AHIAS
[Si Jehova ay (Aking) Kapatid].
1. Ang ikalimang binanggit na anak ni Jerameel, na mula sa tribo ni Juda.—1Cr 2:25.
2. Isang ulo ng pamilya sa tribo ni Benjamin. (1Cr 8:6, 7) Ipinapalagay ng ilan na siya rin ang Ahoa sa talata 4.
3. Anak ni Ahitub at apo sa tuhod ni Eli. Naglingkod siya bilang mataas na saserdote sa Shilo noong si Saul ang hari. (1Sa 14:3, 18) Iminumungkahi ng ilan na siya ay kapatid ni Ahimelec o, kung papalitan ng “melec” ang “ias” sa kaniyang pangalan, siya mismo si Ahimelec.—1Sa 22:9.
4. Isa sa makapangyarihang mga lalaki sa hukbo ni David, isang Pelonita.—1Cr 11:36.
5. Isang Levita na inatasang mamahala sa kabang-yaman ng bahay ni Jehova noong panahon ng paghahari ni David.—1Cr 26:20.
6. Anak ni Sisa. Siya at ang kapatid niyang si Elihorep ay mga prinsipeng kalihim ni Solomon.—1Ha 4:2, 3.
7. Isang propeta ni Jehova na naninirahan noon sa Shilo na humula kung paano mahahati ang kaharian ni Solomon. Matapos punitin ni Ahias ang isang bagong kasuutan sa 12 bahagi, binigyan niya si Jeroboam ng 10 piraso at nangako na kung si Jeroboam ay magiging tapat, ipagtatayo siya ni Jehova ng “isang namamalaging sambahayan.” (1Ha 11:29-39; 12:15; 2Cr 10:15) Pagkaraan ng maraming taon ng balakyot na pamamahala, isinugo ni Jeroboam ang kaniyang asawa upang sumangguni kay Ahias may kinalaman sa kalagayan ng kaniyang anak na may sakit. Inihula ng propeta, na noon ay matanda na at bulag, na di-magtatagal ay mamamatay ang bata at na ‘lubos na papalisin ni Jehova ang sambahayan ni Jeroboam, kung paanong inaalis ng isa ang dumi.’ (1Ha 14:2-18; 15:29) Ang “hula ni Ahias,” isa sa mga nakasulat na rekord na kababasahan din ng mga pangyayari kay Solomon, ay nanatili hanggang noong panahong tipunin ni Ezra ang Mga Cronica.—2Cr 9:29.
8. Ama ni Baasa, na nakipagsabuwatan laban kay Nadab at pagkatapos ay ginawa niyang hari ng Israel ang kaniyang sarili; mula sa tribo ni Isacar.—1Ha 15:27, 33; 2Ha 9:9.
9. Isa sa 44 na ulo ng bayan na ang inapo, kung hindi man siya mismo, ay sumama sa pagtatatak sa “mapagkakatiwalaang kaayusan” ni Nehemias upang lumakad sa mga kautusan ni Jehova.—Ne 10:26; 9:38.