walang-awang pakikipagdigma at kalupitan, gaya ng nabanggit na. Ipinakikita sa mga inskripsiyon na tumawid siya sa Eufrates, nilupig ang hilagang Sirya, at pinatawan ng tributo ang mga lunsod ng Fenicia. Ang kaniyang kahalili, na si Salmaneser III, ang unang hari na nag-ulat ng tuwirang pakikipag-ugnayan sa hilagang kaharian ng Israel. Ipinakikita sa mga rekord ng Asirya na si Salmaneser ay humayo patungong Karkar sa Ilog Orontes, kung saan inangkin niyang nakipaglaban siya sa isang koalisyon ng mga hari. Hindi malinaw kung sino ang nagwagi sa pagbabakang iyon. Itinala sa Black Obelisk ni Salmaneser sa Nimrud na si Jehu (mga 904-877 B.C.E.) ay nagbayad ng tributo sa kaniya at mayroon doong nakaukit na relyebe na posibleng naglalarawan sa sugo ni Jehu habang naghahatid ito ng tributo sa Asiryanong monarka.—Tingnan ang SALMANESER Blg. 1.
Si Adad-nirari III at ang kaniyang mga kahalili. Kasunod ni Shamshi-Adad V, na kahalili ni Salmaneser III, si Adad-nirari III ay umupo sa trono ng Asirya. Iniuulat sa mga inskripsiyon na sinalakay niya ang Damasco at tumanggap siya ng tributo mula kay Jehoas ng Samaria. Marahil noong mga kalagitnaan ng ikasiyam na siglo B.C.E. (mga 844), isinugo ang propetang si Jonas sa isang misyon sa Nineve na kabisera ng Asirya, at bilang resulta ng kaniyang pagbababala hinggil sa dumarating na pagkawasak, ang buong lunsod, pati na ang hari nito, ay tumugon at nagsisi. (Jon 3:2-6) Maaaring ang hari ng Asirya noong panahong iyon ay si Adad-nirari III, ngunit hindi ito matiyak.
Iniuulat ng kasaysayan na kabilang sa mga haring sumunod kay Adad-nirari III sina Salmaneser IV, Ashur-dan III, at Ashur-nirari V, na pawang mga anak ni Adad-nirari III. Noong panahong iyon ay hindi na gaanong agresibo ang Asirya sa pananalakay.
Si Tiglat-pileser III. Ang unang haring Asiryano na binanggit ang pangalan sa Bibliya ay si Tiglat-pileser III (2Ha 15:29; 16:7, 10), na tinatawag ding “Pul” sa 2 Hari 15:19. Ang dalawang pangalang ito ay ginamit sa 1 Cronica 5:26, at dahil dito ay inakala ng ilan noon na sila’y magkaibang hari. Pero parehong ginamit ng Babylonian King List at Assyrian King List ang mga pangalang ito para sa iisang indibiduwal. Iminumungkahi ng ilan na ang haring ito ay unang nakilala bilang si Pul at na ginamit niya ang pangalang Tiglat-pileser nang lumuklok siya sa trono ng Asirya.—Tingnan ang PUL Blg. 1.
Noong panahon ng paghahari ni Menahem ng Israel (mga 790-781 B.C.E.), pumasok si Tiglat-pileser III sa teritoryo ng hilagang kahariang iyon. Binayaran siya ni Menahem ng isang libong talentong pilak ($6,606,000) at sa gayon ay sinuhulan ang haring Asiryano upang umatras. (2Ha 15:19, 20) Gayunman, nang maglaon ay nakipagsabuwatan si Haring Peka ng Israel (mga 778-759 B.C.E.) kay Haring Rezin ng Sirya laban sa Judeanong si Haring Ahaz (761-746 B.C.E.). Sa kabila ng hula ni Isaias na tiyak na maaalis ang bantang ito ng Sirya at Israel sa pamamagitan ng kapangyarihan ng hari ng Asirya (Isa 7:1-9, 16, 17; 8:3, 4), may-kamangmangang pinili ni Ahaz na magpadala ng suhol kay Tiglat-pileser upang salakayin nito ang tambalang iyon at sa gayo’y maalis ang banta sa Juda. Tumugon ang Asiryanong monarka sa pamamagitan ng pagbihag sa maraming lunsod sa hilagang bahagi ng kaharian ng Israel, gayundin sa mga pook ng Gilead, Galilea, at Neptali. Noong maagang bahagi ng kaniyang paghahari, sinimulang ipatupad ni Tiglat-pileser ang patakarang ilipat ang mga nakatira sa nalupig na mga lugar upang mabawasan ang posibilidad na magkaroon ng mga pag-aalsa, at nang panahong iyon ay ipinatapon niya ang ilan sa mga Israelita. (1Cr 5:6, 26) Karagdagan pa, ang Juda ay nasa ilalim noon ng kontrol ng Asirya, at si Ahaz ng Juda ay naglakbay patungong Damasco, na nalupig din ng mga Asiryano, at maliwanag na nagbigay-galang siya kay Tiglat-pileser.—2Ha 15:29; 16:5-10, 18; 2Cr 28:16, 20, 21, ihambing ang Isa 7:17-20.
Si Salmaneser V. Si Salmaneser V ang humalili kay Tiglat-pileser III. Si Hosea (mga 758-740 B.C.E.), na umagaw sa trono ng Israel, ay umayon noong una na patawan siya ng Asirya ng tributo. Nang maglaon ay nakipagsabuwatan siya sa Ehipto upang mapalaya ang Israel mula sa pamatok ng Asirya, at sinimulan ni Salmaneser ang tatlong-taóng pagkubkob sa lunsod ng Samaria na humantong sa pagbagsak nito (740 B.C.E.) at ng pagkatapon ng Israel. (2Ha 17:1-6; 18:9-11; Os 7:11; 8:7-10) Karamihan sa mga reperensiyang akda ay nagsasabi na namatay si Salmaneser bago matapos ang pananakop sa Samaria at na si Sargon II ang naghahari noong panahong bumagsak ang lunsod.—Gayunman, tingnan ang SALMANESER Blg. 2; SARGON.
Si Sargon II. Ang mga rekord ni Sargon ay may binabanggit na pagpapatapon ng 27,290 Israelita sa mga lugar na nasa Mataas na Eufrates at Media. Inilalarawan din doon ang kaniyang kampanya sa Filistia kung saan nalupig niya ang Gat, Asdod, at Asdudimmu. Noong panahon ng kampanyang ito, tinagubilinan ang propetang si Isaias na magbabala tungkol sa kawalang-saysay ng pagtitiwala sa Ehipto o Etiopia bilang pananggalang laban sa sumasalakay na Asiryano. (Isa 20:1-6) Marahil ay noong panahon ng paghahari ni Sargon unang dinala sa Samaria ang mga taong mula sa Babilonya at Sirya upang muli itong panirahan, at nang maglaon ay nagsugo ang haring Asiryano ng isang saserdoteng Israelita mula sa pagkatapon upang turuan sila sa “relihiyon ng Diyos ng lupain.”—2Ha 17:24-28; tingnan ang SAMARIA Blg. 2; SAMARITANO.
Si Senakerib. Nilusob ni Senakerib, na anak ni Sargon II, ang kaharian ng Juda noong ika-14 na taon ni Hezekias (732 B.C.E.). (2Ha 18:13; Isa 36:1) Bago nito, naghimagsik si Hezekias laban sa pamatok ng Asirya na ipinataw dahil sa pagkilos ng kaniyang amang si Ahaz. (2Ha 18:7) Tumugon si Senakerib sa pamamagitan ng pagdaluhong sa buong Juda, anupat iniulat na bumihag siya ng 46 na lunsod (ihambing ang Isa 36:1, 2), at pagkatapos, mula sa kaniyang kampo sa Lakis, siningil niya si Hezekias ng tributo na 30 talentong ginto (mga $11,560,000) at 300 talentong pilak (mga $1,982,000). (2Ha 18:14-16; 2Cr 32:1; ihambing ang Isa 8:5-8.) Bagaman binayaran ang halagang ito, isinugo ni Senakerib ang kaniyang mga tagapagsalita upang hingin ang ganap na pagsuko ng Jerusalem. (2Ha 18:17–19:34; 2Cr 32:2-20) Matapos pangyarihin ni Jehova na mapuksa ang 185,000 sa mga hukbo ng Asirya sa loob ng isang gabi, ang hambog na Asiryano ay napilitang umatras at bumalik sa Nineve. (2Ha 19:35, 36) Nang maglaon ay pinaslang siya roon ng dalawa sa kaniyang mga anak at hinalinhan siya sa trono ng isa pa niyang anak, si Esar-hadon. (2Ha 19:37; 2Cr 32:21, 22; Isa 37:36-38) Ang mga pangyayaring ito, maliban sa pagkapuksa ng mga hukbong Asiryano, ay nakaulat din sa mga prisma nina Senakerib at Esar-hadon.—MGA LARAWAN, Tomo 1, p. 957.
Si Esar-hadon. Noong panahon ng paghahari ni Manases (716-662 B.C.E.), pinahintulutan ni Jehova ang mga Asiryanong pinuno ng hukbo na dalhing bihag ang Judeanong haring ito sa Babilonya (na noon ay nasa ilalim ng kontrol ng Asirya). (2Cr 33:11) Sinasabi ng ilan na ito ay maaaring noong panahon ng matagumpay na kampanya ni Esar-hadon laban sa Ehipto. Gayunpaman, si Menasi (Manases) ng Juda ay binabanggit sa mga inskripsiyon bilang isa sa mga nagbabayad ng tributo kay Esar-hadon. Nang maglaon ay ibinalik si Manases sa Jerusalem. (2Cr 33:10-13) Batay sa Ezra 4:2, lumilitaw na patuloy pa rin ang pagpapaalis at pagdadala ng mga tao sa hilagang kaharian ng Israel noong mga araw ni Esar-hadon, anupat maaaring ito ang dahilan kung bakit may binanggit na “animnapu’t limang taon” sa hula sa Isaias 7:8.—Tingnan ang AHAZ Blg. 1; ESAR-HADON.
Si Ashurbanipal. Bago mamatay si Esar-hadon, inatasan niya ang kaniyang anak na si Ashurbanipal bilang tagapagmanang prinsipe ng Asirya at ang isa pa niyang anak, si Shamash-shum-u-kin, bilang tagapagmanang prinsipe ng Babilonia. Nang maglaon ay naghimagsik si Shamash-shum-u-kin laban sa kaniyang kapatid, at nasugpo ni Ashurbanipal ang paghihimagsik at sinamsaman ang lunsod ng Babilonya.
Sa pamamahala ni Ashurbanipal, naabot ng imperyo ang pinakamalawak na saklaw nito. Sinugpo niya ang isang pag-aalsa sa Ehipto at sinamsaman ang lunsod ng Thebes (No-amon). Saklaw noon ng mga hangganan ng Imperyo ng Asirya ang mga rehiyon ng Elam, ang ilang bahagi ng Media pataas hanggang sa Ararat, patungo sa K sa Cilicia na nasa Asia Minor, patungo sa T sa Sirya at Israel (ngunit hindi sa Jerusalem), at pababa sa Ehipto, Arabia, at Babilonia. Lumilitaw na siya “ang dakila at kagalang-galang na si Asenapar” na binanggit sa Ezra 4:10.—Tingnan ang ASENAPAR.
Ang pagbagsak ng imperyo. Inilalahad ng Babylonian Chronicle B.M. (British Museum) 21901 ang pagbagsak ng Nineve, na kabisera ng Asirya, pagkatapos na kubkubin ito ng pinagsanib na mga hukbo ni Nabopolassar na hari ng Babilonya at ni Cyaxares na Medo noong ika-14 na taon ni Nabopolassar (632 B.C.E.): “Ang lunsod ay ginawa [nila] na mga burol ng kaguhuan at mga bun[ton (ng labí)].” (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. B. Pritchard, 1974, p. 305; kanila ang mga braket at mga panaklong.) Sa gayon ay humantong ang mabangis na Imperyo ng Asirya sa isang kahiya-hiyang wakas.—Isa 10:12, 24-26; 23:13; 30:30-33; 31:8, 9; Na 3:1-19; Zef 2:13.
Ayon sa kronika ring iyon, noong ika-14 na taon ni Nabopolassar (632 B.C.E.), tinangka ni Ashur-uballit II na ipagpatuloy ang pamamahala ng Asirya mula sa Haran bilang kaniyang kabiserang lunsod. Sinasabi ng kronikang iyon, sa ika-17 taon ni Nabopolassar (629 B.C.E.): “Noong buwan ng Duʼuzu, si Ashur-uballit, hari ng Asirya, (at) ang isang malaki[ng hukbo ng] E[hi]pto [na dumating upang sumaklolo sa kaniya] ay tumawid sa ilog (ng Eufrates) at [humayo] upang lupigin ang Harran.” (Ancient Near Eastern Texts, p. 305; kanila ang mga braket at mga panaklong.) Ang totoo, tinatangka noon ni Ashur-uballit na muling lupigin iyon pagkatapos na maitaboy na siya. Ang rekord na iyon ay kasuwato ng ulat may kinalaman sa ginawa ni Paraon Necoh na nakatala sa 2 Hari 23:29, na naging dahilan ng pagkamatay ni Haring Josias ng Juda (mga 629 B.C.E.). Sinasabi ng tekstong ito na “si Paraon Necoh na hari ng Ehipto ay umahon sa hari ng Asirya sa may ilog ng Eufrates”—maliwanag na upang tulungan ito. Ang “hari ng Asirya” na pinaroonan ni Necoh ay malamang na si Ashur-uballit II. Hindi nagtagumpay ang kanilang kampanya laban sa Haran. Ang Imperyo ng Asirya ay nagwakas na.
Ang titulong “hari ng Asirya” ay ikinapit sa Persianong hari (si Dario Hystaspis) na nagpupuno sa lupain ng Asirya noong panahon ng muling pagtatayo ng templo sa Jerusalem (natapos noong 515 B.C.E.).—Ezr 6:22.
Ang Asirya sa Hula. Ang Asirya ay binanggit sa hulang binigkas ni Balaam noong mga taóng 1473 B.C.E. (Bil 24:24) Madalas banggitin ang Asirya sa mga hula nina Isaias, Jeremias, Ezekiel, Mikas, Nahum, Zefanias, at Zacarias, at ang babala tungkol sa pagsalanta ng Asirya sa hilagang kaharian ng Israel ay isinasaad sa buong hula ni Oseas. Maraming beses na hinatulan ang apostatang Israel at Juda dahil sa kanilang pananalig sa gayong mga bansang pagano, anupat sila’y madalas na nagpalipat-lipat sa pagitan ng Ehipto at Asirya, tulad ng isang “mangmang na kalapati na walang puso.” (Jer 2:18, 36; Pan 5:6; Eze 16:26, 28; 23:5-12; Os 7:11) Buong-linaw na inilarawan ang kapaha-pahamak na mga bunga ng gayong landasin. (Eze 23:22-27) Inihula rin na ibabagsak ang mga Asiryano at isasauli ang itinapong mga Israelita sa kanilang sariling lupain. (Isa 11:11-16; 14:25; Jer 50:17, 18; Eze 32:22; Zac 10:10, 11) Sa katapus-tapusan, inihula maging ang panahon kung kailan magkakaroon ng mapayapang kaugnayan ang mga lupain ng Asirya at Ehipto at makakasama sila ng Israel sa lingap ng Diyos anupat magiging “isang pagpapala sa gitna ng lupa.”—Isa 19:23-25.
[Larawan sa pahina 229]
Inukit na larawan mula sa hilagang palasyo sa Nineve. Ang hari at ang kaniyang reyna sa isang salu-salo sa hardin; nakasabit sa puno sa harap ng manunugtog ng alpa ang ulo ng isang nalupig na hari
[Larawan sa pahina 231]
Mga karong Asiryano na may dalang mga estandarteng panrelihiyon patungo sa pagbabaka
[Larawan sa pahina 233]
Ipinakikita sa entrepanyo ng pader mula sa Nimrud ang mga Asiryanong kawal dala ang mga diyos ng isang nalupig na lunsod