CASLUHIM
Isang anak o grupo ng mga tao na nagmula kay Mizraim, anak ni Ham. Ipinakikita ng ulat ng Bibliya na si Casluhim ang “pinanggalingan ng mga Filisteo.” (Gen 10:6, 13, 14; 1Cr 1:8, 11, 12) Yamang sinasabi ng ibang mga teksto na ang mga Filisteo ay nagmula sa Captor o Creta (Jer 47:4; Am 9:7), iminumungkahi ng ilang iskolar na ang nabanggit na parirala ay dapat ilipat kasunod ng pangalan ng huling binanggit na inapo ni Mizraim, si Captorim. Gayunman, hindi dapat ipalagay na nagkakasalungatan ang mga tekstong ito. Ang ulat sa Genesis (na katugma niyaong nasa Mga Cronica) ay may kinalaman sa kanilang angkan na pinagmulan. Samantala, kapag sinasabi na ang mga Filisteo ay nagmula sa Captor, ito’y tumutukoy sa lugar na pinagmulan nila, anupat nagpapahiwatig na nandayuhan sila mula sa teritoryo ng Captorim.
Ang Casluhim ay hindi lumilitaw sa iba pang bahagi ng Bibliya ni nag-iwan man ng malinaw na bakas sa sekular na kasaysayan. Maliban sa sila’y nagmula kay Mizraim, na ang pangalan ay katumbas ng Ehipto noong panahon ng Bibliya, walang impormasyong nagpapakita kung saan sila namayan.