Kailan Nagkakaroon ng Batayan Para Magalit?
SA ECLESIASTES 7:9, sinasabi ng Bibliya: “Hinanakit ang nagpapahinga sa dibdib ng mga hangal.” Ipinakikita ng talatang ito na hindi tayo dapat maging masyadong sensitibo kapag may nagkasala sa atin; sa halip, dapat tayong maging mapagpatawad.
Gayunman, ibig bang sabihin ng Eclesiastes 7:9 na hindi na tayo dapat magalit sa anumang bagay o sa kaninuman, na dapat nating patawarin ang lahat ng pagkakasala gaanuman ito kalubha o gaanuman ito kadalas at pabayaan na lamang ito? Dapat ba nating ipagwalang-bahala kung ang ating salita o kilos ay nagiging dahilan ng paghihinanakit ng iba dahil alam nating dapat siyang magpatawad? Hindi naman.
Ang Diyos na Jehova ang larawan ng pag-ibig, awa, pagpapatawad, at mahabang-pagtitiis. Gayunman, maraming beses na binabanggit sa Bibliya na nagalit siya. Kapag malubha ang pagkakasala, kumikilos siya laban sa mga nagkasala. Isaalang-alang ang ilang halimbawa.
Mga Pagkakasala kay Jehova
Binabanggit ng ulat sa 1 Hari 15:30 ang mga kasalanan ni Jeroboam na “pinangyari niyang ipagkasala ng Israel at dahil sa kaniyang panggagalit na ipinanggalit niya kay Jehova.” Sa 2 Cronica 28:25, sinasabi ng Bibliya tungkol kay Haring Ahaz ng Juda: “Gumawa siya ng matataas na dako para sa paggawa ng haing usok sa ibang mga diyos, anupat ginalit niya si Jehova na Diyos ng kaniyang mga ninuno.” Ang isa pang halimbawa ay nasa Hukom 2:11-14: “Ang . . . Israel ay gumawa ng masama sa paningin ni Jehova at naglingkod sa mga Baal . . . , anupat ginalit nila si Jehova. . . . Dahil dito ay lumagablab ang galit ni Jehova laban sa Israel, kung kaya ibinigay niya sila sa mga kamay ng mga mananamsam.”
May iba pang mga bagay na nagpagalit kay Jehova at nangailangan ito ng matinding parusa. Halimbawa, mababasa natin sa Exodo 22:18-20: “Huwag mong pananatilihing buháy ang isang babaing manggagaway. Ang sinumang sumiping sa hayop ay walang pagsalang papatayin. Ang maghahain sa alinmang diyos maliban lamang kay Jehova ay itatalaga sa pagkapuksa.”
Hindi laging pinatatawad ni Jehova ang malulubhang pagkakasala ng sinaunang Israel kapag palagi nila siyang ginagalit at hindi nagpapakita ng tunay na pagsisisi. Kapag walang tunay na pagsisisi at walang mga pagkilos na nagpapakita ng panunumbalik upang sundin si Jehova, pinababayaan ng Diyos na mapuksa ang mga nagkasala. Nangyari ito sa buong bansa noong 607 B.C.E., sa kamay ng mga taga-Babilonya, at muli noong 70 C.E., sa kamay ng mga Romano.
Oo, nagagalit si Jehova sa masasamang bagay na sinasabi at ginagawa ng mga tao, at pinapatay pa nga niya ang di-nagsisising mga nakagawa ng malulubhang kasalanan. Ngunit dahil ba rito ay napapabilang na siya sa mga tinutukoy sa Eclesiastes 7:9? Hinding-hindi. Makatuwiran ang galit niya sa malulubhang pagkakasala at laging makatarungan ang kaniyang hatol. Sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jehova: “Sakdal ang kaniyang gawa, sapagkat ang lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan. Isang Diyos ng katapatan, na sa kaniya ay walang masusumpungang kawalang-katarungan; matuwid at matapat siya.”—Deuteronomio 32:4.
Malulubhang Pagkakasala sa mga Indibiduwal
Sa ilalim ng Kautusan na ibinigay ng Diyos sa sinaunang Israel, mabibigat ang epekto ng malulubhang pagkakasala sa mga indibiduwal. Halimbawa, kapag ang isang magnanakaw ay pumasok sa isang bahay sa gabi at napatay siya ng may-bahay, walang pagkakasala sa dugo ang may-bahay. Siya ay walang-salang biktima ng isang malubhang krimen. Kaya naman mababasa natin: “Kung ang isang magnanakaw ay masumpungan sa akto ng panloloob at siya ay masaktan at mamatay, walang pagkakasala sa dugo [ang may-bahay].”—Exodo 22:2.
Ang isang babaing hinalay ay may karapatang magalit nang husto, yamang malubhang krimen ito sa paningin ng Diyos. Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, ang lalaki na humalay sa isang babae ay dapat mamatay “tulad ng isang lalaki na tumitindig laban sa kaniyang kapuwa upang paslangin ito.” (Deuteronomio 22:25, 26) Bagaman wala na tayo sa ilalim ng Kautusang iyan, ipinauunawa nito sa atin kung ano ang nadarama ni Jehova hinggil sa panghahalay—isang napakasamang gawa.
Sa panahon natin, isa ring malubhang krimen ang panghahalay at mayroon itong mabibigat na parusa. Karapatan ng biktima na isumbong sa pulis ang bagay na iyon. Sa gayon ang wastong mga awtoridad ay makapaglalapat ng parusa sa nagkasala. At kung menor-de-edad ang biktima, maaaring ang mga magulang ang gumawa ng ganitong mga hakbang.
Di-malulubhang Pagkakasala
Gayunman, hindi lahat ng pagkakasala ay nararapat asikasuhin ng mga awtoridad. Kung gayon, hindi tayo dapat labis na magalit sa maituturing na di-malulubhang pagkakamali na nagagawa ng iba, kundi dapat tayong maging mapagpatawad. Gaano kadalas tayo dapat magpatawad? Nagtanong si apostol Pedro kay Jesus: “Panginoon, ilang ulit na magkakasala ang aking kapatid laban sa akin at magpapatawad ako sa kaniya? Hanggang sa pitong ulit?” Sumagot si Jesus: “Sinasabi ko sa iyo, hindi, Hanggang sa pitong ulit, kundi, Hanggang sa pitumpu’t pitong ulit.”—Mateo 18:21, 22.
Sa kabilang panig naman, kailangan nating patuloy na pasulungin ang ating Kristiyanong personalidad upang sikaping pauntiin ang nagagawa nating pagkakasala. Halimbawa, kapag nakikitungo ka sa iba, kung minsan ba’y nagiging masyado kang tahasan, di-mataktika, o nakaiinsulto? Malamang na makasakit ng damdamin ang gayong mga paraan. Sa halip na sisihin ang biktima sa paghihinanakit nito at madamang dapat itong magpatawad, kailangang maunawaan ng nagkasala na siya ang dahilan kung bakit naghinanakit ang biktima. Kailangang sa simula pa lamang ay sikapin na ng nagkasala na supilin ang kaniyang mga kilos at pananalita upang hindi siya makasakit ng damdamin. Ang pagsisikap na ito ay makababawas sa dalas ng pananakit natin sa damdamin ng iba. Pinaaalalahanan tayo ng Bibliya: “May isa na nagsasalita nang di-pinag-iisipan na gaya ng mga saksak ng tabak, ngunit ang dila ng marurunong ay kagalingan.” (Kawikaan 12:18) Kapag nagkasala tayo sa iba, kahit na hindi natin ito sinasadya, malaki ang magagawa ng paghingi ng paumanhin para malutas ang situwasyon.
Ipinakikita ng Salita ng Diyos na dapat nating ‘itaguyod ang mga bagay na nagdudulot ng kapayapaan at ang mga bagay na nakapagpapatibay sa isa’t isa.’ (Roma 14:19) Kapag mataktika at mabait tayo, ikinakapit natin ang kawikaang ito: “Gaya ng mga mansanas na ginto sa mga inukit na pilak ang salitang binigkas sa tamang panahon.” (Kawikaan 25:11) Tunay ngang kasiya-siya at kalugud-lugod ang impresyong iniiwan nito! Mababago pa nga ng mahinahon at mataktikang pananalita ang matigas na saloobin ng iba: “Ang mahinahong dila ay nakababali ng buto.”—Kawikaan 25:15.
Kaya naman pinapayuhan tayo ng Salita ng Diyos: “Ang inyong pananalita nawa ay laging may kagandahang-loob, na tinimplahan ng asin, upang malaman kung paano kayo dapat magbigay ng sagot sa bawat isa.” (Colosas 4:6) Ang ekspresyong “tinimplahan ng asin” ay nangangahulugan na ginagawa nating kalugud-lugod sa iba ang ating mga pananalita, sa gayon ay nababawasan ang posibilidad na maging dahilan ito ng paghihinanakit. Sa salita at sa gawa, sinisikap ikapit ng mga Kristiyano ang payo ng Bibliya: ‘Hanapin ang kapayapaan at itaguyod iyon.’—1 Pedro 3:11.
Kung gayon, ang Eclesiastes 7:9 ay nangangahulugan na dapat nating iwasang maghinanakit sa maituturing na di-malulubhang kasalanan ng iba. Ang mga ito ay maaaring bunga ng di-kasakdalan ng tao o maaaring sinadya nga ngunit hindi naman malubha. Ngunit kapag ang ginawa ay isang malubhang pagkakasala, mauunawaan naman na maaaring magalit ang biktima at magpasiyang gumawa ng angkop na mga hakbang.—Mateo 18:15-17.
[Larawan sa pahina 14]
Pinabayaan ni Jehova na mapuksa ng mga Romano ang di-nagsisising Israel noong 70 C.E.
[Larawan sa pahina 15]
“Gaya ng mga mansanas na ginto . . . ang salitang binigkas sa tamang panahon”