Isang Gumuhong Kaharian na Nagdulot ng Pagkapahiya sa mga Kritiko ng Bibliya
“Dati ang kasaysayan ng kaharian ng Asiria ay isa sa pinakamalabong bahagi sa kasaysayan ng daigdig.” “Lahat ng alam na tungkol sa sinaunang Nineve ay nabuo buhat sa kalat-kalat na pahiwatig at mga hula na tumutukoy rito sa Bibliya, at sa di-inaasahan at kati-katiting na impormasyon tungkol sa kasaysayan ng Asiria buhat kay Diodorus Siculus . . . at mga iba pa.”—Cyclopædia of Biblical Literature, Tomo 1 at 3, 1862.
ANG mananalaysay na Griego na si Diodorus Siculus ay nabuhay noong may 2,000 taon na ngayon ang nakalipas. Ayon sa kaniya, ang Nineve ay isang lunsod na may apat na tabi; ang apat na tabi ay may kabuuang haba na 480 estadio. Iyan ay pabilog na may lawak na 96 kilometro! Ang Bibliya ay nagbibigay ng nahahawig na larawan, sinasabing ang Nineve ay isang dakilang lunsod “na may tatlong araw na lalakarin upang marating.”—Jonas 3:3.
Ang mga kritiko ng Bibliya noong ika-19 na siglo ay ayaw maniwalang ang isang di-kilalang lunsod ng sinaunang sanlibutan ay maging gayong kalaki. Kanila ring sinasabi na kung sakaling umiral nga ang Nineve, tiyak na iyon ay bahagi ng isang sinaunang kabihasnan na nauna sa Babilonya.
Ang ganitong paniwala ay salungat sa Genesis kabanata 10, na nagsasabing ang isang kaapu-apuhan ni Noe, si Nimrod, ang nagtatag ng unang estado-pulitikal sa rehiyon ng Babel, o Babilonya. “Buhat sa lupaing iyan,” nagpapatuloy ang Bibliya, “siya’y naparoon sa Asiria at itinayo ang Nineve at ang Rehoboth-Ir at ang Calah at ang Resen sa pagitan ng Nineve at ng Calah: ito ang dakilang lunsod.” (Genesis 10:8-12) Pansinin, iniulat ng talata ang apat na bagong lunsod ng Asiria bilang isang “dakilang lunsod.”
Noong 1843 isang arkeologong Pranses, si Paul-Émile Botta, ang nakatuklas sa mga kaguhuan ng isang palasyong napatunayang bahagi ng isang lunsod sa Asiria. Nang ang balita tungkol sa pagkatuklas na ito ay nakarating sa madla, iyon ay lumikha ng malaking pananabik. “Ang madla ay lalong naging interesado,” ang paliwanag ni Allan Millard sa kaniyang aklat na Treasures From Bible Times, “nang mapatunayan na ang palasyo ay pag-aari ni Sargon, ang hari ng Asiria na binanggit sa Isaias 20:1, na ang pag-iral ay pinag-alinlanganan sapagkat siya’y hindi kilala.”
Samantala, isa pang arkeologo, si Austen Henry Layard, ang nagsimulang maghukay sa mga kaguhuan sa isang lugar na tinawag na Nimrud mga 42 kilometro sa timog-kanluran ng Khorsabad. Iyon ay napatunayan na mga kaguhuan ng Calah—isa sa apat na lunsod ng Asiria na binanggit sa Genesis 10:11. At, noong 1849, nakahukay si Layard ng mga kaguhuan ng isang malaking palasyo sa isang lugar na tinatawag na Kuyunjik, sa pagitan ng Calah at ng Khorsabad. Napatunayan na ang palasyo ay bahagi ng Nineve. Sa pagitan ng Khorsabad at ng Calah ay matatagpuan ang kaguhuan ng iba pang mga pamayanan, kasali na ang isang bunduk-bundukang tinatawag na Karamles. “Kung kukunin natin ang apat na malalaking punso ng Nimrúd [Calah], Koyunjik [Nineve], Khorsabad, at Karamles, bilang mga sulok ng isang parisukat,” sabi ni Layard, “masusumpungan na ang apat na tabi ay katumbas ng 480 estadio o 60 milya ng heograpo, katumbas ng tatlong araw na paglalakbay ng propeta [si Jonas].”
Maliwanag, kung gayon, na isinali ni Jonas ang lahat ng pamayanang ito bilang isang “dakilang lunsod,” tinatawag sila sa pangalan ng lunsod na unang binanggit sa Genesis 10:11, samakatuwid nga, ang Nineve. Ganiyan din ang ginagawa sa ngayon. Halimbawa, may pagkakaiba sa pagitan ng orihinal na lunsod ng London at ng mga karatig-lugar nito, na siyang bumubuo ng kung minsa’y tinatawag na “Greater London (Kalakhang London).”
Isang Aroganteng Hari ng Asiria
Ang palasyo sa Nineve ay may mahigit na 70 silid, may halos 3 kilometro ng pader. Sa mga pader na ito ay naroon ang sunóg na mga labì ng iskulturang nagpapaalaala ng mga tagumpay ng militar at ng iba pang dakilang mga gawa. Karamihan ay malaki ang pinsala. Gayunman, nang magtatapos na ang kaniyang paglagi roon, si Layard ay nakatuklas ng isang silid-tulugan na naingatang mainam. Sa mga pader ay nakadispley ang larawan ng pagkabihag ng isang matibay na lunsod, ang mga bihag ay dumaraan sa harap ng lumulusob na hari, na nakaupo sa isang trono sa labas ng lunsod. Sa ibabaw ng hari ay may nakasulat na isinalin ng mga eksperto sa sulat-Asirio na ganito: “Si Sennacherib, hari ng sanlibutan, hari ng Asiria, ay nakaupo sa isang tronong- nimedu at pormal na siniyasat ang samsam (na nakuha) sa Lachish (La-ki-su).”
Sa ngayon ang displey na ito at ang nakasulat ay maaaring makita sa British Museum. Ito’y kasuwato ng makasaysayang pangyayaring nakasulat sa Bibliya sa 2 Hari 18:13, 14: “Nang ikalabing-apat na taon nga ng Haring Ezekias, si Sennacherib na hari ng Asiria ay umahon laban sa lahat ng nakukutaang lunsod ng Juda at sinakop ang mga ito nang biglaan. Kaya si Ezekias na hari ng Juda ay nagsugo sa hari ng Asiria sa Lachish, na nagsasabi: ‘Ako’y nagkasala. Talikdan mo ako. Anuman ang iyong ipabayad sa akin ay aking babayaran.’ Kaya naman si Ezekias na hari ng Juda ay siningil ng hari ng Asiria ng tatlong daang talentong pilak at tatlumpung talentong ginto.”
May iba pang mga sulat na natagpuan sa mga kaguhuan ng Nineve na nagbibigay ng karagdagang mga detalye ng paglusob ni Sennacherib sa Juda at ng buwis na ibinayad ni Ezekias. “Marahil isa sa pinakapambihirang pagkakatulad ng makasaysayang patotoo na nakaulat, ang halaga ng yamang ginto na nanggaling kay Ezekias, ang tatlumpung talento, ay magkasuwato sa dalawang magkabukod na salaysay,” isinulat ni Layard. Si Sir Henry Rawlinson, na tumulong ng pagbasa ng sulat-Asirio, ay nagpahayag na ang mga sulat na ito ay “naglagay kay [Sennacherib] sa pagkakakilanlan sa kaniya sa kasaysayan bilang hindi matututulan.” Isa pa, si Layard ay nagtatanong sa kaniyang aklat na Nineveh and Babylon: “Sino ang maniniwala na maaaring mangyari o posible, bago ginawa ang mga panunuklas na ito, na sa ilalim ng bunton ng lupa at basura na naroon sa kinatayuan ng Nineve, ay masumpungan ang kasaysayan ng mga digmaan sa pagitan ni Ezekias at ni Sennacherib, isinulat ni Sennacherib mismo samantalang nagaganap ang mga ito, at pinatutunayan sa kaliit-liitang mga detalye ang kasaysayan sa Bibliya?”
Mangyari pa, ang ilang detalye ng ulat ni Sennacherib ay hindi kasuwato ng Bibliya. Halimbawa, binanggit ng arkeologong si Alan Millard: “Ang lubhang kapuna-punang ebidensiya ay nasa katapusan [ng ulat ni Sennacherib]. Isinugo ni Ezekias ang kaniyang mensahero, at lahat ng buwis, ay ibinigay kay Sennacherib ‘nang dakong huli, sa Nineve’. Ang mga ito ay hindi iniuwi ng hukbo ng Asiria sa karaniwang paraan pagkatapos magtagumpay.” Sinasabi ng Bibliya na ang buwis ay binayaran bago bumalik sa Nineve ang hari ng Asiria. (2 Hari 18:15-17) Bakit may pagkakaiba? At bakit hindi nagawa ni Sennacherib na ipangalandakan ang pananakop sa kabisera ng Juda, ang Jerusalem, tulad sa kaniyang pangangalandakan ng kaniyang pagkasakop sa kuta ng Lachish sa Juda? Tatlong manunulat ng Bibliya ang nagbibigay ng kasagutan. Isa sa kanila, na saksing nakakita, ay sumulat: “Ang anghel ni Jehova ay lumabas at kaniyang nilipol ang isang daan at walumpu’t limang libo sa kampamento ng mga Asirio. Nang ang mga tao’y magsibangong maaga sa kinaumagahan, naku po, ang mga ito ay pawang mga bangkay na. Sa gayo’y umalis si Sennacherib na hari ng Asiria at yumaon at umuwi at tumahan sa Nineve.”—Isaias 37:36, 37; 2 Hari 19:35; 2 Cronica 32:21.
Sa kaniyang aklat na Treasures From Bible Times, si Millard ay nagtatapos: “Walang mabuting dahilan na mag-alinlangan sa pag-uulat na ito . . . Mauunawaan, na hindi isusulat ni Sennacherib ang tungkol sa gayong kapahamakan para basahin ng kaniyang mga kahalili, sapagkat isang kasiraang-puri iyon sa kaniya.” Sa halip, sinikap ni Sennacherib na lumikha ng impresyon na isang tagumpay ang kaniyang paglusob sa Juda at nagpatuloy na pasakop si Ezekias, na nagpadala ng buwis sa Nineve.
Napatunayan ang mga Pinagmulan ng Asiria
Mga aklatang may libu-libong tabletang putik ang natuklasan din sa Nineve. Ang mga dokumentong ito ay nagpapatunay na ang Kahariang Asirio ay nagkaugat sa timog sa Babilonya, gaya ng ipinakikita ng Genesis 10:11. Sa paggamit sa impormasyong ito, ang mga arkeologo ay nagsimulang doon magbuhos ng kanilang pagpapagal sa malayong timog. Nagpapaliwanag ang Encyclopœdia Biblica: “Lahat ng naiwan ng mga Asirio ay nagsisiwalat na sila’y nagmula sa mga Babiloneo. Ang kanilang wika at paraan ng pagsulat, ang kanilang literatura, ang kanilang relihiyon, at ang kanilang siyensiya ay kinuha buhat sa kanilang mga kalapit-bansa sa timog subalit may kaunting pagbabago.”
Dahil sa mga natuklasan tulad ng nabanggit na ay napilitan ang mga kritiko ng Bibliya na gawin ang kaunting pagbabago sa kanilang mga paniniwala. Oo, ang taimtim na pagsusuri sa Bibliya ay nagsisiwalat na ito ay isinulat ng maiingat, tapat na mga manunulat. Isang dating punong-mahistrado ng Korte Suprema ng Estados Unidos, si Salmon P. Chase, ay nagsabi pagkatapos na suriin niya ang Bibliya: “Ito’y isang mahaba, seryoso, at malalim na pag-aaral: at sa paggamit ng gayunding mga simulain ng ebidensiya sa relihiyosong bagay na ito gaya ng laging ginagawa ko sa sekular na mga bagay, ako’y sumapit sa pasiya na ang Bibliya ay isang aklat na hindi gawa ng tao, na ito ay galing sa Diyos.”—The Book of Books: An Introduction.
Oo, ang Bibliya ay hindi lamang isang totoong kasaysayan. Ito ang kinasihang Salita ng Diyos, isang regalo sa kapakinabangan ng sangkatauhan. (2 Timoteo 3:16) Ang patotoo nito ay makikita sa pamamagitan ng pagsusuri sa heograpya ng Bibliya. Ito’y tatalakayin sa susunod na labas.
[Mga larawan sa pahina 6, 7]
Itaas: Tatlong detalye na kuha buhat sa larawang alsado sa pader
Ibaba: Drowing ng alsadong larawang Asirio sa pader na nagpapakita ng paglusob sa Lachish
[Credit Lines]
(Sa kagandahang-loob ng The British Museum)
(Mula sa The Bible in the British Museum, lathala ng British Museum Press)
[Picture Credit Line sa pahina 4]
Sa kagandahang-loob ng mga Tagapangalaga sa The British Museum