KAPAYAPAAN
Ang salitang Hebreo na sha·lohmʹ, na isinasalin bilang “kapayapaan,” ay tumutukoy sa isang kalagayan na walang digmaan o kaligaligan (Huk 4:17; 1Sa 7:14; 1Ha 4:24; 2Cr 15:5; Job 21:9; Ec 3:8). Maaari itong magtawid ng ideya ng kalusugan, kaligtasan, katiwasayan (Gen 37:14, tlb sa Rbi8), kabutihan (Gen 41:16), pagkakaibigan (Aw 41:9), at kabuuan o kalubusan (Jer 13:19). Ang salitang Griego para sa kapayapaan (ei·reʹne) ay nagkaroon ng gayunding malawak na kahulugan gaya ng salitang Hebreo na sha·lohmʹ at maaaring magtawid ng ideya ng kaginhawahan, kaligtasan, at pagkakasundo, bukod pa sa kalagayang walang labanan. Lumilitaw ito sa bati ng pamamaalam na “yumaon kang payapa,” na waring katumbas ng pananalitang ‘mapabuti ka nawa.’—Mar 5:34; Luc 7:50; 8:48; San 2:16; ihambing ang 1Sa 1:17; 20:42; 25:35; 29:7; 2Sa 15:9; 2Ha 5:19.
Yamang ang “kapayapaan” ay hindi laging eksaktong katumbas ng mga salita sa orihinal na mga wika, dapat na isaalang-alang ang konteksto upang matiyak kung ano ang tinutukoy ng mga ito. Halimbawa, ang ‘pagpapayaon sa isa nang payapa’ ay maaaring magpahiwatig na pinayayaon siya nang matiwasay, anupat walang dapat ipangamba na hahadlangan siya niyaong nagpahintulot sa kaniya na yumaon. (Gen 26:29; 44:17; Exo 4:18) Ang ‘pagbalik nang payapa,’ halimbawa’y mula sa pakikipagbaka, ay nangangahulugan ng pagbalik nang walang pinsala o nang matagumpay. (Gen 28:21; Jos 10:21; Huk 8:9; 11:31; 2Cr 18:26, 27; 19:1) Ang ‘pagtatanong tungkol sa kapayapaan’ ng isang tao ay nangangahulugan ng pangungumusta sa kaniyang kalagayan. (Gen 29:6, tlb sa Rbi8; 43:27, tlb sa Rbi8) Ang ‘paggawa ukol sa kapayapaan’ ng isa ay tumutukoy sa paggawa ukol sa kapakanan ng isang iyon. (Deu 23:6) Ang pagkamatay ng isang tao nang payapa ay maaaring mangahulugan na tahimik siyang namatay pagkatapos niyang tamasahin ang isang mahabang buhay o tanggapin ang katuparan ng isang minimithing pag-asa. (Ihambing ang Gen 15:15; Luc 2:29; 1Ha 2:6.) Ang hula tungkol kay Josias na ‘pipisanin siya nang payapa sa kaniyang sariling dakong libingan’ ay nagpapahiwatig na mamamatay siya bago ang inihulang kapahamakan ng Jerusalem. (2Ha 22:20; 2Cr 34:28; ihambing ang 2Ha 20:19.) Sinasabi sa Isaias 57:1, 2 na ang matuwid ay pumapasok sa kapayapaan kapag namatay siya, sa gayon ay naiiwasan niya ang kapahamakan.
Pagtatamo ng Kapayapaan. Si Jehova ang Diyos ng kapayapaan (1Co 14:33; 2Co 13:11; 1Te 5:23; Heb 13:20) at ang Pinagmumulan ng kapayapaan (Bil 6:26; 1Cr 22:9; Aw 4:8; 29:11; 147:14; Isa 45:7; Ro 15:33; 16:20), yamang isa itong bunga ng kaniyang espiritu. (Gal 5:22) Sa dahilang ito, ang tunay na kapayapaan ay makakamit lamang niyaong mga may pakikipagpayapaan sa Diyos. Dahil sa malulubhang pagkakasala, nagiging maigting ang kaugnayan ng isang tao sa Diyos anupat nababagabag ang indibiduwal na iyon. Sinabi ng salmista: “Walang kapayapaan sa aking mga buto dahilan sa aking kasalanan.” (Aw 38:3) Samakatuwid, yaong mga nagnanais na maghanap at magtaguyod ng kapayapaan ay dapat na ‘tumalikod sa kasamaan, at gumawa ng mabuti.’ (Aw 34:14) Kung walang katuwiran, hindi maaaring magkaroon ng kapayapaan. (Aw 72:3; 85:10; Isa 32:17) Iyan ang dahilan kung bakit hindi maaaring magkaroon ng kapayapaan ang mga balakyot. (Isa 48:22; 57:21; ihambing ang Isa 59:2-8.) Sa kabilang dako, may kapayapaan yaong mga lubusang nakatalaga kay Jehova, umiibig sa kaniyang kautusan (Aw 119:165), at nagbibigay-pansin sa kaniyang mga utos.—Isa 48:18.
Noong nasa lupa si Kristo Jesus, ang likas na mga Judio at ang mga di-Judio ay walang pakikipagpayapaan sa Diyos na Jehova. Dahil sa pagsalansang nila sa kautusan ng Diyos, ang mga Judio ay napasailalim sa sumpa ng Kautusan. (Gal 3:12, 13) Tungkol naman sa mga di-Judio na nasa labas ng tipan ng Diyos, sila ay “walang pag-asa at walang Diyos sa sanlibutan.” (Efe 2:12) Gayunman, sa pamamagitan ni Kristo Jesus, ang dalawang bayang ito ay binigyan ng pagkakataong pumasok sa isang mapayapang kaugnayan sa Diyos. Tinukoy ito sa patalastas ng mga anghel para sa mga pastol noong ipanganak si Jesus: “Sa lupa ay kapayapaan sa gitna ng mga taong may kabutihang-loob.”—Luc 2:14.
Ang mensahe ng kapayapaan na ipinahayag ni Jesus at ng kaniyang mga tagasunod ay nakaakit sa ‘mga kaibigan ng kapayapaan,’ samakatuwid nga, sa mga taong nagnanais na makipagkasundo sa Diyos. (Mat 10:13; Luc 10:5, 6; Gaw 10:36) Gayunman, ang mensaheng ito ay naging sanhi ng pagkakabaha-bahagi ng mga sambahayan, palibhasa’y tinanggap ito ng ilan at tinanggihan naman ng iba. (Mat 10:34; Luc 12:51) Tinanggihan ng karamihan sa mga Judio ang mensahe at sa gayon ay nabigo sila na maunawaan ang “mga bagay na may kinalaman sa kapayapaan,” anupat maliwanag na kalakip dito ang pagsisisi at ang pagtanggap kay Jesus bilang ang Mesiyas. (Ihambing ang Luc 1:79; 3:3-6; Ju 1:29-34.) Ang pagkabigo nilang ito ay humantong sa pagkawasak ng Jerusalem sa pamamagitan ng mga hukbong Romano noong 70 C.E.—Luc 19:42-44.
Gayunman, ang mga Judiong tumanggap sa “mabuting balita ng kapayapaan” ay mga makasalanan din at dahil dito ay kailangang maipagbayad-sala ang kanilang mga pagsalansang upang magkaroon sila ng mapayapang kaugnayan sa Diyos na Jehova. Ang kamatayan ni Jesus bilang haing pantubos ang nakatugon sa pangangailangang ito. Gaya ng inihula: “Ang kaparusahang ukol sa aming kapayapaan ay sumasakaniya, at dahil sa kaniyang mga sugat ay nagkaroon ng pagpapagaling para sa amin.” (Isa 53:5) Inilaan din ng sakripisyong kamatayan ni Jesus sa pahirapang tulos ang saligan upang kanselahin ang Kautusang Mosaiko, na siyang nagbubukod sa mga Judio mula sa mga di-Judio. Dahil dito, kapag naging mga Kristiyano, ang dalawang bayang ito ay maaari nang magkaroon ng pakikipagpayapaan sa Diyos at sa isa’t isa. Ang apostol na si Pablo ay sumulat: “[Si Jesus] ang ating kapayapaan, siya na nagpaging-isa sa dalawang panig at gumiba sa pader na nasa pagitan na naghihiwalay sa kanila. Sa pamamagitan ng kaniyang laman ay pinawi niya ang pag-aalitan, ang Kautusan ng mga utos na binubuo ng mga tuntunin, upang malalang niya ang dalawang bayan na kaisa ng kaniyang sarili bilang isang bagong tao at gumawa ng kapayapaan; at upang lubos niyang maipagkasundo sa isang katawan sa Diyos ang dalawang bayan sa pamamagitan ng pahirapang tulos, sapagkat pinatay niya ang pag-aalitan sa pamamagitan ng kaniyang sarili. At dumating siya at ipinahayag ang mabuting balita ng kapayapaan sa inyo, ang malalayo, at kapayapaan doon sa malalapit, sapagkat sa pamamagitan niya tayo, ang dalawang bayan, ay may paglapit sa Ama sa pamamagitan ng isang espiritu.”—Efe 2:14-18; ihambing ang Ro 2:10, 11; Col 1:20-23.
“Ang kapayapaan ng Diyos,” samakatuwid ay ang pagiging kalmado at panatag dahil sa mahalagang kaugnayan ng isang Kristiyano sa Diyos na Jehova, ang nagbabantay sa kaniyang puso at mga kakayahang pangkaisipan upang huwag siyang mabalisa tungkol sa kaniyang mga pangangailangan. Nakatitiyak siya na pinaglalaanan ng Diyos na Jehova ang kaniyang mga lingkod at na sinasagot niya ang kanilang mga panalangin. Dahil dito, nagkakaroon siya ng kapanatagan sa puso at isip. (Fil 4:6, 7) Sa katulad na paraan, ang kapayapaang ibinigay ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad, salig sa kanilang pananampalataya sa kaniya bilang Anak ng Diyos, ang tumulong upang maging kalmado ang kanilang puso at isip. Bagaman sinabi sa kanila ni Jesus na darating ang panahon na hindi na nila siya personal na makakasama, wala silang dahilan upang mabahala o matakot. Hindi niya sila iiwan na walang katulong kundi nangako siyang ipadadala niya sa kanila ang banal na espiritu.—Ju 14:26, 27; 16:33; ihambing ang Col 3:15.
Ang kapayapaang tinatamasa ng mga Kristiyano noon ay hindi dapat ipagwalang-bahala. Dapat silang maging ‘mapagpayapa,’ samakatuwid nga, mga tagapamayapa, anupat gumagawa ng pantanging pagsisikap upang maitaguyod at mapanatili ang kapayapaan. (1Te 5:13) Upang maingatan ang kapayapaan sa gitna nila, kinailangan nilang mag-ingat upang hindi sila makatisod ng mga kapananampalataya. (Ro 14:13-23) Sa Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus: “Maligaya ang mga mapagpayapa [sa literal, mga tagapamayapa], yamang tatawagin silang ‘mga anak ng Diyos.’” (Mat 5:9, tlb sa Rbi8; ihambing ang San 3:18.) Pinayuhan ang mga Kristiyano na itaguyod ang kapayapaan at gawin ang kanilang buong makakaya upang masumpungan silang may pakikipagpayapaan sa Diyos. (2Ti 2:22; Heb 12:14; 1Pe 3:11; 2Pe 3:14) Kaya naman kinailangan nilang makipaglaban sa mga pagnanasa ng laman, yamang ang mga ito ay maaaring maging dahilan ng kanilang pakikipag-alit sa Diyos. (Ro 8:6-8) Ang pangangailangan na magkaroon ng isang mapayapang kaugnayan sa Diyos upang matamo ang kaniyang pagsang-ayon ay nagpapatingkad sa kahalagahan ng malimit na uliting pananalitang ‘magkaroon nawa kayo ng kapayapaan.’—Ro 1:7; 1Co 1:3; 2Co 1:2; Gal 1:3; 6:16; Efe 1:2; 6:23; Fil 1:2.
Ninais din noon ng mga Kristiyano na ang iba ay magtamasa ng kapayapaan. Kaya naman ‘suot ang panyapak para sa mabuting balita ng kapayapaan,’ isinagawa nila ang kanilang espirituwal na pakikipagdigma. (Efe 6:15) Maging sa loob ng kongregasyon ay nakipagdigma sila sa pamamagitan ng pagtitiwarik sa mga pangangatuwirang hindi kaayon ng kaalaman sa Diyos, nang sa gayon ay hindi mapinsala ng mga pangangatuwirang ito ang kanilang kaugnayan sa Diyos. (2Co 10:4, 5) Gayunman, hindi ito isang berbal na pakikipag-away o pakikipaglaban, kahit pa ang itinutuwid ay yaong mga lumihis mula sa katotohanan. May kaugnayan sa paghawak sa mga kaso hinggil sa mga humiwalay sa tamang landas, pinayuhan ng apostol na si Pablo si Timoteo: “Ang alipin ng Panginoon ay hindi kailangang makipag-away, kundi kailangang maging banayad sa lahat, kuwalipikadong magturo, nagpipigil sa ilalim ng kasamaan, nagtuturo nang may kahinahunan doon sa mga hindi nakahilig sa mabuti; baka sakaling bigyan sila ng Diyos ng pagsisisi na umaakay sa isang tumpak na kaalaman sa katotohanan, at makabalik sila sa kanilang wastong katinuan mula sa silo ng Diyablo, palibhasa’y nahuli niya silang buháy ukol sa kalooban ng isang iyon.”—2Ti 2:24-26.
Mapayapang Pamamahala. Ang Anak ng Diyos, na ‘sa kaniyang balikat ay maaatang ang pamamahala bilang prinsipe,’ ay tinatawag na “Prinsipe ng Kapayapaan.” (Isa 9:6, 7) Kapansin-pansin, kung gayon, na ipinakita ni Kristo Jesus, noong naririto siya sa lupa, na hindi dapat sandatahan ng kaniyang mga lingkod ang kanilang sarili para sa pisikal na pakikipagdigma, nang sabihin niya kay Pedro: “Ibalik mo ang iyong tabak sa kinalalagyan nito, sapagkat ang lahat niyaong humahawak ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.” (Mat 26:52) Sa makasagisag na pananalita, ‘pinukpok’ niyaong naging mga Kristiyano “ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos.” Hindi na sila nag-aral pa ng pakikipagdigma. (Isa 2:4) Ito at ang mga ginawa ng Diyos noong nakaraan, lalo na yaong may kaugnayan sa Israel noong panahon ng paghahari ni Solomon, ay lumalarawan sa kapayapaang iiral sa panahon ng pamamahala ni Jesus bilang Hari. May kinalaman sa paghahari ni Solomon, ang Bibliya ay nag-uulat: “Ang kapayapaan ay naging kaniya sa lahat ng kaniyang pook, sa buong palibot. At ang Juda at ang Israel ay patuloy na nanahanan nang tiwasay, ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang sariling punong ubas at sa ilalim ng kaniyang sariling puno ng igos, mula sa Dan hanggang sa Beer-sheba, sa lahat ng mga araw ni Solomon.” (1Ha 4:24, 25; 1Cr 22:9) Gaya ng ipinakikita ng ibang mga kasulatan (ihambing ang Aw 72:7, 8; Mik 4:4; Zac 9:9, 10; Mat 21:4, 5), nagsilbi itong parisan ng kung ano ang magaganap sa ilalim ng pamamahala ni Kristo Jesus, ang Isa na mas dakila kaysa kay Solomon, anupat ang pangalang ito ay nagmula sa salitang-ugat na nangangahulugang “kapayapaan.”—Mat 12:42.
Kapayapaan sa Pagitan ng Tao at mga Hayop. Nangako ang Diyos na Jehova sa mga Israelita na kung magiging masunurin sila: “Maglalagay ako ng kapayapaan sa lupain, at hihiga nga kayo, nang walang sinumang magpapanginig sa inyo; at ang mapaminsalang mabangis na hayop ay paglalahuin ko mula sa lupain.” (Lev 26:6) Nangangahulugan ito na mananatili ang mababangis na hayop sa loob ng mga hangganan ng kanilang tirahan at hindi mananakit ang mga ito sa mga Israelita at sa kanilang mga alagang hayop. Sa kabilang dako naman, kung magiging masuwayin ang mga Israelita, pahihintulutan ni Jehova na salakayin at wasakin ng mga hukbong banyaga ang kanilang lupain. Yamang ang resulta nito ay ang pagliit ng populasyon, darami naman ang mababangis na hayop, papasukin ng mga ito ang mga lugar na dating tinatahanan, at pipinsalain ng mga ito ang mga nakaligtas at ang kanilang mga alagang hayop.—Ihambing ang Exo 23:29; Lev 26:22; 2Ha 17:5, 6, 24-26.
Ang kapayapaang ipinangako sa mga Israelita may kaugnayan sa mababangis na hayop ay iba sa tinamasa ng unang lalaki at babae sa hardin ng Eden, sapagkat doon ay tinamasa nina Adan at Eva ang ganap na pamumuno sa mga nilalang na hayop. (Gen 1:28) Sa kabaligtaran, sa hula, ang pamumunong katulad niyaon ay iniuugnay lamang kay Kristo Jesus. (Aw 8:4-8; Heb 2:5-9) Samakatuwid, sa ilalim ng pamahalaan ni Jesu-Kristo, na “isang maliit na sanga mula sa tuod ni Jesse,” o ‘ang ‘lingkod ng Diyos na si David,’ ay muling iiral ang kapayapaan sa pagitan ng mga tao at mga hayop. (Isa 11:1, 6-9; 65:25; Eze 34:23-25) Ang mga tekstong huling nabanggit ay may makasagisag na pagkakapit, sapagkat maliwanag na ang kapayapaang inilalarawan doon sa pagitan ng mga hayop, gaya ng lobo at ng kordero, ay hindi nagkaroon ng literal na katuparan sa sinaunang Israel. Sa gayon ay inihula na ang mga taong may mapaminsala at tulad-hayop na disposisyon ay hihinto sa kanilang mababalasik na kinagawian at mamumuhay nang payapa kasama ng kanilang mas maaamong kapitbahay. Gayunman, ang makahulang paggamit ng mga hayop sa makasagisag na paraan upang ilarawan ang mapayapang mga kalagayang iiral sa gitna ng bayan ng Diyos ay nagpapahiwatig na sa ilalim ng pamamahala ni Kristo Jesus, magkakaroon din ng kapayapaan sa gitna ng literal na mga hayop, kung paanong maliwanag na may gayunding kapayapaan noon sa Eden.