Ang Salita ni Jehova ay Buháy
Mga Tampok na Bahagi Mula sa Aklat ng Ikalawang Hari
IPINAGPAPATULOY ng aklat ng Bibliya na Ikalawang Hari ang kasaysayan na sinimulang ilahad sa Unang Hari. Ito ay isang ulat tungkol sa 29 na hari—12 mula sa hilagang kaharian ng Israel at 17 mula sa timugang kaharian ng Juda. Inilalahad din ng Ikalawang Hari ang mga gawain ng mga propetang sina Elias, Eliseo, at Isaias. Bagaman hindi eksakto ang kronolohikal na pagkakasunud-sunod nito, kalakip sa ulat ang panahon ng pagkawasak ng Samaria at Jerusalem. Sa kabuuan, saklaw ng Ikalawang Hari ang isang yugto ng 340 taon—mula 920 B.C.E. hanggang 580 B.C.E. nang matapos ni propeta Jeremias ang pagsulat sa aklat na ito.
Ano ang kahalagahan sa atin ng Ikalawang Hari? Ano ang itinuturo nito sa atin tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga pakikitungo? Anu-anong aral ang matututuhan natin mula sa mga ginawa ng mga hari, ng mga propeta, at ng iba pa na binanggit sa aklat? Tingnan natin kung ano ang matututuhan natin mula sa Ikalawang Hari.
HINALINHAN NI ELISEO SI ELIAS
Nahulog si Haring Ahazias ng Israel sa kaniyang tahanan at siya ay nagkasakit. Sumangguni siya sa propetang si Elias at tumanggap ng mensahe na siya ay mamamatay. Namatay nga si Ahazias, at ang kaniyang kapatid na si Jehoram ang umupo sa trono. Samantala, si Jehosapat naman ang hari sa Juda. Kinuha si Elias ng isang buhawi, at ang katulong niyang si Eliseo ang humalili sa kaniya bilang propeta. Sa sumunod na mga 60 taon ng kaniyang ministeryo, gumawa ng mga himala si Eliseo.—Tingnan ang kahong “Mga Himala ni Eliseo.”
Nang maghimagsik sa Israel ang isang haring Moabita, nakipagdigma sa kaniya sina Jehoram, Jehosapat, at ang hari ng Edom. Pinapagtagumpay sila dahil sa katapatan ni Jehosapat. Nang maglaon, nagplano ng biglaang pagsalakay sa Israel ang hari ng Sirya. Gayunman, binigo ni Eliseo ang planong ito. Nagalit ang hari ng Sirya at nagpadala ng “mga kabayo at ng mga karong pandigma at ng isang makapal na hukbong militar” upang bihagin si Eliseo. (2 Hari 6:14) Gumawa ng dalawang himala si Eliseo at payapang pinauwi ang mga Siryano. Nang maglaon, kinubkob ni Haring Ben-hadad ng Sirya ang Samaria. Nagbunga ito ng matinding taggutom, ngunit inihula ni Eliseo na magwawakas ang taggutom.
Pagkalipas ng ilang panahon, nagtungo sa Damasco si Eliseo. Isinugo ni Haring Ben-hadad, na noon ay may sakit, si Hazael upang magtanong kung gagaling siya sa kaniyang sakit. Inihula ni Eliseo na mamamatay ang hari at si Hazael ang mamamahala kahalili niya. Kinabukasan mismo, tinakpan ni Hazael ng “kubrekama” ang mukha ng hari hanggang sa mamatay ito at nanungkulan siya bilang hari. (2 Hari 8:15) Sa Juda, naging hari ang anak ni Jehosapat na si Jehoram, at hinalinhan naman siya ng kaniyang anak na si Ahazias.—Tingnan ang kahong “Mga Hari ng Juda at ng Israel.”
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
2:9—Bakit hiniling ni Eliseo ang ‘dalawang bahagi ng espiritu ni Elias’? Upang magampanan ang pananagutan bilang isang propeta sa Israel, kailangan ni Eliseo ang espiritung ipinakita ni Elias—ang lakas ng loob at kawalan ng takot. Dahil batid ito, hiniling ni Eliseo ang dobleng bahagi ng espiritu ni Elias. Inatasan ni Elias si Eliseo bilang kahalili niya at naging tagapaglingkod niya ito sa loob ng anim na taon, kaya itinuring ni Eliseo si Elias bilang kaniyang espirituwal na ama; si Eliseo naman ay parang panganay na espirituwal na anak ni Elias. (1 Hari 19:19-21; 2 Hari 2:12) Kaya naman, kung paanong ang literal na panganay ay tumatanggap ng dalawang bahagi ng mana ng kaniyang ama, humiling at tumanggap si Eliseo ng dalawang bahagi ng espirituwal na pamana mula kay Elias.
2:11—Ano ang “langit” na ‘inakyat ni Elias sa pamamagitan ng buhawi’? Hindi ito ang malalayong bahagi ng pisikal na uniberso ni ang espirituwal na dako kung saan naninirahan ang Diyos at ang kaniyang mga anak na anghel. (Deuteronomio 4:19; Awit 11:4; Mateo 6:9; 18:10) Ang “langit” na inakyat ni Elias ay ang himpapawid. (Awit 78:26; Mateo 6:26) Habang humahagibis sa atmospera ng lupa, lumilitaw na ang maapoy na karo ang naglipat kay Elias sa ibang bahagi ng lupa, kung saan siya nagpatuloy na mabuhay nang ilang panahon. Sa katunayan, pagkalipas ng ilang taon, lumiham si Elias kay Jehoram, ang hari ng Juda.—2 Cronica 21:1, 12-15.
5:15, 16—Bakit hindi tinanggap ni Eliseo ang kaloob ni Naaman? Tinanggihan ni Eliseo ang kaloob sapagkat kinilala niya na ang makahimalang pagpapagaling kay Naaman ay dahil sa kapangyarihan ni Jehova, at hindi dahil sa kaniya. Hindi niya maaatim na gamitin ang katungkulang iniatas sa kaniya ng Diyos para sa kaniyang kapakinabangan. Hindi hinahangad ng tunay na mga mananamba sa ngayon ang personal na pakinabang mula sa paglilingkod kay Jehova. Isinasapuso nila ang payo ni Jesus: “Tinanggap ninyo nang walang bayad, ibigay ninyo nang walang bayad.”—Mateo 10:8.
5:18, 19—Humihiling ba ng kapatawaran si Naaman dahil sa kailangang makibahagi siya sa isang relihiyosong gawain? Lumilitaw na ang hari ng Sirya ay matanda na at mahina at kailangang sumandig siya kay Naaman upang alalayan siya. Kapag yumuyukod ang hari bilang pagsamba kay Rimon, yumuyukod din si Naaman. Subalit para kay Naaman, hindi niya ginagawa iyon para sumamba kundi para lamang alalayan ang hari. Hinihiling ni Naaman kay Jehova na patawarin siya sa pagganap sa makataong tungkuling ito. Palibhasa’y naniniwala kay Naaman, sinabi ni Eliseo sa kaniya: “Yumaon kang payapa.”
Mga Aral Para sa Atin:
1:13, 14. Makapagliligtas ng buhay ang pagkatuto mula sa pagmamasid at pagkilos nang may kapakumbabaan.
2:2, 4, 6. Bagaman si Eliseo ay marahil anim na taóng naging tagapaglingkod ni Elias, nagpumilit pa rin siya na huwag iwan si Elias. Kay-inam ngang halimbawa ng pagkamatapat at pagkakaibigan!—Kawikaan 18:24.
2:23, 24. Lumilitaw na ang pangunahing dahilan ng panlilibak na ito kay Eliseo ay sapagkat suot ng isang kalbong lalaki ang opisyal na kasuutan ni Elias. Nakilala ng mga bata na si Eliseo ay kinatawan ni Jehova at ayaw nila siyang makasama. Sinabi nila sa kaniya na “umahon ka,” samakatuwid nga, magpatuloy sa pag-ahon patungong Bethel o kunin din na gaya ni Elias. Maliwanag na ipinamalas ng mga bata ang palabang saloobin ng kanilang mga magulang. Napakahalaga ngang turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na igalang ang mga kinatawan ng Diyos!
3:14, 18, 24. Laging nagkakatotoo ang mga salita ni Jehova.
3:22. Ang sinag ng liwanag ng bukang-liwayway ay lumikha ng ilusyon na dugo ang tubig, marahil dahil may pulang luwad ang lupa sa mga estero na kahuhukay pa lamang noon. Maaaring ipasiya ni Jehova na gamitin ang likas na mga pangyayari upang isakatuparan ang kaniyang mga layunin.
4:8-11. Palibhasa’y napag-unawa na si Eliseo ay “isang banal na lalaki ng Diyos,” isang babae sa Sunem ang naging mapagpatuloy sa kaniya. Hindi ba’t dapat na gayundin ang gawin natin sa tapat na mga mananamba ni Jehova?
5:3. Nanampalataya ang batang babaing Israelita sa kakayahan ng Diyos na gumawa ng mga himala. Malakas din ang kaniyang loob na magsalita tungkol sa pananampalataya niya. Sinisikap ba ninyong mga kabataan na patibayin ang inyong pananampalataya sa mga pangako ng Diyos at magtipon ng lakas ng loob upang ibahagi ang katotohanan sa inyong mga guro at kaeskuwela?
5:9-19. Hindi ba’t ipinakikita ng halimbawa ni Naaman na maaaring matuto ng kapakumbabaan ang isang taong mapagmapuri?—1 Pedro 5:5.
5:20-27. Kaylaking kabayaran ng pagtatangkang mamuhay sa kasinungalingan! Ang maingat na pagbubulay-bulay sa personal na dalamhati at trahedyang dulot ng dobleng pamumuhay ay tutulong sa atin na iwasan ang gayong landasin.
IPINATAPON ANG ISRAEL AT JUDA
Pinahiran si Jehu bilang hari sa Israel. Wala siyang inaksayang panahon sa pagsasakatuparan sa kampanyang pabagsakin ang sambahayan ni Ahab. May-kahusayang ‘nilipol ni Jehu ang pagsamba kay Baal mula sa Israel.’ (2 Hari 10:28) Nang mabalitaan ni Athalia, ina ni Ahazias, na ang kaniyang anak ay pinatay ni Jehu, siya ay ‘bumangon at nilipol ang lahat ng supling ng kaharian ng Juda’ at inagaw ang trono. (2 Hari 11:1) Tanging ang sanggol na anak ni Ahazias, si Jehoas, ang nailigtas at pagkalipas ng anim na taóng pagtatago, hinirang siya bilang hari sa Juda. Dahil sa tagubilin ng saserdoteng si Jehoiada, patuloy na ginawa ni Jehoas ang tama sa paningin ni Jehova.
Pagkamatay ni Jehu, ang lahat ng hari na namahala sa Israel ay gumawa ng masama sa paningin ni Jehova. Namatay si Eliseo sa likas na paraan noong panahon ng apo ni Jehu. Ang ikaapat na hari sa Juda pagkatapos ni Jehoas ay si Ahaz, at “hindi niya ginawa ang tama sa paningin ni Jehova.” (2 Hari 16:1, 2) Gayunman, ang kaniyang anak na si Haring Hezekias ay ‘patuloy na nanatili kay Jehova.’ (2 Hari 17:20; 18:6) Noong 740 B.C.E., nang si Hezekias ang hari sa Juda at si Hosea naman ang namamahala sa Israel, ‘binihag ni Haring Salmaneser ng Asirya ang Samaria at dinala ang Israel sa pagkatapon sa Asirya.’ (2 Hari 17:6) Pagkatapos, dinala ang mga banyaga sa teritoryo ng Israel, at doon nagsimula ang relihiyon ng mga Samaritano.
Sa sumunod na pitong hari sa Juda pagkatapos ni Hezekias, tanging si Josias ang kumilos upang alisin sa lupain ang huwad na pagsamba. Sa wakas, noong 607 B.C.E., binihag ng mga taga-Babilonya ang Jerusalem at “yumaon ang Juda sa pagkatapon mula sa lupa nito.”—2 Hari 25:21.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
13:20, 21—Sinusuhayan ba ng himalang ito ang pagsamba sa relihiyosong mga relikya? Hindi. Hindi kailanman ipinakikita sa Bibliya na sinamba ang mga buto ni Eliseo. Nangyari ang himalang ito dahil sa kapangyarihan ng Diyos, at ito rin ang nagpangyari sa lahat ng himalang ginawa ni Eliseo noong nabubuhay pa siya.
15:1-6—Bakit sinalot ni Jehova ng ketong si Azarias (Uzias, 15:6, talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References)? “Nang [si Uzias] ay malakas na, ang kaniyang puso ay nagpalalo . . . , anupat gumawi siya nang di-tapat laban kay Jehova na kaniyang Diyos at pumasok sa templo ni Jehova upang magsunog ng insenso sa ibabaw ng altar ng insenso.” Nang “tumindig [ang mga saserdote] laban kay Uzias” at sabihin sa kaniya na “lumabas ka mula sa santuwaryo,” nagalit siya sa mga saserdote at sinalot siya ng ketong.—2 Cronica 26:16-20.
18:19-21, 25—Nakipag-alyansa ba sa Ehipto si Hezekias? Hindi. Hindi totoo ang paratang ni Rabsases, gaya rin ng kaniyang pag-aangkin na may “kapahintulutan mula kay Jehova” ang pagdating niya. Kay Jehova lamang umasa ang tapat na si Haring Hezekias.
Mga Aral Para sa Atin:
9:7, 26. Ipinakikita ng mabigat na hatol laban sa sambahayan ni Ahab na karima-rimarim kay Jehova ang huwad na pagsamba at ang pagbububo ng walang-salang dugo.
9:20. Ang reputasyon ni Jehu bilang mabilis magpatakbo ng karo ay nagpapatunay ng kaniyang sigasig sa pagsasakatuparan sa kaniyang atas. Kilalá ka rin ba bilang masigasig na tagapaghayag ng Kaharian?—2 Timoteo 4:2.
9:36, 37; 10:17; 13:18, 19, 25; 14:25; 19:20, 32-36; 20:16, 17; 24:13. Makapagtitiwala tayo na ‘ang salita na lumalabas sa bibig ni Jehova ay laging tiyak na magtatagumpay.’—Isaias 55:10, 11.
10:15. Kung paanong buong-pusong tinanggap ni Jehonadab ang paanyaya ni Jehu na sumakay siya sa karo kasama ni Jehu, ang “malaking pulutong” ay kusang-loob ding sumusuporta kay Jesu-Kristo, ang makabagong-panahong Jehu, at sa kaniyang pinahirang mga tagasunod.—Apocalipsis 7:9.
10:30, 31. Bagaman may maipipintas din naman sa rekord ni Jehu, pinahalagahan ni Jehova ang lahat ng ginawa niya. Tunay ngang ‘ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang ating gawa.’—Hebreo 6:10.
13:14-19. Dahil hindi nagpunyagi ang apo ni Jehu na si Jehoas kundi tatlong beses lamang niyang hinampas ng palaso ang lupa, limitado lamang ang naging tagumpay niya sa paglupig sa mga Siryano. Inaasahan ni Jehova na buong-puso at may-kasigasigan nating gagawin ang trabahong iniatas niya.
20:2-6. Si Jehova ang “Dumirinig ng panalangin.”—Awit 65:2.
24:3, 4. Dahil sa pagkakasala ni Manases sa dugo, “hindi pumayag si Jehova na maggawad ng kapatawaran” sa Juda. Iginagalang ng Diyos ang dugo ng mga walang sala. Makapagtitiwala tayo na ipaghihiganti ni Jehova ang walang-salang dugo sa pamamagitan ng pagpuksa sa mga nagbububo nito.—Awit 37:9-11; 145:20.
Mahalaga sa Atin
Ang aklat ng Ikalawang Hari ay naglalarawan kay Jehova bilang Tagatupad ng mga pangako. Buong-diin na itinatawag-pansin sa atin ng pagkatapon ng mga naninirahan sa dalawang kaharian, una ay yaong sa Israel at pagkatapos ay yaong sa Juda, ang katuparan ng makahulang hatol na nakaulat sa Deuteronomio 28:15–29:28. Ang Ikalawang Hari ay naglalarawan kay Eliseo bilang isang propeta na napakasigasig ukol sa pangalan ni Jehova at sa tunay na pagsamba. Sina Hezekias at Josias ay ipinakikita bilang mapagpakumbabang mga hari na may paggalang sa Kautusan ng Diyos.
Habang binubulay-bulay natin ang saloobin at mga gawa ng mga hari, propeta, at ng iba pang binanggit sa Ikalawang Hari, hindi ba’t natututo tayo ng mahahalagang aral sa kung ano ang pagsisikapan nating gawin at kung ano ang iiwasan natin? (Roma 15:4; 1 Corinto 10:11) Oo, “ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas.”—Hebreo 4:12.
[Kahon/Larawan sa pahina 10]
MGA HIMALA NI ELISEO
1. Nahati ang tubig ng Jordan.—2 Hari 2:14
2. Ang masamang tubig na nanggagaling sa Jerico ay ginawang nakapagpapalusog.—2 Hari 2:19-22
3. Ang delingkuwenteng mga kabataan ay sinalakay ng mga oso.—2 Hari 2:23, 24
4. Pinaglaanan ng tubig ang mga hukbo.—2 Hari 3:16-26
5. Tumanggap ang babaing balo ng langis na ginagamit sa pagkain.—2 Hari 4:1-7
6. Nagdalang-tao ang baog na babaing Sunamita.—2 Hari 4:8-17
7. Binuhay-muli ang isang batang namatay.—2 Hari 4:18-37
8. Naging ligtas na pagkain ang nakalalasong nilaga.—2 Hari 4:38-41
9. Pinakain ang 100 sa pamamagitan ng 20 tinapay.—2 Hari 4:42-44
10. Pinagaling ang ketong ni Naaman.—2 Hari 5:1-14
11. Nalipat kay Gehazi ang ketong ni Naaman.—2 Hari 5:24-27
12. Pinalutang ang talim ng palakol.—2 Hari 6:5-7
13. Nakita ng isang lingkod ang karo ng mga anghel.—2 Hari 6:15-17
14. Nabulag ang hukbo ng Sirya.—2 Hari 6:18
15. Muling nakakita ang hukbo ng Sirya.—2 Hari 6:19-23
16. Nabuhay ang patay na lalaki.—2 Hari 13:20, 21
[Chart/Mga larawan sa pahina 12]
MGA HARI NG JUDA AT NG ISRAEL
Saul/David/Solomon: 1117/1077/1037 B.C.E.a
KAHARIAN NG JUDA PETSA (B.C.E.) KAHARIAN NG ISRAEL
Rehoboam ․․․․․․ 997 ․․․․․․ Jeroboam
Abias/Asa ․․․․ 980/978 ․․․․
․․ 976/975/952 ․․ Nadab/Baasa/Elah
․․ 951/951/951 ․․ Zimri/Omri/Tibni
․․․․․․ 940 ․․․․․․ Ahab
Jehosapat ․․․․․․ 937 ․․․․․․
․․․․ 920/917 ․․․․ Ahazias/Jehoram
Jehoram ․․․․․․ 913 ․․․․․․
Ahazias ․․․․․․ 906 ․․․․․․
(Athalia) ․․․․․․ 905 ․․․․․․ Jehu
Jehoas ․․․․․․ 898 ․․․․․․
․․․․ 876/859 ․․․․ Jehoahaz/Jehoas
Amazias ․․․․․․ 858 ․․․․․․
․․․․․․ 844 ․․․․․․ Jeroboam II
Azarias (Uzias) ․․․․․․ 829 ․․․․․․
․․ 803/791/791 ․․ Zacarias/Salum/Menahem
․․․․ 780/778 ․․․․ Pekahias/Peka
Jotam/Ahaz ․․․․ 777/762 ․․․․
․․․․․․ 758 ․․․․․․ Hosea
Hezekias ․․․․․․ 746 ․․․․․․
․․․․․․ 740 ․․․․․․ Binihag ang Samaria
Manases/Amon/Josias ․․ 716/661/659 ․․
Jehoahaz/Jehoiakim ․․․․ 628/628 ․․․․
Jehoiakin/Zedekias ․․․․ 618/617 ․․․․
Winasak ang Jerusalem ․․․․․․ 607 ․․․․․․
[Talababa]
a Ang ilang petsa ay tumutukoy nang humigit-kumulang sa simula ng taon ng paghahari.
[Larawan sa pahina 8, 9]
Nagpakumbaba si Naaman at pinagaling siya ng kapangyarihan ni Jehova
[Larawan sa pahina 8, 9]
Ano ang nangyari kay Elias nang siya ay ‘umakyat sa pamamagitan ng buhawi’?