ARMAS, BALUTI
[sa Ingles, arms, armor].
Ang mga armas at baluti ay madalas banggitin sa Bibliya, ngunit hindi ito naglaan ng maraming detalye tungkol sa kung paano ginagawa at ginagamit ang mga iyon.
Bagaman ang Hebreong Kasulatan, partikular na, ay paulit-ulit na bumabanggit ng paggamit ng literal na tabak, sibat, kalasag, at iba pang mga armas, palagi rin nitong idiniriin ang kahalagahan at kapakinabangan ng pagtitiwala kay Jehova. (Gen 15:1; Aw 76:1-3; 115:9-11; 119:114; 144:2) Makikita ang pananalig ni David sa Kaniya sa mga salita nito kay Goliat: “Ikaw ay pumaparito sa akin taglay ang isang tabak at isang sibat at isang diyabelin, ngunit ako ay pumaparito sa iyo taglay ang pangalan ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng mga hukbo ng Israel, na iyong tinuya. Sa araw na ito ay isusuko ka ni Jehova sa aking kamay . . . At malalaman ng buong kongregasyong ito na hindi sa pamamagitan ng tabak ni sa pamamagitan man ng sibat nagliligtas si Jehova, sapagkat kay Jehova ang pagbabaka.” (1Sa 17:45-47) Ipinakikitang mahalaga at mabisa na umasa sa espiritu ni Jehova, hindi sa hukbong militar. (Zac 4:6) At upang pagtibayin ang pag-ibig niya sa kaniyang makasagisag na asawa, ang Sion, nagbigay-katiyakan si Jehova: “Anumang sandata na aanyuan laban sa iyo ay hindi magtatagumpay . . . Ito ang minanang pag-aari ng mga lingkod ni Jehova.”—Isa 54:17.
Ang salitang Hebreo na keliʹ ay maaaring tumukoy sa isang “sandata,” ngunit maaari rin itong tumukoy sa isang “kagamitan,” “sisidlan,” o ‘kasangkapan.’ (Huk 9:54; Lev 13:49; Eze 4:9; Bil 35:16; Ec 9:18; Lev 6:28) Kapag nasa anyong pangmaramihan, maaari itong tumukoy sa “baluti,” gayundin sa “mga dala-dalahan,” “bagahe,” “kagamitan,” at “kasangkapan.” (1Sa 31:9; 10:22; 17:22; Gen 31:37; 45:20) Ang isa pang salitang Hebreo para sa “baluti” (neʹsheq) ay nagmula sa salitang-ugat na na·shaqʹ, nangangahulugang “masandatahan; masakbatan.” (1Ha 10:25; 1Cr 12:2; 2Cr 17:17) Ang salitang Griego naman na hoʹplon (sandata) ay nauugnay sa pa·no·pliʹa, nangangahulugang “lahat ng mga sandata; kumpletong kagayakang pandigma.”—Ju 18:3; Luc 11:22; Efe 6:11.
Armas (Pansalakay). Tabak at sundang. Ang salitang Hebreo na cheʹrev ay kadalasang isinasalin bilang “tabak,” ngunit maaari rin itong isalin bilang “sundang,” “pait,” at ‘kutsilyo.’ (Gen 3:24; 1Ha 18:28; Exo 20:25; Jos 5:2) Sa Hebreong Kasulatan, ang tabak ang pinakamalimit banggitin bilang sandatang pansalakay at pandepensa. Mayroon itong puluhan at metal na talim, na maaaring yari sa tanso, bakal, o asero. Ang mga tabak ay ginagamit noon bilang pamutol (1Sa 17:51; 1Ha 3:24, 25) at panaksak o pang-ulos. (1Sa 31:4) Ang ilang tabak ay maikli, ang iba naman ay mahaba, at ang mga ito ay maaaring may isa o dalawang talim. Kinikilala ng mga arkeologo ang pagkakaiba ng sundang at tabak ayon sa haba, anupat mga 40 sentimetro (16 na pulgada) ang kaibahan ng mga ito sa isa’t isa.
Karaniwan na, ang tabak ay isinasabit sa pamigkis sa kaliwang tagiliran (1Sa 25:13) at nakasuksok sa isang kaluban, isang katad na sisidlan para sa tabak o sundang. Batay sa sinasabi ng 2 Samuel 20:8, posibleng sinadya ni Joab na ayusin ang kaniyang tabak upang mahulog ito mula sa kaluban nito at pagkatapos ay hinawakan na lamang niya sa kaniyang kamay ang sandata sa halip na isuksok itong muli sa kaluban. Marahil ay inakala ng walang kahina-hinalang si Amasa na nahulog lamang ito nang di-sinasadya at hindi niya iyon ikinabahala. Naging sanhi iyon ng kaniyang kamatayan.
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang Griego na maʹkhai·ra ang kadalasang ginagamit para sa tabak (Mat 26:47), bagaman ginagamit din ang rhom·phaiʹa, tumutukoy naman sa isang “mahabang tabak.” (Apo 6:8) Ang pagkakaroon ng mga alagad ng dalawang tabak noong gabing ipagkanulo si Jesus ay hindi kataka-taka noong panahong iyon (Luc 22:38), at may katibayan na karaniwan lamang sa mga taga-Galilea, partikular na, ang magdala ng armas. (Tingnan ang The Jewish War, ni F. Josephus, III, 42 [iii, 2].) Ang mga salita ni Jesus sa Lucas 22:36, “Ang walang tabak ay ipagbili ang kaniyang panlabas na kasuutan at bumili ng isa,” ay hindi nagpapahiwatig na malapit nang sumuong noon sa isang mapanganib na buhay ang kaniyang mga alagad. Sa halip, nais niyang magkaroon ng tabak ang kaniyang mga tagasunod noong gabing iyon upang ipakita nang buong-linaw na, bagaman malalagay sila sa situwasyon na madaling aakay sa kanila upang gumamit ng armas, hindi niya intensiyong gumamit ng tabak kundi kusang-loob niyang ibibigay ang kaniyang sarili kasuwato ng kalooban ng Diyos. Kaya naman nang kumilos si Pedro at tangkain nitong lumaban gamit ang kaniyang armas, anupat tinagpas niya ang tainga ni Malco, inutusan siya ni Jesus: “Ibalik mo ang iyong tabak sa kinalalagyan nito, sapagkat ang lahat niyaong humahawak ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.” (Mat 26:52; Ju 18:10, 11) Tiyak na walang gaanong magiging silbi ang tabak ni Pedro at ang isa pa nilang tabak laban sa gayon kalaking grupo ng mga nasasandatahang lalaki, at kung tatangkain nilang gamitin ang mga iyon, walang alinlangang “malilipol [sila] sa pamamagitan ng tabak.” (Mat 26:47) Higit na mahalaga, tiyak na mabibigo ang pagtatangkang ito na iligtas si Jesus, yamang salungat na salungat ito sa layunin ng Diyos na Jehova. (Mat 26:53, 54) Kaya noon din mismong araw na iyon ay malinaw na masasabi ni Jesus kay Pilato: “Kung ang kaharian ko ay bahagi ng sanlibutang ito, lumaban sana ang mga tagapaglingkod ko upang hindi ako maibigay sa mga Judio. Ngunit, ang totoo, ang kaharian ko ay hindi nagmumula rito.”—Ju 18:36.
Sibat, diyabelin, at tunod. Mga sandatang ginagamit na panaksak o panudla; ang mga ito ay mga tagdan na may matutulis na dulo o ulo. (1Sa 18:11; Huk 5:8; Jos 8:18; Job 41:26) Iba’t ibang uri ng ganitong mga sandata ang ginagamit ng lahat ng sinaunang mga bansa. Hindi matiyak ang eksaktong kaibahan ng mga ito sa isa’t isa ayon sa pagkakatukoy ng iba’t ibang salitang Hebreo.
Sa Hebreong Kasulatan, lumilitaw na ang sibat (sa Heb., chanithʹ) ang pinakamalaki sa mga sandatang ito, anupat mayroon itong mahabang tagdang kahoy at, karaniwan na, isang matulis na ulong bato o metal. Pangalawa ito sa tabak kung kahalagahan ang pag-uusapan. Ang higanteng si Goliat ay nagdala ng isang sibat na may tulis na tumitimbang nang “anim na raang siklong bakal” (6.8 kg; 15 lb) at tagdang kahoy na “gaya ng biga ng mga manggagawa sa habihan.” (1Sa 17:7) Ang ilang sibat ay may metal na tulis sa puluhang dulo na maaaring itusok sa lupa upang mapatayo ang mga ito. Kaya naman ang dulong ito, at hindi lamang ang ulo ng sibat, ay mabisa ring magagamit ng mandirigma. (2Sa 2:19-23) Ang isang sibat na nakatusok sa lupa ay maaaring magsilbing palatandaan ng pansamantalang kinaroroonan ng isang hari.—1Sa 26:7.
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang sibat (sa Gr., logʹkhe) ay binabanggit sa Juan 19:34, na nagsasabing nang mamatay na si Jesu-Kristo, “inulos ng sibat ng isa sa mga kawal ang kaniyang tagiliran.” Yamang isa itong kawal na Romano, malamang na ang Romanong pilum ang ginamit niya. Ang sandatang ito ay may haba na mga 1.8 m (6 na piye), at ang ulong bakal nito ay may simà at umaabot hanggang sa kalahatian ng haba ng tagdang kahoy.
Ang isa pang uri ng sibat (sa Heb., roʹmach), isang sandata na may mahabang tagdan at matulis na dulo, ay ginamit din noon bilang panaksak. (Bil 25:7, 8) Isa itong karaniwang sandata ng mga Hebreo.
Ang diyabelin (sa Heb., ki·dhohnʹ) ay may matulis na ulong metal at kadalasa’y ipinanunudla. Lumilitaw na mas maliit at mas magaan ito kaysa sa karaniwang sibat, anupat mahahawakan ito nang nakaunat ang bisig. (Jos 8:18-26) Ang diyabelin ay karaniwang dinadala nang nakasukbit sa likod at hindi hawak sa kamay.
Maliwanag na ang tunod (sa Heb., mas·saʽʹ) ay isang maikli at matulis na suligi na kahawig ng palaso. (Job 41:26) Ang sheʹlach, na salitang Hebreo para sa suligi, ay nagmula sa pandiwang salitang-ugat na sha·lachʹ, nangangahulugang “magpalipad; maglabas; mag-unat.” (2Cr 23:10; Gen 8:8, 9; Exo 9:15) Ang salitang Hebreo na ziq·qimʹ ay tumutukoy naman sa “nagliliyab na mga suligi” at nauugnay sa zi·qohthʹ, nangangahulugang “mga siklab; nagliliyab na mga palaso.”—Kaw 26:18; Isa 50:11, tlb sa Rbi8.
Ang Griegong beʹlos (suligi) ay nagmula sa salitang-ugat na balʹlo, nangangahulugang “ihagis.” Ginamit ng apostol na si Pablo ang salitang Griegong ito nang sumulat siya tungkol sa “nag-aapoy na mga suligi” na masusugpo ng isa sa pamamagitan ng malaking kalasag ng pananampalataya. (Efe 6:16) Sa mga Romano, ang mga tunod ay yari sa hungkag na mga tambo, at sa bandang ibaba ng tulis, sa ilalim nito, ay may isang sisidlang bakal na maaaring punuin ng nag-aapoy na naphtha. Pagkatapos, ipinapana ang tunod mula sa isang busog na maluwag, yamang mamamatay ang apoy nito kung pahihilagpusin ito mula sa isang busog na banát. Lalo lamang magliliyab ang suliging ito kung bubuhusan ng tubig, at mapapatay lamang ito kung tatabunan ng lupa ang mapaminsalang panudlang ito.
Busog at palaso. Mula pa noong unang mga panahon, ang busog (sa Heb., qeʹsheth; sa Gr., toʹxon) ay ginagamit na sa pangangaso at sa pakikipagdigma. (Gen 21:20; 27:3; 48:22; Apo 6:2) Isa itong karaniwang sandata ng mga Israelita (2Cr 26:14, 15), ng mga nakipaglaban para sa Ehipto (Jer 46:8, 9), ng mga Asiryano (Isa 37:33), at ng mga Medo-Persiano.—Jer 50:14; 51:11; tingnan din ang MAMAMANA.
Ang pagtukoy sa “busog na tanso” ay maaaring unawain na nangangahulugang isang busog na kahoy na binalutan ng tanso. (2Sa 22:35) Ang pananalitang ‘hutukin ang busog’ (sa literal, ‘yapakan ang busog’) ay tumutukoy sa pagkakabit ng bagting sa busog. (Aw 7:12; 37:14; Jer 50:14, 29) Maaari itong gawin sa pamamagitan ng mariing pagtapak sa gitna ng busog, o sa pamamagitan ng pagtapak sa dulo ng busog na may nakakabit nang bagting samantalang hinuhutok naman ang kabilang dulo upang ikabit ang isa pang dulo ng bagting.
Ang mga palaso (sa Heb., chits·tsimʹ) ay yari sa mga tangkay ng halamang tambo o sa kahoy na magaan, anupat kadalasang kinakabitan ng mga balahibo ang pinakapuno ng mga ito. Noong una, ang mga ulo ng palaso ay yari sa batong pingkian o sa buto at nang maglaon ay sa metal. Kung minsan, ang mga palaso ay kinakabitan ng simà, isinasawsaw sa lason (Job 6:4), o binabalutan ng materyal na madaling magningas. (Aw 7:13) Sa kaso ng panunog na palaso, pinapasakan ng maiikling hibla na binasâ sa langis ang mga butas sa gilid ng metal na ulo nito, anupat sinisindihan ito kapag gagamitin na ang palaso.
Tatlumpung palaso ang karaniwang inilalagay sa isang katad na sisidlan o talanga. Ipinakikita ng mga relyebe ng Asirya na ang mga talanga na dinadala noon sa mga karo ay naglalaman ng 50 palaso.—Ihambing ang Isa 22:6.
Panghilagpos. Mula pa noong sinaunang mga panahon, ang panghilagpos (sa Heb., qeʹlaʽ) ay ginagamit na ng mga pastol (1Sa 17:40) at ng mga mandirigma bilang sandata. (2Cr 26:14) Ito ay isang manipis na piraso ng katad o isang pamigkis na yari sa hinabing materyal gaya ng litid ng mga hayop, halamang hungko, o balahibo. Inilalagay ang panudla sa “pinakalundo ng panghilagpos,” isang pinalapad na bahagi sa gitna. (1Sa 25:29) Ang isang dulo ng panghilagpos ay maaaring itali sa kamay o sa pulso samantalang ang isa pang dulo ay hawak naman ng kamay, anupat binibitiwan iyon kapag pinawalan na ang panghilagpos. Kapag nalagyan na ng panudla, ang panghilagpos ay pinaiikot sa ibabaw ng ulo, marahil ay nang ilang beses, at pagkatapos ay biglang binibitiwan ang isang dulo nito, anupat ang panudla ay humahagis nang napakalakas at napakabilis patungo sa unahan. Makikinis at bilog na mga bato partikular na ang pinipili para sa pagpapahilagpos, bagaman gumamit din noon ng iba pang mga panudla. (1Sa 17:40) Karaniwan nang kasama sa mga hukbo ng Juda (2Cr 26:14) at ng Israel ang mga tagapaghilagpos.—2Ha 3:25.
Pamalong pandigma, panudla, at palakol na pandigma. Maliwanag na ang “pamalong pandigma” ay isang mabigat na pamalo o pambambo, na kung minsan ay may matutulis na metal. (Kaw 25:18) Ang “panudla” ay isang kahoy na tagdan, marahil ay may metal na tulis sa dulo, na ginamit bilang sandata. (Eze 39:9) Ang palakol na pandigma ay isang sandata na kadalasa’y may maikling hawakan na kahoy o metal at ulong bato o metal na may matalas na talim. Tinutukoy ang palakol na pandigma sa makasagisag na pananalita sa Awit 35:3, kung saan hinilingan ni David si Jehova na ‘humugot ng sibat at kabilaang palakol upang salubungin yaong mga tumutugis sa akin.’
Baluti (Pandepensa). Upang ipagsanggalang ang kaniyang katawan laban sa pansalakay na mga sandata ng kaaway, ang isang kawal ay gumagamit ng iba’t ibang uri ng kalasag at baluti.
Kalasag. Isang malapad na piraso ng baluting pandepensa na ginamit ng lahat ng sinaunang mga bansa. Mayroon itong hawakan sa bandang loob at dinadala ito ng mandirigma sa panahon ng pagbabaka, kadalasa’y sa kaliwang bisig o sa kaliwang kamay, bagaman maaaring sa panahon ng pagmamartsa ay nakasabit ito mula sa isang strap na pambalikat. Ipinahihiwatig ng Isaias 22:6 na maaaring ang ilang kalasag ay may takip na inaalis sa panahon ng pagbabaka. Sa panahon naman ng kapayapaan, kadalasang nasa mga taguan ng mga armas ang mga kalasag.—Sol 4:4.
Ang mga kalasag na ginagamit noong sinaunang mga panahon ay kadalasang yari sa kahoy na binalutan ng katad, at ang gayong mga kalasag ay maaaring masunog. (Eze 39:9) Yamang kalasag na kahoy at katad ang ginagamit ng karamihan noon, lumilitaw na bibihira ang kalasag na metal, anupat ito ay ginagamit lamang ng mga lider, mga bantay ng hari, o posible, sa mga seremonya. (2Sa 8:7; 1Ha 14:27, 28) Ang mga kalasag ay nilalangisan upang hindi lumutong at upang maingatan laban sa halumigmig, gayundin upang hindi kalawangin ang metal nito at upang maging makinis at madulas ang mga ito. (2Sa 1:21) Ang kalasag na katad ay kadalasang pinapalamutian ng isang mabigat na umbok na metal (pabilog o patulis) sa gitna nito, anupat naglalaan iyon ng higit pang proteksiyon.—Job 15:26.
Ang “malaking kalasag” (sa Heb., tsin·nahʹ) ay dinadala noon ng lubhang nasasandatahang hukbong panlupa (2Cr 14:8) at kung minsan ay ng isang tagapagdala ng kalasag. (1Sa 17:7, 41) Ito ay biluhaba o kaya ay parihaba na parang pinto. Lumilitaw na isang katulad na “malaking kalasag” ang tinutukoy sa Efeso 6:16 ng salitang Griego na thy·re·osʹ (mula sa thyʹra, nangangahulugang “pinto”). Ang tsin·nahʹ naman ay may sapat na laki upang matakpan ang buong katawan. (Aw 5:12) Kung minsan ay ginagamit ito upang bumuo ng masinsing hanay ng mga kawal sa unahan ng pagbabaka anupat mga sibat lamang nila ang nakausli. Paminsan-minsan, magkasamang binabanggit ang malaking kalasag at ang sibat upang tumukoy sa lahat ng mga sandata.—1Cr 12:8, 34; 2Cr 11:12.
Ang mas maliliit na “kalasag” o “pansalag” (sa Heb., ma·ghenʹ) ay karaniwan nang dinadala noon ng mga mamamana at kadalasang iniuugnay sa magagaan na sandata gaya ng busog. Halimbawa, dinala ito ng mga Benjaminitang mambubusog ng hukbong militar ng Judeanong si Haring Asa. (2Cr 14:8) Ang mas maliit na kalasag ay kadalasang bilog at mas karaniwan kaysa sa malaking kalasag, at malamang na ginamit ito pangunahin na sa manu-manong labanan. Waring ipinakikita ng mga gintong kalasag na ginawa ni Solomon na di-hamak na mas malaki ang tsin·nahʹ kaysa sa ma·ghenʹ, yamang ang ginto na ikinalupkop sa malaking kalasag ay apat na ulit ng dami ng ginto na ginamit sa mas maliit na kalasag, o pansalag. (1Ha 10:16, 17; 2Cr 9:15, 16) Ang ma·ghenʹ, tulad ng tsin·nahʹ, ay waring ginamit bilang bahagi ng isang kombinasyon ng mga sandatang pandigma.—2Cr 14:8; 17:17; 32:5.
Ang salitang Hebreo na sheʹlet, isinalin bilang “bilog na kalasag,” ay lumilitaw nang pitong ulit sa Hebreong Kasulatan at maliwanag na kahawig ng mas pangkaraniwang ma·ghenʹ (kalasag), yamang binabanggit ito kasama ng ma·ghenʹ sa Awit ni Solomon 4:4.
Helmet. Isang pangmilitar na kagayakan sa ulo na nilayong magsilbing proteksiyon ng mandirigma sa panahon ng pagbabaka at isang mahalagang bahagi ng baluting pandepensa. Ang salitang Hebreo para sa “helmet” ay koh·vaʽʹ (kung minsan ay qoh·vaʽʹ), samantalang ang terminong Griego naman ay pe·ri·ke·pha·laiʹa, literal na nangangahulugang “sa palibot ng ulo.”—1Sa 17:5, 38; Efe 6:17.
Noong una, malamang na yari sa katad ang mga helmet ng mga Israelita. Nang maglaon, binalutan ang mga ito ng tanso o bakal at isinusuot sa ibabaw ng gorang lana, piyeltro, o katad. Ang mga helmet na tanso ay ginagamit na sa Israel noon pa mang mga araw ni Haring Saul. (1Sa 17:38) Bagaman maaaring noong una ay para lamang sa mga hari at iba pang mga lider ang mga helmet, nang maglaon ay ginamit na rin ito ng karamihan, anupat naglaan si Uzias ng mga helmet para sa kaniyang buong hukbo.—2Cr 26:14.
Ang mga Filisteo ay may mga helmet na metal, anupat isang helmet na tanso ang isinuot ni Goliat. (1Sa 17:5) Binanggit ni Ezekiel ang mga helmet may kaugnayan sa mga Persiano, mga Etiope, at iba pa.—Eze 27:10; 38:5.
Kutamaya. Isang kasuutan na ginagamit bilang proteksiyon sa panahon ng pagbabaka. Ang kutamaya (sa Heb., shir·yohnʹ o shir·yanʹ) ay isang damit na tela o katad na kinabitan ng daan-daang maliliit at dikit-dikit na piraso ng metal (kahawig ng mga kaliskis ng isda) sa pinakaibabaw nito. Kadalasang nakatakip ito sa dibdib, likod, at mga balikat, bagaman kung minsan ay umaabot ito hanggang sa tuhod o hanggang sa bukung-bukong pa nga.—1Sa 17:5.
Sa mga Hebreo, ang kutamaya ay kalimitang yari sa katad na binalutan ng metal na mga kaliskis o mga lamina. Dahil dito, nagsilbi itong malaking proteksiyon sa isa na may suot nito, bagaman maaari pa rin siyang masugatan sa mga dugtungan ng mga kaliskis o sa mga dako kung saan magkarugtong ang kutamaya at ang iba pang mga bahagi ng baluti. Ito ang dahilan kung bakit si Haring Ahab ay nasugatan at napatay ng isang mambubusog nang ‘matamaan nito ang hari ng Israel sa pagitan ng mga dugtungan at ng kutamaya.’—1Ha 22:34-37.
Pamigkis. Ang pangmilitar na pamigkis noong sinaunang mga panahon ay isang sinturong katad na isinusuot sa baywang o mga balakang. Ito ay may iba’t ibang lapad mula 5 hanggang 15 sentimetro (2 hanggang 6 na pulgada) at kadalasa’y kinakabitan ng mga laminang bakal, pilak, o ginto. Dito nakasabit ang tabak ng mandirigma, at kung minsan ang sinturon ay may suportang strap na pambalikat. (1Sa 18:4; 2Sa 20:8) Ang pagpapaluwag ng pamigkis ay tumutukoy sa pagpapahingalay (1Ha 20:11), samantalang ang pagsusuot naman ng pamigkis sa mga balakang o baywang ay nagpapahiwatig ng pagiging handang kumilos o makipagbaka.—Exo 12:11; 1Ha 18:46; 1Pe 1:13, tlb sa Rbi8.
Mga baluting pambinti. Mga baluting gawa sa maninipis na laminang metal at nakatakip sa binti sa pagitan ng bukung-bukong at ng tuhod. Ang tanging pagtukoy ng Bibliya sa mga ito ay nasa 1 Samuel 17:6, kung saan binabanggit na ang higanteng Filisteong mandirigma na si Goliat na mula sa Gat ay may “mga baluting pambinti [sa Heb., mits·chathʹ] na tanso sa itaas ng kaniyang mga paa.” Posibleng gumamit din ng mga baluting pambinti ang mga Israelita.
Espirituwal na Kagayakang Pandigma. Bagaman ang mga tunay na Kristiyano ay hindi nakikibahagi sa makalamang pakikipagdigma, nasasangkot sila sa isang pakikipagbaka at inihahalintulad sila sa mga kawal. (Fil 2:25; 2Ti 2:3; Flm 2) Ang isang Kristiyano ay may pakikipagbuno “laban sa mga pamahalaan [hindi mga tao na laman at dugo], laban sa mga awtoridad, laban sa mga tagapamahala ng sanlibutan ng kadilimang ito, laban sa balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako.” (Efe 6:12) Yamang ang pisikal na mga sandata at kagayakang pandigma ay walang halaga sa pakikipagbaka laban sa mga espiritu na nakahihigit sa tao, dapat “kunin [ng mga Kristiyano] ang kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos.”—Efe 6:13.
Pinapayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano na ‘bigkisan ng katotohanan ang kanilang mga balakang.’ (Efe 6:14) Kung paanong ang pamigkis ay makapaglalaan ng suporta at proteksiyon sa mga balakang, ang isang Kristiyano ay mapatitibay ng isang di-nagmamaliw na pagmamahal sa katotohanan ng Diyos sa kaniyang determinasyon na manatiling matatag sa kabila ng mga pagsubok.
Kasunod nito, ang isang Kristiyano ay dapat magsuot ng “baluti [sa Ingles, breastplate] ng katuwiran.” (Efe 6:14) Ang literal na baluti ay nagsisilbing proteksiyon para sa mahahalagang sangkap ng katawan, lalo na sa puso. Maliwanag na dahil sa makasalanang hilig ng puso, lalo nang kailangan ng isa ang katuwiran bilang nagsasanggalang na baluti para sa kaniyang makasagisag na puso.—Gen 8:21; Jer 17:9.
Isang bahagi ng espirituwal na kagayakang pandigma ang ‘pagsusuot sa mga paa ng panyapak para sa mabuting balita ng kapayapaan.’ (Efe 6:15) Ang salitang Griego na he·toi·ma·siʹa, isinalin bilang “panyapak,” ay may pangunahing kahulugan na “pagiging handa.” (Tingnan ang Int; NIV; TEV.) Kung ang isang Kristiyano ay laging nakasuot ng panyapak na ito at laging handang maghayag sa iba ng “mabuting balita,” anupat ginagawa ito sa kabila ng mahihirap na kalagayan, makatutulong ito sa kaniya na makapagbata nang may katapatan.
Ang isang prominenteng bahagi ng espirituwal na kagayakang pandigma ay “ang malaking kalasag ng pananampalataya.” Tulad ng isang malaking kalasag na tumatakip sa kalakhang bahagi ng katawan, ang pananampalataya sa Diyos na Jehova at sa kakayahan niyang tuparin ang kaniyang mga pangako ay tutulong sa isang Kristiyano na ‘masugpo ang lahat ng nag-aapoy na mga suligi ng isa na balakyot.” (Efe 6:16; ihambing ang Aw 91:4.) Ang pananampalataya ay tutulong sa isang Kristiyano na malabanan ang mga pagsalakay ng mga balakyot na espiritu, mapaglabanan ang mga tukso ng imoralidad, maiwaksi ang materyalistikong mga pagnanasa, at huwag magpadala sa takot, pag-aalinlangan, o labis na pamimighati.—Gen 39:7-12; Heb 11:15; 13:6; San 1:6; 1Te 4:13.
Kung paanong ang helmet ay nagsisilbing proteksiyon sa ulo ng isang kawal, ipinagsasanggalang din ng “helmet ng kaligtasan” ang mga kakayahang pangkaisipan ng isang Kristiyano laban sa di-makadiyos na mga impluwensiya. (Efe 6:17) Ang pagsusuot ng ‘pag-asa ng kaligtasan bilang helmet’ ay nangangahulugan ng pagtinging “mabuti sa gantimpalang kabayaran,” gaya ng ginawa ni Moises.—1Te 5:8; Heb 11:26.
Kailangang-kailangan ng Kristiyano “ang tabak ng espiritu, samakatuwid nga, ang salita ng Diyos” upang masalag niya ang mga bulaang turo at mga tradisyon ng mga tao at upang maituro niya ang katotohanan at ‘maitiwarik ang mga bagay na matibay ang pagkakatatag.’—Efe 6:17; 2Co 10:4, 5.
[Larawan sa pahina 208]
Kawal na Romano na may dalang kalasag