Paglilingkod kay Jehova Taglay ang Espiritu ng Pagsasakripisyo-sa-Sarili
“Kung ang sinuman ay ibig sumunod sa akin, itakwil niya ang kaniyang sarili at pasanin ang kaniyang pahirapang tulos at patuloy na sumunod sa akin.”—MATEO 16:24.
1. Papaano ipinaalám ni Jesus sa kaniyang mga alagad ang tungkol sa kaniyang nalalapit na kamatayan?
MALAPIT sa nababalutan-ng-niyebeng taluktok ng Bundok Hermon, si Jesu-Kristo ay sumasapit sa isang dakilang pangyayari sa kaniyang buhay. Siya’y wala pang isang taóng mabubuhay. Alam niya iyan; hindi alam ng kaniyang mga alagad. Sumapit na ngayon ang panahon na kailangan nilang maalaman. Totoo, ipinahiwatig na ni Jesus bago pa nito ang kaniyang nalalapit na kamatayan, ngunit ngayon lamang niya nilinaw ito. (Mateo 9:15; 12:40) Mababasa sa pag-uulat ni Mateo: “Mula noon ay nagsimulang ipinakilala ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad na kailangang siya’y pumaroon sa Jerusalem at magbata ng maraming bagay sa matatandang lalaki at mga punong saserdote at mga eskriba, at siya’y patayin, at muling buhayin sa ikatlong araw.”—Mateo 16:21; Marcos 8:31, 32.
2. Ano ang epekto kay Pedro ng sinabi ni Jesus tungkol sa Kaniyang pagdaranas ng hirap sa hinaharap, at papaano tumugon si Jesus?
2 Biláng na ang mga araw ni Jesus. Subalit, si Pedro ay nahilang magalit ng gayong waring malagim na kaisipan. Hindi niya matanggap na talagang papatayin ang Mesiyas. Sa gayon, si Pedro ay nangahas na sawayin ang kaniyang Panginoon. Palibhasa’y pinakilos ng pinakamabuting hangarin, may kapusukang sinabi niya: “Maging mabait ka sa iyong sarili, Panginoon; malayong mangyari ito sa iyo.” Subalit tinanggihan ni Jesus ang maling kabaitan ni Pedro, kung papaano tiyak na tiyak dudurugin ng isa ang ulo ng isang makamandag na ahas. “Lumagay ka sa likuran ko, Satanas! Ikaw ay batong katitisuran sa akin, sapagkat hindi mo pinag-iisip ang mga bagay ng Diyos, kundi yaong sa mga tao.”—Mateo 16:22, 23.
3. (a) Papaano sa di-sinasadya’y ginawa ni Pedro ang sarili niya na isang ahente ni Satanas? (b) Papaano naging isang batong katitisuran si Pedro sa landas ng pagsasakripisyo-sa-sarili?
3 Sa di-sinasadya’y ginawa ni Pedro ang sarili niya na isang ahente ni Satanas. Ang tugon ni Jesus ay positibo na gaya nang kaniyang sagutin si Satanas sa ilang. Doon sinikap ng Diyablo na akitin si Jesus tungo sa isang buhay na madali, isang paghahari na walang kahirap-hirap. (Mateo 4:1-10) Ngayon siya’y hinihimok ni Pedro na huwag namang magmalupit sa kaniyang sarili. Batid ni Jesus na hindi ito ang kalooban ng kaniyang Ama. Ang buhay niya ay kailangang may pagsasakripisyo-sa-sarili, hindi pagpapalugod-sa-sarili. (Mateo 20:28) Si Pedro ay naging isang batong katitisuran sa gayong landasin; ang kaniyang pakikiramay na walang masamang layunin ay nagsilbing isang silo.a Subalit, malinaw na nakikita ni Jesus na kung siya’y magpapahinuhod sa idea ng isang buhay na walang pagsasakripisyo, siya’y hindi tatanggap ng pagsang-ayon ng Diyos dahil sa pagkahuli sa nakamamatay na panggigipit na likha ng silo ni Satanas.
4. Bakit si Jesus at ang kaniyang mga tagasunod ay hindi namuhay sa kalayawan at kaginhawahan?
4 Samakatuwid, ang kaisipan ni Pedro ay kinailangang iwasto. Ang kaniyang mga salita kay Jesus ay kumakatawan sa idea ng isang tao, hindi ng Diyos. Ang pamumuhay sa kalayawan at kaginhawahan, isang madaling paraan upang makaiwas sa kahirapan, ay hindi ibig ni Jesus para sa kaniyang sarili; ni para rin sa kaniyang mga tagasunod, sapagkat sumunod na sinabi ni Jesus kay Pedro at sa iba pang mga alagad: “Kung ang sinuman ay ibig sumunod sa akin, itakwil niya ang kaniyang sarili at pasanin ang kaniyang pahirapang tulos at patuloy na sumunod sa akin.”—Mateo 16:24.
5. (a) Ano ang hamon sa pamumuhay bilang Kristiyano? (b) Anong tatlong mahalagang bagay ang kailangang handang gawin ng isang Kristiyano?
5 Paulit-ulit, bumabalik si Jesus sa pinakasusing temang ito: ang hamon ng pamumuhay bilang Kristiyano. Upang maging mga tagasunod ni Jesus, ang mga Kristiyano, tulad ng kanilang Lider, ay kailangang maglingkod kay Jehova taglay ang espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili. (Mateo 10:37-39) Sa gayon, siya’y nagtatala ng tatlong mahahalagang bagay na kailangang handang gawin ng isang Kristiyano: (1) itakwil ang kaniyang sarili, (2) pasanin ang kaniyang pahirapang tulos, at (3) patuloy na sumunod sa Kaniya.
“Kung ang Sinuman ay Ibig Sumunod sa Akin”
6. (a) Papaano itinatakwil ng isang tao ang kaniyang sarili? (b) Sino ang kailangang palugdan natin nang higit sa ating sarili?
6 Ano ba ang ibig sabihin ng itakwil ang sarili? Iyan ay nangangahulugan na ang isang tao’y kailangang lubusang tanggihan ang kaniyang sarili, isang uri ng pagkamatay sa sarili. Ang saligang kahulugan ng salitang Griegong isinalin na “itakwil” ay “sabihin na hindi”; ito’y nangangahulugan ng “lubusang pagtanggi.” Samakatuwid, kung tinatanggap mo ang hamon ng buhay Kristiyano, kusang isinusuko mo ang iyong sariling mga ambisyon, kaginhawahan, pagnanasa, kaligayahan, kaluguran. Sa diwa, ang iyong buong buhay at lahat na ng bagay na kaugnay niyaon ay ibinibigay mo sa Diyos na Jehova sa lahat ng panahon. Ang pagtatakwil ng sarili ay higit pa ang kahulugan kaysa pagkakait lamang sa sarili ng ilang kaluguran ngayon. Bagkus, nangangahulugan ito na kailangang tumalikod ang isang tao sa pagmamay-ari sa sarili upang ibigay ang kaniyang sarili kay Jehova. (1 Corinto 6:19, 20) Ang isang taong nagtakwil ng sarili ay namumuhay, hindi upang magpalugod sa sarili, kundi sa Diyos. (Roma 14:8; 15:3) Nangangahulugan ito na sa bawat sandali ng kaniyang buhay, kaniyang tinatanggihan ang mapag-imbot na mga naisin at tinatanggap naman si Jehova.
7. Ano ang pahirapang tulos ng isang Kristiyano, at papaano niya pinapasan ito?
7 Samakatuwid, ang pagkuha ng iyong pahirapang tulos ay may mahalagang mga bagay na ipinahihiwatig. Ang pagpasan sa isang tulos (estaka) ay isang kabigatan at isang simbolo ng kamatayan. Ang Kristiyano ay handang maghirap kung kinakailangan, o mapahiya o pahirapan o kahit na patayin dahilan sa pagiging isang tagasunod ni Jesu-Kristo. Sinabi ni Jesus: “Ang hindi nagpapasan ng kaniyang pahirapang tulos at sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin.” (Mateo 10:38) Hindi lahat ng nagdurusa ay nagpapasan ng pahirapang tulos. Ang mga balakyot ay may maraming “kapanglawan” ngunit wala silang pinapasang pahirapang tulos. (Awit 32:10) Datapuwat, ang buhay Kristiyano ay isang buhay na pagpasan ng pahirapang tulos ng mapagsakripisyong paglilingkod kay Jehova.
8. Anong halimbawa sa buhay ang ipinakita ni Jesus para sa kaniyang mga tagasunod?
8 Ang huling kalagayang binanggit ni Jesus ay na tayo’y patuloy na sumunod sa kaniya. Kahilingan ni Jesus hindi lamang na tanggapin natin at paniwalaan ang kaniyang itinuro kundi, na tayo’y patuluyang sumunod din sa halimbawa na kaniyang ipinakita para sa buong buhay natin. At ano ang ilan sa mahahalagang pitak sa kaniyang ipinakitang halimbawa sa buhay? Nang kaniyang bigyan ang kaniyang mga tagasunod ng kanilang katapusang atas, sinabi niya: “Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad . . . , turuan sila na ganapin ang lahat ng bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Si Jesus ay nangaral at nagturo ng mabuting balita ng Kaharian. Gayundin ang kaniyang pinakamalapít na mga alagad at, oo nga, ang buong sinaunang kongregasyong Kristiyano. Ang masigasig na gawaing ito bukod sa kanilang hindi pagiging bahagi ng sanlibutan ay nagdulot sa kanila ng pagkapoot at pananalansang ng sanlibutan, na ang ibinunga ay lalo pang bumigat ang pahirapang tulos na kanilang pinapasan.—Juan 15:19, 20; Gawa 8:4.
9. Papaano pinakitunguhan ni Jesus ang ibang mga tao?
9 Ang isa pang prominenteng halimbawa na nakita sa buhay ni Jesus ay ang paraan ng pagtrato niya sa ibang mga tao. Siya ay mabait at “maamo at mapagpakumbabang puso.” Sa gayon, ang kaniyang mga tagapakinig ay nakadama ng muling kasiglahan ng kalooban at sila’y napatibay-loob ng kaniyang pagkanaroroon sa gitna nila. (Mateo 11:29) Sila’y hindi niya ginamitan ng lakas upang sumunod sa kaniya o nagbigay man ng sunud-sunod na mga alituntunin tungkol sa kung papaano nila gagawin ang gayon; ni pinukaw man niya ang mga damdamin upang sila’y puwersahin na maging mga alagad niya. Sa kabila ng kanilang pamumuhay na may pagsasakripisyo-sa-sarili, sila’y kinakitaan ng tunay na kagalakan. Anong laking pagkakaiba sa mga may makasanlibutang espiritu ng pagpapalayaw-sa-sarili na palatandaan ng “mga huling araw”!—2 Timoteo 3:1-4.
Taglayin at Panatilihin ang Espiritu ni Jesus ng Pagsasakripisyo-sa-Sarili
10. (a) Sang-ayon sa Filipos 2:5-8, papaano itinakwil ni Kristo ang kaniyang sarili? (b) Kung tayo ay mga tagasunod ni Kristo, anong kaisipan ang kailangang makita sa atin?
10 Si Jesus ang nagpakita ng halimbawa sa pagtatakwil sa sarili. Kaniyang kinuha ang kaniyang pahirapang tulos at patuloy na pinasan iyon sa pamamagitan ng paggawa ng kalooban ng kaniyang Ama. Sumulat si Pablo sa mga Kristiyano sa Filipos: “Manatili kayo sa ganitong kaisipan na taglay rin ni Kristo Jesus, na, bagaman siya’y umiiral na nasa anyong Diyos, hindi niya pinag-isipan na mang-agaw, samakatuwid nga, upang makapantay ng Diyos. Hindi, kundi hinubaran niya ng kaluwalhatian ang kaniyang sarili at nag-anyong alipin at naparito na kawangis ng mga tao. Higit diyan, nang siya’y nasa anyong tao na, siya ay nagpakababa at nagmasunurin hanggang kamatayan, oo, ang kamatayan sa isang pahirapang tulos.” (Filipos 2:5-8) Sino ba ang lubusang magtatakwil ng sarili nang higit kaysa riyan? Kung ikaw ay kay Kristo Jesus at isa ka sa kaniyang mga tagasunod, kailangang manatili ka sa ganitong kaisipan.
11. Ang pamumuhay na may pagsasakripisyo-sa-sarili ay nangangahulugan ng pamumuhay para sa kalooban nino?
11 Isa pang apostol, si Pedro, ay nagsasabi sa atin na yamang nagdusa at namatay si Jesus alang-alang sa atin, ang mga Kristiyano, tulad ng mga sundalong handang-handa, ay kailangang magtaglay sa kanilang sarili ng ganoon ding espiritu na tinaglay ni Kristo. Sumulat siya: “Kaya yamang si Kristo’y nagbata sa laman, kayo man ay magsandata rin ng gayong hilig ng pag-iisip; sapagkat ang isa na nagbata sa laman ay huminto na sa mga pagkakasala, upang ang kaniyang nalalabing panahon sa laman ay maipamuhay niya, hindi ukol sa mga pita ng mga tao, kundi ukol sa kalooban ng Diyos.” (1 Pedro 3:18; 4:1, 2) Ang landas ni Jesus ng pagsasakripisyo-sa-sarili ay malinaw na nagpakita kung ano ang nadama niya tungkol doon. Siya ay may iisang kaisipan sa kaniyang debosyon, laging inuuna ang kalooban ng kaniyang Ama higit sa kaniyang sarili, hanggang sa sukdulang pagkaranas ng isang hamak na kamatayan.—Mateo 6:10; Lucas 22:42.
12. Kinayamutan ba ni Jesus ang buhay na may pagsasakripisyo-sa-sarili? Ipaliwanag.
12 Bagaman ang buhay ni Jesus ng pagsasakripisyo-sa-sarili ay isang landas na mahirap lakaran at isang hamon para sa kaniya na sundin, hindi niya kinayamutan iyon. Bagkus, si Jesus ay nalugod sa pagpapasakop sa kalooban ng Diyos. Sa kaniya, ang paggawa ng gawain ng kaniyang Ama ay mistulang pagkain. Siya’y tumanggap ng tunay na kasiyahan doon, gaya ng isa na nasisiyahan sa isang mabuting pagkain. (Mateo 4:4; Juan 4:34) Sa gayon, kung nais mong tunay na masiyahan sa iyong buhay, wala ka nang higit na mabuting magagawa kundi tularan ang halimbawa ni Jesus sa pagpapaunlad ng kaniyang kaisipan.
13. Papaano ang pag-ibig ang puwersang nagsisilbing motibo sa likod ng pagsasakripisyo-sa-sarili?
13 Talaga naman, ano ba ang puwersang nagsisilbing motibo sa espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili? Sa isang salita, ang pag-ibig. Sinabi ni Jesus: “ ‘Iibigin mo si Jehova mong Diyos ng iyong buong puso at ng iyong buong kaluluwa at ng iyong buong pag-iisip.’ Ito ang pinakadakila at pang-unang utos. Ang pangalawa, na katulad nito, ay ito, ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’ ” (Mateo 22:37-39) Ang isang Kristiyano ay hindi maaaring maging mapaghanap ng kaniyang sariling kapakanan at, kasabay niyaon, sundin ang mga salitang ito. Ang kaniyang sariling kaligayahan at kapakanan ay kailangang ugitan una at pangunahin ng kaniyang pag-ibig kay Jehova at pagkatapos ay ng kaniyang pag-ibig sa kapuwa. Ganiyan namuhay si Jesus, at iyan ang inaasahan niya sa kaniyang mga tagasunod.
14. (a) Anong dalawang pananagutan ang ipinaliwanag sa Hebreo 13:15, 16? (b) Ano ang nagpapasigla sa atin na ipangaral ang mabuting balita nang may sigasig?
14 Naunawaan ni apostol Pablo ang batas na ito ng pag-ibig. Siya’y sumulat: “Sa pamamagitan niya tayo’y palaging maghandog sa Diyos ng hain ng papuri, samakatuwid nga, ang bunga ng mga labi na nagpapahayag sa madla ng kaniyang pangalan. Isa pa, huwag kalilimutan ang paggawa ng mabuti at ang bahaginan ang iba ng mga bagay-bagay, sapagkat lugud-na-lugod ang Diyos sa gayong mga hain.” (Hebreo 13:15, 16) Ang mga Kristiyano ay hindi naghahandog kay Jehova ng mga haing hayop o ng katulad nito; kaya naman, hindi sila nangangailangan ng mga saserdoteng tao sa isang materyal na templo upang manguna sa kanilang pagsamba. Sa pamamagitan ni Kristo Jesus inihahandog ang ating hain ng papuri. At pangunahin nang sa pamamagitan ng haing iyan ng papuri, na ang pangmadlang pagpapahayag na iyan sa kaniyang pangalan, ay ipinakikita natin ang ating pag-ibig sa Diyos. Bukod diyan, ang ating walang-imbot na espiritung nag-uugat sa pag-ibig ang nagpapasigla sa atin na ipangaral ang mabuting balita nang may sigasig, nagsisikap na laging sabik na maghandog sa Diyos ng bunga ng ating mga labi. Sa ganitong paraan ay ating ipinakikita rin ang pag-ibig sa kapuwa.
Nagdadala ng Mayamang mga Pagpapala ang Pagsasakripisyo-sa-Sarili
15. Anong nagsasaliksik na mga tanong tungkol sa pagsasakripisyo-sa-sarili ang maitatanong natin sa ating sarili?
15 Huminto sumandali at pag-isipan ang sumusunod na mga katanungan: Ang kasalukuyan bang pamarisan ng aking buhay ay makikitaan ng isang landas ng pagsasakripisyo-sa-sarili? Ang akin bang mga tunguhin ay nakatutok sa gayong buhay? Ang mga miyembro ba ng aking pamilya ay umaani ng espirituwal na mga kapakinabangan buhat sa aking halimbawa? (Ihambing ang 1 Timoteo 5:8.) Kumusta naman ang mga ulila at mga balo? Sila ba ay nakikinabang din sa aking espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili? (Santiago 1:27) Maaari ko kayang palawakin pa ang panahong ginugugol ko sa aking pangmadlang paghahain ng papuri? Ako ba’y nagsisikap na maabot ang pribilehiyong pagpapayunir, paglilingkod sa Bethel, o paglilingkurang misyonero, o maaari kayang lumipat ako sa isang lugar na may lalong malaking pangangailangan para sa mga tagapagbalita ng Kaharian?
16. Papaano tutulong sa atin ang kasanayan sa pagpaplano upang mamuhay nang may pagsasakripisyo-sa-sarili?
16 Kung minsan nangangailangan lamang ng kaunting kasanayan sa pagpaplano upang marating ang ating buong potensiyal sa paglilingkod kay Jehova nang may espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili. Halimbawa, si Janet, isang regular pioneer sa Ecuador, ay buong-panahong naghahanapbuhay. Hindi nagtagal, sa kaniyang iskedyul ay naging mahirap para sa kaniya na maabot ang mga kahilingan sa oras para sa isang regular pioneer taglay ang espiritu ng pagkamasayahin. Kaniyang ipinasiya na ipaliwanag ang suliranin sa kaniyang amo at humiling na bawasan ang mga oras na kaniyang ipinagtatrabaho. Yamang ayaw bawasan ng amo ang mga oras na ipinagtatrabaho niya, ipinagsama niya si Maria, na naghahanap ng trabahong part-time upang siya’y makapagpayunir. Bawat isa sa kanila ay nag-alok na magtatrabaho ng kalahating araw, na ang maghapong trabaho ay paghahatian nila. Ang amo ay pumayag sa mungkahi. Ngayon ang dalawang sister ay mga regular pioneer na. Nang makita ang kahanga-hangang resultang ito, si Kaffa, na nahahapo na rin sa pagtatrabaho nang buong panahon para sa kompanya ring iyon at nagsusumikap na makuha ang kaniyang oras sa pagpapayunir, ay ipinagsama si Magali at nagharap din ng gayong alok. Iyon ay tinanggap din. Sa gayon, apat na sister ang nakapagpapayunir, sa halip na dalawa lamang na noon ay halos hihinto na sa buong panahong paglilingkod. Ang kasanayan sa pagpaplano at kusang pagkilos ang nagdala ng kapaki-pakinabang na resulta.
17-21. Papaano muling pinag-isipan ng isang mag-asawa ang kanilang layunin sa buhay, at ano ang resulta?
17 Isa pa, isaalang-alang ang landas ng pagsasakripisyo-sa-sarili na sinunod ni Evonne noong nakalipas na sampung taon. Noong Mayo 1991 ay isinulat niya sa Watch Tower Society ang sumusunod:
18 “Noong Oktubre 1982, ako at ang aking pamilya ay namasyal sa Brooklyn Bethel. Nang makita ko ito ay nagnais ako na magboluntaryong magtrabaho roon. Nabasa ko ang isang aplikasyon, at may isang kapuna-punang tanong, ‘Ano ba ang katamtamang dami ng oras sa paglilingkod mo sa larangan noong nakalipas na anim na buwan? Kung ang katamtamang dami ng oras ay mababa sa sampu, ipaliwanag kung bakit.’ Wala akong maisip na makatuwirang dahilan sa aking mababang dami ng oras, kaya nagtakda ako ng isang tunguhin at naabot ko iyon sa loob ng limang buwan.
19 “Bagaman may naiisip akong ilang dahilan sa hindi pagpapayunir, nang basahin ko ang 1983 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, ako’y nakumbinsi na ang iba ay nagtagumpay sa lalong malalaking balakid kaysa akin upang makapagpayunir. Kaya, noong Abril 1, 1983, huminto ako sa aking buong-panahong trabaho na malaki ang kita at naging isang auxiliary pioneer, at pumasok ako sa pagka-regular pioneer noong Setyembre 1, 1983.
20 “Naging kaligayahan ko na makapag-asawa ng isang mahusay na ministeryal na lingkod noong Abril 1985. Makalipas ang tatlong taon, sa isang pandistritong kombensiyon, isang pahayag tungkol sa pagpapayunir ang nag-udyok sa aking asawa na bulungan ako at magtanong, ‘May alam ka bang anumang dahilan kung bakit hindi ako dapat magpayunir pasimula sa Setyembre 1?’ Siya’y nákasama ko sa gawaing ito sa sumunod na dalawang taon.
21 “Ang aking asawa ay nagboluntaryo ring gumawa sa konstruksiyon sa Brooklyn Bethel sa loob ng dalawang linggo at nag-aplay para sa International Program. Kaya noong Mayo 1989 kami ay nagtungo sa Nigeria para lumagi roon sa loob ng isang buwan upang tumulong sa pagtatayo ng sangay. Bukas kami ay maglalakbay patungong Alemanya, at doon magsasaayos ng mga visa para sa pagpasok namin sa Polandya. Ganiyan na lang ang aming kagalakan na makasali sa gayong makasaysayang proyekto sa pagtatayo at maging bahagi ng ganitong bagong uri ng buong-panahong paglilingkod.”
22. (a) Gaya ni Pedro, papaano tayo, sa di-sinasadya’y magsilbing isang batong katitisuran? (b) Ang paglilingkod kay Jehova na taglay ang espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili ay hindi depende sa ano?
22 Kung ikaw ay hindi makapagpayunir, maaari mo bang himukin ang mga nasa buong-panahong paglilingkod upang magpatuloy sa kanilang pribilehiyo at marahil tulungan pa nga silang gawin iyon? O ikaw kaya ay magiging katulad ng ilang taimtim na miyembro ng pamilya o mga kaibigan na, tulad ni Pedro, baka magsabi sa isang buong-panahong lingkod na gumawa nang hinay-hinay lamang, maging mabait sa kaniyang sarili, na hindi natatanto kung paano iyon ay maaaring maging isang batong katitisuran? Totoo, kung ang kalusugan ng isang payunir ay lubhang nanganganib o kung siya ay nagpapabaya sa mga obligasyong Kristiyano, baka kailangan siyang huminto sandali sa buong-panahong paglilingkod. Ang paglilingkod kay Jehova na may espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili ay hindi depende sa isang titulo, tulad baga ng payunir, Bethelite, o iba pa. Bagkus, iyon ay depende sa atin bilang mga tao—kung papaano tayo nag-iisip, kung ano ang ating ginagawa, kung papaano natin pinakikitunguhan ang iba, kung papaano tayo namumuhay.
23. (a) Papaano tayo makapagpapatuloy na may kagalakan sa pagiging isang kamanggagawa ng Diyos? (b) Ano ang natitiyak natin ayon sa Hebreo 6:10-12?
23 Kung talagang mayroon tayo ng espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili, tayo’y magagalak sa pagiging mga kamanggagawa ng Diyos. (1 Corinto 3:9) Tayo’y masisiyahan sa pagkaalam na ating pinagagalak ang puso ni Jehova. (Kawikaan 27:11) At matitiyak natin na hindi tayo kailanman kalilimutan o pababayaan ni Jehova habang tayo’y nananatiling tapat sa kaniya.—Hebreo 6:10-12.
[Talababa]
a Sa Griego, ang “batong katitisuran” (σκάνδαλον, skanʹda·lon) ay may orihinal na kahulugang “ang pangalan ng bahagi ng isang silo na doon nakakabit ang pain, sa gayon, ito ang patibong o silo mismo.”—Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words.
Ano ba ang Iyong mga Kaisipan?
◻ Papaano si Pedro sa di-sinasadya’y naging isang batong katitisuran sa isang landas ng pagsasakripisyo-sa-sarili?
◻ Ano ang kahulugan ng pagtatakwil sa sarili?
◻ Papaano pinapasan ng isang Kristiyano ang kaniyang pahirapang tulos?
◻ Papaano natin tinataglay at napananatili ang espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili?
◻ Ano ang puwersang nagsisilbing motibo sa espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili?
[Larawan sa pahina 10]
Handa ka bang itakwil ang iyong sarili, pasanin ang iyong pahirapang tulos, at patuloy na sumunod kay Jesus?